Mga Debosyonal noong 2019
Patuloy na Pag-unlad patungo sa Kasal na Pang-walang Hanggan


Patuloy na Pag-unlad patungo sa Kasal na Pang-walang Hanggan

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult • Mayo 5, 2019 • Salt Lake City Tabernacle

[Elder Carl B. Cook]

Nagpapasalamat kami ni Sister Cook na kasama namin kayo ngayong gabi. Dahil sa brodkast na ito, natipon tayo mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kasama ang 99 na bansa at 39 na wika. Marami sa inyo ang pinanonood nang live ang brodkast na ito. Ang iba ay manonood ng rebroadcast dahil sa magkakaibang oras. Nasaan man kayo at saan kayo nanonood ng debosyonal na ito—malugod namin kayong binabati!

Binabati namin lalo na ang mga nagtapos kamakailan sa high school na kasama sa pandaigdigang pagtitipong ito sa unang pagkakataon. Umaasa kami na dadalo kayo, bilang bahagi ng inyong pag-aaral, sa institute at iba pang mga religion class, upang makinabang sa espirituwal na pagkatuto na makukuha ninyo. Ang pagdalo sa mga klase at aktibidad ay mahalagang suporta na tutulong sa inyo na matagumpay na makapaglakbay sa panahong ito ng inyong buhay.

[Sister Lynette H. Cook]

Masaya kami na kasama ang bawat isa sa inyo. Nagbibigay kayo ng inspirasyon sa amin at pinalalakas ang aming pag-asa sa hinaharap. Hinahangaan namin ang pagtugon ninyo sa mga bagay na binigyang-diin ng ating mga propeta at apostol. Ang inyong pakikibahagi nang may pananampalataya sa gawain sa family history, gawaing misyonero, at gawain sa templo—kabilang ang paglilingkod bilang mga ordinance worker—ay nagbibigay ng inspirasyon. Salamat sa inyo at mahal namin kayo.

[Elder Cook]

Magsisimula ako sa pagkukuwento ng tungkol sa karanasan namin ni Sister Cook sa ilang young single adult sa Nairobi, Kenya. Nagkaroon kami sa debosyonal ng tapatang pag-uusap tungkol sa kasal. Tinanong namin ang mga young adult kung ano ang hinahanap nila sa isang taong gusto nilang makasama sa kawalang-hanggan.

Matapos ang ilang sagot, malinaw na nadama ng ilang binata na inaasahan ng ilang kadalagahan na nakatapos sila sa kolehiyo, may kotse, at komportableng tirahan bago magpakasal sa kanila. Ang ilang dalaga, sa kabilang banda, ay nagsabing handa silang maghintay para sa mga bagay na iyon kung masigasig ang mga binata na makamtan ang mga iyon. Maaari silang magtulungan para matamo iyon.

Subukan natin iyan ngayong gabi. Kayong mga binata na nasa edad na para mag-asawa, nasaan man kayo, ay tatanungin ko kayo. Ilan sa inyo ang nakadarama na siya ay masipag na lalaki na may mabuting pagkatao, malakas na patotoo at espirituwalidad, pero sa pakiwari niya ay hindi pa siya gaanong handa sa aspetong temporal para mapasaya ang babaeng pakakasalan? Itaas ang inyong mga kamay. Itaas n’yo pa!

Ngayon kayong mga kadalagahan. Ilan sa inyo ang handang maghintay para sa mga pagpapalang temporal sa pag-aasawa habang natututo at umuunlad kayo kasama ang isang lalaking masipag na mahal ninyo, isang lalaking may mabuting pagkatao, may malakas na patotoo at espirituwalidad? Itaas ang inyong mga kamay. Itaas n’yo pa!

Kung nakamasid kayo at nakakita ng isang taong nakataas ang kamay at interesado kayo, alam n’yo na …

Sa Nairobi, nagbahagi ako ng pahayag mula sa Handbook 2 na nagpapaliwanag na, “Ang likas na katangian ng mga lalaki at babaeng espiritu ay ginagawang nilang ganap ang isa’t isa. Ang kalalakihan at kababaihan ay nilayong umunlad nang magkasama patungo sa kadakilaan.”1

lalaki at babae na nagha-hike nang magkasama

Isang binata ang tumayo at masayang nagsabi, “Maganda po iyan! Naisip ko na sa halip na hilingin sa isang tao na pakasalan ako, itatanong ko sa kanya kung gusto niyang umunlad na kasama ako!”

Katunayan, sa aking palagay maraming karunungan sa ideya ng binatang ito. Ayon sa kawikaan ng mga taga Africa, “Kung gusto ninyong makarating nang mabilis, lumakad nang mag-isa. Kung gusto ninyo malayo ang marating, lumakad nang magkasama.” Oo, idaragdag ko, “Lumakad nang magkasama, at sa tulong ng Panginoon maaari kayong umunlad nang magkasama at magawang ganap ang isa’t isa.”

Sa matematika, ang isa dagdagan ng isa ay dalawa. Ngunit kung nagkakaisa ang dalawang tao, ang isa dagdagan ng isa ay mahigit pa sa dalawa! At kung bahagi ang Panginoon sa equation, ang total ay walang katapusan at walang hanggan!

Tulad ng iniisip ninyo, pag-uusapan natin ngayong gabi ang tungkol sa kasal—sa medyo kakaibang paraan. Pag-uusapan natin ang tungkol sa pag-unlad patungo sa kasal na walang hanggan. At lahat ay kasama, pati kami ni Sister Cook. May-asawa o walang asawa at anuman ang edad, lahat tayo ay maaaring umunlad mula sa kung nasaan tayo sa kasalukuyan.

Ang kasal na walang hanggan ay pinakamataas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kinabibilangan ito ng isang lalaki at isang babae na ibinuklod sa templo at ang kanilang kasal ay naibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng ordenansang ito ng priesthood matatanggap natin ang pagpapala na patuloy na mamuhay bilang mag-asawa, magkasama sa kawalang-hanggan pagkatapos ng kamatayan.2

Hinahangad natin ang mga ugnayang pang-walang-hanggan. Sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang pinakadakilang hangarin ng puso ng tao ay ang kasal na [magpapatuloy] hanggang sa kabilang-buhay.”3

magkahawak ang kamay sa labas ng templo

Ang kasal na walang hanggan ay posible sa bawat isa sa atin. Kahit lahat ng hirap ay naranasan ng mga anak ng ating Ama sa Langit, ang kasal na walang hanggan ay posible sa Kanyang walang hanggang plano. “Walang sinuman [ang] nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti [sa] lahat ng mayroon ang Ama [na nilayon Niya] para sa Kanyang mga anak.”4 Kung tapat tayo, pinangakuan tayo na matatamo natin ang lahat ng mayroon ang ating mga Magulang sa Langit, pati ang kasal na walang hanggan na tunay na pagsasamahan. Lahat ng nakarinig sa mensaheng ito ay tatanggap ng ipinangakong pagpapalang iyan.

Dahil “ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa walang hanggang plano [ng Diyos],”5 ang kaaway at kanyang mga kampon ay kinakalaban ito, at patuloy na tumitindi ang labanan. Hindi kailanman mararanasan ni Satanas ang kasal na walang hanggan, at ayon sa banal na kasulatan, “hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”6 “Ang matandang ahas, … na naghimagsik laban sa Diyos, … ay nakidigma sa mga banal ng Diyos.”7

Ano ang pakikidigmang ginagawa ni Satanas laban sa kasal na walang hanggan? Pag-isipan ang mga sumusunod: Kapag tayo, na mga pinagtipanang anak ng Diyos, ay naghahangad ng pagmamahal, nag-uudyok ang kaaway ng pagnanasa. Kapag naghahangad tayo ng kabutihan, kinukutya niya ang kadalisayan. Kapag naghahangad tayo ng kabanalan, nag-uudyok siya ng kasamaan. Kapag nagkakasala tayo, pinahihina niya ang loob natin para hindi tayo magsisi.

hinahangad natin ang pagmamahal
inuudyok ng kaaway ang pagnanasa
hinahangad natin ang kabutihan
kinukutya ng kaaway ang kadalisayan
hinahangad natin ang kabanalan
itinataguyod ng kaaway ang kasamaan
nagkakasala tayo
nagpapahina ng loob ang kaaway

Gumawa siya ng isang virtual tsunami na wawasak at makakaapekto sa buong mundo: pornograpiya, kataksilan, panglalait mula sa mga tao na nasa “isang malaki at maluwang na gusali,”8 indibidualismo, kawalan ng katapatan, at wasak na pamilya, at marami pang iba. Kahit makaiwas tayo sa ilan sa mga makamundong impluwensya, ang kaginhawahan ay maaaring maging dahilan para maging kampante tayo at mahadlangan ang ating pag-unlad patungo sa kasal na walang hanggan.

Ngunit kung nagtitiwala tayo sa Diyos, nananampalataya, at pumupunta sa mas mataas na lugar, mapaglalabanan natin ang masasamang impluwensyang ito na dumarating sa pamamagitan ng teknolohiya, makamundong libangan, social media, at kung minsan sa nakalulungkot na mga sitwasyon na nasaksihan natin sa ating mga kapamilya at kaibigan.

Maraming taon na ang nakaraan, nagsabi sa amin ng isang tapat na binata na nadismaya siya sa posibilidad ng pagkakaroon ng masayang buhay may-asawa. Hindi lamang ang kanyang mga magulang ang nagdisborsiyo, kundi ang lahat ng tiya at tiyo niya sa magkabilang partido ng kanyang pamilya. Sinabi niya na hindi pa siya kailanman personal na nakakita ng masayang pagsasama ng mag-asawa. Gayunman, sa tulong ng Panginoon, nadaig niya ang kanyang takot at ikinasal sa templo. Silang mag-asawa ay masayang nagsasama at nagkaroon ng limang magagandang anak.

Bilang mga pinagtipanang anak ng Diyos, maitataas natin ang ating mga ulo at matatanaw ang ating hinaharap nang may pananamplataya at kumpiyansa. Nadaig ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang sanlibutan at nagdusa para sa ating mga kasalanan, at naglaan Siya ng paraan para tayo ay sumulong at umunlad.

Tulad ng nasasaksihan nating lahat, nakabukas ang kalangitan, at dumadaloy ang paghahayag sa pamamagitan ng ating mga propeta at apostol upang matulungan tayo na mapaglabanan ang kaaway. Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang puwersa—tayo, na Kanyang mga pinagtipanang anak—sa ligtas na kapaligiran kung saan maitatatag natin ang kasal at pamilyang walang hanggan, kahit tumitindi ang kasamaan sa mundo.

Kaya, ano ang magagawa ninyo nang personal para mapaglabanan ang mga impluwensya ng kaaway? Paano ninyo mapipigilan ang tumitinding negatibong pahayag tungkol sa kasal? Paano ninyo madaraig ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at maipagpapatuloy ang pag-unlad patungo sa masaya at walang hanggang kasal at pamilya? Simple lang ang sagot. Ipamuhay ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo, gamitin ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, maghanda sa Kanyang pagbabalik, at tulungan ang iba na magawa rin ito.

Kayo na mga ikinasal na ay maaaring manguna sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga tahanang nakasentro sa ebanghelyo at pagsasalita ng positibo tungkol sa pag-aasawa sa inyong mga kapatid na binata at dalaga na sumusulong sa landas ng tipan.

Magandang Balita

Ngayong gabi, ibabahagi namin sa inyo ni Sister Cook ang ilang magandang balita tungkol sa pag-aasawa. At marami pa ito!

Gusto muna naming ibahagi sa inyo ang tunay na nadarama namin at ang aming matibay na patotoo na ang masaya at matagumpay na buhay may-asawa at pamilya ay maaaring maitatag ngayon, ng mga di-perpektong tao na gaya natin, kung itatatag natin ang mga ito sa pananampalataya sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at Kanyang Pagbabayad-sala; panalangin; pagsisisi; pagpapatawad; pagmamahal; katapatan; pagkakaisa; at mga tipan sa templo.9

Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Bawat pagsasama ay nagsisimula sa dalawang tao na may mga kapintasan. [Kabilang] dito ang dalawang taong hindi perpekto. Ang kaligayahan ay darating lamang sa kanila sa pamamagitan ng kanilang masigasig na pagsisikap.”10 Ang paghahangad ng kasal na walang hanggan ay hindi kaswal o natatamo nang walang pagsisikap. Ito ay habambuhay na paglalakbay na nangangailangan ng kapwa pagpapakumbaba, sigasig, at pagsisikap ng parehong mag-asawang lalaki at babae.

Ang pinakamagandang balita ay dahil sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala naging posible ang patuloy na pag-unlad. Nakaunat ang Kanyang mga bisig sa atin. Kapag sumampalataya tayo sa Kanya, nanalangin, at nagsumigasig, magkakaroon ng mga himala sa ating buhay. Ang mabuting hangarin ay humahantong sa pagkilos, ang pagsisisi ay humahantong sa kapatawaran, ang kahinaan ay nagiging kalakasan, at ang mga bisyo natin ay napapalitan ng kabutihan. Ang mga inaasam at pangarap natin para sa masayang buhay may-asawa ay nagiging realidad kapag napalakas tayo at nagtagumpay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, bilang indibiduwal at mag-asawa, nang paunti-unti.

Pakinggan natin ngayon si Sister Cook. Nagpapasalamat ako para aking mapagkakatiwalaang asawa, alam ko na mahal niya ang Panginoon at tapat siya sa Kanya, at sa akin. Matalik kong kaibigan si Lynette. Siya ang pinakamamahal kong asawa na makakasama ko nang walang hanggan.

[Sister Cook]

Lubos ang pasasalamat ko para sa aking asawa na makaksama ko nang walang hanggan. Siya ay mabait at napaka-matiyaga. Masaya rin kaming magkasama. Nagpapasalamat ako para sa pagpapala na makasama siya sa buhay at sa pag-unlad.

Ngayong gabi, umaasa kami na mapalakas ang inyong pananampalataya upang lahat tayo, anuman ang ating kalagayan at kakulangan, ay umunlad patungo sa pagsasamang walang hanggan. Ikukuwento namin sa inyo ang tungkol sa dalawang ordinaryong mag-asawa na ginagawa iyan. Ang mga mag-asawang ito ay ibinuklod sa templo. Nakipagtipan sila sa isa’t isa at sa Diyos na susundin ang Kanyang mga kautusan at ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Nangako sila na pag-iibayuhin ang pagmamahal at pakikiisa nila sa isa’t isa at sa Diyos.

Habang nagkukuwento ako, pagtuunan ng pansin ang pagsisikap na ginawa nila para magkaroon ng mga katangian ni Cristo, na makatutulong para mapanatili ang walang hanggang pagsasama ng mag-asawa.

Dawie at Elisa

Nakilala namin sina Dawie at Elisa11 ilang taon na ang nakaraan sa South Africa. Ipinakita nila ang kagalakan na nagmumula sa pagkakaisa ng mag-asawa.

Dawie at Elisa Motshweneng
Dawie at Elisa Motshweneng

Noong debosyonal para sa branch tungkol sa pagpapalakas ng mga pamilya, itinanong ni Elder Cook sa grupo kung ano ang ginawa nila para mapatibay ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ibinahagi ni Dawie ang isang karanasan niya sa kanyang asawa. Nag-almusal sila isang Linggo ng umaga. Pagkatapos, dahil malayo ang tirahan nila sa meetinghouse, naglakad sila nang dalawang oras papunta sa simbahan, nakibahagi sa tatlong oras na pulong, at naglakad ng dalawa pang oras pauwi. Sila ay pagod at gutom, at wala silang pagkain. Kalaunan natulog sila nang gutom.

Sa kalagitnaan ng gabi, pareho silang nagising, kumukulo ang kanilang tiyan sa gutom. Napakalungkot ni Dawie dahil wala siyang maibigay na pagkain kay Elisa. Nag-alala siya sa iisipin nito tungkol sa kanya. Ngunit sa halip na malungkot o magalit, biniro siya ni Elisa sa nakatutuwang ingay na nagmumula sa kanyang tiyan. Nagtawanan sila at nakatulog muli kalaunan.

Sa debosyonal, inihayag ni Dawie ang kanyang pasasalamat para sa kabutihan, suporta, at katapatan ng kanyang asawa. Sinabi niya, “Maaaring sanang iniwan na niya ako. Responsibilidad ko na suportahan siya. Pero magkatulad kami.”

Nang hilingin kay Elisa na magbahagi ng tungkol sa karanasang ito, sinabi niya, “Siya ay matalik kong kaibigan. Marami siyang ginawa para sa akin. Kapag may mga problema ako sa mga katrabaho ko, pinapayuhan niya ako at tinutulungan na bumuti ang aking pakiramdam.”

Malinaw na nagtutulungan sina Dawie at Elisa nang magkasama para malutas ang mga problema. Sa mga salita ni Dawie, sila ay “magkatulad.” Ang di-pagkakaroon ng pagkain ay hindi problema “ni Dawie” o problema “ni Elisa” kundi problema “nila.” Hindi nila itinuring na malaking problema sa pagsasama ng mag-asawa ang kawalan ng pagkain kundi isang pansamantalang problema na malulutas nila nang magkasama. Nagpatawa sila para mapagaan ang sitwasyon. Natulog sila nang may pananampalataya, na umaasang mas mapagbubuti nila ang kanilang kalagayan sa susunod na araw.

Hindi lamang tapat sa isa’t isa sina Dawie at Elisa, tapat din sila sa Diyos. Nagtitiwala sila na kung susundin nila ang Kanyang mga kautusan, tutulungan Niya sila na malutas ang kanilang mga problema. At nasisiyahan sila sa paglalakbay sa buhay nang magkasama bilang mag-asawa. Hindi nila tinutulutan na magkahiwalay sila sa pisikal, emosyonal, o espirituwal dahil sa mga problema o pagsubok.12

Kamakailan ay sinabi sa amin nina Dawie at Elisa na pinagpapala sila ng Panginoon. Marami na silang pagkain ngayon hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi may sapat din sila para magbigay sa ibang nangangailangan.13 Sila ay magkasamang umuunlad.

Itinuro sa atin ni Pangulong Nelson kung paano tayo uunlad bilang mag-asawa.14

Nate at Lexi (Pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala)

Kasunod na ikukuwento ko sa inyo ang tungkol kina Nate at Lexi.15 Sila ay halimbawa ng lakas na nagmumula sa pagsasama ng mag-asawa na kapwa nananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Nate at Lexi Baldwin

Nagpakasal sina Nate at Lexi at sabik na magkaroon ng anak. Pagkatapos ng ilang buwang paghihintay, nagdalang-tao si Lexi. Masaya nilang ibinalita ito. Ang malungkot, hindi pa natatagalan, nakunan si Lexi. Napakalungkot nila.

Paglipas ng ilan pang mga buwan, muling nagdalang-tao si Lexi. Maayos ang pagdadalang-tao sa pagkakataong ito. Bago isilang ang sanggol, dumalo ako sa isang kasiyahan kasama si Lexi. Lahat, pati si Lexi, ay nasasabik sa nalalapit na pagsilang ng kanilang anak na babae.

Pagkatapos niyon, nalungkot kami nang mabalitaan namin na namatay ang kanilang anak. Patay na nang isilang ni Lexi ang kanilang munting anak sa delivery room na puno ng mga ina at mga sanggol. Napakalungkot na balita ito. Dinalaw namin ni Elder Cook sina Nate at Lexi sa kanilang tahanan. Inakala namin na makikita namin sila na labis na nagdadalamhati.

Nate, Leki, at Hope Baldwin

Nang pumasok kami sa kanilang tahanan, kapayapaan ang nadama namin. Magiliw kaming pinapasok nina Nate at Lexi. Magkatabi silang nakaupo sa sopa at hawak ang isa’t isa habang ikinukuwento nila sa amin ang ilang detalye sa pagpanaw ng kanilang anak. Ibinahagi nila sa amin ang tungkol sa magiliw na awa na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon para mapagaan ang kanilang pasanin. Nagpasalamat sila para sa kanilang magandang anak, na pinangalanan nilang Hope. Nagpasalamat si Lexi para sa pagkakataong maging anak si Hope at magsilang.

Nainspirasyunan kami ng pananampalataya nina Nate at Lexi. Napanatag kami ng batang mag-asawang ito. Sinabi ko sa kanila na isang himala kung paano nila nakayanan ang pagsubok na ito. Tumugon sila na kapwa nagpapatotoo sa nagpapatibay at nagpapalakas na kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Mabigat ang kanilang pasanin, ngunit tinulungan Niya sila na makayanan ito. Mahal sila ng Panginoon, at mahal nina Nate at Lexi ang isa’t isa. Sila ay kaisa ng Diyos at nagkakaisa sila.

Sa tulong ng Panginoon, maaari tayong mapagkaisa ng mga pagsubok. Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Kung wala ang Diyos, ang mahihirap na karanasang ito ay mauuwi sa kawalan ng pag-asa, pagkasiphayo, at maging sa pagkapoot. Sa Diyos, ang kapanatagan ang kapalit ng pasakit, kapayapaan ang kapalit ng kaguluhan, at pag-asa ang kapalit ng kalungkutan.”16

Umaasa kami na makakatulong ang mga kuwentong ito para mapalakas ang inyong pananampalataya sa kasal. Mahirap ang buhay, ngunit lahat tayo ay maaaring umunlad patungo sa kasal na walang hanggan kapag ipinamuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

[Elder Cook]

Bukod pa sa mga mag-asawa na itinampok namin, maraming pang iba, sa lahat ng panig ng mundo, ang may masaya at tumitibay na pagsasama. Nakikilala namin ang mga mag-asawang ito saanman kami magpunta. Kabilang sa kanila ang mga tao sa anumang edad at pinagmulan. Inaanyayahan namin kayo na tukuyin ang ilan sa mga mag-asawang personal ninyong kilala. Pagmasdan sila; kausapin sila; magtanong sa kanila. Hindi sila perpekto, ngunit matututo kayo sa kanila. Makatutulong sila na mapalakas ang inyong pananampalataya sa walang hanggang katangian ng kasal at mahihikayat kayo na magkaroon ng mga katangian ni Cristo na magpapala sa inyo at sa inyong asawa magpakailanman!

Mga Balakid

Dahil nabubuhay tayo sa mundong puno ng kasamaan, kailangang harapin natin ang mga balakid—pati sa ating mga pakikipag-ugnayan. Magbabanggit ako ng ilang balakid na maaaring naranasan ninyo habang nagsisikap kayong umunlad pasulong tungo sa kasal na walang hanggan.

Mga Makatotohanang Inaasahan

Ang isang karaniwang balakid sa pag-aasawa ay ang pagkakaroon ng di-makatotohanang inaasahan sa taong pakakasalan ninyo. Ang mga inaasahan natin ay hindi dapat napakataas o napakababa. Kapag hayagan at tapat tayong nakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, nang may tunay na layunin, gagabayan Niya tayo.

Pagiging Kampante

Ang pagiging kampante ay madalas na balakid sa kasal na walang hanggan. Madaling maaakay patungo sa mahalay na katiwasayan ang pamumuhay na sarili lamang ang iniisip at walang gaanong responsibilidad. Maaari tayong maging kampante sa ating buhay at walang pagsusumigasig na umunlad. Ang damdaming ito ay salungat sa plano ng ating Ama sa Langit. Ang buong layunin ng karanasan sa buhay na ito ay maging katulad Niya. Hindi tayo magiging katulad Niya kung hindi tayo handang sumulong, magbago, at umunlad. Kung nagiging kampante na kayo, manalangin at manampalataya na makawala at umunlad pasulong tungo sa kasal na walang hanggan. Matutulungan kayo ng Ama sa Langit na malaman kung ano ang gagawin ninyo para umunlad sa inyong kalagayan, at pagpapalain Niya kayo.

Teknolohiya at Media

Ang huli, isa sa malaking problema at balakid sa ating panahon ay ang hindi tamang paggamit o sobrang paggamit ng teknolohiya at media. Nakapipinsala ito sa indibiduwal at nakahahadlang sa pakikipag-ugnayan, kapwa sa pagdedeyt at pag-aasawa. Kung mas ginagawa ninyo ang online na pagpi-pin, pagpo-post, pagse-stream, pagshu-shoot, pagla-like, paglalaro, pagkapanalo, pakikipaglaban, pagti-tweet, pagsa-snap, at pagsa-swipe kaysa sa personal na pakikipag-ugnayan sa isang tao, pag-uusap, pagtatawanan, pagkukuwentuhan, pagtutulungan, paglalakad, pagtatanong, pag-aaral, pagmamalasakit, at pagbibigay, marahil ay nakasasagabal sa inyo ang teknolohiya at media sa pag-unlad patungo sa tunay na kagalakan ng kasal na walang hanggan. Ang pakikipag-ugnayan sa internet ay hindi angkop na maihahalili sa pakikipag-ugnayan sa tao—pakikipag-ugnayan sa totoong tao sa totoong panahon.

Binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng pag-switch off ng mga cellphone at pagsasantabi ng mga ito. Sinabi niya, “Napakahalaga ng makabuluhang oras na magkasama! Kailangan ng mag-asawa ng oras para mapatatag ang kanilang pagsasama. Kailangan nilang matutong makinig, at makinig para matuto sa isa’t isa. Ang oras na iyan ay dapat planuhin nang maaga. Kung ang masayang buhay may-asawa ay napakahalaga, marapat itong pag-ukulan ng pansin at pahalagahan.”17 Ang mga gawi natin sa paggamit ng teknolohiya sa mga panahong single adult tayo ay magpapatuloy sa ating buhay may-asawa.

Kaya Ninyong Gawin Ito

Mga kapatid, sa tulong ng Panginoonm madaraig ninyo ang anumang balakid na makakaharap ninyo. Nasaan man kayo sa landas ng tipan, na humahantong sa kasal na walang hanggan, tutulungan kayo ng Panginoon na umunlad upang matahak ninyo ang landas kasama—ang taong mahal ninyo. Kayo man ay single adult na wala pang nakikitang pakakasalan, magulo ang pagsasama, diborsyado na may mga anak, nagsisikap na madaig ang adiksyon, mayroong karamdaman, o pinanghihinaan ng loob sa anumang paraan, ang nakapagpapagaling na balsamo ng Panginoon ay bubuuin, pagagalingin, at palalakasin kayo. Kapag nanampalataya kayo sa Kanya, nagsisi ng inyong mga kasalanan, at ginamit ang Kanyang kapangyarihan para matulungan kayo na umunlad, nagkakaroon ng mga himala.

Ang mga halimbawa sa Aklat ni Mormon ay nagpapalakas ng ating pananampalataya. Gusto ko ang kuwentong inutusan si Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat. Hindi pa siya kailanman nakagawa ng sasakyang-dagat, at siya ay nasa ilang. Maaari nating ihalintulad ang kanyang kalagayan sa ating gawaing magpakasal para sa kawalang-hanggan sa daigdig na ito na kung minsan ay tila katulad ng isang ilang.

gumagawa si Nephi ng sasakyang-dagat

Sinabi ni Nephi tungkol sa kanyang karanasan, “At kung mangyayari na ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos sa kanila.”18

Si Nephi ay nanampalataya, masigasig na kumilos, at binigyan siya ng kakayahan ng Panginoon na magawa ang sasakyang-dagat—isang sasakyang-dagat na nagdala sa kanya at sa kanyang asawa at pamilya patawid sa karagatan patungo sa lupang pangako.19

Kung nakaya ni Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat sa tulong ng Panginoon, tiyak na magagawa nating makasal para sa kawalang-hanggan sa tulong Niya. Katunayan, ang pagbuo ng isang pamilya ay mas mahirap kaysa paggawa ng sasakyang-dagat, ngunit magagawa natin! Hindi ba, Sister Cook?

Sino ang Inyong Pakakasalan?

Kaya, sa inyong mga single adult, sino ang inyong pakakasalan? Maraming maipapayo sa kung sino ang maaaring tamang tao na pakakasalan. Noong binatilyo pa ako, ang payo ng ama ko ay, “Anak, magpakasal dahil sa pera, at darating ang pag-ibig.” Ang payo ng ina ko ay, “Magpakasal dahil sa pag-ibig, at darating ang pera.” Kalaunan, itinuro sa akin ng mission president ko20, “Magpakasal para sa kawalang-hanggan.”

pagpapakasal para sa pera
pagpapakasal para sa pag-ibig
pagpapakasal nang walang hanggan

Ang kasal na walang hanggan ay pakikipagpartner sa Diyos, at mahalagang hingin ang Kanyang payo hinggil sa kung sino ang pakakasalan. Hindi natin pinipili ang ating mapapangasawa batay sa salapi o ari-arian at hindi rin batay sa pag-ibig lamang. Hangad natin ang kasal na walang hanggan.

Nagpapasalamat ako sa mga turo ng aking mission president. Nagpapasalamat din ako sa ipinayo niya sa akin habang naghahanda akong umuwi. Sinabi niya na dapat akong patuloy na umunlad patungo sa aking mga mithiing pang-walang-hanggan. Ipinayo niya na maghanda ako sa pag-aasawa at huwag ipagpaliban kapag dumating ang tamang pagkakataon.

Mga Inirereto

Kahit napakabuti ng inyong hangarin, hindi palaging madali na maghanap ng taong makakasama sa kawalang-hanggan. Madalas, kailangan dito ang matinding pagsisikap. Noong unang taon ko pagkauwi mula sa misyon, may nakilala akong mga dalaga sa paaralan, institute, trabaho, at sa simbahan. Idineyt ko ang ilan nang isang beses, ang iba ay dalawang beses, ngunit wala sa mga idineyt ko ang humantong nang higit pa sa pagkakaibigan. Kailangan ko ng tulong, kaya’t kinontak ko ang isang mapagkakatiwalang missionary companion ko noon, si Mark Allred, na nakatira sa kabilang bahagi ng bayan. Itinanong ko kung sino ang mairereto niya sa akin—isang taong maidedeyt ko.

Elder Cook at Elder Allred

Kilala ako ni Mark, at inisip niya ang mga kilala niyang babae. Matapos makapag-isip, ibinigay niya ang pangalang Lynette Hansen. Naisip niya na bagay kami at matutuwa kami na kasama ang isa’t isa, kaya kinontak ko siya. Tama si Mark! Siya ay kahanga-hanga, o isang diamond, referral. Si Mark ay nabigyan ng inspirasyon.

Elder at Sister Cook

Sa inyo na wala pang asawa, alam ko na maraming paraan para makahanap kayo ng makakasama sa kawalang-hanggan, at may ilang paraan na tiyak na mas mabuti kaysa sa iba. Maghanap ng mapapangasawa sa mga lugar kung saan malamang na makakita kayo ng makakasama sa kawalang-hanggan. Asawa na makakasama sa kawalang-hanggan—hindi ako magmamalabis dito.

Pag-isipang humingi ng mairereto sa inyo sa isang kakilala at mapagkakatiwalaang tao. Mayroon ba kayong missionary companion noon, matapat na kaklase, mabuting kaibigan mula sa dating ninyong ward? Isang taong nakikilala kayo? Ano kaya kung humingi kayo ng mairereto niya sa inyo?

Kung may inireto sa inyo, manampalataya, kontakin ang taong iyon, at makipagdeyt. Tiyak na may ilang inireto sa inyo na hindi umubra, ngunit mayroong mga inireto na nagpapabago ng buhay. Naniniwala ako na kapag nanampalataya tayo, umasa, at isinama ang Ama sa Langit, mabubuting bagay ang mangyayari.

Pag-unlad nang Magkasama

Nang magsimula kaming magdeyt ni Lynette, natutuwa kaming kasama ang isa’t isa. Madalas kaming magkita, at tumibay ang aming pagkakaibigan sa araw-araw. Magkaiba kami sa ilang bagay, ngunit magkasundo kami sa lahat ng mahahalagang bagay. Nagkagustuhan kami, at kalaunan dumating ang oras na nadama naming kailangan naming magpasiya. Magpapakasal ba kami at uunlad nang magkasama? O kakalimutan ang isa’t isa?

Sinuri namin ang mga realidad sa pag-aasawa. Saan kami titira? Paano kami mabubuhay nang malayo sa aming mga magulang? Ito na ba ang tamang panahon? Nagdasal kami nang magkasama tungkol sa lahat ng aming alalahanin. Pareho naming nadama na malulugod ang Ama sa Langit kung magpapakasal kami. Nadama namin na tutulungan Niya kami na madaig ang mga balakid na kinakaharap namin.

Elder at Sister Cook

Halos lahat ng ito ay nangyari sa isang semester sa paaralan. Magaling na estudyante si Lynette at madalas nasa silid-aklatan para mag-aral. Pumupunta rin ako roon—para makita siya. Tumaas ang mga grado ko, at bumaba ang kay Lynette. Totoo ito! Ngunit aminado kami na iyon ang pinakamagandang semester namin. Bakit kaya? Bukod sa kaligayahang nadama namin kapag magkasama kami, umuunlad kami patungo sa iisang mithiin. Nadama naming nagkakasundo kami at nakaayon kami sa Diyos, at maganda ito sa pakiramdam. Lumakas ang aming pananampalataya. Nadama namin na sa tulong ng Panginoon, makakayanan namin ang anumang bagay. Napuspos kami ng kagalakan.

Nabuklod kami sa Ogden Utah Temple. Nangyari iyan halos 40 taon na ang nakalipas. Natuklasan namin sa aming sarili na malaki ang posibilidad na lumigaya ang tao sa pag-aasawa kaysa sa iba pang pakikipag-ugnayan ng tao.21 Dahil plano ito ng Diyos.

Kasal nina Elder at Sister Cook

Marami tayong napag-usapan ngayong gabi. Umaasa kami na ang doktrinang ibinahagi namin sa inyo ay tumimo sa inyong kaluluwa at makatulong sa pag-unlad ninyo sa pagtahak sa landas ng tipan patungo sa kasal na walang hanggan. Umaasa kami na ang mga halimbawang ibinahagi namin tungkol sa masayang pagsasama ng mag-asawa ay magpalakas ng inyong pananampalataya at na bumulong sa inyo ang Espiritu ng isang bagay na magagawa ninyo para umunlad. Marahil para sa ilan sa inyo, bumulong ang Espiritu kung sino makakasama ninyo sa pag-unlad!

Sa inyo na ginagawa ang nararapat para matamo ang kasal na walang hanggan ngunit tila walang nangyayari—kayo man sa kasalukuyan ay walang asawa o may-asawa na kaunti ang pag-unlad—dalangin namin na manatili kayong positibo at gawin ang lahat ng inyong makakaya, makibahagi sa gawain ng Panginoon, at mamuhay nang masaya. Sinabi ni Pangulong Nelson, “Alam natin na hahatulan ng Panginoon ang bawat isa sa atin alinsunod sa mga hangarin ng ating puso, gayundin sa ating mga gawa, at ang pagpapala ng kadakilaan ay ibibigay sa lahat ng karapat-dapat.”22 Maging tapat at magpatuloy sa paglakad. Lahat ng pagpapala ay mapapasainyo ayon sa panahon ng Panginoon. Alam ko na totoo ito.

Mga kapatid, ang malaking pagkakataon natin ay ang magpatuloy sa pag-unlad—bumuo at patatagin ang selestiyal na kasal at pamilyang walang hanggan sa tulong ng Panginoon. Pinatototohanan ko na si Jesus ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Sa pamamagitan Niya, mapapalakas tayo para magawa ang lahat ng bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit. At nawa’y mapasainyo ang Kanyang mga biyaya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.