Mga Debosyonal noong 2020
11christofferson


2:3

Tutulungan Tayo ng Panginoon na Itayo ang Kanyang Kaharian

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Enero 12, 2020

Salamat koro, sa napakagandang musika. Paborito namin iyan. Salamat sa napakagandang pag-awit. Mahal kong mga kapatid, masayang-masaya ako na makapagsalita sa inyo ngayong gabi. Napagnilayan kong maigi nitong huli ang mga bagay na nagpatatag sa pananampalataya ko sa buong buhay ko. Ang isang bagay na nalaman ko ay na talagang tinutulungan tayo ng ating Ama sa Langit, lalo na kapag sinisikap nating gawin ang lahat para sundin ang Kanyang mga utos at itayo ang Kanyang kaharian dito sa lupa.

Ipinamalas ng propetang si Nephi ang pananampalatayang ito sa buong buhay niya. Bagama’t dumanas siya ng maraming pagdurusa at oposisyon, nanatili siyang matatag at pinasalamatan lagi ang Diyos sa Kanyang mga pagpapala. Sinabi niya ito pagkaraan ng walong taon nilang paggala sa mapanglaw na disyerto:

“Kung … ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos sa kanila; anupa’t siya ay naglaan ng aming ikabubuhay habang kami ay pansamantalang naninirahan sa ilang.”1

Alam kong totoo ang alituntuning ito. Gusto kong magbahagi ng isang kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan. Noong huling bahagi ng 1830s nagtipon ang karamihan sa mga miyembro ng Simbahan sa estado ng Missouri, kung saan nila inasam na itatag ang Sion. Pero noong 1839 sapilitan silang pinaalis sa estado ng mga mandurumog. Wasak ang mga bahay at ninakaw ang mga alagang hayop at mga gamit, naglakbay sila papuntang hilagang-silangan sa Illinois, kung saan nanirahan sila sa latian sa pampang ng Ilog Mississippi. Pinatuyo nila ang latian at nagtatag sila ng isang magandang lungsod na tinawag nilang Nauvoo. Pero nanatili ang negatibong damdamin laban sa Simbahan, at pinaslang si Propetang Joseph Smith kasama ng kanyang kapatid na si Hyrum pagkaraan lamang ng limang taon. Hindi pa man tapos ang kanilang templo, muli silang sapilitang pinaalis noong Pebrero ng 1846, tumakas patawid ng Ilog Mississippi sa gitna ng taglamig. Kasama nila si Benjamin F. Johnson, ang aking kalolo-lolohan, kasama ang kanyang pamilya na kinabibilangan ng maliliit na bata. Inilarawan niya ang panahong iyon sa kanyang talambuhay:

“Ngayo’y narito kami, nagsisimulang maglakbay sa gitna ng taglamig na walang kapera-pera, sa paglalakbay na walang nakakaalam kung gaano kalayo o katagal … na may sapat lamang na dala para mabuhay kami nang mga ilang linggo, at may mahinang kalusugan na sa nakaraang taon o mahigit pa ay lubhang nanganib. Madalas sumakit nang matindi ang tiyan ko, na dahilan kaya kung minsa’y namamawis ako sa bawat butas ng aking balat. … Ito at ang iba pang mga problema sa panunaw ang dahilan para hindi ako makagawa ng mabibigat na gawain. Ang tungkulin pa lamang na alagaan ang mga hayop at iba pang mga tungkulin sa kampo ay tila mabigat na para sa akin. …

“Pagkaraan ng ilang araw sa kampo, nagsimulang dumaing ang ilan dahil sa hirap at kawalan ng makain, pero inangilan sila ni Pangulong Brigham Young na parang leon, at sinabihan sila na lahat ng hindi kayang mabuhay sa nilagang beans at mais, ay dapat magtiwala sa Diyos at magpasalamat sa nakuha nila, o dapat na silang magsimulang bumalik kaagad, sapagkat ang kampo ng mga Banal ay kalunus-lunos na lugar para sa kanila. Dumating ito sa akin bilang salita ng Panginoon, pero ano ang gagawin ko? Sa mahabang panahon, hindi ako makakain ng cornbread o beans, dahil nagdudulot ito sa akin ng matinding sakit ng tiyan. Paano kaya ako patuloy na maglalakbay, samantalang halos lahat ng pagkaing dala namin ay mais at beans? Pakiramdam ko buhay o kamatayan iyon para sa akin.”

Titigil ako rito sa pagkukuwento para sabihin na ilang taon lamang bago iyon, namatay ang kanyang 22-anyos na kapatid dahil sa ganito ring mga problema sa tiyan, kaya malamang ay hindi pagmamalabis ang takot niya. Pagpapatuloy pa niya:

“Kinausap ko ang pamilya ko tungkol dito. Sinabi ko sa kanila na naroon ako para magtiwala sa Panginoon, at kung hindi namin Siya kasama, tiyak na wala Siya sa aming likuran, at hindi ako dapat bumalik. Handa akong kumain ng ganitong mga pagkaing dala namin at pasalamatan ito. At kung pinabayaan kami ng Panginoon ngayon, mas maaga sana kaming namatay na lahat, mas mabuti, dahil hindi namin maaalagaan ang sarili namin o mapoprotektahan ang buhay namin sa paglalakbay na ito.”

Pagkaraan ng isang buwan, isinulat niya ito sa kanyang journal:

“Ang beans at mais na hindi ko makain dati, gustung-gusto ko nang kainin, at mula noo’y hindi na nito pinasakit ang tiyan ko sa aming paglalakbay. Nasabi ko sa Panginoon ang nasabi ng Kanyang lingkod, na sa tulong Niya ay tutuparin ko ang bawat kinakailangan, at kung kalooban Niya na dapat akong maging Kanyang lingkod, kailangan Niyang ipatanggap ang kinakain ko sa tiyan ko, na alam kong ginawa Niya.”

Ang pananampalataya ng aking mga ninuno at ang halimbawa ng mga propeta ay nagpalakas sa akin sa buhay ko at nakatulong sa akin na magtiwala sa Panginoon, kahit sa mahihirap na panahon. Naaalala ko noong bagong kasal pa lang kami, noong gipit na gipit kami sa pera. Nagkaroon kami ng dalawang maliliit na anak sa loob ng tatlong taon na nasa graduate school si Elder Christofferson. Nagpasiya kami na kapag nagsimula na kaming bumuo ng pamilya, hindi ako magtatrabaho sa labas ng tahanan, kaya sinikap kong gawin ang makakaya ko sa bahay upang kumita ng kaunting pera para makasuporta sa amin. Nagkaroon din ng ilang part-time job at summer employment ang asawa ko, na naglaan ng malaking bahagi ng aming kita. Gayunpaman, hindi pa rin sapat iyon. Ang bukambibig namin noon ay kung hindi iyon pagkain, renta, o gasolina para sa lumang kotse namin, hindi namin kailangang bilhin iyon.

Isang araw ng Linggo ilang buwan lamang bago ang graduation ni Elder Christofferson, naglahad ang bishop namin ng isang building fund plan para ma-renovate ang lumang chapel namin. Kakailanganing mag-ambag ang bawat pamilya para mabayaran ang assessment ng mga gastusin. Wala na tayong mga building fund assessment, pero noong mga panahong iyon ay tumutulong ang mga ward at stake na mabayaran ang bahagi ng mga gastusin sa pagtatayo o pagre-renovate ng mga chapel, bukod pa sa mga donasyon, na binayaran din namin.

Tulad ng iba pang mga miyembro ng ward, pinag-usapan namin ng bishop kung magkano ang maibibigay namin batay sa aming kita. Hindi kalakihan ang iminungkahing assessment namin, pero kakaunti ang perang natira sa amin. Ipinalagay ng ilang graduate student na nasa aming sitwasyon at malapit nang umalis na hindi makatarungang magbigay sa building fund dahil wala na sila kapag natapos ang mga renobasyon. Gayunpaman, nagpasiya kaming magbigay ng donasyon sa building fund, kahit hindi namin alam kung paano kami makakaraos hanggang sa katapusan ng school year. Ngayon, maaari ninyong isipin na puwede naman naming ilabas ang aming credit card at i-charge ang buwanang mga gastusin namin at unti-unting bayaran ang mga iyon, pero iba ang panahon namin noon. Noong mga panahong iyon ay hindi ka makakakuha ng credit card kung wala kang patunay na may full-time job ka, at dapat ay malaki ang kita mo. Kaya hindi kami makakuha ng credit card. Mukhang malupit iyon, pero ang mas mahigpit na patakaran sa kung sino ang makakakuha ng credit card ngayon ay maaaring makapagligtas sa maraming tao mula sa mga problema sa utang na nararanasan nila ngayon.

Gayunman, ilang linggo lamang pagkatapos niyon ay nasa kotse kami pababa sa isang tahimik na daan isang gabi at tumigil kami sa isang stop sign. Sa sandaling iyon narinig namin sa gawing likuran ang malakas na ingit ng preno, at tinamaan ang likuran ng lumang kotse namin. Lumabas si Elder Christofferson para magsiyasat habang nasa loob ako ng kotse. Pagkaraan ng ilang sandali, bumalik siya sa kotse, at tinanong ko siya kung ano ang nangyari. Sinabi niya na ang bumper lang ang nasira. Ang lalaking nakabangga sa amin ay isang traveling salesman at nakatira sa ibang lungsod. Natanto niya na sira ang preno niya pero hindi niya alam na ganoon kalaki ang sira niyon. Kailangan niya ang kotse sa trabaho niya at sana raw ay magawa niyang makipag-areglo na lang sa amin para hindi tumaas ang car insurance niya at hindi na mabigyan ng tiket na babayaran pa niya. Tutal, wala namang nasaktan. Palagay ko medyo mahigpit din ang badyet niya. Kung makakakuha raw kami ng nakasulat na estimate ng magagastos sa pagkumpuni at dadalhin iyon sa kuwarto niya sa motel sa dulo ng bayan, siya mismo ang magbabayad sa amin.

Ngayon, hindi naman ako madaling lokohin. Naisip ko na ang mahal kong asawa na lubos kong pinagkatiwalaan ay medyo nagpaloko sa sitwasyong ito. Talaga bang inisip niya na tutupad sa pangako ang lalaking ito? Ano ang tsansa na hindi kami tatakasan ng lalaking ito? Kaya, kumuha nga ng estimate si Elder Christofferson para sa pagpapakumpuni, at nagpunta nga siya sa motel na iyon at hinanap niya ang lalaki. Sinulatan ng lalaking iyon ang tseke, at alam ninyo? Hindi tumalbog ang tseke!

Narito ang karugtong ng kuwento. Ang halaga sa tsekeng iyon ay halos kapareho ng building fund assessment na binayaran namin. Tiyak na mahihintay naming magkaroon siya ng matatag na trabaho bago maipakumpuni ang kotse, at samantala, maaari naming pagkasyahin ang aming pera, na nagduda kami kung kaya ba naming gawin. Patunay ito sa amin na totoong ang Panginoon, tulad ng sinabi ni Nephi, “[ay] naglalaan ng paraan upang [ating] maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos.”2 Natutuhan ko na kadalasan ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtahak sa dilim, ngunit sa paghakbang natin, alam kong tatanglawan ng Panginoon ang landas sa ating harapan. Nagpapasalamat ako sa isang mapagmahal na Ama sa Langit na nagbabantay at nagmamalasakit sa atin. Alam ko na ito ang Kanyang Simbahan at na ang ating Tagapagligtas ay buhay. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa mga pagpapalang naidulot ng ebanghelyo sa aming buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.