Pagpili at Tapat na Pangako
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Enero 12, 2020
Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit sa pribilehiyong makasama kayong lahat ngayong gabi. At gusto kong pasalamatan ang asawa ko at iendorso ang mga sinabi niya. At espesyal na pasasalamat sa inyo sa kahanga-hangang korong ito. Isa pa silang patunay ng kahalagahan ng Institute. Mahal ko ang Institute. Umaasa ako na lahat kayong may pagkakataon ay hindi lamang nakaenrol, kundi dumadalo at aktibong nakikilahok sa Institute. Isa ito sa mga pinakamainam na ginagawa natin sa Simbahan. Ang kinanta ng koro ilang minuto na ang nakalipas, maaaring alam ng ilan sa inyo, ay isang himnong isinulat ni Pangulong Russell M. Nelson. Kanya ang mga titik, at tulad ninyo ay dama ko sa puso ko ang damdamin at pahayag. At ipinaaabot ko sa inyo ang kanyang pagmamahal at pagbati. Nais ko ring pasalamatan si President Astrid Tuminez at ang pamunuan at mga kawani ng Utah Valley University sa kanilang mainit na pagtanggap sa okasyong ito.
Ilang taon na ang nakalipas, nagkasama kami ni Elder L. Tom Perry sa isang assignment sa New York City. Habang naroon, binisita namin ang makasaysayang sinagoga sa Brooklyn. Ang sinagoga ay kapita-pitagang gusali sa isang pamayanan na naging isa, at isa pa rin siguro, sa mas mararangyang bahagi ng distrito. Mainit kaming binati ng babaeng naglilingkod bilang rabbi ng kongregasyong Jewish Reform doon at inilibot kami sa makasaysayang gusali. Noong kasikatan nito, isa itong magarang istruktura, pero ngayo’y malinaw na kailangan nang ipagawa ito. Sinabi sa amin ng rabbi na nabawasan na ang kanyang kongregasyon at hindi na sapat ang pondo para mapanatili ang sinagoga at mga programa nito, kabilang na ang isang day school.
Habang nag-uusap pa kami, sinabi niya na karaniwan, tapat ang mga young adult sa kanilang pagiging Judio, pero sa kung anong dahilan, atubili silang sumapi at maging tapat na mga miyembro ng sinagoga. Sa kabila niyon, regular nilang iniskedyul ang gusali para sa mga aktibidad. Ito’y lugar ng pagtitipon para sa kanila, at nagbibigay sila ng mga donasyon para makatulong na mabayaran ang mga gastusin sa paggamit ng mga pasilidad, pero iilan ang may gusto o handang maging miyembro ng kongregasyong sumasamba roon.
Tinanong namin ni Elder Perry ang rabbi kung bakit nagkagayon. Napansin niya sa pakikipag-usap niya sa marami sa mga young adult na ito, na karamihan ay walang asawa, na hindi nila inuuna ang relihiyon sa buhay nila. Ang iba ay ayaw talagang maging tapat dito o sa alinmang sinagoga. Inisip ni Elder Perry kung ito ay nagpapakita ng bantog (o di-bantog) na “FOMO”—fear of missing out [takot na mapag-iwanan]—na kapag naging tapat sila rito, baka mapag-iwanan sila sa ibang bagay.
At ito nga ang paksang gusto kong talakayin sa inyo ngayong gabi—pagpili at tapat na pangako.
Pansinin natin sa pagsisimula na ang “takot na mapag-iwanan,” sa isang banda, ay damdamin na tila makatwiran. Hangga’t maaari, gusto nating lahat na maranasan ang pinakamaiinam na bagay at maabot ang pinakamagagandang opsiyon sa anumang aspeto ng buhay. Pero ang ipagpaliban nang tila magpakailanman ang pagpili o tapat na pangako dahil baka ang ibig sabihin nito ay mapag-iiwanan ka sa isang bagay, na posibleng mas maganda, ay hindi makatwiran. Pinalalampas ng bawat pagpili ang iba pang mga posibilidad: kung pipiliin mong magtrabaho o pumasok sa eskuwela sa umaga, hindi ka makakapanood ng pelikula sa Netflix na kasabay nito (o kaya mo?); kung mag-aaral at magme-major ka sa civil engineering, hindi ka makakapag-major sa history, o art, o biology, (maliban kung hindi ka titigil sa pag-aaral); kung pupunta ka sa Victoria Falls sa Africa ngayon, hindi ka makapaglalakbay sa iba pang lugar sa panahong ding iyon, at maaaring hindi mo mabisita ang iba pang mga lugar na gusto mong bisitahin; kung pipiliin mong magmisyon, isusuko mo ang maraming aktibidad sa panahong iyon; at marami pang iba. Pero maliban kung gagawa ka ng pagpili at tapat na pangako sa isang tiyak na direksyon, magiging magulo ang buhay mo, at sa huli, talagang mapag-iiwanan ka sa karamihan ng pinakamaiinam na bagay.
Tulad ng madalas na napapansin ng asawa ko, “Hindi mo maaaring makuha ang lahat—saan mo ilalagay iyon?” Hindi natin makukuha ang lahat ng gusto natin, at hindi natin magagawa ang lahat ng bagay na masaya o nakatutuwang gawin. Kahit ilimita mo ang iyong pagpili sa mga bagay na “magandang balita o maipagkakapuri,”1 hindi mo pa rin makukuha o mararanasan ang lahat. Wala talagang sapat na oras, paraan, o puwang sa buhay ng sinuman sa mortalidad. Kaya nga, kailangan nating maging tapat sa partikular na mga pagpili batid na sa paggawa nito, kailangan nating talikuran ang iba, bagama’t mabuti ang mga ito. Dapat din nating isaisip na ang di makatuwirang pagpapaliban ng pagpili ay pagpili rin mismo.
Ang pag-aasawa ay isang magandang halimbawa. Sa pagpili ng kabiyak, tinatalikuran natin ang iba pa. Sabi ng Panginoon, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba.”2 Dahil sa katiyakan ng pagpili, ayaw ng ilan na mangakong magpakasal sa taong gustung-gusto nila, sa taong mahal nila at sa piling nito ay masaya at walang-hanggan silang uunlad, nag-aalala na baka mayroon pang mas perpektong mapapangasawa na ayaw nilang palampasin. Naaalala ko ang nakilala kong binatang ganoon na tinanggihan ang magandang potensyal na mapapangasawa dahil naisip niya na masyadong marami ang pasta nito sa ngipin. Ang reaksyon ko ay gusto ninyo ng isang perpekto na wala naman, at siya nga pala, naisip na ba ninyo na malayo pa kayo sa pagiging perpektong kabiyak?
Ito ay pagtitipon ng mga young adult. At para sa karamihan sa inyo, ang diin ay nasa adult. Mayroon kayo o magkakaroon kayo ng mga responsibilidad ng mga adult, mga tagumpay ng mga adult, at mga kontribusyon ng mga adult, kumpara sa pagpapaliban sa pagiging adult at paghahangad ng walang-katapusang party. Sampung taon na ang nakalipas, nagsalita ang awtor at iskolar na si Charles Murray tungkol sa kahulugan ng “mabuting pamumuhay.” Sabi niya, “Ang sinasabi ko ay tungkol sa uri ng mga bagay na nililingon natin kapag tumanda na tayo at nagtutulot sa ating magpasiya na maipagmamalaki natin ang kinahinatnan at nagawa natin.”3
Naalala ni Murray na nagsalita siya sa isang grupo noon sa Zurich tungkol sa malalalim na kasiyahan na nagmumula sa mabuting pamumuhay. Sabi niya, “Pagkatapos kong magsalita, lumapit ang ilan sa mahigit dalawampung manonood at malinaw na sinabi na ang mga katagang ‘mabuting pamumuhay’ ay walang kahulugan sa kanila. Nasisiyahan sila sa kasalukuyan nilang kalaguyo at bagong BMW at bahay-bakasyunan sa Majorca, at wala silang nakitang kakulangan sa buhay nila na kailangang punan. Kamangha-mangha,” sabi ni Murray, “na harapang sinabi ito sa akin, pero hindi nakagugulat. … Ang mentalidad na iyon ay parang ganito: Ang mga tao ay koleksyon ng mga kemikal na aktibo at, pagkaraan ng ilang panahon, hindi na aktibo. Ang layunin ng buhay ay palipasin ang panahon sa pagitan niyon nang masaya hangga’t maaari.”4
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, malinaw itong ipinahayag ni Murray: “Karunungan na noon pa man na ang mabuting pamumuhay ay nangangailangan ng pakikihalubilo sa mga nasa paligid natin.”5 Nauunawaan ito ng mga tunay na adult. Nauunawaan nila na ang personal na kasiyahan ay hindi dapat pagtuunan sa buhay at hindi sapat para gawing layunin ng buhay. Batayan ng katotohanang ito ang dalawang dakilang utos: ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at isipan, at ibigin ang kapwa na gaya ng sarili.6 Sabi nga ni Jesus, “Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”7 Ang tipan ng ebanghelyo,8 na may pangako ng buhay na walang-hanggan, ay nakasalalay sa dalawang dakilang utos na ito ayon sa priyoridad na ibinigay: una at ikalawa. Ang katapatan sa dalawang dakilang utos na ito ang nagbibigay-kahulugan sa maayos na pamumuhay at sa ibig sabihin ng pagiging isang adult.
Sa huli, walang landas na tatahakin na walang kinikilingan at walang katapatan, kahit pagdating man lang sa mga bagay na walang-hanggan ang bunga. Binigyang-diin ito ni Alma nang ituro niya na tinatawag tayo ni Cristo, ang Mabuting Pastol, na sundan Siya sa landas ng pagkadisipulo at kaligayahan:
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang mabuting pastol ay tumatawag sa inyo; oo, at sa kanyang sariling pangalan kayo ay tinatawag niya, na ang pangalan ay Cristo; at kung hindi kayo makikinig sa tinig ng mabuting pastol, sa pangalang itinatawag sa inyo, masdan, kayo ay hindi mga tupa ng mabuting pastol.
“At ngayon, kung kayo ay hindi mga tupa ng mabuting pastol, saang kawan kayo kabilang? Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang diyablo ang inyong pastol, at kayo ay kabilang sa kanyang kawan; at ngayon, sino ang makapagkakaila nito?”9
Itinuturo ni Alma ang katotohanan na dalawa lamang ang opsiyon, at na si Cristo ang tanging mabuting alternatibo. Kung hindi ninyo pinipili si Cristo, awtomatikong sinusundan ninyo ang isang diyus-diyusan, isang maling landas na patungo sa walang-hanggang kabiguan sa huli, sa madaling salita. Kaya, maliban kung sinusundan ninyo ang Tagapagligtas, tinatanggihan ninyo Siya.10
Nababatid ito, hindi tayo dapat mag-atubiling maging tapat sa Panginoon at maghangad na makaisa Niya. Tulad ng ipinagdasal Niya sa Huling Hapunan para sa Kanyang mga apostol at sa lahat ng maniniwala sa kanilang mga salita, “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na[ng] sila nama’y [makaisa natin].”11 Hindi ba doon natin gustong mapunta? Kung gayo’y bakit mag-aatubiling maging tapat nang lubusan at walang-pasubali? Bakit tayo nagpipigil na pasanin ang Kanyang pamatok, batid na “malambot ang [kanyang] pamatok, at magaan ang [kanyang] pasan”?12
Takot na Mabigo
Sinasagot ang sarili kong tanong, nakikita ko na sa kabila ng lohika at mga pagsamo ng Espiritu na nagpupunyagi sa atin, may ilang dahilan na maaari pa ring makadama ng pag-aatubili ang isang tao. Ang problema ay kung kaya ba nating tumupad sa pangako na malawak ang epekto. May magagawa pa nga ba tayo, at mas mabuti bang huwag tayong mangako kung mabibigo rin lang tayo?
Madaling maunawaan ang problemang ito, pero bilang tugon masasabi ko na, natupad na ninyo ang pangakong iyon. Nang pinili ninyong tanggapin sa premortal na daigdig ang plano ng kaligtasan at kadakilaan, na inihanda ng Ama at isinulong ng Anak, pinili ninyo si Cristo. Ang inyong pisikal na pagsilang ay patunay sa katotohanan na nangako na kayong maging tapat. Tinupad ninyo ang inyong “unang kalagayan,”13 at ang tanong ngayon ay tutuparin ba ninyo ang pangakong iyon dito sa “ikalawang kalagayan” at “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong] ulo magpakailanman at walang katapusan”?14 Hindi tayo dapat matakot na muling pagtibayin ang ating pangako sa premortal na daigdig, lalo na kapag iniisip natin kung gaano kabulok ang alternatibo.
Hindi tayo kailangang mabuhay nang natatakot sa kabiguan. Hindi tayo nag-iisa. May tumutulong sa atin. Sinumang talagang tapat kay Cristo, hanggang sa ganap na pagkadisipulo, ay hindi mabibigo. Kung nakabuklod tayo sa Kanya na nagpakababa sa lahat ng bagay, na dinaig ang lahat ng bagay, at ngayon ay nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan, hindi tayo mabibigo.15 Nakamasid at interesado ang ating Ama sa Langit at Tagapagligtas na makita kung maayos ang lahat sa atin o hindi. Nakikinita ba ninyo na nakasilip sila mula sa langit na nagsasabing, “Tingnan mo si Sam. Nagkamali siya dati nang maharap siya sa ganitong sitwasyon, at malamang na magkakamali siya ulit,” o kaya’y “Uy, tingnan mo. Talagang pinahirapan ng mga kaibigan niya si Sandra. Gusto ko nang makita kung makalulusot siya sa isang ito.” Siyempre, katawa-tawa iyan. Palagi Silang nasa ating panig, laging tumutulong, gumagabay, at malamang bigyan Nila tayo ng karagdagan pa kung tatanggapin natin ito.
Kanina sinabi ko na kapag iginalang natin ang mga tipan na nagbubuklod sa atin kay Cristo at sa Kanyang kapangyarihan, hindi tayo maaaring mabigo. Totoo iyan sa bandang huli, pero inaamin ko na kung minsan, dumaranas tayong lahat ng mga kabiguan—na sarili nating mga pagkakamali at pagkakasala, at na epekto ng mga pagkakamali at pagkakasala ng iba sa atin kung minsan. Pero gamit ang mga kaloob na pagsisisi at pagpapatawad, lahat ng kabiguan at kamaliang ito ay pansamantala lamang. Hindi maipagkakait sa atin ng alinman sa mga ito ang buhay na walang-hanggan nang wala tayong pahintulot. Bakit? Dahil kapag ginawa natin ang lahat para makarekober, magagamit natin ang biyaya ni Cristo upang lutasin at ayusin ang anumang hindi natin maiayos. Tandaan, ang nagbabayad-salang kapangyarihan o biyaya ni Cristo ay hindi lamang inaalis ang kasalanan at kamalian, kundi pinadadalisay at pinababanal din tayong mga nilalang, na may kakayahang mamuhay sa piling ng Diyos.16
Ngayon, hindi ko sinasabi na madali ang lahat ng ito. Alam nating lahat na ang buhay ay puno ng mga pakikibaka at ilang napakahirap na bagay, maging ng mga trahedya. At ang pagiging tapat na disipulo ni Jesucristo ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Hindi naging madali para kay Jesus na maging disipulo ng Kanyang Ama at inumin ang Kanyang “mapait na saro.”17 Pero ginawa Niya iyon, at alam Niya kung paano tayo tutulungan na matagumpay na tahakin ang landas ng pagkadisipulo. Bukod pa riyan, ang Tagapagligtas ay may kapangyarihan at kahandaang tumulong. Mamamalagi Siya sa ating piling na tumutulong kapag kailangan natin kahit gaano katagal. Sabi Niya, “Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin.”18 Hindi dahilan ang takot na mabigo para hindi lubos at ganap na maging tapat kay Cristo. Patuloy lamang na magsisi at gawin ang lahat para maging mabuti—sasapat na iyan.
Sakripisyo
May naiisip akong isa pang dahilan na maaaring mag-atubili ang isang tao na tumugon sa tawag ng Mabuting Pastol at sumama sa Kanyang kawan: takot sa kakailanganing isakripisyo. Naaalala ninyong lahat ang binatang nagtanong kay Jesus, nang buong katapatan, “Ano pa ang kulang sa akin?” para maging marapat sa buhay na walang-hanggan.19 Sinasabi sa atin ni Marcos na “Pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya” [palagay ko ay mahalaga iyan], “at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.”20 At naaalala ninyo ang sagot: “Datapuwa’t siya’y nahapis sa sabing ito, at siya’y yumaong namamanglaw: sapagka’t siya’y isang may maraming mga pag-aari.”21
Umaasa ako na matapos pag-isipan ito, nagbago ang puso ng mayamang binatang ito at kalauna’y tinanggap ang paanyaya ng Tagapagligtas. Anu’t anuman, kinikilala nating lahat na ang pagiging tapat kay Cristo ay nangangailangan ng sakripisyo. Ang isang bagay na isasakripisyo ay ang “takot na mapag-iwanan” dahil alam natin na totoong mapag-iiwanan tayo sa maraming bagay. Napakaraming opsiyon sa buhay na hindi tugma sa pagiging disipulo, at marami pang mabubuting bagay na posibleng maisara sa atin dahil sa maraming oras at kabuhayang ginugugol natin sa pagiging disipulo para sa mga bagay na mas mabuti o pinakamabuti.
Ang masugid na binatang nagtanong sa Tagapagligtas ng, “Ano pa ang kulang sa akin?” ay patay na. Anumang kayamanan niya ay malamang na nawala na, at anu’t anuman, wala sa kanya ang mga iyon, ni hindi niya kailangan iyon. Malaking sakripisyo man iyon sa kanya noon, may mas magandang opsiyon ba siya kaysa tanggapin ang paanyaya ng Panginoon? Maikukumpara ba ang anumang mayroon siya o maaaring nakamtan niya sa iniaalok sa kanya ng Panginoon sa huli? Alam natin na anumang hinihiling sa atin ng Tagapagligtas, pati na ang buhay natin mismo, ay walang halaga kumpara sa kadakilaan. Ni hindi natin mawari: “Hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, [ang] mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”22
Sa halip na matakot sa mga sakripisyo ng pagiging disipulo, dapat nating tanggapin ang pagkakataong lumago sa espirituwal na lakas, makadama ng mas malalim na kagalakan, at makahanap, ang bawat isa sa atin, ng tunay na kahulugan sa ating buhay. Ang sakripisyo, lalo na kung sakripisyo para sa layon ni Cristo, ay nagpapakita ng pagiging seryoso—na totoong susundin natin ang dalawang dakilang utos na ibigin ang Diyos at ang kapwa. Ang ibig sabihin ng sakripisyo ay na talagang gagawa tayo ng kabutihan sa mundo.
Ang pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas ay pinagtitibay sa ating kaluluwa kung ano at sino tayo. Nagbibigay iyan sa atin ng seguridad na nagbibigay-kakayahan sa atin na tumigil sa pagtuon lamang sa ating sarili at tunay na magtuon sa pagtulong sa iba, na talagang maunawaan ang iba—ang kanilang mga pangangailangan at ang tunay na sitwasyong kinahaharap nila, na may hangaring unawain at tulungan sila. Sa talinghaga ng Mabuting Samaritano, nakita ng saserdote at ng Levita ang sugatang manlalakbay sa tabing-daan, pero hindi nila talaga naunawaan ang sitwasyon nito. Ang Samaritano lamang ang tunay na nakaunawa sa pangangailangan ng estranghero, at dahil dito, siya ay “nagdalang habag, at lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat.”23 Napakaraming palaging nalulumbay. Tiyak na makagagawa ng kaibhan ang ating mga sakripisyo.
Tapat na Pangako
Ang pinakamahalagang katapatang tumitiyak ng kagalakan dito at sa kabilang-buhay ay ang katapatan sa ating Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Sa Omni, makikita natin ang malinaw na pagsamong ito:
“Nais kong lumapit kayo kay Cristo, na Siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya, at magpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin, at magtiis hanggang wakas; at yamang buhay ang Panginoon kayo ay maliligtas.”24
May kuwento tungkol sa isang ama na pinapatulog ang kanyang musmos na anak sa kama, at paglabas niya ng kuwarto ay nakarinig ng kalabog. Pagbalik niya, nakita niya sa sahig ang bata at tinanong kung paano siya nahulog mula sa kama. Sagot ng bata, “Hindi po ako nakahiga nang husto.” Sa pangako ninyo sa Diyos, tiyakin na maging tapat kayo nang husto.
Bahagi kayo ng katawan ni Cristo.25 Kabilang kayo. Maging tapat, malayang nagbibigay at tumatanggap. Tunay na unawain ang mga nasa paligid ninyo at ipaunawa ang sarili ninyo sa kanila upang bumuti ang inyong buhay, isang buhay na naglilingkod, nagbabasbas, at nasisiyahan. Isang buhay na pinagpala at pinabanal ng Tagapagligtas na dumaig sa lahat ng bagay at sa Kanyang biyaya’y madaraig din ninyo ang lahat ng bagay.
Itinampok sa Pioneer Day concert ng Tabernacle Choir and Orchestra at Temple Square noong nakaraang tag-init ang napakagaling na Norwegian na mang-aawit na si Sissel. Lubhang naantig ang mga manonood, pati na ako, sa kanyang mapitagang pag-awit ng kantang “Slow Down” na nagpaalala sa talata sa Mga Awit na, “Magsitigil, at kilalanin … na ako ang Dios.”26
Gusto kong ipalabas ang video recording ng pagkanta ni Sissel, at habang nakikinig kayo, pagnilayan sana ninyo ang mensahe nang magkaroon tayo ng lubos na tiwala sa Diyos at sa Kanyang kamangha-manghang pag-ibig at kahandaang basbasan at palakasin tayo anuman ang mangyari. At pagnilayan ang kasagraduhan ng pag-aalay ng inyong buhay at sarili sa Kanya anuman ang mangyari.
Magdahan-dahan! Magpasiya at isapuso ninyo na piliin ninyo ang Diyos. Humanap ng tahimik na oras upang makaluhod kayo sa isang lihim na lugar at masabi sa inyong Ama sa Langit, sa ngalan ni Jesucristo, na kayo ay Kanya, na kayo ay tapat, katawan at kaluluwa, sa Kanya, sa Kanyang Anak, at sa landas ng ebanghelyo. Pagkatapos ay sundan ang Kanyang mga yapak, ngayon at habang kayo’y nabubuhay. Huwag nang mag-atubili o magpigil kundi magpatuloy sa inyong layunin at misyon sa buhay. Napaikli ng buhay. Sulitin ang panahong ito upang sa kawalang-hanggan kayo ay magalak, at hindi manghinayang. Hindi ba ninyo nadarama na sinasabi sa inyo ng Espiritu na tama ito? At sumulong nang may tiwala.
Ipinapangako ko sa inyo na ang gantimpala ng Panginoon sa pagbibigay ninyo ng lahat ay lahat ng maibibigay Niya, “mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw.”28 Ang katunayan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli ay patunay na taglay Niya ang buong kapangyarihan, na matutupad Niya ang Kanyang naipangako, at tumutupad nga Siya. Siya ang buhay, at naparito Siya upang magkaroon tayo ng buhay at “magkaroon ng kasaganaan nito.”29 Nagsasalita ako sa inyo bilang isang taong nalalaman na si Jesucristo ang nabuhay na mag-uling Manunubos. Ang katotohanang iyan ang gumagawa ng lahat ng kaibhan sa mundo at sa kawalang-hanggan. Iniiwan ko sa inyo ang Kanyang basbas at ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.