2000–2009
Ang Pagbabayad-sala: Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa
Oktubre 2001


Ang Pagbabayad-sala:

Ang Ating Pinakadakilang Pag-asa

Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa paniniwala at pagtanggap sa Pagbabayad-sala. Ang gayong pagtanggap ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap na mas lubos itong maunawaan.

Mahal kong mga kapatid at kaibigan, mapagpakumbaba akong nagsasalita sa pulpitong ito ngayong umaga dahil nais kong magsalita tungkol sa pinakadakilang pangyayari sa buong kasaysayan. Ang natatanging pangyayaring iyon ay ang walang-katulad na Pagbabayad-sala ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesus na Cristo. Iyon ang pinakadakilang gawaing naganap, subalit iyon ang pinakamahirap unawain. Medyo makasarili ang dahilan kaya ko gustong matutuhan ang lahat ng makakaya ko tungkol sa Pagbabayad-sala: Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa paniniwala at pagtanggap sa Pagbabayad-sala.1 Ang gayong pagtanggap ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap na mas lubos itong maunawaan. Pinauunlad ng Pagbabayad-sala ang ating layuning matuto sa buhay sa pagiging posibleng maging perpekto ng ating likas na pagkatao.2 Lahat tayo ay nagkasala at kailangang magsisi upang lubos na mabayaran ang ating bahagi sa pagkakautang. Kapag taos-puso tayong nagsisi, ang kahanga-hangang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang nagbabayad ng natitira sa pagkakautang na iyon.3

Nagbigay si Pablo ng simpleng paliwanag para sa pangangailangan sa Pagbabayad-sala: “Sapagka’t kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”4 Si Jesucristo ay hinirang at inorden noon pa man na maging ating Manunubos bago pa binuo ang mundo. Dahil sa Kanyang pagiging anak ng Diyos, sa Kanyang walang bahid-dungis na buhay, sa pagpapadanak ng Kanyang dugo sa Halamanan ng Getsemani, sa Kanyang napakasakit na pagkamatay sa krus at sa kasunod na Pagkabuhay na Mag-uli ng Kanyang katawan mula sa libingan, Siya ang naging may-akda ng ating kaligtasan at gumawa ng perpektong Pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan.5

Sa pag-unawa sa makakaya natin tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, magkakaroon tayo ng kaalaman tungkol sa Kanya at sa Kanyang misyon.6 Anumang madagdag sa ating pag-unawa sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay naglalapit sa atin sa Kanya. Ang literal na kahulugan ng Pagbabayad-sala ay “maging isa” sa Kanya. Ang likas na katangian ng Pagbabayad-sala at mga epekto nito ay lubhang walang-katapusan, di-maarok, at napakalalim kaya di-maabot ng kaalaman at pang-unawa ng mortal na tao. Lubos akong nagpapasalamat sa alituntunin ng nakapagliligtas na biyaya. Maraming tao ang nag-aakala na sapat nang tanggapin na si Jesus ang Cristo at naligtas na sila sa pamamagitan lamang ng biyaya. Hindi tayo maliligtas sa pamamagitan lamang ng biyaya, “sapagkat nalalaman [nating] naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”7

Ilang taon pa lamang ang nakalilipas, ikinuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley “ang isang bagay na parang talinghaga” tungkol sa “isang paaralang iisa ang silid sa kabundukan ng Virginia kung saan napakagulo ng mga batang lalaki kaya walang gurong makapigil sa kanila.

“Pagkatapos isang araw ay nag-aplay ang isang bata pang guro na wala pang karanasan sa pagtuturo. Sinabihan ito na bawat guro ay nakatatanggap ng matinding gulpi, ngunit nakipagsapalaran ito. Sa unang araw ng pasukan hiniling ng guro sa mga batang lalaki na gumawa ng sarili nilang mga patakaran at kaparusahan sa paglabag sa mga patakaran. Nakabuo ng 10 patakaran ang klase, na isinulat sa pisara. Pagkatapos ay nagtanong ang guro, ‘Ano ang gagawin natin sa sinumang lalabag sa mga patakaran?’

“‘Hatawin siya sa likod nang sampung beses nang walang suot na amerikana,’ ang naging sagot.

“Makalipas ang isang araw o mahigit pa, … may nagnakaw sa tanghalian ng isang malaking estudyanteng nagngangalang Tom. ‘Natagpuan ang magnanakaw—isang maliit na batang gutom na mga sampung taong gulang.’

“Nang papalapit na si Little Jim para maparusahan, nakiusap siyang huwag ipahubad ang kanyang amerikana. ‘Hubarin mo ang amerikana mo,’ sabi ng guro. ‘Kasama kang gumawa ng mga patakaran!’

“Hinubad ng bata ang amerikana. Walang suot na kamiseta ang bata, at nalantad ang kanyang mabuto at maliit na baldadong katawan. Nang mag-atubili sa paghataw ang guro, tumayo si Big Tom at inako ang parusa sa bata.

“‘Sige, may batas tayo na puwedeng akuin ng iba ang parusa sa isang tao. Payag ba kayong lahat?’ tanong ng guro.

“Matapos ang limang hataw sa likod ni Tom, nabali ang pamalo. Naghihikbian ang buong klase. ‘Dinaluhan ni Little Jim si Tom at niyakap ito nang mahigpit sa leeg. “Tom, patawarin mo ako sa pagnanakaw ko ng tanghalian mo, pero gutom na gutom ako talaga. Tom, mamahalin kita hanggang kamatayan sa pag-ako mo sa aking parusa! Oo, mamahalin kita magpakailanman!”’”8

Pagkatapos ay binanggit ni Pangulong Hinckley ang sinabi ni Isaias:

“Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan. …

“… Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan; ang parusa tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.”9

Hindi alam ng sinuman ang buong bigat ng pinasan ng ating Tagapagligtas, ngunit sa tulong ng kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman natin ang dakilang regalong inihandog Niya sa atin.10 Sa mga titik ng ating himno sa sakramento:

Hindi natin matatanto,

Kanyang pagdurusa,

Ngunit tiwalang hanap N’ya’y

Ating kaligtasan.11

Labis ang sakit na Kanyang pinagdusahan, “di-mailarawang kirot,” at “sobrang pagpapahirap”12 para sa ating kapakanan. Ang Kanyang matinding pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, kung saan inako Niya ang lahat ng kasalanan ng lahat ng iba pang tao, ay naging dahilan upang Siya ay “manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”13 “At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas,”14 na sinasabing, “Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban.”15 Ipinagkanulo Siya ni Judas Iscariote at ikinaila ni Pedro. Kinutya Siya ng mga pangulong saserdote at pinuno; Siya ay hinubdan, sinaktan, niluraan, at hinampas sa bulwagan ng hukuman.16

Dinala Siya sa Golgota, kung saan ipinako ang Kanyang mga kamay at paa. Ilang oras Niyang tiniis ang mabayubay sa krus na kahoy na sinulatan ni Pilato ng: “JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.”17 Sumapit ang dilim, at “nang malapit na ang oras ng ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi, Eli, Eli, lama sabachthani? samakatuwid baga’y, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”18 Walang nakatulong sa Kanya; Kanyang tinapakang mag-isa ang pisaan ng ubas.19 Pagkatapos ay “muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga.”20 At “pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka’y lumabas ang dugo at tubig.”21 “Nayanig ang lupa” at “ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios.”22 Sa mga titik ng himno, “H’wag hayaang malimutan, / ang pagdurusa Ninyo.”23 Iniisip ko kung ilang patak ng dugo ang dumanak para sa akin.

Ang Kanyang ginawa ay Diyos lamang ang makagagawa. Bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, nagmana si Jesus ng mga banal na katangian. Siya lamang ang tanging ipinanganak sa lupa na makagagawa ng pinakamahalaga at makalangit na gawain. Bilang tanging walang-bahid-dungis na Tao na nabuhay sa mundo, hindi Siya saklaw ng kamatayang espirituwal. Dahil sa Kanyang pagkadiyos, taglay rin Niya ang kapangyarihan laban sa kamatayang pisikal. Gayon Niya ginawa para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili. Pinagtagumpayan Niya ang kamatayang pisikal. Dahil din sa Kanya ay napasaatin ang pinakadakila at matiwasay na aliw na kaloob ng Espiritu Santo.24

Maraming nagagawa ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. Nililinis ng Pagbabayad-sala ang ating kasalanan kung tayo ay magsisisi. Pagsisisi ang batayan ng pagkaawa.25 Pagkatapos ng lahat ng ating magagawa para mabayaran ang kahuli-hulihang pagkakautang at itama ang ating mga kamalian, nagkakabisa ang biyaya ng Tagapagligtas sa ating buhay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, na nagpapadalisay sa atin at maaari tayong gawing perpekto.26 Nadaig ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ang kamatayan at binigyan tayo ng katiyakan na may buhay pagkatapos ng kamatayan. Sabi Niya: “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya.”27 Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay walang kundisyon at para sa lahat na nabuhay at mabubuhay pa.28 Ito ay libreng regalo. Ipinaliwanag itong mabuti ni Pangulong John Taylor nang sabihin niyang: “Ang mga libingan ay mabubuksan at maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at babangon sila na gumawa ng mabuti sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti, at sila na gumawa ng masama sa pagkabuhay na mag-uli na masasama.”29

Patungkol sa ating mga gawain sa mortal na buhay at sa Pagbabayad-sala, kapaki-pakinabang ang ideyang ito ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. nang sabihin niyang:

“Nadarama kong [ang Tagapagligtas] ay maggagawad ng pinakamababang parusang makatarungan para sa ating paglabag. Naniniwala akong hahatulan niya tayo nang buong pagmamahal at pagpapala at awa at kabaitan at pag-unawa. …

“At sa kabilang dako, naniniwala akong pagdating sa paggagantimpala sa ating mabubuting nagawa, igagawad niya ang pinakamataas niyang maibibigay, na isinasaalang-alang ang kasalanang ating nagawa.”30

Tulad ng isinulat ni Isaias, kung tayo ay babalik sa Panginoon, “siya ay magpapatawad ng sagana.”31

Inuutusan tayong alalahanin ang mga pangyayari sa pamamagitan, Pagpapako sa Krus, at Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento linggu-linggo. Sa diwa ng mga panalangin sa sakramento, nakikibahagi tayo sa tinapay at tubig bilang paggunita sa katawan at dugong isinakripisyo para sa atin, at dapat natin Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga utos nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu.

Dinala ng ating Manunubos sa Kanyang Sarili ang lahat ng kasalanan, pasakit, karamdaman, at sakit ng lahat ng nabuhay at mabubuhay pa.32 Walang sinumang dumanas nang higit pa sa Kanyang ginawa. Batid Niya ang mga pagsubok natin sa buhay dahil dinanas Niya ang mga ito. Katulad ito ng pagtatangka nating akyatin ang Bundok ng Everest pero ilang talampakan lamang ang nakaya nating akyatin. Ngunit naakyat na Niya ang buong 29,000 talampakan hanggang sa tuktok ng bundok. Nagdusa Siya nang higit kaysa sinumang tao.

Hindi lamang ang nagkasala ang nakikinabang sa Pagbabayad-sala kundi pati na rin ang pinagkasalahan—ibig sabihin, ang mga biktima. Sa pagpapatawad sa “mga nagkasala sa [atin]” (JST, Matt. 6:13) ang Pagbabayad-sala ay naghahatid ng kapayapaan at kapanatagan sa mga inosenteng nabiktima ng mga kasalanan ng iba. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pangunahing magpapagaling sa kaluluwa. Ito ay totoo kahit na ito ay dahil sa pasakit na dulot ng personal na trahedya o isang teribleng pambansang kalamidad tulad ng naranasan natin kamakailan sa New York at Washington, D.C., at malapit sa Pittsburgh.

Isang sister na nagdaan sa isang masaklap na diborsyo ang sumulat tungkol sa kanyang karanasan sa paghugot ng lakas mula sa Pagbabayad-sala. Sabi niya: “Ang aming diborsyo … ay hindi nagpalaya sa akin sa obligasyong magpatawad. Gusto ko talagang gawin iyon, pero parang pinipilit akong gawin ang isang bagay na hindi ko kayang gawin.” Maganda ang payo ng kanyang bishop: “Bigyang-lugar sa iyong puso ang pagpapatawad, at kapag ito ay dumating, gawin mo ito.” Maraming buwan ang lumipas na patuloy niyang pinilit na magpatawad. Paggunita niya: “Sa mga panahong taimtim akong nagdarasal … nasumpungan ko ang nagpapasiglang aliw mula sa aking mapagmahal na Ama sa Langit. Nadama kong hindi siya nakatayo at pinanlilisikan ako ng mata dahil hindi pa ako makapagpatawad; sa halip ay kasama ko siyang nagdadalamhati habang ako ay nananangis. …

“Sa bandang huli, ang nangyari sa puso ko para sa akin ay kamangha-mangha at mahimalang patunay ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Noon pa man ay itinuring ko nang isang paraan ang Pagbabayad-sala para magkabisa ang pagsisisi sa makasalanan. Hindi ko naisip na maaari din itong maging paraan para matanggap ng pinagkasalahan sa kanyang puso ang matamis na kapayapaan ng pagpapatawad.”33

Ang mga nasaktan ay dapat gawin ang kanilang makakaya sa kanilang mga pagsubok, at ang Tagapagligtas ay “tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”34 Tutulungan Niya tayong dalhin ang ating mga pasanin. Ang ilang sakit ay sadyang napakakirot at malalim na hindi basta gagaling nang walang tulong mula sa isang higit na makapangyarihan at pag-asa sa perpektong katarungan at pagpapanumbalik sa susunod na buhay. Dahil dinanas na ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay na maaari nating madama o maranasan,35 matutulungan Niyang maging mas malakas ang mahina. Personal Niyang dinanas ang lahat ng ito. Nauunawaan Niya ang ating pasakit at tutulungan tayo kahit sa pinakamahihirap nating sandali.

Inaasam natin ang kahuli-hulihang pagpapala ng Pagbabayad-sala—ang maging kaisa Niya, makapiling Niya, ang matawag sa ating pangalan habang malugod Niya tayong tinatanggap sa Kanyang tahanan nang may ngiti, dalawang kamay tayong yayakapin nang buong pagmamahal.36 Magiging napakaluwalhating karanasan ito kung madarama nating karapat-dapat tayong makapiling Siya! Ang libreng handog ng Kanyang dakilang pagbabayad-sala para sa atin ang tanging paraan upang tayo ay mapadakila nang sapat para tumayo sa Kanyang harapan at makita Siya nang harapan. Ang nakapupuspos na mensahe ng Pagbabayad-sala ay ang perpektong pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. Isa itong pagmamahal na puno ng awa, tiyaga, biyaya, katarungan, mahabang pagtitiis, at, higit sa lahat, pagpapatawad.

Ang masamang impluwensya ni Satanas ay sisira sa anumang pag-asa nating madaig ang ating mga kamalian. Ipadarama niya sa atin na naliligaw tayo at wala nang pag-asa. Ang totoo, tinutulungan tayo ni Cristo upang umangat. Sa pamamagitan ng ating pagsisisi at kaloob na Pagbabayad-sala, makapaghahanda tayong maging karapat-dapat na tumayo sa Kanyang harapan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.