Tumayo sa Katungkulang Itinalaga sa Inyo
Nawa’y tulungan at sagipin natin ang mga yaong nangahulog sa kasalanan, upang wala ni isang mahalagang kaluluwa ang mawala.
Nagtipon tayo ngayong gabi bilang isang napakalakas na grupo ng priesthood, kapwa dito sa Conference Center at sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang ilan ay nagtataglay ng Aaronic Priesthood, samantalang ang iba naman ay nagtataglay ng Melchizedek Priesthood.
Ipinahayag ni Pangulong Stephen L. Richards, na naglingkod bilang tagapayo kay Pangulong David O. McKay, “Ang Priesthood ay karaniwang binibigyang kahulugan bilang ‘kapangyarihan ng Diyos na ipinagkatiwala sa tao.’” Pagpapatuloy niya: “Ang pagpapakahulugan na ito, sa palagay ko, ay tumpak. Ngunit para sa mga praktikal na layunin, nais kong bigyang kahulugan ang Priesthood ayon sa paglilingkod at madalas ko itong tawagin bilang ‘ang perpektong plano ng paglilingkod.’ … Ito ay isang kasangkapan sa paglilingkod … at ang taong hindi gumagamit nito ay maaaring mawalan nito, sapagkat malinaw na sinabi sa atin sa pamamagitan ng paghahayag na siya na nagpapabaya nito ‘ay hindi ibibilang na karapat-dapat magtagal.’”1
Sa Pioneer Stake, na matatagpuan sa Salt Lake City at kung saan ko natanggap kapwa ang Aaronic at Melchizedek Priesthood, tinuruan kami na maging pamilyar sa mga banal na kasulatan, kabilang na sa mga bahaging 20, 84, at 107 ng Doktrina at mga Tipan. Matututuhan natin sa mga bahaging ito ang tungkol sa priesthood at sa pamamahala sa Simbahan.
Ngayong gabi, nais kong bigyang-diin ang isang talata mula sa Bahagi 107: “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”2
Madalas ituro ni Pangulong Harold B. Lee: “Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng priesthood, siya ay nagiging kinatawan ng Panginoon. Dapat niyang ituring ang kanyang tungkulin na parang siya ay nasa paglilingkod sa Panginoon.”3
Matututuhan din natin mula sa mga bahaging ito ang mga tungkulin ng mga panguluhan ng korum at ang katotohanan na tayo ay may pananagutan para sa iba bukod pa sa ating mga sarili.
Matibay ang aking paniniwala na ang Simbahan ngayon ay mas malakas pa kaysa noon. Nagpapatotoo ang mga antas ng aktibidad ng ating mga kabataan na ito ay isang henerasyon ng pananampalataya at katapatan sa katotohanan. Gayunman, may ilan na tumatalikod sa katotohanan, na nagkakaroon ng ibang interes na humihimok sa kanila na pabayaan ang kanilang mga tungkulin sa Simbahan. Hindi tayo dapat mawalan ng gayong mga mahahalagang kaluluwa.
May lumalagong bilang ng mga potensyal na elder na hindi dumadalo sa mga pulong ng Simbahan o gumaganap sa mga tungkulin sa Simbahan. Ang sitwasyong ito ay maaari at dapat na malunasan. Ang gawaing ito ay sa atin. Kailangang maitalaga ang responsibilidad at maibuhos ang pagsisikap nang walang pagpapaliban.
Ang mga panguluhan ng mga korum ng Aaronic Priesthood, sa ilalim ng pamumuno ng bishopric at ng mga tagapayo ng korum, ay maaaring mabigyan ng kapangyarihan na tumulong at sumagip.
Sabi ng Panginoon, “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos; … at anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!”4
Kung minsan, ang gawain ay nagmumukhang napakahirap. Maaari tayong kumuha ng lakas ng loob mula sa karanasan ni Gedeon noong unang panahon, na nakipaglaban sa mga Madianita at mga Amalekita kasama ang kanyang maliit na hukbo ng kalalakihan. Maaalala ninyo kung paano hinarap ni Gedeon at ng kanyang hukbo ang matinding lakas ng mga hukbo na lubhang nakahihigit sa kagamitan at sa bilang. Nakatala sa aklat ng mga Hukom sa Lumang Tipan na ang nagkakaisang kalaban, ang mga Madianita at ang mga Amalekita, ay “nalalatag sa libis na parang balang dahil sa karamihan; at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa karamihan.”5 Si Gedeon ay bumaling sa Pinakamakapangyarihang Diyos para sa kanyang lakas.
Sa kanyang pagkagulat, pinayuhan si Gedeon ng Panginoon na masyadong malaki ang bilang ng kanyang mga hukbo para ibigay ng Panginoon ang mga kalaban sa kanilang mga kamay, dahil baka sabihin nila, “Aking sariling kamay ang nagligtas sa akin.”6 Inatasan si Gedeon na ipahayag sa kanyang mga tao: “Sinumang matatakutin at mapanginig, ay bumalik at pumihit … mula sa bundok ng Galaad. At bumalik sa bayan ang [dalawampu’t] dalawang libo; at naiwan ang [sampung] libo.”7
Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon, “ang [mga tao] ay totoong marami pa.”8 Sinabihan niya si Gedeon na palusungin ang mga kalalakihan sa tubig para makita ang pamamaraan kung paano nila iinumin ang tubig. Yaong mga humimod ng tubig ay inilagay sa isang grupo, at yaong mga yumukod sa kanilang mga tuhod para uminom ay inilagay sa isa pang grupo. Sinabi ng Panginoon kay Gedeon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang [lalaki] na humimod ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Madianita sa iyong kamay: at [hayaan] mong ang [lahat ng ibang tao] ay yumaon bawa’t isa sa [kani-kaniyang] dako.”9
Bumalik si Gedeon sa kanyang mga hukbo at sinabi niya sa kanila, “Tumindig kayo; sapagka’t ibinigay ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Madian.”10 At hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at nilagyan niya ang kamay ng bawat isang lalaki ng pakakak, na may kasamang mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga. At sinabi niya sa kanila:
“[Tingnan] ninyo ako, at inyong parisan: at, [masdan], [kapag] ako’y dumating sa pinakahuling bahagi ng kampamento, ay mangyayari, na kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin.
“[Kapag] ako’y hihihip ng pakakak, ako at lahat na kasama ko, ay humihip nga naman kayo ng mga pakakak … at sabihin ninyo, Ang tabak ng Panginoon, at ni Gedeon.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Magsisunod kayo.” Ang eksaktong sinabi niya ay, “Kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin.”11
Sa hudyat ng lider, inihip ng hukbo ni Gedeon ang mga pakakak at binasag ang mga banga at isinigaw, “Ang tabak ng Panginoon, at ni Gedeon.” Nakatala sa mga banal na kasulatan ang kinahinatnan ng digmaang ito: “At sila’y nangakatayo, bawa’t isa, sa kaniyang dako,” at ang tagumpay ay napanalunan.12
Ang home teaching ay bahagi ng plano ngayon na sumagip. Nang unang ipinaalam ito ni Pangulong David O. McKay sa lahat ng mga General Authority, ipinayo niya: “Home teaching ang isa sa mga pinakakailangan at pinaka-nakasisiyang oportunidad para mangalaga at magbigay-inspirasyon, magpayo at pumatnubay sa mga anak ng ating Ama. … [Ito] ay isang banal na paglilingkod, isang banal na tungkulin. Tungkulin natin bilang mga Home Teacher na dalhin ang banal na espiritu sa bawat tahanan at puso.”13
Sa ilang lugar kung saan walang sapat na lakas ng Melchizedek Priesthood, ang mga stake president at bishop, sa pakikipagtulungan sa mga mission president, ay maaaring gumamit ng mga full-time missionary para bisitahin ang mga less-active at part-member na pamilya. Hindi lamang nito muling pinagniningas ang diwa ng gawaing misyonero sa tahanan, ngunit naglalaan din ito ng isang perpektong pagkakataon para makapag-anyaya na magbahagi ng ebanghelyo sa mga tao na mataas ang posibilidad na tanggapin ito.
Sa loob ng maraming taon na nagbibisita ako ng mga stake sa iba’t ibang panig ng mundo, mayroong mga stake kung saan ang mga pinuno ng ward at stake, dahil sa pangangailangan o bilang tugon sa tungkulin, ay tumigil sa pagpapahayag ng kanilang pagkabalisa at sa pagdadahilan, naghanda para magtrabaho, at, sa tulong ng Panginoon, nagtrabaho at nagdala ng mga natatanging kalalakihan para maging karapat-dapat sa Melchizedek Priesthood at, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, makapasok sa banal na templo para sa kanilang mga endowment at pagbubuklod.
Sa mabilis na paraan, magbabanggit ako ng ilang mga halimbawa:
Sa isang pagbisita sa Millcreek Stake sa Salt Lake City ilang taon na ang nakararaan, nalaman ko na mahigit 100 miyembrong lalaki na potensyal na elder ang naordenan bilang mga elder noong nakaraang taon. Tinanong ko kay Pangulong James Clegg kung ano ang lihim ng kanyang tagumpay. Bagama‘t masyado siyang mapagpakumbaba para tanggapin ang papuri, inihayag ng isa sa kanyang mga tagapayo na dahil alam niya na malaking hamon ito, personal na tumawag si Pangulong Clegg at nagtakda ng isang pribadong pagkikita sa pagitan niya at ng bawat isang potensyal na elder. Sa kanilang pagkikita, binanggit ni Pangulong Clegg ang templo ng Panginoon, binigyang-diin ang mga nakapagliligtas na ordenansa at tipan, at nagtapos sa tanong na ito: “Hindi mo ba gustong dalhin ang iyong pinakamamahal na asawa at mga anak sa bahay ng Panginoon para kayo ay maging walang-hanggang pamilya sa buong kawalang-hanggan?” Sumang-ayon ang potensyal na elder, nagpatuloy ang proseso ng muling pagpapaaktibo, at nakamit ang mithiin.
Noong 1952, karamihan sa mga pamilya sa Rose Park Third Ward ay mga miyembro na ang mga ama o asawa ay nagtataglay lamang ng Aaronic Priesthood, sa halip na Melchizedek Priesthood. Tinawag si Brother L. Brent Goates na maglingkod bilang bishop. Inanyayahan niya ang isang less-active na miyembro sa ward, si Ernest Skinner, na tumulong sa pagpapaaktibo sa 29 miyembrong lalaki sa ward na may sapat na gulang na nagtataglay ng katungkulan ng teacher sa Aaronic Priesthood at tulungan ang mga kalalakihang ito at ang kanilang mga pamilya na makapunta sa templo. Dahil siya mismo ay isang less-active na miyembro, nag-atubili si Brother Skinner noong una ngunit sa huli ay nagpahiwatig na gagawin niya kung ano ang makakaya niya. Nagsimula siyang personal na bumisita sa mga less-active na miyembrong lalaki na may sapat na gulang na nagtataglay ng katungkulan ng teacher sa Aaronic Priesthood, nagsisikap na tulungan sila na makita ang kanilang tungkulin bilang mga lider ng priesthood sa kanilang mga tahanan at bilang mga asawa at mga ama sa kanilang mga pamilya. Kalaunan ay inanyayahan niya ang ilan sa mga less-active na miyembrong lalaki na tumulong sa kanya sa kanyang gawain. Isa-isa silang naging aktibo muli at dinala nila ang kanilang mga pamilya sa templo.
Isang araw, umalis sa pila sa grocery ang ward clerk para batiin ang huling miyembro ng grupo na magpupunta sa templo. Bilang komento sa pagiging huling miyembro ng grupong iyon na nakapasok sa templo: “Nanood lang ako habang ang ibang miyembro ng grupo ay naging aktibo sa ward at nagpunta sa templo. Kung naisip ko lang sana kung gaano kaganda sa loob ng templo, at kung paano nito mababago ang aking buhay magpakailanman, hindi sana ako ang huling nabuklod sa templo sa 29 na kalalakihan.”
Sa bawat isa sa mga salaysay na ito, mayroong apat na elemento na umakay sa kanila sa tagumpay:
-
Ipinagpatuloy ang pagkakataon ng muling pagpapaaktibo sa antas ng ward.
-
Nakilahok ang bishop ng ward.
-
May nakalaan na mga karapat-dapat at inspiradong guro.
-
Binigyan ng sapat na pansin ang bawat indibiduwal.
Mga kapatid, alalahanin natin ang payo ni Haring Benjamin, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”14
Tumulong tayo sa pagsagip sa mga yaong nangangailangan ng ating tulong at iangat natin sila sa isang mas maganda at matuwid na pamumuhay. Ituon natin ang ating isipan sa mga pangangailangan ng mga mayhawak ng priesthood at sa kanilang mga asawa at mga anak na nalihis sa daan ng pagiging aktibo. Nawa’y pakinggan natin ang mensahe sa kanilang mga puso na hindi nila masabi.
Ang gawain ng muling pagpapaaktibo ay hindi gawain para sa tamad o mapangarapin. Lumalaki ang mga anak, tumatanda ang mga magulang, at walang hinihintay ang oras. Huwag ipagpaliban ang isang pahiwatig; sa halip, kumilos ayon dito, at bubuksan ng Panginoon ang daan.
Kadalasan, kailangan ang banal na katangian ng pagtitiyaga. Bilang isang bishop, nakaramdam ako ng pahiwatig na bisitahin ang isang lalaki na medyo aktibo ang asawa, pati na ang mga anak. Gayunman, hindi tumutugon ang lalaking ito. Napakainit noong araw na kumatok ako sa pinto ni Harold G. Gallacher. Nakita ko si Brother Gallacher na nakaupo sa kanyang upuan habang nagbabasa ng diyaryo. “Sino iyan?” tanong niya, na ni hindi man lamang lumilingon.
“Ang iyong bishop,” sagot ko. “Pumarito ako para makilala ka at hikayatin kang dumalo sa ating mga miting kasama ang iyong pamilya.”
“Hindi pwede, marami akong ginagawa,” ang mapagmataas na tugon nito. Hindi man lamang siya lumingon. Pinasalamatan ko siya para sa kanyang pakikinig at umalis na ako sa pintuan.
Lumipat ang pamilyang Gallacher sa California hindi kalaunan pagkatapos niyon. Lumipas ang mga taon. Pagkatapos, bilang isang miyembro ng Korum ng Labindalawa, nagtatrabaho ako sa aking opisina isang araw nang tumawag ang aking kalihim, na nagsasabing: “Nais po kayong makausap ng isang Brother Gallacher na dating nakatira sa inyong ward. Narito po siya sa aking opisina.”
Tumugon ako, “Tanungin mo kung siya si Harold G. Gallacher na dating nakatira, kasama ang kanyang pamilya, sa interseksyon ng West Temple Street at ng 500 South Street sa Salt Lake City.”
Sabi niya, “Siya nga po ang lalaking iyon.”
Sinabi ko sa kanya na papasukin ito. Nagkaroon kami ng masayang kuwentuhan tungkol sa kanyang pamilya. Sabi sa akin ni Harold, “Naparito ako para humingi ng paumanhin para sa hindi ko pagtayo sa aking upuan at hindi ko pagpapapasok sa iyo noong napakainit na araw na iyon maraming taon na ang nakararaan.” Tinanong ko siya kung aktibo siya sa Simbahan. Nang may ngiti sa kanyang labi, tumugon siya: “Ako na ngayon ang pangalawang tagapayo sa aming ward bishopric. Ang iyong paanyaya na magsimba, at ang aking negatibong tugon, ay lagi kong naaalala kaya nagpasiya akong kumilos ayon dito.
Nagkita pa kami ni Harold nang maraming beses bago siya pumanaw. Ang mga Gallacher at ang kanilang mga anak ay gumanap sa maraming katungkulan sa Simbahan. Ang isa sa mga pinakabatang apo ay naglilingkod ngayon ng isang full-time mission.
Para sa maraming misyonero na maaaring nakikinig ngayong gabi, ibabahagi ko ang obserbasyon na ang mga binhi ng patotoo ay madalas na hindi kaagad nagkakaroon ng ugat at bulaklak. Ang tinapay na inihasik sa tubigan ay sumisibol lamang, kung minsan, pagkaraan ng maraming araw. Ngunit ito ay sumisibol.
Sinagot ko ang tawag sa aking telepono isang gabi at narinig ang isang tinig na nagtatanong, “May kaugnayan ka ba sa isang Elder Monson na naglingkod sa New England Mission maraming taon na ang nakararaan?”
Sumagot ako na hindi gayon ang kaso. Ipinakilala ng tumawag ang kanyang sarili bilang isang Brother Leonardo Gambardella at pagkatapos ay binanggit na may isang Elder Monson at isang Elder Bonner na tumawag sa kanyang tahanan dati at nagbahagi ng kanilang mga patotoo sa kanya at sa kanyang asawa. Nakinig sila ngunit wala silang ginawa upang ipamuhay ang mga turo ng mga ito. Kalaunan ay lumipat sila sa California, kung saan, pagkalipas ng humigit-kumulang 13 taon, muli nilang natagpuan ang katotohanan at nagbalik-loob at nabinyagan sila. Pagkatapos ay itinanong ni Brother Gambardella kung may anumang paraan na maaari niyang mahanap ang mga elder na unang bumisita sa kanila, upang maipahayag niya ang kanyang taos-pusong pasasalamat para sa kanilang mga patotoo, na tumimo sa kanya at sa kanyang asawa.
Siniyasat ko ang mga talaan. Nahanap ko ang mga elder. Naiisip ba ninyo ang pagkagulat nila, na ngayon ay may asawa at may sari-sariling mga pamilya na, nang tawagan ko sila at sabihin ko sa kanila ang magandang balita—maging ang naging bunga ng kanilang mga pagsisikap noon? Naalala nila kaagad ang mga Gambardella. Naghanda ako ng isang tawag sa telepono na nag-ugnay sa aming lahat upang maipahayag nila nang personal ang kanilang mga pagbati at matanggap nila ang mga ito sa Simbahan. Ipinahayag nila ang kanilang pagbati. May mga luha, ngunit ang mga ito ay luha ng kagalakan.
Isinulat ni Edwin Markham ang mga linyang ito:
Magkakapatid tayo na may iisang tadhana;
Sa pagtahak sa landas tayong lahat may kasama:
Lahat ng idinulot natin sa buhay ng iba
Sa atin ay siya ring ibabalik nila.16
Ngayong gabi, dalangin ko na nawa’y madama nating lahat na mayhawak ng priesthood ang ating mga responsibilidad, na tumayo tayo, tulad ni Gedeon noong sinaunang panahon, sa tungkuling itinalaga sa atin at, bilang isa, sundin ang ating Pinuno—maging ang Panginoong Jesucristo—at ang Kanyang propeta na si Pangulong Gordon B. Hinckley. Nawa’y tulungan at sagipin natin ang mga yaong nangahulog sa kasalanan, para wala ni isang mahalagang kaluluwa na mawala.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.