Ngunit Kung Hindi …
Nakagagawa ang mga tao ng mga kagila-gilalas na bagay sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga utos—sa pamamagitan ng pagsampalataya kahit hindi nila alam kung paano sila hinuhubog ng Panginoon.
Noong binata ako, umuwi ako mula sa isang eighth-grade basketball tournament na dismayado, malungkot, at nalilito. Napabulalas ako sa nanay ko, “Hindi ko po alam kung bakit kami natalo—nanalig ako na mananalo kami!”
Nauunawaan ko na ngayon na hindi ko alam noon kung ano ang pananampalataya.
Ang pananampalataya ay hindi katapangan, hindi isang pangarap lamang, hindi pag-asa lamang. Ang tunay na pananampalataya ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo—kumpiyansa at pagtitiwala kay Jesucristo na umaakay sa isang tao na sumunod sa Kanya.1
Ilang siglo na ang nakalipas, si Daniel at ang kanyang mga batang kasamahan ay biglang nasabak sa mundo—isang mundong hindi pamilyar sa kanila at nakakatakot. Nang tumanggi sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego na yumuko at sambahin ang isang ginintuang imahe na itinayo ng hari, sinabi sa kanila ng isang galit na Nabucodonosor na kung hindi sila sasamba ayon sa utos, sila ay kaagad na itatapon sa hurnong nagniningas. “At sinong Diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”2
Mabilis at tiwalang sumagot ang tatlong kabataang lalaki, “Kung mangyayari na [ihahagis ninyo kami sa hurno], ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy, [at ililigtas] niya kami sa iyong kamay.” Parang katulad ito ng pananampalataya ko noong nasa ikawalong-baitang ako. Pero pagkatapos ay ipinakita nila na lubos nilang naunawaan kung ano ang pananampalataya. Nagpatuloy sila, “Ngunit kung sakali mang hindi, … hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba sa gintong rebulto na iyong ipinatayo.”3 Iyan ay pahayag ng tunay na pananampalataya.
Alam nila na maaari silang magtiwala sa Diyos—kahit na ang mga bagay-bagay ay hindi naging katulad ng inasahan nila.4 Alam nila na ang pananampalataya ay higit pa sa pagpayag ng isipan, higit pa sa pagkilala na ang Diyos ay buhay. Ang pananampalataya ay lubos na pagtitiwala sa Kanya.
Ang pananampalataya ay paniniwala na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Ang pananampalataya ay pagkaalam na bagama’t limitado ang ating kapangyarihan, ang Kanyang kapangyarihan ay hindi limitado. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay binubuo ng ganap na pag-asa sa Kanya.
Alam nina Sadrach, Mesach, at Abed-nego na lagi silang makakaasa sa Kanya dahil alam nila ang Kanyang plano, at alam nila na hindi Siya nagbabago.5 Alam nila, tulad ng alam natin, na ang mortalidad ay hindi aksidente lang na nangyari. Ito ay maikling bahagi ng dakilang plano6 ng ating mapagmahal na Ama sa Langit upang maging posible para sa atin, na Kanyang mga anak, na makamtan ang mga pagpapalang tinatamasa rin Niya, kung handa tayo.
Alam nila, tulad ng alam natin, na sa buhay bago tayo isinilang, sinabihan Niya tayo tungkol sa layunin ng mortalidad: “Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan; At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”7
Hayan ang katibayan—ito ay isang pagsubok. Ang mundo ay isang lugar ng pagsubok para sa mortal na kalalakihan at kababaihan. Kapag nauunawaan natin na lahat ng ito ay pagsubok, na pinangangasiwaan ng ating Ama sa Langit, na nagnanais na magtiwala tayo sa Kanya at tulutan Siyang tulungan tayo, noon natin makikita ang lahat nang mas malinaw.
Ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian, sabi Niya sa atin, ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”8 Nakamit na Niya ang pagiging diyos. Ngayon ang tanging layunin Niya ay tulungan tayo—upang makabalik tayo sa Kanya at maging katulad Niya at mamuhay na katulad Niya sa kawalang-hanggan.
Batid ang lahat ng ito, hindi mahirap para sa tatlong batang Hebreong iyon na gumawa ng desisyon. Sila ay susunod sa Diyos; mananampalataya sila sa Kanya. Ililigtas Niya sila, subalit kung hindi—at alam na natin ang nangyari sa kuwento.
Binigyan tayo ng Panginoon ng kalayaang pumili, ang karapatan at responsibilidad na magpasiya.9 Sinusubukan Niya tayo sa pamamagitan ng pagtutulot na dumaan tayo sa mga hamon. Tinitiyak Niya sa atin na hindi Niya tayo pahihintulutang matukso nang higit pa sa kakayahan nating mapaglabanan ang tukso.10 Ngunit dapat nating maunawaan na ang malalaking hamon ay nagpapadakila sa mga tao. Hindi tayo naghahangad ng kapighatian, ngunit kung tutugon tayo nang may pananampalataya, palalakasin tayo ng Panginoon. Ang mga pero kung hindi ay maaaring maging pambihirang mga pagpapala.
Natutuhan ni Apostol Pablo ang mahalagang aral na ito at ipinahayag, makalipas ang ilang dekada ng tapat na gawaing misyonero, “Nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian … [nalalaman] na ang kapighatian ay nagbubunga ngpagtitiis; At ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.”11
Tiniyak sa kanya ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.”12
Sumagot si Pablo: “Ako’y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin. … Kaya nga ako’y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako’y mahina, ako nga’y malakas.”13 Nang maharap si Pablo sa mga hamon sa paraan ng Panginoon, lumakas ang kanyang pananampalataya.
“Sa pamamagitan ng pananampalataya nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac.”14 Si Abraham, dahil sa kanyang malaking pananampalataya, ay pinangakuan ng mga inapo na mas marami kaysa sa mga bituin sa kalangitan, at na ang mga inapo na iyon ay darating sa pamamagitan ni Isaac. Ngunit kaagad sumunod si Abraham sa utos ng Panginoon. Tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako, ngunit kung hindi ayon sa paraang inaasahan ni Abraham, lubos pa rin siyang magtitiwala sa Kanya.
Nakagagawa ang mga tao ng mga kagila-gilalas na bagay sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga utos—sa pagsampalataya kahit hindi nila alam kung paano sila hinuhubog ng Panginoon.
“Sa pamamagitan ng pananampalataya si Moises … ay tumangging tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;
“Na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan;
“Itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Egipto. …
“Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Egipto, at hindi natakot sa poot ng hari. …
“Sa pananampalataya’y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa. …
“Sa pananampalataya’y gumuho ang pader ng Jerico.”15
Ang iba “sa pananampalataya’y lumupig ng mga kaharian, … nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,
“Pumatay ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan.”16
Ngunit sa gitna ng lahat ng maluwalhating bunga na inasam at inasahan ng mga kalahok, laging naroon ang mga ngunit kung hindi:
“At ang iba’y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, … ng mga tanikala at pagkabilanggo:
“Sila’y pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila’y naglibot … mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi; …17
“Naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa [kanila, sa kanilang mga pagdurusa, dahil kung walang pagdurusa sila ay hindi magagawang] sakdal.”18
Ang ating mga banal na kasulatan at ating kasaysayan ay puno ng mga salaysay tungkol sa dakilang kalalakihan at kababaihan ng Diyos na naniwala na ililigtas Niya sila, ngunit kung hindi, ipinakita nila na magtitiwala sila at magiging totoo.
May kapangyarihan Siya, ngunit ito ay pagsubok sa atin.
Ano ang inaasahan ng Panginoon hinggil sa pagharap natin sa mga hamon? Inaasahan Niyang gagawin natin ang lahat ng ating magagawa. Siya na ang bahala pagkatapos niyon. Sinabi ni Nephi, “Sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”19
Kailangan din nating manampalataya tulad nina Sadrach, Mesach, at Abed-nego.
Ililigtas tayo ng ating Diyos mula sa pangungutya at pag-uusig, ngunit kung hindi. … Ililigtas tayo ng ating Diyos mula sa sakit at karamdaman, ngunit kung hindi …. Ililigtas Niya tayo mula sa kalungkutan, depresyon, o takot, ngunit kung hindi. … Ililigtas tayo ng ating Diyos mula sa mga pagbabanta, paratang, at kawalang-katiyakan, ngunit kung hindi. … Ililigtas Niya tayo mula sa kamatayan o kapighatian ng mga mahal sa buhay, ngunit kung hindi, … magtitiwala tayo sa Panginoon.
Sisiguruhin ng ating Diyos na makatatanggap tayo ng hustisya at katarungan, ngunit kung hindi. … Titiyakin Niya na tayo ay mamahalin at kikilalanin, ngunit kung hindi. … Tatanggap tayo ng perpektong kabiyak at matwid at masunuring mga anak, ngunit kung hindi, … mananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo, batid na kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya, tayo, sa Kanyang panahon at sa Kanyang paraan, ay maliligtas at matatanggap ang lahat ng mayroon Siya.20 Pinapatotohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.