Sagradong Pribilehiyo Natin ang Mapabilang
Pinatototohanan ko na talagang nababagay kayo, na talagang kabilang kayo sa Relief Society—ang kawan ng Mabuting Pastol para sa kababaihan.
Mga kapatid, nagagalak akong makapiling kayo ngayong gabi. Salamat sa inyong di-mabilang na pagdamay, sa inyong mga lumalagong patotoo, sa walang-katapusang pagpapakain ninyo sa amin! Kayo ay gumagawa ng kaibhan at naghahatid ng kagalakan sa aking kaluluwa!
Sa mga panahong ito na mapanganib, naaaliw ako sa pangakong “kung [tayo] ay handa [tayo] ay hindi matatakot.”1 Tinutulungan tayo ng Relief Society na maghanda—hindi lang sa temporal, kundi pati sa espirituwal. Ngunit hindi makatutulong ang Relief Society sa ating paghahanda kung hindi tayo makikibahagi! Nag-aalala ako na baka pakiramdam ng ilan sa inyo ay hindi kayo nababagay sa Relief Society, na hindi kayo kabilang! Pakiramdam man ninyo’y napakabata o napakatanda ninyo, napakayaman o napakahirap, napakatalino o napakamangmang, lahat tayo ay maaaring mapabilang, anuman ang ating mga pagkakaiba! Kung masusunod lang ang gusto ko, iyon ay ang madama ng bawat isa sa inyo na kayo ay nababagay, na kayo ay kabilang. Pinatototohanan ko na talagang nababagay kayo, na talagang kabilang kayo sa Relief Society—ang kawan ng Mabuting Pastol para sa kababaihan.
Karamay ako ni Pangulong Joseph F. Smith nang sabihin niya noong 1907, “Ngayo’y karaniwang ipinalalagay ng mga bata, masigla, at matalinong kababaihan na matatanda lang ang dapat sumali sa Relief Society.” Pagkatapos ay ipinahayag niya, “Mali ito.”2
Kamakailan ay binisita ko ang Ethiopia, kung saan nakilala ko si Jennifer Smith. Kung may isang babaeng magsasabi na hindi siya nababagay, iyo’y si Sister Smith. Sabi niya, “Ang laki ng kaibhan ko sa iba [pang kapatid] sa aming branch. Sa wika, pananamit, kultura, lahat ay parang may pagkakaiba [sa amin. Pero] nang pag-usapan namin ang Tagapagligtas … nabawasan ang pagkakaiba. Nang pag-usapan namin ang mapagmahal na Ama sa Langit …, nawala ang pagkakaiba.” Sabi pa niya, “Hindi natin mababago ni mapapalis ang mga pasanin ng iba, pero maaari nating maisama at maibilang ang isa’t isa nang may pag-ibig.”3
Nakasumpong ng isang bahagi ng Sion ang mga kapatid na ito sa pamamagitan ng pagiging mga taong “may isang puso at isang isipan.”4 Dahil “kung hindi kayo isa,” sabi ng Panginoon, “kayo ay hindi sa akin.”5 Sinabi ni Pangulong Hinckley na kung “magkakaisa [tayo] at magsasalita nang may iisang tinig, hindi masusukat ang [ating] lakas.”6 Bilang magkakapatid sa Sion, paano tayo magkakaisa? Sa parehong paraan kung paano tayo nabibilang sa isang asawa o sa isang pamilya: ibinabahagi natin ang ating pagkatao—ang ating mga damdamin, isipan, puso.
Sa isang ward, ipinakikilala ng mga ina ang kanilang mga anak na babae sa Relief Society sa isang miting sa araw ng Linggo kapag nag-18 na sila. Isang ina ang magiliw na nagpahayag kung paano siya inaruga ng kanyang mga kapatid sa Relief Society nang maaga siyang mag-asawa: “Pinakain nila ako at niyakap sa mga oras ng kalungkutan, dinulutan ng katuwaan at suporta sa pagdiriwang. Tinuruan nila ako ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbisita sa akin at pagtutulot sa akin na bisitahin sila. Hinayaan nila akong magkamali kahit masayang ang kanilang oras.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ng inang ito sa kanyang anak na babae na ang mga butonsilyo sa kanilang hardin ay galing kay Carolyn, ang mga lirio ay mula kay Venice, ang mga buttercup ay mula kay Pauline. Namangha ang anak na babae. Sagot ng kanyang ina, “Ang mga babaeng ito ay aking mga kapatid sa lahat ng paraan, at nagpapasalamat akong dalhin ka sa kanilang pangangalaga.”
Ang pagkakaiba-iba sa hardin ang nagpapaganda rito—kailangan natin ng mga butonsilyo at lirio at buttercup; kailangan natin ng mga hardinerong magdidilig, mag-aalaga, at magmamalasakit. Sa kasamaang-palad, alam ni Satanas na pinag-iisa ng pagbibigayan ang ating kapatiran sa araw-araw at hanggang sa magpasawalang-hanggan. Batid niya na sisirain ng kasakiman ang pagbibigayan, na siyang sumisira sa pagkakaisa, na sumisira sa Sion. Mga kapatid, hindi natin matutulutang paghiwalayin tayo ng kaaway. Dahil, “Makapagliligtas sa tao ang ganap na pagkakaisa,” wika ni Brigham Young.”7 At idaragdag ko na ang ganap na pagkakaisa ay makapagliligtas sa ating lipunan.
Ipinaaalala sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer na, “napakaraming kapatid … ang nag-aakala na ang Relief Society ay isang klase lang na dadaluhan. … Mga kapatid,” payo niya, “tigilan ninyo ang pag-aakala na kayo ay dumadalo lang sa Relief Society para madama na kayo’y kabilang dito!”8 Ang pagiging kabilang natin ay nagsisimula tuwing araw ng Linggo kapag naririnig natin ang boses ng isa’t isa. Walang gurong dapat magbigay ng kanyang leksyon sa isang grupo ng tahimik na mga kapatid, dahil ang leksyon ay ating leksyon.
Ang pagiging kabilang ay ang madamang kayo’y kailangan, mahal, at hinahanap-hanap kapag kayo’y wala; ito’y pangangailangan, pagmamahal, at paghahanap sa mga wala roon. Iyan ang kaibhan ng pagdalo sa pagiging kabilang. Ang Relief Society ay hindi lang basta klase tuwing araw ng Linggo: ito’y banal na kaloob sa ating mga babae.
Narito ang dalawang dahilan kung bakit ko nadaramang kabilang ako sa Relief Society—at hindi lang dahil katungkulan ko ito ngayon! Nalulungkot ako noong isang buwan nang dumating ang aking mga visiting teacher. Diborsyada si Sue, at si Cate naman ay isa sa mga dati kong Laurel. Naghatid sila ng mensahe at isang dalangin. Pero naghatid din sila ng tunay na malasakit. Pinasigla nila ako at minahal.
Ipinagdasal ako ng isa sa aking mga kapatid sa Relief Society kamakailan at hiniling niya sa Ama sa Langit na basbasan ako—at binanggit niya mismo ang aking pangalan—sa aking mga responsibilidad. Hindi niya alam ang aking mga tunay na pangangailangan, pero alam niya ang nadarama ko.
Ngayon, siguro’y hindi dumarating ang inyong mga visiting teacher nitong mga nakaraan, o siguro’y hindi pa kayo naipagdasal na binabanggit mismo ang inyong pangalan. Ikinalulungkot ko kung gayon nga. Pero hindi na kayo kailangang bisitahin para maging mabuting visiting teacher; hindi na kayo kailangang ipagdasal para makapagdasal. Sa kabila ng ating mga kaibhan, kung bukas-palad at tapat tayong magbabahagi, magbabahagi rin ang ating mga kapatid; malalaman natin ang damdamin ng isa’t isa, at sisibol ang pagiging kabahagi na tulad ng isang hardin. Nalaman ni Sister Smith at ng ating mga kapatid na taga-Ethiopia na balewala ang mga kaibhan, dahil ang pagiging kabilang ay pagbabahagi ng pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. At ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.
Sa Primary man o sa Young Women tayo naglilingkod, aktibo man tayo o di-gaano, may asawa man o wala, bata man o matanda, lahat tayo’y kabilang sa Relief Society. Matanda na ako, pero pakiramdam ko’y bata pa ako! Kailangan namin ang inyong tinig, ang inyong damdamin, ang inyong puso. Kailangan kayo ng Relief Society. At alam ba ninyo? Kailangan ninyo ang Relief Society. Kapag hindi kayo nakikibahagi, pinagkakaitan ninyo ang inyong sarili at pinagkakaitan ninyo ang Relief Society.
Mga kapatid, hindi tayo dapat magkahidwaan sa Relief Society; lahat ng “[miyembro] ay [dapat] mangagkaroon ng magkasing-isang [malasakit] sa isa’t isa.”9 “At kung ang isang [miyembro] ay nagdaramdam, ang lahat ng [miyembro] ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang [miyembro] ay nagkakapuri, ang lahat ng [miyembro] ay nangagagalak na kasama niya.”10 Sapagkat “ang katawan ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap.”11
Oo, maaaring maging mas masaya, mas nakakatuwa, mas nagkakaisa ang Relief Society. Maaaring mapagaan ang ating mga pasanin, mabawasan ang kanilang bigat. Hindi perpekto ang Relief Society, dahil walang perpekto sa atin. Pero magagawan natin ito ng paraan; magkakasama natin itong magagawang perpekto habang sumusulong tayo. Paano? Sa pamamagitan lang ng pagbabago ng ating mga pag-uugali: Nakakaapekto ang mga sinasabi natin tungkol sa Relief Society sa damdamin ng iba tungkol sa Relief Society—lalo na sa mga kabataang babae.
Suportahan natin ang mga panguluhan at guro ng Relief Society—hayaan natin silang matuto sa ating panahon (tulad ng pagkatuto natin sa kanilang panahon). Higit na magpatawad kaysa manghusga. Maging mapagmalasakit at maaasahang visiting teacher. Maging masigla sa pagdalo sa home, family, and personal enrichment meeting. Tuklasin ang maganda tungkol sa Relief Society at maging matatag dito.
Nagpalabas ng utos si Pangulong Joseph F. Smith na tayo’y “manangan sa gawaing ito [ng Relief Society] nang may sigla, talino at pagkakaisa, para sa pagtatatag ng Sion.”12 Kung naniniwala tayo na naipanumbalik na ang Simbahan ng Panginoon—at talaga naman—dapat tayong maniwala na ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng Kanyang inorganisang kawan. Kailangan nating tigilan ang katatanong kung nababagay tayo—dahil talaga naman! Hindi napakalaki ng ating mga pagkakaiba para hindi natin maitatag nang magkakasama ang Sion.
Halos isang taon na ang nakararaan, sa Pasadena, California, nag-aagaw-buhay na si Sister Janice Burgoyne dahil sa kanser. Bukas-palad siyang nakibahagi at minahal siya nang husto. Ang kanyang mga kapatid sa Relief Society ay naghatid ng pagkain sa kanya, naglinis ng kanyang bahay, nag-alaga sa kanyang dalawang maliliit na anak, tumulong sa kanyang asawa na planuhin ang libing. Mahirap para kay Janice na tumanggap ng gayon karaming tulong, batid na makikita ng kanyang mga kapatid ang lumang tinapay sa likod ng sopa. Nag-alala siya na baka may malaman pa ang kanyang mga kapatid bukod sa nadarama niya. Pero dahil alam ng kanyang mga kapatid ang nadarama niya, balewala na ito. Inihatid nila ang mga bata, tinulungan nila ang mga ito na gumawa ng takdang-aralin, tumugtog sila sa kanyang piyano, pinalitan nila ang kobre-kama. At ginawa nila ito araw-araw, nang walang reklamo, nang may walang-hanggang pag-ibig sa kapwa. Binago ng gayong pakikibahagi ang mga kapatid na yaon. Bago siya namatay, bumaling sa isang kapatid sa Relief Society si Janice at buong pasasalamat at paghangang nagtanong, “Paano kaya namamatay ang isang tao kung walang Relief Society?”
Sa inyo, mahal kong mga kapatid—at kayo’y aking mga kapatid—ang tanong ko, “Paano nabubuhay ang isang tao kung walang Relief Society?”
Sagradong pribilehiyo natin ang mapabilang, Gustung-gusto kong ikapit kayo sa aking mga bisig at dumalo sa Relief Society kasama ninyo. Gustung-gusto kong malaman ang nadarama ninyo at malaman ninyo ang nadarama ko. Dalhin ang inyong mga puso, ang inyong mga mapagmahal na puso, sa Relief Society. Dalhin ang inyong mga talento, ang inyong mga kaloob, ang inyong pagkatao para tayo’y maging isa.
Pinatototohanan ko na “ang mabuting pastol ay tumatawag sa [atin] … [upang] dalhin [tayo] sa kanyang kawan.”13 Maaaring hindi natin alam ang lahat ng sagot, pero dapat tayong magtiwala na mahalagang bahagi ng Kanyang gawain ang Relief Society, dahil
Landas man [nati’y] magpasikut-sikot sa kabundukan,
Batid Niya ang pastulang [ating] kinakainan …
Dinadamitan ang mga lirio sa parang,
Pinakakain ang mga tupa [ng] Kanyang kawan,
May tiwala sa Kanya’y pagagalingin,
At gagawing ginintuan ang puso [natin].14
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.