Mapapalad ang Lahat nang May Dalisay na Puso
Pagpalain nawa ng Diyos ang ating tunay na mga pagsisikap na maging dalisay ang puso at isipan, upang “[mapuspos] ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay.”
Sa paglalakad sa dalampasigan sa Caribbean noong isang maaraw na umaga ilang taon na ang nakararaan, kami ng asawa ko ay nakakita ng ilang maliliit na bangkang pangisda na idinaong sa buhanginan. Nang huminto kami para tingnan ang mga bangka, may natutuhan akong isang bagay tungkol sa pangingisda na hinding-hindi ko malilimutan. Sa halip na gumamit ng mga lambat, bingwit, o kawit, ang mga mangingisda sa lugar ay gumamit ng simpleng mga bitag na gawa sa alambre. Ang bawat bitag ay hugis-kahon. Binutasan nang pahaba ng mga mangingisda ang bawat gilid ng bitag nang mga walong pulgada at pagkatapos ay ibinaluktot paloob ang pinutol na mga alambre, na nakagawa ng makikitid na butas kung saan maaaring pumasok ang isda.
Marahil mahuhulaan ninyo kung paano gumagana ang isang bitag. Dinala ng mga mangingisda ang bitag na may pain sa dagat at inilubog ito sa ilalim. Kapag ang malaki-laking isda ay lumapit sa bitag at nakita ang pain, maghahanap ito ng butas sa gilid ng bitag at lalangoy papasok, na sumisiksik sa pagitan ng pinutol na mga alambre. Pagkatapos, kapag ang nabitag na isda ay nagtangkang lumangoy palabas, madidiskubre nito na madaling sumiksik sa mga pinutol na alambre para makapasok sa bitag, pero mahirap lumangoy pasalubong sa matutulis na dulo ng alambre para makalabas—nahuli ito. Pagbalik ng mga mangingisda, hinila nila ang bitag sa tubig at ang nahuling isda ay mabilis na naging sariwang pagkain sa hapunan.
May kuwento sa Lumang Tipan tungkol sa isang tao na nahuli sa gayunding bitag. Ang taong iyon ay ang makapangyarihang si Haring David, at ang nangyari ay isa sa pinakamalungkot na kuwento sa mga banal na kasulatan.
“At nangyari … sa panahon ng paglabas ng mga hari sa pakikipagbaka, na sinugo ni David si Joab, at ang kaniyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel; at [nakipaglaban sila kay Ammon]. Nguni’t si David ay naghintay sa Jerusalem.
“At nangyari sa kinahapunan, na si David ay bumangon sa kaniyang higaan, at lumakad sa bubungan ng bahay ng hari: at mula sa bubungan ay kaniyang nakita ang isang babae na naliligo; at ang babae ay totoong napakagandang masdan” (II Samuel 11:1–2).
Nalaman ni David na ang pangalan ng babae ay Bath-sheba. Ang asawa nito na si Uria, isang kawal, ay wala sa bahay at nakikipaglaban sa mga Ammonite kasama ang hukbo, kung saan si David, ang kanilang hari, ay dapat na naroon. Pinapunta ni David si Bath-sheba sa palasyo. Nagkasala sila ng pakikiapid, nagdalantao ito, at natakot si David na matuklasan ang pakikiapid nila. Umaasang maitatago ang kanyang kasalanan, iniutos ni David na pabalikin si Uria sa Jerusalem. Bumalik si Uria, ngunit dahil sa prinsipyo ay tumangging umuwi para dalawin si Bath-sheba. Dahil dito inayos ni David na mapaslang si Uria sa digmaan (tingnan sa II Samuel 11:3–17). Ang sunud-sunod na kakila-kilabot na mga desisyong ito ay nagdulot ng kamatayan kay Uria at kalungkutan kina David, Bath-sheba, at sa huli ay sa buong kaharian. [L]ubhang hindi binigyang-[diin] ang nangyari, sinasabi ng Biblia na, “Ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon” (II Samuel 11:27).
Nakita ba ninyo kung paano nahuli sa bitag na ito si David? Siya ay nasa patyo sa bubungan ng kanyang palasyo at habang nakadungaw sa isang kalapit na bakuran ay nakita niya ang isang bagay na hinding-hindi niya dapat tiningnan. Iyon ang pain ng kaaway. Kailangan sa kahinhinan, kalinisang-puri, at mabuting pagpapasiya na kaagad talikuran ito ni David at huwag tumingin, ngunit hindi niya ginawa ang alinman sa dalawang ito. Sa halip, hinayaan niyang maglaro sa kanyang isipan ang mga bawal na imahinasyon, ang mga kaisipang iyon ay nauwi sa pagkilos, at ang mga sitwasyon ay kaagad na nauwi mula sa masama ay naging napakasama hanggang sa naging nakamamatay. Nabitag si David, at para sa kanya ang mga ibinunga nito ay walang-hanggan.
May isang espirituwal na patibong na tinatawag na pornograpiya, at marami, na nabibihag sa nakapupukaw na mga mensahe nito, ang pumapasok sa nakamamatay nitong bitag. Tulad ng ibang bitag, madaling pumasok pero mahirap tumakas. Nangangatwiran ang ilan na walang anuman nilang matitingnan ang pornograpiya nang hindi dinaranas ang masamang epekto nito. Sa una sinasabi nila, “Hindi naman ito gaanong masama,” o “Anong pakialam nila? Wala namang mababago,” o “Gusto ko lang makita.” Ngunit nagkakamali sila. Nagbabala ang Panginoon, “At siya na titingin sa isang babae upang magnasa sa kanya ay magtatatwa sa pananampalataya, at hindi makatatamo ng Espiritu; at kung hindi siya magsisisi siya ay ititiwalag” (D at T 42:23). Iyan ang eksaktong nangyari kay David: tumingin siya kay Bathsheba, pinagnasaan ito, at nawala sa kanya ang Espiritu. Ibang-iba sana ang nangyari sa nalalabing buhay ni David kung siya lamang ay hindi tumingin.
Kasama sa pagkawala ng Espiritu, ang mga gumagamit ng pornograpiya ay nawawalan din ng pananaw at wastong pagpapasiya. Katulad ni Haring David, tinatangka nilang itago ang kanilang kasalanan, nalilimutang walang bagay ang maikakaila sa Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 27:27). Ang tunay na mga bunga nito ay nagsisimulang dumagsa kapag naglaho ang paggalang sa sarili, pumapait ang matamis na samahan, nawawasak ang pagsasama ng mag-asawa, at maraming inosenteng biktima ang nasasaktan. Kapag natuklasan nila na hindi na sila nasisiyahan sa pinanonood nila, sinusubukan nila ang mas malalaswang panoorin. Unti-unti silang nagiging sugapa nang hindi nila nalalaman [o kahit na itatwa pa nila ito], at katulad ni David, pasama nang pasama ang kanilang pag-uugali sa pagguho ng kanilang mga pamantayan sa moralidad.
Habang ang kilalang kultura sa buong mundo ay pahina nang pahina, pinupuno naman ng kalaswaan ang media, libangan, anunsiyo, at Internet. Ngunit ang popularidad ayon sa nangingibabaw na pamantayan ng mundo ay lubhang mapanganib na gamiting sukatan ng kung ano ang tama o hindi mapanganib. Ang isang pelikula o palabas sa telebisyon ay maaaring maging pinakasikat at pinakagusto ng milyun-milyong manonood, at gayunpaman ay nagpapakita ng mga panoorin at gawi na pornograpiko. Kung may isang bagay sa pelikula na “hindi gaanong masama,” ibig sabihin din nito ay hindi rin ito gaanong mabuti. Kaya, kahit na nanonood ang iba ng mga pelikula o nagbubukas ng mga website na hindi karapat-dapat ay hindi natin ito dapat gamiting katwiran. Dapat tularan ng mga mayhawak ng priesthood sa kanilang buhay ang mga pamantayan ng Tagapagligtas at Kanyang Simbahan, hindi ang mga pamantayan ng mundo.
Itinuro ng Tagapagligtas, “At mapapalad ang lahat nang may dalisay na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos” (3 Nephi 12:8). Ang mga pangako ng [e]banghelyo ay nagpapasigla at nagpaparangal, at nagpapadakila rin. Natanggap natin ang mga pangakong iyon sa pamamagitan ng mga tipan na nakabatay sa pamumuhay natin sa kadalisayan at moralidad. Kapag namumuhay tayo nang tama at hinahangad na dalisayin ang ating puso, mas napapalapit tayo sa Diyos at Espiritu. Ang kalagayan ng ating puso ang nagsasabi kung gaano karaming katibayan ng Diyos ang nakikita natin sa mundo ngayon at ginagawa tayo nitong karapat-dapat para sa katuparan sa wakas ng pangako na ang may dalisay na puso ay “makikita ang Diyos.” Ang sa atin ay paghahangad ng kadalisayan. Kaya nga, isinulat ni Apostol Juan:
“Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya: sapagka’t siya’y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili.
“At sinomang mayroon ng pag-asang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman niyang malinis” (I Ni Juan 3:2–3).
Kung nahuli na kayo sa bitag ng pornograpiya, panahon na para palayain ang inyong sarili sa tulong ng Tagapagligtas. May paraan para makalabas, pero kakailanganin ninyo ang Kanyang tulong para makatakas. Ang lubusan ninyong paggaling ay nakasalalay sa inyong lubusang pagsisisi. Magpunta kaagad sa inyong bishop. Hingin ang kanyang inspiradong paggabay. Tutulungan niya kayo na isaayos ang isang plano ng pagsisisi na magpapanumbalik sa inyo ng pagpapahalaga sa sarili at magpapabalik ng Espiritu sa inyong buhay. Ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay sumasakop sa lahat ng pagdurusa, kahit [sa isang ito]. Kung babaling kayo sa Tagapagligtas nang buong puso at susundin ang payo ng inyong bishop, matatagpuan ninyo ang paggaling na kailangan ninyo. Tutulungan kayo ng Tagapagligtas na magkaroon ng lakas na mapaglabanan ang tukso at kapangyarihan na madaig ang adiksyon. Tulad ng itinuro ni Moroni:
“Lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob, at huwag humipo ng masamang kaloob ni ng maruming bagay. …
“Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:30, 32).
Pagpalain nawa ng Diyos ang ating tunay na pagsisikap na maging dalisay ang puso at isipan, upang “puspusin [nawa] ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay” (D at T 121:45). Pinatototohanan ko ang mapangtubos na pag-ibig ng Tagapagligtas at ang nakapagpapadalisay na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pangalan ni Jesucristo, amen.