O Pakatandaan, Pakatandaan
“O pakatandaan, pakatandaan,” madalas na pagsamo ng mga propeta sa Aklat ni Mormon.1 Ang layon ko ay himukin kayong humanap ng mga paraan para makilala at maalala ang kabaitan ng Diyos.
Nagpapasalamat ako para sa koro sa kanilang broadcast ngayong umaga, na tungkol sa Tagapagligtas, at nagpapasalamat ako na makita na ang mga salita ng isa sa mga awitin na kinanta nila, ang “This is the Christ [Ito nga ang Cristo],” ay isinulat ni Pangulong James E. Faust. Nang umupo ako sa tabi ni Brother Newell, humilig ako sa kanya at nagtanong, “Kumusta ang iyong mga anak?” Sabi niya, “Noong nakaupo si Pangulong Faust sa upuang iyan, iyan ang palagi niyang itinatanong.” Hindi ako nagulat, dahil si Pangulong Faust ay palaging perpektong halimbawa ng isang disipulo na inilarawan sa Musika at Binigkas na Salita ngayong araw. Noon ko pa nadarama na paglaki ko, gusto kong maging katulad ni Pangulong Faust. Siguro mayroon pa namang panahon.
Noong maliliit pa ang aming mga anak, nagsimula akong magsulat ng ilang mga bagay tungkol sa kung ano ang nangyayari sa araw-araw. Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo kung paano iyon nagsimula. Gabi na akong nakauwi mula sa isang tungkulin sa Simbahan. Madilim na noon. Ginulat ako ng biyenan kong lalaki, na nakatira malapit sa amin, habang papalapit ako sa pintuan sa harap ng bahay ko. May pasan siyang mga tubo sa kanyang balikat, mabilis ang lakad at nakadamit ng pantrabaho. Alam kong naglalagay siya ng mga tubong hihigop ng tubig mula sa ilog sa bandang ibaba paakyat sa bahay namin.
Ngumiti siya, marahang nagsalita, at pagkatapos ay nilagpasan ako at nagtungo sa dilim para ituloy ang ginagawa niya. Humakbang ako papasok sa bahay, na iniisip kung ano ang ginagawa niya para sa amin, at paglapit ko sa pintuan, narinig ko sa aking isipan—hindi sa sarili kong tinig—ang mga salitang ito: “Hindi para sa iyo ang mga ipinararanas ko sa iyo. Isulat mo ang mga ito.”
Pumasok ako. Hindi ako natulog. Bagama’t pagod na ako, naglabas ako ng ilang papel at nagsimulang magsulat. At nang gawin ko ito, naunawaan ko ang mensaheng narinig ko sa aking isipan. Dapat akong magsulat para mabasa ng aking mga anak, balang-araw, kung paano ko nakita ang kamay ng Diyos na nagpapala sa aming pamilya. Hindi kailangang gawin ni Lolo ang ginagawa niya para sa amin. Ipinagawa na lang sana niya ito sa iba o hindi na sana niya ito ginawa pa. Ngunit pinagsisilbihan niya kami, ang kanyang pamilya, sa paraang laging ginagawa ng pinagtipanang mga disipulo ni Jesucristo. Alam kong iyan ay totoo. Kaya nga isinulat ko ito, para maalala ito ng aking mga anak balang-araw kapag kailangan nila ito.
Nagsulat ako ng ilang linya araw-araw sa loob ng ilang taon. Hindi ako pumalya kahit isang araw gaano man ako kapagod o gaano man kaaga ang gising ko kinabukasan. Bago ako magsulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: “Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o ang aming pamilya sa araw na ito?” Habang patuloy ko itong ginagawa, may nagsimulang mangyari. Habang ginugunita ko ang mga nangyari sa maghapon, nakikita ko ang katibayan ng nagawa ng Diyos para sa isa sa amin na hindi ko kaagad napansin dahil sa kaabalahan sa maghapon. Nang mangyari iyon, at madalas iyong mangyari, napagtanto ko na sa paggunita ay naipakita sa akin ng Diyos kung ano ang Kanyang nagawa.
Higit pa sa pasasalamat ang aking nadama. Lumakas ang patotoo ko. Lalo kong natiyak na nakikinig at sumasagot ang ating Ama sa Langit sa mga dalangin. Nakaramdam ako ng higit na pagpapasalamat para sa paglambot at pagdalisay ng puso ng tao dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At lalong lumakas ang aking kumpiyansa na ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay—maging ang mga bagay na hindi natin napansin o binigyan ng atensyon nang mangyari ang mga ito.
Lumipas ang mga taon. Malalaki na ang mga anak ko. At kung minsan ay ginugulat ako ng isa sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabing, “Itay, binabasa ko po sa kopya ko ng journal ang tungkol sa …” at pagkatapos ay sasabihin niya sa akin kung paanong ang pagbabasa ng nangyari noon ay nakatulong sa kanya para mapansin ang isang bagay na ginawa ng Diyos sa kanyang buhay.
Ang layon ko ay himukin kayong humanap ng mga paraan para makilala at maalala ang kabaitan ng Diyos. Palalakasin nito ang ating mga patotoo. Maaaring wala kayong journal. Hindi siguro ninyo ibinabahagi sa inyong mga mahal sa buhay at pinaglilingkuran ang anumang itinala ninyo. Ngunit kayo at sila ay pagpapalain kapag inalala ninyo kung ano ang nagawa ng Panginoon. Maaaring naaalala ninyo ang awiting kinakanta natin kung minsan: “Mga pagpapala ay bilangin mo, mamamangha ka sa kaloob sa ‘yo.”2
Hindi ito madaling alalahanin. Dahil may lambong ang ating mga mata sa buhay na ito, hindi natin maalala kung ano ang buhay natin sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, sa mundo bago tayo isinilang; at hindi rin natin makikita ang kamay ng Diyos sa ating mga buhay gamit lamang ang ating mga pisikal na mata o katwiran. Kailangan ang Espiritu Santo para makita ang mga bagay na iyon. At hindi madaling maging marapat na [makasama] ang Espiritu Santo sa isang mundong masama.
Kaya nga ang paglimot sa Diyos ay lagi nang problema ng Kanyang mga anak mula nang likhain ang mundo. Isipin ang panahon ni Moises, nang magpakain ng mana ang Diyos at sa mahimala at kitang-kitang mga paraan ay inakay at pinrotektahan ang Kanyang mga anak. Gayunman, ang mga propeta ay nagbabala sa mga tao na tunay na mga pinagpala, tulad ng mga propeta na lagi at mananatiling nagbababala: “Mag-ingat ka sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso sa lahat ng araw ng iyong buhay.”3
At ang hamon ng pag-alaala ang pinakamahirap sa tuwina para sa mga taong pinagpapala nang sagana. Ang mga taong tapat sa Diyos ay protektado at sumasagana. Iyon ay dumarating dahil sa paglilingkod sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ngunit kasama ng mga pagpapalang iyon ay dumarating ang tukso na kalimutan ang pinagmulan ng mga ito. Napakadaling isipin na ang mga pagpapala ay ipinagkaloob hindi sa pamamagitan ng isang mapagmahal na Diyos, kung kanino tayo umaasa, kundi sa pamamagitan ng sarili nating lakas. Ilang beses nang inulit ng mga propeta ang panaghoy na ito:
“At sa gayon natin mamamasdan kung gaano kahuwad, at gayon din ang kahinaan ng mga puso ng mga anak ng tao; oo, nakikita natin na ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya.
“Oo, at makikita natin sa panahon ding yaon kung kailan niya pinananagana ang kanyang mga tao, oo, sa pag-unlad ng kanilang mga bukirin, ng kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga bakahan, at sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng mahahalagang bagay ng bawat uri at kasanayan; pinangangalagaan ang kanilang mga buhay, at inililigtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; pinalalambot ang mga puso ng kanilang mga kaaway upang hindi sila makidigma laban sa kanila; oo, at sa madaling salita, ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal—oo, at dahil ito sa kanilang kaginhawaan, at kanilang labis na kasaganaan.”
At ang propeta ay patuloy na nagsasabi: “Oo, kaybilis maiangat sa kapalaluan; oo, kaybilis magmalaki, at gumawa ng lahat ng uri ng yaong masama; at kaybagal nila sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos, at pakinggan ang kanyang mga payo, oo, kaybagal lumakad sa mga landas ng karunungan!”4
Nakakalungkot na hindi lamang ang pag-unlad ang dahilan ng mga tao kung bakit nakakalimutan nila ang Diyos. Maaari ring maging mahirap na alalahanin Siya kapag ang ating mga buhay ay nagiging mahirap. Kapag nakikibaka tayo, gaya ng karamihan, sa matinding kahirapan o kapag ang ating kaaway ay nananaig laban sa atin o kapag hindi gumagaling ang sakit, ang kaaway ng ating mga kaluluwa ay maaaring magpadala ng kanyang masamang mensahe na walang Diyos o na kung Siya ay umiiral, wala Siyang malasakit sa atin. Pagkatapos ay maaaring mahirap para sa Espiritu Santo na ipaalala sa atin ang habambuhay na pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon mula sa ating pagkabata at sa gitna ng ating pangamba.
Mayroong isang simpleng lunas sa kakila-kilabot na karamdaman ng paglimot sa Diyos, sa Kanyang mga pagpapala, at sa Kanyang mga mensahe sa atin. Ipinangako ito ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo nang Siya ay malapit nang ipako sa krus, mabuhay na mag-uli, at pagkatapos ay kunin mula sa kanila upang bumalik nang maluwalhati sa Kanyang Ama. Nais nilang malaman kung paano nila makakayanang magtiis kung wala na Siya sa kanila.
Narito ang pangako. Natupad ito para sa kanila noon. Maaari itong matupad para sa ating lahat ngayon:
“Ang mga bagay na ito’y sinalita ko sa inyo, samantalang ako’y tumatahang kasama pa ninyo.
“Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.”5
Ang susi sa pag-alaala na nagdudulot at nagpapanatili ng patotoo ay ang pagtanggap sa Espiritu Santo bilang kasama. Ang Espiritu Santo ang tumutulong sa atin na makita kung ano ang nagawa ng Diyos para sa atin. Ang Espiritu Santo ang makakatulong sa mga pinaglilingkuran natin na makita kung ano ang nagawa ng Diyos para sa kanila.
Ang Ama sa Langit ay nagbigay ng simpleng huwaran para sa atin na matanggap ang Espiritu Santo hindi lang minsan kundi patuloy sa mga kaguluhan ng ating pang-araw-araw na mga buhay. Ang huwaran ay inuulit sa panalangin sa sakramento: Nangangako tayong lagi nating aalalahanin ang Tagapagligtas. Nangangako tayong tataglayin ang Kanyang pangalan sa ating sarili. Nangangako tayong susundin ang Kanyang mga kautusan. At ipinangako sa atin na kung gagawin natin iyon, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin.6 Ang mga pangakong iyon ay nagtutulungan sa isang kahanga-hangang paraan upang mapalakas ang ating mga patotoo at sa paglipas ng panahon, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, mabago ang ating pagkatao habang tinutupad natin ang ating bahagi sa pangako.
Ang Espiritu Santo ang siyang nagpapatotoo na si Jesucristo ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit na nagmamahal sa atin at nagnanais na magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan kasama Niya nang sama-sama bilang mga pamilya. Kahit nagsisimula pa lamang tayong magkaroon ng patotoo tungkol dito, tayo ay nakadarama ng paghahangad na paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan. Kapag nagpatuloy tayo sa paggawa nito, matatanggap natin ang mga kaloob ng Espiritu Santo para mabigyan tayo ng kapangyarihan sa ating paglilingkod. Nakikita natin ang kamay ng Diyos nang mas malinaw, napakalinaw kaya sa paglipas ng panahon ay hindi lamang natin Siya inaalala, kundi minamahal natin Siya at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, tayo ay nagiging higit na katulad Niya.
Maaaring maitanong ninyo, “Pero paano magsisimula ang prosesong ito sa isang taong walang alam tungkol sa Diyos at nagsasabing wala siyang kahit na anong alaala ng espirituwal na karanasan?” Lahat ay nagkaroon ng espirituwal na mga karanasan na maaaring hindi lamang nila napansin. Bawat tao, sa pagsilang sa mundo, ay binigyan ng Espiritu ni Cristo. Inilarawan sa Aklat ni Moroni kung paano kumikilos ang espiritu na iyon:
“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.
“Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang diyablo, sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala, kahit isa; ni ang kanyang mga anghel; ni sila na nagpapasakop ng kanilang sarili sa kanya. …
“Kaya nga, ako ay sumasamo sa inyo, mga kapatid, na masigasig na saliksikin ninyo ang liwanag ni Cristo upang inyong malaman ang mabuti sa masama; at kung kayo ay mananangan sa bawat mabuting bagay, at hindi ito susumpain, kayo ay tiyak na magiging isang anak ni Cristo.”7
Kaya, bago pa man matanggap ng tao ang karapatan sa mga kaloob ng Espiritu Santo, kapag sila ay napagtibay bilang miyembro ng Simbahan, at bago pa man mapagtibay ng Espiritu Santo ang katotohanan sa kanila bago ang binyag, nagkakaroon sila ng mga espirituwal na karanasan. Ang Espiritu ni Cristo, mula sa kanilang pagkabata, ay nag-anyaya na sa kanila na gumawa ng mabuti at nagbabala sa kanila laban sa kasamaan. May mga alaala sila ng mga karanasang iyon kahit na hindi nila natukoy ang pinagmulan ng mga ito. Ang alaalang iyon ay babalik sa kanila kapag itinuro ng mga missionary o natin sa kanila ang salita ng Diyos at pinakinggan nila ito. Maaalala nila ang pakiramdam ng kagalakan o kalungkutan kapag naituro sa kanila ang mga katotohanan ng ebanghelyo. At ang alaalang iyon ng Espiritu ni Cristo ang magpapalambot sa kanilang mga puso na magtutulot sa Espiritu Santo na magpatotoo sa kanila. Iyon ang aakay sa kanila na sundin ang mga kautusan at nanaising taglayin nila ang pangalan ng Tagapagligtas. At kapag ginawa nila ito, sa mga tubig ng binyag, at kapag narinig nila ang mga salita sa kumpirmasyon na “Tanggapin ang Espiritu Santo” na sinasabi ng isang awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos, ang kapangyarihan na laging alalahanin ang Diyos ay madaragdagan.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang magiliw na damdamin na naramdaman ninyo habang nakikinig kayo sa katotohanan na sinabi sa kumperensyang ito ay mula sa Espiritu Santo. Ang Tagapagligtas, na nangakong darating ang Espiritu Santo, ang pinakamamahal at niluwalhating Anak ng ating Ama sa Langit.
Mamayang gabi, at bukas ng gabi, maaari kayong magdasal at isiping itanong: May ipinahatid bang mensahe ang Diyos para sa akin? Nakita ko ba ang Kanyang kamay sa aking buhay o sa buhay ng aking mga anak? Gagawin ko iyan. At pagkatapos ay hahanap ako ng paraan upang mapanatili ang alaalang iyan para sa araw na kailangan ko, at ng mga mahal ko, na maalala kung gaano kami kamahal ng Diyos at kung gaano namin Siya kailangan. Pinatototohanan ko na mahal Niya tayo at pinagpapala Niya tayo, higit pa sa napapansin ng karamihan sa atin. Alam ko na ito ay totoo, at nagagalak akong alalahanin Siya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.