Mga Pagpupugay mula sa Libing ni Elder Robert D. Hales
Oktubre 6, 2017, Salt Lake Tabernacle
Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol
“Mami-miss ko ang mahal kong kaibigang si Robert D. Hales. Magkasama kaming naglingkod nang mahigit 40 taon sa iba’t ibang tungkulin at komite bilang mga General Authority ng Simbahan. Sa lumipas na ilang taon, magkatabi kami ng upuan sa Korum ng Labindalawa. Hahanap-hanapin ko ang pagiging mabiro at kung minsa’y nakatatawang mga komento ni Elder Hales. Ang matalino niyang payo at malalim na pananaw … ay tiyak na hahanap-hanapin nating lahat. …
“Noong Agosto 1991, dinanas ni Bob ang una niyang atake sa puso …
“Magmula noon, nagkasunud-sunod na ang pagkakasakit niya. Sa maraming taong magkatabi kami ng upuan, saksi ako sa tibay ng loob at ganap na dedikasyon ni Robert D. Hales. Maraming beses na nilapitan ko siya, hinipo ang braso niya, at hinawakan ang kamay niya at, sa maliit na paraang ito, nadama ko ang sakit at hirap na dinaranas niya. …
“Talagang hinahangaan ko ang mahal kong kaibigan, at alam kong maayos na ang lagay niya ngayon at mapayapa na kapiling ang kanyang minamahal na mga magulang, … at iba pang miyembro ng pamilya, at higit sa lahat, bumalik na siya sa piling ng kanyang mga Magulang sa Langit at minamahal na Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, na buung-buo niyang pinaglingkuran bilang isa sa Kanyang piniling Apostol.”
Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol
“Si Elder Hales ay mahalagang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng mahigit 23 taon. Hindi matatawaran ang mga naiambag niya sa buong Simbahan at sa bawat miyembro ng Korum. Wala siyang pagod sa kanyang paglilingkod. Sa loob ng 42 at kalahating taon bilang General Authority, naging kabilang siya sa halos lahat ng konseho at komite sa punong-tanggapan ng Simbahan. Malaki ang nagawa ng kanyang talino, ideya, at impluwensya sa pagsulong ng kaharian ng Diyos sa buong mundo. …
“… Ang pinakamimithi niya ay pakamahalin at alagaan si Mary, paglingkuran ang kanyang itinatanging pamilya at mga miyembro ng Simbahan, at maging isang magiting na disipulo ng Panginoon, na labis niyang pinagpipitaganan.
“Ang pagiging matiyaga ni Bob sa pagharap sa mga problema sa kanyang kalusugan ay kahanga-hanga. Nagpatuloy siya sa kabila ng talaga namang nakapanghihinang epekto ng walang patid na problema sa kalusugan niya. Kami na mga nakakita sa kanya ay nagtanong, paano niya nagawa iyon? …
“… Isang jet pilot na may tibay ng loob, isang kampeong atleta na may tiyaga, isang disipulo ng Panginoon na may pagpapakumbaba at debosyon, kahanga-hangang natapos ni Elder Hales ang misyon niya sa buhay. Naipasa niya ang mga pagsusulit ng mortalidad at umuwi na dala-dala ang pinakamatataas na karangalan.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
“Naobserbahan ko si Elder Hales, nakatrabaho ko, at natuto ako sa kanya. Nagkaroon kami ng mga karanasan na humamon at nagpalakas sa amin at may ilang sumubok sa amin. Sa bawat pagkakataong iyon ako’y natuto sa kanya at nakitang yumabong ang espirituwal na lakas niya.
“Isang espirituwal na kaloob ang taglay niya mula pa noong makilala ko siya. Ito ang kaloob na maging isang kaibigang ganap na matapat. Maaaring sa tingin ninyo ito’y kakayahang hindi gaanong mahalaga. Ngunit ang Panginoon mismo ang kumilala sa Kanyang mga Apostol sa mga kataga ng pagkakaibigan. …
“… Nililinaw ng Panginoon ang kapangyarihang taglay ng ganitong uri ng kaibigan, na tinalikdan ang mundo para sa paglilingkod sa Panginoon:
“’At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo’ (D at T 84:88). …
“Ngayon, umaasa ako na babasahin ng mga inapo ni Elder Hales, at lahat ng nagmamahal sa kanya, ang mga salitang iyon ng Panginoon na naglalarawan kay Robert D. Hales, isang kaibigan at disipulong ganap na matapat. …
“… Saksi ako kung paano niya naipasa ang mga pagsubok sa kanyang katapatan na alam niyang kagustuhan ng Diyos na kanyang kaibigan.”