2017
Elder Robert D. Hales: Nabuhay nang Marangal
Sa Pag-alaala: Elder Robert D. Hales


Elder Robert D. Hales: Nabuhay nang Marangal

“O, kung ako lamang ay may angking tinig at trumpeta ng isang anghel ipapahayag ko sa buong sangkatauhan na nagbangon [si Jesucristo] at siya ay buhay; na siya ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama, ang ipinangakong Mesiyas, na ating Manunubos at Tagapagligtas; na siya ay pumarito sa mundong ito upang ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa. Sa inyo at sa akin nakatuon ang banal na misyon niya na magsilapit tayo sa kanya at tayo ay aakayin niya tungo sa buhay na walang hanggan.”1

Robert D. Hales and his wife, Mary

Pabalat: larawang kuha ni Stuart Johnson, Deseret News

Nang maglingkod si Elder Robert D. Hales bilang piloto ng isang jet fighter sa U.S. Air Force noong 1950s, may motto ang mga miyembro ng kanyang squadron na magsisilbing inspirasyon nila sa kanilang mga tungkulin.

Sinabi ni Elder Hales sa mga priesthood holder noong 1990 samantalang naglilingkod bilang Presiding Bishop, “Ang motto ng yunit namin—na naka-display sa gilid ng eroplano namin—ay ‘Bumalik nang may Dangal’”. “Ito ang motto na palaging nagpaalala sa determinasyon naming makabalik sa aming sariling base nang may dangal matapos na maibigay namin ang lahat ng aming pagsusumikap na matagumpay na maisagawa ang bawat aspeto ng aming misyon.”2

Robert D. Hales as pilot with plane; as businessman

Naniniwala si Elder Hales, na noo’y madalas magsalita tungkol sa pagbalik nang may dangal, na lahat ng anak ng Ama sa Langit ay matutulungan sa kanilang pagtahak sa landas ng walang hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa motto na ito sa kanilang buhay. Dahil bawat araw ng buhay ay isang misyon, itinuro niya, “Kailangan nating alalahanin kung sino tayo at ang walang hanggang mithiin nating ‘Bumalik nang may Dangal,’ kasama ang mga pamilya natin, sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit.”3

Sa kanyang tungkulin bilang asawa at ama, negosyante, at General Authority ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang mahigit 40 taon, hindi nalimutan ni Elder Hales kung sino siya at kumilos nang nararapat. At sa pamamagitan ng kanyang katapatan, pagsunod, pagsisikap, at paglilingkod, siya ay naging ehemplo ng motto ng kanyang squadron buong buhay niya.

Malapit sa Isa’t Isa ang Pamilya

Robert D. Hales with his parents and siblings; as a child

Si Robert Dean Hales ay isinilang sa New York City, USA, noong Agosto 24, 1932, ang pangatlo sa tatlong anak nina J. Rulon Hales at Vera Marie Holbrook Hales. Si Robert ay lumaki sa kalapit na Long Island sa isang tahanang nakasentro sa ebanghelyo Naglingkod ang mga magulang niya sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan, pati na ang pagiging mga stake missionary, at tuwing Linggo ang pamilya ay naglalakbay nang 20 milya (32 km.) para dumalo sa Queens Ward.

“Malapit kami sa isa’t isa ng aking pamilya,” paggunita ni Elder Hales. Ang tahanan ng kanyang kinalakihan ay tinawag niyang “isang magandang lugar para lumaki” at ang kanyang pamilya na “isang pinagkukunan ng lakas.”4

Ang mabubuting halimbawa ng kanyang mga magulang ay mga alaalang gumabay sa kanyang buhay.5 “Ipinamuhay nila ang ebanghelyo, pinag-aralan ang mga banal na kasulatan, at nagpatotoo sa Diyos Ama at sa kanyang Anak na si Jesucristo,” sabi ni Elder Hales. “Sila rin ay nagpatotoo kay Propetang Joseph Smith.”6

Natutuhan niya sa murang edad na “ang susi sa pagpapalakas sa ating mga pamilya ay pagtahan ng Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan.”7

Itinuro kay Robert ng kanyang ina, na naglingkod nang mahigit 30 taon sa Relief Society, ang tungkol sa pagmamahal at paglilingkod sa pagsama sa kanya sa paglilingkod nito sa mahihirap at mga nangangailangan.8 Itinuro ng kanyang ama, na isang mahusay na pintor sa New York City, ang mga aral na walang hanggan tungkol sa priesthood at Panunumbalik. Minsan, isinama niya si Robert sa Ilog ng Susquehanna, kung saan natanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aaronic Priesthood mula kay Juan Bautista. Minsan naman, isinama niya si Robert sa Sagradong Kakahuyan.

“Sabay kaming nagdasal sa kakahuyan at ipinahayag ang pagnanais naming maging tunay at tapat sa priesthood na taglay namin,” paggunita niya. “Kalaunan ipininta ng aking ama ang lugar kung saan kami nagdasal at ibinigay iyon sa akin bilang alaala sa mga pangakong magkasama naming ginawa noong araw na iyon. Naka-display ito ngayon sa opisina ko at nagsisilbing paalala sa akin bawat araw sa sagradong karanasan at mga ipinangako ko kasama ang aking ama at gayundin sa aking Ama sa Langit.”9`

Robert D. Hales as young baseball player; in Dodgers uniform

Isang manlalaro ng baseball noong bata pa, si Robert ay naglaro kalaunan sa high school at kolehiyo, at noong 2007 siya ang nagbato ng seremonyal na unang paghahagis ng bola sa isang larong pangpropesyonal.

Larawang kuha ni Sonja Eddings Brown

“Habang gumuguhit siya at nagbabasa mula sa mga banal na kasulatan, natutuhan ko kung paano maging matapat na priesthood holder—na magpoprotekta at ipaglalaban ang kaharian ng Diyos. Ang mga salita ni Apostol Pablo ang siyang gabay ko” (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:13–17).

Pinag-iisipan ang aral na iyon sa paglipas ng mga taon, itinuro ni Elder Hales na, “Kung tayo ay tapat sa priesthood, matatanggap natin ang baluting ito bilang kaloob ng Diyos. Kailangan natin ang baluting ito!”10

May isa pang mahalagang katangian ang natutuhan ni Elder Hales mula sa halimbawa ng kanyang ama.

Sabi niya, “Natuto akong gumalang sa kababaihan mula sa magiliw na pag-aaruga ng ama ko sa aking ina, mga kapatid ko, at mga kapatid niya.” Matapos atakihin ang ina ni Elder Hales, ang “mapagmahal na pag-aaruga ng ama ko sa kanyang pinakamamahal na kabiyak” sa huling dalawang taon ng buhay nito ang nagsilbing halimbawa na kailanma’y hindi niya nalimutan. “Sinabi niya sa akin na maliit na kabayaran ito sa mahigit limampung taong pagmamahal na iniukol ng aking ina sa kanya.”11

Pinakamahalaga Niyang Biyaya

Habang nasa tahanan pagkauwi mula sa kolehiyo noong 1952, nakilala ni Robert ang isang dalaga na nagngangalang Mary Crandall, na kamakailan lamang ay lumipat sa New York mula sa California. Kaagad na nagkamabutihan ang dalawa.

“Nang makilala ko siya, hindi na ako nakipag-date pa sa iba,” paggunita ni Elder Hales.12

Nang magtapos ang tag-init na iyon, pareho silang bumalik ng Utah para mag-aral. Nag-aral si Robert sa University of Utah samantalang sa Brigham Young University naman si Mary, ngunit hindi nila hinayaang paghiwalayin sila ng layo nila sa isa’t isa. Hindi pa natatagalan nang magtapos ang school year na iyon, sila ay nagpakasal sa Salt Lake Temple noong Hunyo 10, 1953. Nang sumunod na limang taon sila ay biniyayaan ng dalawang anak na lalaki, sina Stephen at David.

Robert and Mary Hales on wedding day; Robert and Mary with their sons

Nang magtapos si Robert noong 1954 na may degree sa komunikasyon at pagnenegosyo, siya ay naglingkod sa air force bilang piloto ng isang jet fighter. Nang matapos ang kanyang paglilingkod pagkalipas ng apat na taon, lumipat sila ng kanyang pamilya mula sa Florida patungong Massachusetts upang kumuha ng master’s degree sa business administration. Bagama’t nahamon nang husto ang kanyang kakayahan sa Harvard Business School, natawag siya bilang pangulo ng elders quorum. Ito ang tanging pagkakataon sa buhay niya na nag-atubili siyang tumanggap ng tungkulin sa Simbahan.

“Baka bumagsak ako sa pag-aaral ko kung magiging elders quorum president ako,” sabi niya kay Mary.

Ang mga salitang isinagot sa kanya ni Mary ang tutulong sa kanya buong buhay niya: “Bob, mas gusto ko pang magkaroon ng isang aktibong maytaglay ng priesthood kaysa isang lalaking may master’s degree sa Harvard.” Pagkatapos ay niyakap siya nito at sinabi pa, “Gagawin natin ito pareho.”13

At ginawa nga nila ito.

Kinabukasan nilagyan ni Mary ng dingding na pangharang ang isang bahagi ng basement ng kanilang apartment na hindi pa tapos gawin upang magkaroon ng lugar si Robert kung saan siya makapag-aaral nang hindi naiistorbo.

“Ipinaubaya ko ang sarili ko sa mga kamay ng Panginoon nang magdesisyon akong” tanggapin ang calling, sabi ni Elder Hales makalipas ang 30 taon. “Naging mas mahirap gawin para sa akin ang desisyong iyon kaysa noong, pagkalipas ng mga taon, tinanggap ko ang tawag sa aking maglingkod bilang Assistant ng Labindalawa at iwan ang career ko sa pagnenegosyo.”14

Paglipas ng mga taon, nang naging matatag na ang pinansiyal na katayuan ng kanyang pamilya, binalak ni Elder Hales na bilhan si Mary ng isang mamahaling coat. Nang itanong niya rito kung ano ang kanyang palagay sa balak niyang pagbili, tanong niya, “Bibilhin mo ba ito para sa akin o para sa iyo?”

Ang kanyang tanong ay tinawag ni Elder Hales na “hindi malilimot na aral.” Puna niya: “Sa madaling salita, itinatanong niya, ‘Kaya mo ba inireregalo ito ay para ipakitang mahal mo ako o para ipakita sa akin na mahusay kang maglaan o may gusto kang patunayan sa mundo?’ Pinagbulayan ko ang tanong niya at natanto ko na hindi siya at ang aming pamilya ang iniisip ko kundi ang sarili ko”15

Kinilala ni Elder Hales na ang asawa niya ang kanyang pinakamahalagang biyaya.16 “Hindi ako ganito ngayon kung wala siya,” sabi niya. “Mahal na mahal ko siya. Siya ay may mga kaloob ng Espiritu. Magkasama kaming nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at dito nanggagaling ang marami sa mga konseptong itinuturo ko dahil may companion study kami at nagdarasal. Kung sino ako ngayon ay dahil dito.”17

Sa palagay ni Elder Hales marami ang naisagawa nila ni Mary sa buhay dahil magka-team sila. “Noon pa ma’y palagi na kaming magka-team at mananatili iyon. Sa aking palagay, ang pakikinig sa asawa ko, pangalawa sa pakikinig sa Espiritu Santo, ang pinakamahalagang impluwensiya sa buhay ko.”18

Robert D. Hales with Mary in front of temple; with Mary and President and Sister Kimball

“Marami Kang Magiging Misyon”

Nang magtapos si Robert ng kanyang MBA noong 1960, kaagad na dumating sa kanya ang maraming oportunidad sa hanapbuhay. Sa sumunod na 15 taon siya ay naglingkod bilang senior executive sa ilang malalaking kumpanya sa United States. Ang angking galing niya sa kanyang trabaho ang nagdala sa kanya at sa kanyang pamilya sa ilang lungsod sa America, sa England, Germany at Spain. Ang mga paglalakbay na iyon ang nagbigay sa kanya ng mga leadership calling sa Simbahan na buong-puso niyang tinanggap.

Naglingkod siya sa mga panguluhan ng branch sa Spain, Germany, at sa United States sa Georgia at Massachusetts. Naglingkod siya bilang isang bishop sa Frankfurt, Germany, at sa Massachusetts at Illinois, USA. Naglingkod siya bilang isang high councilor sa London, England, at Boston, Massachusetts, kung saan naglingkod din siya sa stake presidency. Sa Minnesota at Louisiana, USA, naglingkod din siya bilang isang regional representative.

Noong 1975, samantalang nasa loob ng board meeting sa trabaho, nakatanggap si Robert ng isang maikling mensahe na nasa telepono si Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), na noo’y Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Nang sagutin ni Robert ang telepono, tinawag siya ni Pangulong Romney na maglingkod bilang isang mission president. Tinanggap ni Robert ang calling, pero bago pa man niya magampanan ang mga tungkulin bilang president ng England London Mission kalaunan ng taon ding iyon, muli siyang nakatanggap ng tawag mula sa Salt Lake City, at sa pagkakataong ito, mula kay Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985).

“Okay lang ba sa iyo kung maglilingkod ka nang mas matagal sa tatlong taon?” tanong ni Pangulong Kimball. Matapos sabihin ni Robert na okay lamang sa kanya, tinawag siya ni Pangulong Kimball bilang assistant sa Korum ng Labindalawang Apostol.

“Sinabi sa akin ni Pangulong Kimball na alam niyang nanghihinayang ako dahil gusto kong maglingkod bilang isang mission president,” sabi ni Elder Hales. Pero tiniyak sa kanya ni Pangulong Kimball, “Huwag kang mag-alala; marami kang magiging misyon.”19

Pagkalipas ng isang taon, tinawag si Elder Hales sa Unang Korum ng Pitumpu. Sa kapasidad ding iyon pagkalipas ng tatlong taon, muli siyang tinawag na maglingkod bilang pangulo ng England London Mission at pagkatapos ay area supervisor sa Europe, kung saan nakasama niya si Elder Thomas S. Monson sa pagtatatag ng ebanghelyo sa mga bansa na noo’y nakapinid sa Simbahan at pinagsumikapan ang pagtatayo ng isang templo sa Silangang Germany.20

“Isa sa pinakamasasayang paglilingkod ko sa Simbahan ay noong mga unang tatlong taon ko bilang isang General Authority habang tumutulong ako sa pagpaplano ng dalawampu’t pitong area conference,” sabi ni Elder Hales. “Gustung-gusto kong nakakasama sa paglalakbay ang mga miyembro ng Unang Panguluhan, ang mga Apostol, mga General Authority, at iba pang mga pinuno at makilala sila at kanilang mga asawa. Ang panoorin ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na sumasaksi sa katotohanan ng ebanghelyo sa mga Banal sa bawat bansa ay kamangha-mangha.”21

Noong 1985, tinawag si Elder Hales bilang Presiding Bishop ng Simbahan. Dahil sa kanyang karanasan sa trabaho, mapitagang pangangasiwa at estilo sa pakikipagnegosasyon, at pagmamahal niya sa mga tao kaya nga naaangkop sa kanya ang calling na ito.

Robert D. Hales with Mary and others at Freiberg temple dedication

Si Presiding Bishop Hales na tumulong sa paghahanda para sa isang templo sa Silangang Germany. Siya at si Mary Hales (gitna) kasama sina (mula sa kaliwa pakanan) architect Emil Fetzer, Elisa Wirthlin, Elder Joseph B. Wirthlin, Frances Monson, at Elder Thomas S. Monson noong 1985 sa paglalaan ng templo.

Si Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay naglingkod sa Presiding Bishopric na kasama ni Elder Hales. Tinawag niya si Elder Hales na isang matalino, disente, tapat na negosyante na sensitibo sa mga tao at alam kung paano isasagawa ang mga bagay-bagay. “Dala niya ang mga katangiang iyon sa pamunuan ng Presiding Bishopric,” sabi ni Pangulong Eyring.22

“Talagang walang pandaraya sa kanya,” sabi ng asawa niyang si Mary. “Busilak ang kanyang puso at tanging gusto lamang ay gawin ang tama.”23

Kabilang sa mga doktrinang binigyang-diin ni Elder Hales bilang Presiding Bishop ang mga alituntunin sa welfare. “Madalas niyang sabihin, “Buhatin mo ako, at bubuhatin kita, at sabay tayong aangat,” na inuulit ang isa sa mga paborito niyang kasabihan.24

Dalangin niya para sa mga Banal na “nawa’y matanto na may kakayahan at responsibilidad tayong tulungan ang nangangailangan, na mga nagmiministeryong anghel ng Panginoong Jesucristo, nang sa gayon tayo’y mahalin dahil nagmamahal tayo, dinadamayan dahil madamayin tayo, pinatatawad dahil nagpapakita tayo ng kakayahang magpatawad.”25

Mga Turo at Patotoo

Nang sang-ayunan si Elder Hales sa Korum ng Labindalawang Apostol makalipas ang siyam na taon, noong Abril 2, 1994, labis siyang nabigatan sa bago niyang calling.

“Animnapu’t-isang taong gulang na ako ngayon at muli na namang isang batang lalaki,” sabi niya nang magbigay siya ng kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensiya bilang isang Apostol. “May mga kalalakihang nakaupo sa pulpitong ito ngayon na mga Apostol na at nasa Unang Panguluhan na kalahati na ng edad ko.”

Sinabi niya na isang proseso ang maging isang Apostol ni Jesucristo—“isang proseso ng pagsisisi at pagpapakumbaba, pakatingnan ang kaloob-looban gaya ng iniatas sa amin at humingi ng kapatawaran at lakas upang humantong sa dapat kong kahantungan.” Humingi siya ng mga dasal sa mga Banal nang sa gayon magawa niyang “makahubog ng espirituwal na lakas na kinakailangan upang ang tinig at patotoo niya tungkol sa Panginoong Jesucristo ay tumimo sa mga puso ng mga taong makaririnig.”26

Sa mahigit na 20 taon, ang pagsaksi bilang apostol ni Elder Hales sa Tagapagligtas at kanyang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay tumimo sa puso ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Kabilang sa naging tema ng kanyang mga sermon ang pamilya at pananampalataya, mga pagsubok at patotoo, pagmamahal at mahabang pagtitiis, paglilingkod at pagsunod [sa kautusan], integridad at kalayaang pumili.

Sa pagtuturo tungkol sa matalinong paggamit ng kalayaang pumili, ibinahagi ni Elder Hales ang tungkol sa isang kaibigan na nakasama niyang maglingkod sa air force.

“Noong nagsasanay pa akong maging piloto ng isang jet fighter, … nagpapraktis akong magpasiya kung kailan ako tatalon palabas ng eroplano kapag umilaw na ang babala sa sunog at umikot-ikot na ito nang walang kontrol,” paggunita niya. “Natatandaan ko ang isang kaibigan na hindi gumawa ng mga ganitong paghahanda. Humahanap siya ng paraang hindi makapagpraktis [sa simulator] at pagkatapos ay maglalaro ng golf o kaya ay magsu-swimming. Hindi niya kailanman natutuhan ang mga paraang pang-emergency! Mga ilang buwan ang nakalipas, nagliyab ang eroplanong sinasakyan niya at umiikot itong bumagsak. Nang mapansin ang umiilaw na babala sa sunog, ang kasama niya, na nagsanay ng tamang pagtugon sa hudyat, ay alam kung kailan lalabas at ginamit ang parachute at naligtas. Samantalang ang kaibigan kong hindi nakapaghanda sa ganoong pagpapasiya ay naiwan sa eroplano at namatay nang bumagsak iyon.”

Kapag alam ninyo ang gagawin at kailan gagawin ito kapag kailangang gumawa ng mahalagang pagpapasiya ay maaaring magbunga ng walang hanggang kahihinatnan, dagdag pa ni Elder Hales.27

“Bilang isang batang taga-New York, lumaki ako bilang isa sa dadalawa o tatatlong miyembro ng Simbahan sa high school na may ilang libong estudyante. Sa isang 50-taong reunion kamakailan, ginunita namin ng dati kong mga kaklase kung paano ako namuhay ayon sa aking mga pinahahalagahan at paniniwala. Nalaman ko na sa isang pagsuway lang sa Word of Wisdom o paglabag sa mga pinahahalagahang moral, hinding-hindi ko na masasabing, ‘Ito ang pinaniniwalaan ko’ at asahan pang pagkatiwalaan ako ng mga kaibigan ko.

“Maibabahagi lang natin ang ebanghelyo hanggang sa abot ng ipinamumuhay natin dito.”28

Sa pagtatapos ng ministeryo ni Elder Hales, hinikayat niya ang mga banal na mamuhay nang karapat-dapat para sa “kahanga-hangang kaloob na Espiritu Santo.”29 Hinikayat din niya ang mga miyembro ng Simbahan na pagbutihin ang kanilang pagkadisipulo sa pamamagitan ng pagiging mas mabubuting Kristiyano, mga Kristiyanong may angking tapang, at matatag na nakatayo sa mga banal na lugar.

“Ito ang panawagan ni Cristo sa bawat Kristiyano ngayon: “Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa’—ibahagi ang aking ebanghelyo sa mga bata at matatanda, na nagpapasigla, nagpapala, nagpapanatag, naghihikayat, at nagpapalakas sa kanila, lalo na sa mga yaong iba ang iniisip at pinaniniwalaan kaysa atin,” ang turo niya.30

Robert D. Hales visiting with Boy Scouts

Larawang kuha ni Jeffrey D. Allred, Deseret News

Tungkol sa mga taong “pinabababa tayo mula sa mataas na lugar at pinasasali sa pagtatalu-talo nila tungkol sa relihiyon,” payo ni Elder Hales na tugunin ito ng mga Banal sa Huling Araw ng kanilang mga patotoo at manatili sa Tagapagligtas.

“Ipinakikita natin ang Kanyang pagmamahal, na siyang tanging kapangyarihang daraig sa kalaban at sasagot sa mga nagpaparatang sa atin nang hindi sila ginagantihan ng pagpaparatang. Hindi iyan kahinaan. Iyan ay ang katapangang Kristiyano.”31

Tulad ng Tagapagligtas na “hinamak at itinakwil ng mga tao” (Isaias 53:3; Mosias 14:3), maaaring maranasan din ng mga Banal sa mga Huling Araw ang hindi maunawaan, pulaan, at maling paratangan. “Sagradong pribilehiyo natin ang makasama Siya!” Sabi ni Elder Hales.32

Paghihintay sa Panginoon

Nang magsalita si Elder Hales tungkol sa paghihintay sa Panginoon, alam na alam niya ang kanyang paksa. Mga problema sa puso, maseselang operasyon, at panibagong kinakaharap na mga suliranin sa kalusugan ang humadlang sa kanyang pagsasalita noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2011 na nagpahina sa kanyang pangangatawan ngunit nagdulot sa kanya ng mga dagdag na kaalamang espirituwal.

Matapos makabawi sa tatlong matinding operasyon noong 2000, sinabi niya sa mga Banal sa mga Huling Araw: “Sa nakaraang dalawang taon, naghintay ako na turuan ng Panginoon ng mga aral sa mundo sa mga panahon ng aking pagkakasakit, pagdadalamhati ng isip, at pagninilay-nilay. Natutuhan ko na ang paulit-ulit na matinding sakit ay napakahusay na pampadalisay na nagpapakumbaba sa atin at higit na nagpapalapit sa Espiritu ng Diyos.”33

Hindi natin kailangang harapin nang mag-isa ang mga pagsubok sa atin dahil makalalapit tayo sa “pinakadakilang tagapag-alaga,” turo ni Elder Hales.34 “At minsan-minsan, kapag ninais ng Panginoon, ako ay inaaliw ng mga pagdalaw ng mga hukbo ng langit na nagbigay ng ginhawa at walang hanggang pag-alo sa oras ng aking pangangailangan.”35

Bagama’t hindi natin alam kung kailan o paano sasagutin ang ating mga dasal, nagpatotoo si Elder Hales, darating ang mga kasagutan sa sariling paraan ng Panginoon at ayon sa Kanyang takdang panahon. “Para sa ilang sagot maaaring maghintay tayo hanggang sa kabilang buhay. … Huwag nating talikuran ang Panginoon. Ang Kanyang mga pagpapala ay walang hanggan, hindi pansamantala.”36

Robert D. Hales and various Church leaders

“Mapalad ako’t nakasama ko sa gawain ang mga pinakapiling Kapatid na isinilang sa mundong ito.” Mga salitang sinabi niya noong ma-release siya bilang Presiding Bishop na pinatunayan din niya bilang isang Apostol.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng Deseret News Archive

Larawang kuha ni Stuart Johnson, Deseret News

Isang Tapat na Disipulo

Bilang Presiding Bishop, madamdaming nagpatotoo si Elder Hales na tulad ng Nakababatang Alma. “O, kung ako lamang ay may angking tinig at trumpeta ng isang anghel ipapahayag ko sa buong sangkatauhan na nagbangon [si Jesucristo] at siya ay buhay; na siya ang Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak ng Ama, ang ipinangakong Mesiyas, na ating Manunubos at Tagapagligtas; na siya ay pumarito sa mundong ito upang ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa. Sa inyo at sa akin nakatuon ang banal na misyon niya na magsilapit tayo sa kanya at tayo ay aakayin niya tungo sa buhay na walang hanggan.”37

Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya matapos na matawag siya sa Korum ng Labindalawang Apostol, binanggit niya si Mormon, inaangkin ang patotoo ng sinaunang propetang iyon bilang kanya: “Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao, upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan” (3 Nephi 5:13).38

Sa loob ng apat na dekada bilang General Authority, buong tapang at lakas na ipinahayag ni Elder Robert D. Hales ang mga salita ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang mga mensahe at buhay na isang huwaran. At natandaan niya ang sariling payo sa kanyang personal, propesyonal, at eklesiastikal na buhay “Sa pamamagitan ng matapat na pagsunod at pagtitiis hanggang wakas, balang araw ay makababalik tayo nang may dangal sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit at kanyang anak na si Jesucristo.”39

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw na tulad niyang nananampalataya sa Tagapagligtas, si Elder Hales ay hindi nawala. Bagkus, siya ay umuwi na—at nagawa niya ito nang may dangal.

Mga Tala

  1. Robert D. Hales, “‘What Think Ye of Christ?’ ‘Whom Say Ye That I Am?’” Ensign, Mayo 1979, 79.

  2. Robert D. Hales, “The Aaronic Priesthood: Return with Honor,” Ensign, Mayo 1990, 39.

  3. Sa “Fireside Commemorates Aaronic Priesthood Restoration,” Ensign, Hulyo 1985, 75.

  4. Sa “Elder Robert D. Hales of the Quorum of the Twelve,” Ensign, Mayo 1994, 105.

  5. Tingnan sa Robert D. Hales, “How Will Our Children Remember Us?” Ensign, Nob. 1993, 8.

  6. Robert D. Hales, “Gratitude for the Goodness of God,” Ensign, Mayo 1992, 64.

  7. Robert D. Hales, “Strengthening Families: Our Sacred Duty,” Liahona, Hulyo 1999, 38.

  8. Tingnan sa Robert D. Hales, “Gratitude for the Goodness of God,” 63.

  9. Robert D. Hales, How Will Our Children Remember Us? 8-9.

  10. Robert D. Hales, “Tumayo nang Hindi Natitinag sa mga Banal na Lugar, Liahona, Mayo 2013, 48.

  11. Robert D. Hales, “How Will Our Children Remember Us?” 9.

  12. Sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales: ‘Return with Honor,’” Ensign, Hulyo 1994, 50.

  13. Tingnan sa Robert D. Hales, “Celestial Marriage—A Little Heaven on Earth” (Brigham Young University devotional, Nob. 9, 1976), speeches.byu.edu.

  14. Sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales: ‘Return with Honor,’” 48.

  15. Robert D. Hales, “Pagiging Masisinop na Tagapaglaan sa Temporal at sa Espirituwal,” Liahona, Mayo 2009, 8-9.

  16. Tingnan sa Robert D. Hales, “Gratitude for the Goodness of God,” 65.

  17. Robert D. Hales, “Gifts of the Spirit,” Ensign, Peb. 2002, 19.

  18. Sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales: ‘Return with Honor,’” 51.

  19. Spencer W. Kimball, sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales, ‘Return with Honor,’” 52.

  20. Tingnan sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales, ‘Return with Honor,’” 52.

  21. Sa “Elder Robert D. Hales of the Quorum of the Twelve,” 105–06.

  22. Panayam kay Pangulong Henry B. Eyring, Hunyo 11, 2015.

  23. Sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales, ‘Return with Honor,’” 53.

  24. Robert D. Hales, “Making Righteous sChoices at the Crossroads of Life,” Ensign, Nob. 1988, 11.

  25. Robert D. Hales, “Welfare Principles to Guide Our Lives: An Eternal Plan for the Welfare of Men’s Souls,” Ensign, Mayo 1986, 30.

  26. Robert D. Hales, “The Unique Message of Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 78–79.

  27. Tingnan sa Robert D. Hales, “Sa mga Aaronic Priesthood: Paghahanda para sa Dekada ng Pagpapasiya,” Liahona, Mayo 2007, 48.

  28. Robert D. Hales, “Sampung Malilinaw na Katotohanang Gagabay sa Inyong Buhay” Liahona, Peb. 2007, 38–39.

  29. Robert D. Hales, “Ang Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2016, 105.

  30. Robert D. Hales, “Robert D. Hales, “Pagiging Mas Kristiyanong Kristiyano,” Liahona, Nob. 2012, 91.

  31. Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2008, 72–75.

  32. Robert D. Hales, “Tumayo nang Hindi Natitinag sa mga Banal na Lugar, Liahona, Mayo 2013, 50.

  33. Robert D. Hales, “Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging Nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Liahona, Ene. 2001, 6.

  34. Robert D. Hales, “Healing Soul and Body,” Liahona, Ene. 1999, 19.

  35. Robert D. Hales, “Ang Tipan ng Pagbibinyag,” Liahona, Ene. 2001, 6.

  36. Robert D. Hales, “Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” Liahona, Nob. 2011, 73.

  37. Robert D. Hales, “What Think Ye of Christ?” New Era, Abril 1987, 7.

  38. Robert D. Hales, “The Unique Message of Jesus Christ,” 80; tingnan din sa Robert D. Hales, “Katapangang Kristiyano,” 75.

  39. Sa LaRene Gaunt, “Elder Robert D. Hales: ‘Return with Honor,’” 53.