2018
Pangulong Russell M. Nelson: Ginabayan, Inihanda, Tapat
Pangulong Russell M. Nelson


Pangulong Russell M. Nelson: Ginabayan, Inihanda, Tapat

Pagkaraan ng mga dekada ng panggagamot sa mga puso bilang kilalang heart surgeon at pag-antig sa mga puso bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, matatag ang kamay at walang-maliw ang pagmamahal ni Pangulong Russell M. Nelson sa kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan.

President Russell M. Nelson seated in black chair

Kapag namatay ang isang Pangulo ng Simbahan, marami ang nakatuon sa proseso ng pagpili sa kahalili niya. Katunayan, ang prosesong iyon, na ginagabayan ng Panginoon, ay nagsimula maraming taon na ang nakararaan. Buong buhay na pinaghandaan ni Russell M. Nelson ang banal na tungkuling ito. Saksi ako sa malaking bahagi ng paghahandang iyon.

Ang paghahanda ni Pangulong Russell M. Nelson ay makikita sa kabuuan ng mga karanasan at nagawa niya sa buhay. Kilala siya bilang isang pioneer na heart surgeon. Isa siyang matalinong manunulat at tagapagsalita, at nakapagsasalita ng maraming wika. Kilala at mahal niya ang mga tao, at nauunawaan niya ang mga epekto ng mga desisyon sa kanilang buhay. Alam at mahal niya ang mga banal na kasulatan at ang banal na templo. Isa siyang bihasang administrator na mabilis at walang-atubiling magdesisyon.

Personal na nakilala ni Pangulong Nelson, at sa maraming pagkakataon ay naturuan, ng 10 sa dating 16 na mga Pangulo ng Simbahan. Ngayon, bilang ika-17 Pangulo, sinimulan niya ang kanyang paglilingkod bilang pangulo sa pagtiyak sa mga Banal sa mga Huling Araw na patuloy na ginagabayan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan.

“Noon pa man ay tinuturuan at binibigyang-inspirasyon at laging tuturuan at bibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga propeta,” sabi niya sa announcement broadcast noong Enero 16, 2018. “Ang Panginoon ang namumuno. Kaming mga naorden na magpatotoo sa Kanyang banal na pangalan sa buong mundo ay patuloy na maghahangad na alamin ang Kanyang kalooban at sundin ito.”1

Ang malasakit ni Pangulong Nelson sa walang-hanggang kapakanan ng mga anak ng Diyos ay nagmumula sa habambuhay na tapat na paglilingkod. Tulad ng literal na pag-antig niya sa puso ng marami bilang surgeon, matalinghaga niyang naantig ang puso ng mga Banal sa buong mundo sa kanyang makapangyarihang mga turo, di-makasariling paglilingkod, at walang-maliw na pagmamahal. Tulad ng sinabi niya sa makasaysayang brodkast noong Enero, ang pagmamahal na iyan ay “lumago sa paglipas ng mga dekada ng pakikipagkita sa inyo, pagsamba na kasama ninyo, at paglilingkod sa inyo.”2

Mahalagang Paghahanda

Marami ang nakakaalam sa pangunahing propesyon ni Dr. Nelson bilang pioneer na iskolar, siyentipiko, at surgeon ng puso ng tao. Lahat ng iyon, pati na ang kanyang ulirang buhay-pamilya, ay pangunahing bahagi ng kanyang paghahanda.

young Russell M. Nelson with his parents and siblings

Si Russell Marion Nelson ay isinilang noong Setyembre 9, 1924, kina Marion C. at Edna Anderson Nelson. Di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan ang kanyang mga magulang noong bata pa si Russell, ngunit ibinuhos nila ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak at paminsan-minsa’y pinadadalo sila sa Sunday School. Noong una, hindi interesado ang batang si Russell sa simbahan, at mas gusto niyang makipaglaro ng football sa kanyang mga kaibigan. Ngunit nang mag-16 anyos siya, nagsimulang tumugon ang puso niya sa mga katotohanan ng ebanghelyo at nabinyagan siyang kasabay ng kanyang mga kapatid. Sa paglipas ng mga taon, dahil sa halimbawa at panghihikayat ng kanilang mga anak, muling naging aktibo ang mga magulang ng mga Nelson.

Tumugon din ang batang si Russell sa pangako ng edukasyon. Unti-unti niyang natanto, tulad ng ituturo niya kalaunan, na ang pag-aaral ay banal na responsibilidad.Nagtapos siya ng high school sa edad na 16, at nag-enrol sa University of Utah nang hindi siya makapaglingkod sa full-time mission dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Habang nagsisikap si Russell na makatapos ng bachelor’s degree, nahikayat siyang sumali sa cast ng isang musikal sa unibersidad dahil sa kanyang talento sa musika. Napansin niya ang lead soprano na si Dantzel White. Ikinasal sila matapos niyang matanggap ang kanyang bachelor’s degree noong 1945. Sa edad na 22, nagtapos siya sa University of Utah na may matataas na karangalan bilang doktor ng medisina. Tumuloy siya sa University of Minnesota para sa postdoctoral training. Doo’y siya ang pangunahing miyembro ng team na nanguna sa pagsusulong ng open-heart surgery. Kalauna’y nagsilbi siya ng mga residency sa surgery sa Minnesota at sa Massachusetts General Hospital sa Boston, Massachusetts, USA.

Habang nag-aaral at lumalaki ang pamilya, ipinatawag si Dr. Nelson para magsilbi sa Korean War dahil kailangang-kailangan ng mga doktor sa militar. Dahil sa kanyang surgical training, ipinadala siya sa Washington, D.C., kung saan bumuo siya ng isang surgical research unit sa Walter Reed National Military Medical Center. Noong 1953, nang matapos ang kanyang obligasyon sa militar, gumugol siya ng isang taon sa Harvard Service sa Massachusetts General Hospital sa Boston. Pagkaraan ay tinapos niya ang kanyang PhD sa University of Minnesota noong 1954.

Russell M. Nelson with his wife (Dantzel) and children

Sa kabila ng kanyang abalang medical training at propesyon, laging inuuna ni Dr. Nelson ang kanyang pamilya sa kanyang buhay. Naging tapat at sumuporta si Dantzel White Nelson sa kanyang asawa sa lahat ng aktibidad nito sa pamilya, Simbahan, propesyon, at militar. Ang kanilang katapatan at suporta at pagmamahal sa isa’t isa sa tuwina ay naging inspirasyon at nagpapatatag na impluwensya para sa bawat isa sa 10 anak nila—siyam na babae at isang lalaki. “Napakalambing at napaka-mapagbigay nila sa isa’t isa,” ayon sa anak nilang si Sylvia Webster. Pag-alaala ng kanilang bunsong si Russell Nelson Jr., “Halata palagi na mahal na mahal ng mga magulang ko ang isa’t isa.”3

Hindi inaasahan na namatay si Dantzel Nelson bago sumapit ang ika-60 taong anibersaryo ng kanilang kasal. Pagkaraan ng napakalungkot na panahon, pinakasalan ni Elder Nelson si Wendy Watson, isang dalaga na dahil sa kanyang degree sa medisina, pagiging propesor sa Brigham Young University, at mapagmahal na pagtulong sa malaking pamilya ng mga Nelson ay naging isang ulirang kabiyak kay Elder at Pangulong Nelson.

Russell M. Nelson with Wendy, his second wife

“Sigurado ako na mahirap makabilang sa isang pamilyang mahigit 200 ang miyembro at madama na matalik kayong magkakaibigan,” sabi ng anak na si Sylvia. “Ginawa ni Wendy ang lahat at kahanga-hanga siya.”4 Idinagdag pa ni Russell Jr., “Napakabait na kabiyak ni Wendy sa kanya. … Nakikita ko kung paano siya naghanda sa paglipas ng mga taon para sa katungkulan at tungkuling ito, at mahalagang bahagi niyon si Wendy sa buhay niya.”5

Habang isinusulat ito, ang pamilya Nelson ay may 10 anak, 57 apo, at 116 na kaapu-apuhan, na may 2 pang paparating. Lahat ng makakapunta ay nagtitipon sa ibang tahanan buwan-buwan para magdiwang ng mga kaarawan at anibersaryo.

“Lahat ng Kaharian ay May Batas na Ibinigay”

Noong nag-aaral ng medisina si Russell M. Nelson, itinuro sa kanya na hindi dapat hawakan ng sinumang doktor ang puso ng tao, dahil kapag nahawakan ang puso, titigil ang pagtibok nito. Gayunman, pagkaraan lamang ng ilang taon, iniulat ni Dr. Nelson at ng kapwa niya mga researcher ang unang matagumpay na paggamit ng artificial heart-lung machine sa isang aso. Pumalit ang heart-lung machine sa sirkulasyon ng pasyente, kaya naoperahan ang pusong hindi tumitibok. Di-naglaon, ang pambihirang tagumpay na ito ni Dr. Nelson at ng kanyang mga kasamahan ay ginamit sa mga tao at mahigit 1.5 milyong open-heart operation na ang ginagawa taun-taon sa buong mundo.

Ang inspirasyon na humantong sa tuklas na ito ay nadama ni Dr. Nelson habang pinagninilayan niya ang sumusunod na mga talata sa Doktrina at mga Tipan:

“Lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay. …

“At ang bawat kaharian ay binigyan ng batas; at sa bawat batas ay may mga hangganan din at mga batayan” (D at T 88:36, 38).6

Ikinatwiran ni Dr. Nelson na kung siya ay magtatrabaho, mag-aaral, at magtatanong ng tamang bagay, matututuhan niya at ng kanyang pangkat kung ano ang mga batas na sumasaklaw sa pusong tumitibok. “Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga banal na kasulatan at ‘paghahalintulad’ nito sa bagay na ito,” sabi niya, “ang dakilang larangan ng heart surgery ayon sa pagkaalam natin dito ngayon ay pinadali para sa akin.”7

Sa buong buhay niya, ang kakayahang ito na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagpala kay Pangulong Nelson, sa kanyang pamilya, sa Simbahan, at sa mundo. Naging mahalaga iyon sa paghahanda niya para sa kanyang tungkulin bilang Apostol at ngayo’y bilang Pangulo ng Simbahan.

Sa kanyang propesyon, mabilis na nakamit ni Dr. Nelson ang kabantugan bilang surgeon at medical researcher. Noong 1955 tinanggap niya ang posisyon bilang isang research professor ng surgery sa University of Utah. Doo’y bumuo siya ng heart-lung machine na ginamit niya sa pagsasagawa ng unang open-heart surgery sa Utah—ang unang gayong operasyon sa kanluran ng Mississippi River. Naglektyur siya at sumulat ng maraming kabanata para sa mga medical textbook at mahigit 70 papeles ng kanyang mga kasamahan sa iba pang mga lathalain ang kanyang nirepaso. Bago siya natawag na maging apostol, nagsagawa siya ng halos 7,000 operasyon.8

Bukod pa sa kanyang kakayahan sa medisina, si Dr. Nelson ay isang gurong nakapagbigay-inspirasyon at isang epektibong administrator, mga katangiang naging dahilan para siya maging napakahalaga sa larangan ng medisina at kalaunan ay magiging dahilan ng pagiging kaiba niya sa kanyang mga calling sa Simbahan.

“Ang tungkulin ng isang doktor, una sa lahat, ay magturo,” sabi ni Dr. Nelson. Dagdag pa niya, “Ang isang doktor ay talagang nakakaganap nang husto kapag itinuturo niya sa kanyang pasyente kung ano ang problema at kung ano ang magagawa rito.”9

Russell M. Nelson as a doctor and during a visit to China

Ipinakita ni Dr. Nelson ang kahandaan at hilig niyang magturo at mag-aral sa pamamagitan ng paglalakbay sa iba’t ibang bansa para ipamalas at ituro ang mga pamamaraan sa panggagamot. Para makatulong sa kanyang pagtuturo, nag-aral siya ng maraming wika, kabilang na ang French, Portuguese, German, Russian, at Spanish para mas makausap at maturuan niya ang mga doktor at researcher sa ibang mga bansa. Matapos dumalo sa isang pulong kung saan pinayuhan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang kongregasyon na mag-aral ng Chinese, agad nag-aral si Dr. Nelson at ang asawa niyang si Dantzel ng Mandarin. Napakahusay niya sa wikang iyon kaya naging mas malapit siya sa mga katrabaho niyang doktor sa China, kung saan siya naglektyur at nag-opera, na nagligtas sa buhay ng isa sa mga pambansang bayani ng China.10

Paghanap Muna sa Kaharian ng Diyos

Kahanga-hangang tulad ng mga nagawa ni Pangulong Nelson sa medisina, nanatili siyang nakatuon sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Hindi alam ng karamihan ng mga miyembro ng Simbahan na naglingkod siya bilang Temple Square missionary mula 1955 hanggang 1965, na ginagabayan ang mga bisita mula alas-4:00 hanggang alas-5:00 n.h. kada Huwebes. Isa ito sa mga pinakaabalang panahon niya bilang surgeon. Kalaunan ay isinulat niya na “noong 1964, nagsisimula pa lang kami sa medisina ng pagpapalit ng aortic valve. Maraming namatay, at napakatagal operahan ang bawat pasyente—halos isa-isa sa loob ng napakaraming oras, kung minsan nga’y ilang araw pa.”11

Para sa karamihan ng mga miyembro ng Simbahan, ang mga bagay na ito ay magdudulot ng pagtanggi sa mga karagdagang tungkulin pa sa Simbahan. Hindi para kay Dr. Nelson. Noong 1964, nang mainterbyu siya at ang iba bilang posibleng stake president, sinabi sa kanya ni Elder Spencer W. Kimball, na sinamahan ni Elder LeGrand Richards (1886–1983) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na: “Nadarama namin na nais ng Panginoon na mamuno ka sa stake na ito. Sa marami naming interbyu, tuwing tatawagin ang pangalan mo ganito palagi ang tugon: ‘Ah, hindi siya magiging mahusay,’ o ‘Wala siyang panahon,’ o ang dalawang ito. Magkagayunman, nadarama namin na ikaw ang gusto ng Panginoon. Ngayon kung pakiramdam mo’y napakarami mong ginagawa at hindi mo dapat tanggapin ang tawag, pribilehiyo mo iyan.’ …

“Isinagot ko lang na nakapagdesisyon na ako noon pang Agosto 31, 1945, nang ikasal kami ni Sister Nelson sa templo. Nangako kami noon na ‘hanapin muna … ang kaharian ng Diyos, at ang kanyang katuwiran,’ na nagtitiwala na lahat ng bagay ay idaragdag sa amin, tulad ng pangako ng Panginoon. (Tingnan sa Mat. 6:33.)”12

Inilarawan ng pagtanggap ni Dr. Nelson sa tungkuling iyon ang tinawag kamakailan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “mapagpakumbaba at simple na tulad sa isang bata ang pananampalataya ni Russell Nelson. … Ganoon kababa ang kanyang kalooban, ganoon siya tulad sa isang bata, sa bawat antas at sa halos bawat pakikipag-ugnayan niya sa ibang tao na nakita ko.”13

Binasbasan ni Elder Kimball si Dr. Nelson, na nangangako na bababa ang bilang ng mga namamatay sa operasyon sa aortic valve at hindi na mauubos ang oras at lakas niya sa paggawa nito.

“Nang sumunod na taon, bumaba nga ang oras na kailangan sa operasyon, at nagkaroon ako ng panahon para maglingkod sa tungkuling iyon at sa iba pang mga calling,” sabi ni Dr. Nelson. “Katunayan, ang bilang ng mga namamatay ay bumaba na … nang husto at katanggap-tanggap na at maaari nang palampasin. Ang nakakatuwa, gayon mismo ang operasyong ginawa ko kay Pangulong Kimball makalipas ang walong taon.”14

Russell M. Nelson and Spencer W. Kimball; Russell M. Nelson with Dantzel, his first wife

Ang mga kailangang gawin ni Dr. Nelson sa kanyang propesyon at mga calling sa Simbahan ay nangahulugan na lubhang nalimitahan ang oras na magugugol niya sa tahanan. Gayunman, ginawa niya ang lahat para mabigyan niya ng prayoridad ang kanyang asawa at 10 anak. Tuwing nasa bahay siya, talagang itinutuon niya ang kanyang buong panahon sa kanyang pamilya. Sa marami niyang paglalakbay sa buong mundo, madalas niyang isama ang kanyang asawa o ang isa sa kanilang mga anak. Samantalang mahusay na inaalagaan ni Dantzel ang kanilang mga anak kapag wala siya, nagpapasalamat ito sa katapatan niya sa kanila kapag wala siyang gagawin sa kanyang abalang trabaho at mga calling. “Kapag nasa bahay siya, sa pamilya siya nakatuon!” sabi niya minsan kay Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.15 Madalas ulitin ni Pangulong Lee ang linyang ito kapag pinapayuhan niya ang abalang mga priesthood leader na magtuon sa kanilang pamilya.

Pagsunod sa Propeta

Ako ay isang saksi at maliit na kalahok sa isang mahalagang bahagi sa propesyon ni Dr. Russell M. Nelson at ng kanyang asawang si Dantzel. Naging bahagi ito ng una naming pag-uusap ng mga Nelson noong 1965, mahigit 52 taon na ang nakararaan. Sa kanyang talambuhay, sinabi ni Dr. Nelson kung paano siya inalok na maging propesor ng surgery at chairman ng Division of Cardiovascular and Thoracic Surgery sa University of Chicago. Ang alok na ito, pagsulat niya, “ay nagbigay sa akin ng pinansyal na suporta, research laboratory, at suporta ng mga tauhan na tutupad sa pangarap ng sinumang guro. Bilang karagdagang pang-akit, kasama sa alok ang apat na taon sa kolehiyo para sa lahat ng siyam na anak namin sa institusyong gusto nila, at lahat ng bayarin ay babayaran ng University of Chicago.” Sinabi ng dekano kay Dr. Nelson, “Ang isa sa mga dahilan kaya ka namin gustong kunin ay alam namin na ikaw ay isang mabuting Mormon. Gusto ka naming isama sa aming faculty. Kailangan ka namin dito para maging impluwensya sa Unibersidad na ito na maibibigay ng isang Mormon.”16

Bilang bahagi ng kanyang agresibong pagkuha sa kahanga-hangang doktor na ito, tinawagan ako ng dekano para hingan ako ng tulong na hikayatin ang mga Nelson na lumipat sa Chicago. Propesor ako noon sa abugasya sa University of Chicago at kilala ko ang dekano ng medisina dahil magkasama kaming naglingkod sa faculty senate ng unibersidad. Pinakiusapan ako ng dekano na yayaing maghapunan ang mga Nelson sa bahay namin. Hinimok niya akong magkuwento sa kanila tungkol sa Simbahan sa Chicago dahil alam niya na napakahalaga nito sa kanila.

Kaya noon namin nakilala ng pumanaw kong asawang si June sina Dantzel at Russell Nelson at niyaya namin silang maghapunan at bumisita sa bahay namin sa Chicago sa araw ng Linggo, Nobyembre 21, 1965. Ginawa namin ang lahat para hikayatin silang lumipat sa Chicago. Kalauna’y nalaman ko sa kanyang sariling talambuhay na sila “ay lubhang naakit sa alok na ito at nakapili na nga sila ng bahay sa isa sa mga bayan sa labas ng Chicago kung saan maaari [nilang] palakihin ang [kanilang] pamilya.”17

Ang sumunod na nangyari ay isang paglalarawan lamang kung paano ginabayan ng inspirasyon ng Panginoon ang mga desisyon at paghahanda ni Russell M. Nelson. Sa Salt Lake City naman, humingi siya ng payo kay Pangulong David O. McKay (1873–1970) para magabayan ang mga Nelson sa kanilang mahalagang desisyon. Nanalangin ang propeta, at dumating ang sagot: “Hindi.”

David O. McKay; Russell M. Nelson looking at model of heart

Sinabi ni Pangulong McKay: “Naninirahan ka na sa pinakamagandang lungsod sa buong mundo. Hindi mapapantayan ang uri ng iyong pamumuhay saanman sa mundo. Dito ay ibibigay sa mga anak mong babae ang pinakamagandang kapaligirang maibibigay sa kanila. Mas mahalaga sila sa iyo kaysa anumang katanyagan o kinabukasan na maaaring dumating sa iyo sa anumang unibersidad. Hindi, Brother Nelson, dito ang lugar mo sa Salt Lake City. Pupunta sa iyo ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo dahil narito ka. Palagay ko hindi ka dapat magpunta sa Chicago.”18

Puspos ng pananampalataya, tinanggihan ni Dr. Nelson ang alok sa Chicago at nanatili siya sa Salt Lake City. Doon, nang sumunod na mga taon, nagsagawa siya ng open-heart surgery at pinahaba ang buhay ng maraming nagpapasalamat na pasyente, kabilang na sina Pangulong Kimball, Elder Richard L. Evans (1906–71), Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), at marami pang ibang pinuno at miyembro at kanilang mga pamilya.

Para sa amin ni June, ang pag-uusap na iyon sa Chicago ang simula ng mahaba at katangi-tanging pagkakaibigan namin kina Russell at Dantzel Nelson. Pagkaraan ng anim na taon na-release siya bilang stake president at tinawag bilang General President ng Sunday School. Sa taon ding iyon, hinirang akong pangulo ng Brigham Young University. Sa loob ng maraming taon, magkasama kaming naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, at ngayo’y magkasama kaming maglilingkod sa Unang Panguluhan sa isang pagkakaibigang nagsimula sa Chicago sa pagitan ng dalawang guro at asawa nila 52 taon na ang nakararaan.

Binabago ang mga Puso

Noong Abril 7, 1984, si Dr. Nelson ay inorden bilang Apostol at itinalaga bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Sa isang saglit,” wika niya, “ang pagtutuon ng huling apatnapung taon sa medisina at operasyon ay napalitan ng paglalaan ng buong buhay ko sa buong-panahong paglilingkod sa aking Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”19

Russell M. Nelson with other members of the Quorum of the Twelve Apostles

Nang matawag bilang apostol, ipinahayag ni Elder Nelson, “Ang ginagawa ko ngayon ang pinakamahalagang layunin sa mundo. Ito ay sumasakop sa lahat, nakasisiya, at mahirap. At kailangan kong gawin ang lahat, dahil mananagot ako sa pagtitiwalang ito.”20

Simula nang maging Apostol, at bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol mula pa noong 2015, patuloy na nilakbay ni Pangulong Nelson ang mundo—na ibinabahagi ang mga salita ng buhay na walang-hanggan at binabago ang mga puso. Ang isa sa mga una niyang assignment ay ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa sa Eastern Europe. “Sa … loob ng limang taon, nakapaglakbay ako nang 27 beses sa 31 bansa sa Europe,” sabi ni Pangulong Nelson. “Bago pumanaw si Pangulong [Ezra Taft] Benson, … naireport ko sa kanya na natapos na namin ang aming assignment: naitatag na namin ang Simbahan sa bawat bansa ng Silangang Europa.”21

Russell M. Nelson greeting Saints in Moscow, Russia

Nakapaglaan din si Pangulong Nelson ng 27 bansa para sa pangangaral ng ebanghelyo, kabilang na ang Bulgaria, Croatia, El Salvador, Ethiopia, French Polynesia, Kazakhstan, at Russia. Minsan, sa loob ng apat na araw, inilaan niya ang anim na magkakahiwalay na bansa.22 Sa paglilingkod niya bilang apostol, 133 bansa na ngayon ang nabisita niya.23

Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, naglingkod nang maraming taon si Elder Russell M. Nelson bilang chairman ng bawat isa sa tatlong pangunahing council: Missionary, Temple and Family History, at Priesthood Executive (na ngayo’y Priesthood and Family Executive).

Ang Simbahan ay sumailalim na sa maraming mahahalagang pagbabago noong mga taon na nasa Korum ng Labindalawa si Elder Nelson, kung saan naglingkod siya sa ilalim ng limang Pangulo ng Simbahan. Simula noong 1984, higit pa sa doble ang inilaki ng Simbahan, mula sa 6 na milyon ay naging mahigit 16 na milyon ang mga miyembro ng Simbahan. Nagpalabas ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Unang Panguluhan ng dalawang opisyal na pahayag: “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” noong 1995 at “Ang Buhay na Cristo” noong 2000. Nadagdagan ang gumaganang mga templo, mula sa 30 noong 1984 ay naging 159 noong 2017. Noong 2010, nang tawagin si Elder Nelson bilang chairman ng Missionary Executive Council, ang Simbahan ay may 58,000 mga missionary. Ngayon, matapos dumami nang husto ang mga missionary nang ibaba ang edad ng pagmimisyon, nasa mga 67,000 na sila.

Mga Personal na Katangian

Karamihan sa nabanggit tungkol kay Doctor, Elder, at ngayo’y Pangulong Nelson ay alam na ng publiko. Magkokomento ako ngayon tungkol sa ilan sa kanyang magagandang personal na katangian na naobserbahan ko sa paglipas ng mga taon.

Una, si Russell M. Nelson ay napakabait na tao at isang mabuting kaibigan at kasamahan. Walang-maliw ang kanyang kabaitan at pagkahabag sa lahat ng kanyang personal na kaugnayan. Isa siyang napakagandang huwaran, masipag at maingat sa pagganap sa kanyang mga responsibilidad—sa pamilya, Simbahan, at propesyon. At masaya siyang kasama.

Russell M. Nelson on a swing

Sa estilo ng kanyang pamumuno, lagi siyang magiliw at madaling lapitan. Kanais-nais ang katangiang iyan sa mga senior na pinuno. Sa kanya, hindi kami nag-aatubili kailanman na sabihin ang isang partikular na bagay o nadarama na abala sa kanya ang pagsasabi nito. Hindi kami natatakot na kausapin siya tungkol sa anumang partikular na bagay. Si Pangulong Nelson ay madaling pakisamahan, madaling lapitan, at madaling kausapin.

Sa kanyang pagdedesisyon, iniisip ni Pangulong Nelson ang magiging buong epekto nito. Mahusay siya sa pag-iisip sa posibleng epekto ng isang desisyon o patakaran o aplikasyon ng doktrina sa iba’t ibang grupo ng mga miyembro—matatanda, mga bata, mga di-gaanong aktibo, mga pinuno ng Simbahan, at iba pa. Nakita ko na ang katangiang iyon sa ibang mga pinuno, ngunit ang pananaw ni Pangulong Nelson tungkol sa paksang ito ay bukod-tangi. Marahil ay nagmumula ito sa kanyang karanasan bilang isang doktor na hindi makapagreseta ng gamot para sa isang bahagi ng katawan nang hindi iniisip ang epekto nito sa iba pang mga bahagi ng katawan.

Napakagaling mag-atas ni Pangulong Nelson, mas magaling kaysa karamihan ng mga pinunong naobserbahan ko sa kanilang propesyon at mga calling sa Simbahan. Siguro may kinalaman din iyan sa trabaho ng surgeon, na nagsasagawa ng natatanging gawain pagkatapos (at bago) gawin ng iba ang sa kanila.

Ang isa pang mahalagang katangian ni Pangulong Nelson ay ang kanyang tiyaga. Iniiwasan niyang makipagtalo kapag lumulutas ng mga problema o gumagawa ng mga bagay-bagay. Iniiwasan niyang gamitin ang taktikang “lutasin na natin iyan ngayon” upang magkaroon ng kaunting panahon na makita kung kusang maaayos ang mga bagay-bagay. Ang katangiang iyan ay magiging napakahalaga sa kanyang pamumuno, tulad noong dalawa’t kalahating taon niyang paglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa.

Ngayong napuri ko na ang pagtitiyaga ni Pangulong Nelson, kailangan ko ring purihin ang katangiang kabaligtaran nito. Hindi siya nag-aalangang gumawa ng mga desisyon. Kapag tama ang panahon at handa nang desisyunan ang isyu, mabilis at walang pag-aatubili siyang nagdedesisyon. Alam niya kapag kailangang pagtiyagaan at talakayin pa ang isang paksa at kapag dapat lang tayong pumili sa iba’t ibang alternatibo at magpatuloy sa gawain ng Panginoon. Gustung-gusto iyan ng kanyang mga kasamahan sa pamumuno.

Si Pangulong Nelson ay isa ring tagapagkaisa. Pinagkakasundo niya ang magkakaibang pananaw at pinagkakaisa ang magkakaibang tao. Kagila-gilalas na katangian para sa isang pinuno ng mga miyembrong tapat sa iisang banal na doktrina ngunit nagmula sa iba’t ibang kultura at tradisyon.

Russell M. Nelson with young adults

Si Russell M. Nelson ay may likas na mga kaloob ng diplomasya na naobserbahan ko mismo. Ginamit niya ang mga ito sa kanyang propesyon, kahit sa China. Mula nang matawag sa Labindalawa, lumikha siya ng mga oportunidad para sa Simbahan sa Silangang Europa sa sunud-sunod na mahimalang mga pangyayari. Bukod dito, dumalaw siya sa 133 iba’t ibang bansa bilang lingkod ng Panginoon. Napaka-pambihirang paghahanda para sa dakilang katungkulan kung saan siya tinawag ngayon!

Ang isa pa sa magagandang katangian ni Pangulong Nelson—na nakakagulat sa ilan—ay ang kanyang kakayahan bilang manunulat. Ang kanyang nakasulat na mga komunikasyon ay mga huwaran ng kalinawan, at ang pag-edit niya sa mga isinulat ng iba ay laging nakakatulong. Nagpapalitan ng draft ang mga miyembro ng Labindalawa para makakuha ng mga mungkahi para mapaganda ang teksto ng mahahalagang mensahe. Sa prosesong iyan, nalaman ko na walang nakapagmumungkahi ng mas magagandang pagbabago sa mga mensahe ko maliban kay Pangulong Nelson. Bilang isang taong nakagugol ng kanyang propesyon sa panulat, nagulat ako sa napakatalinong pag-edit ng isang tao na ang propesyon ay pag-opera sa katawan ng tao. Natuwa akong malaman na ang kanyang ulirang pagsulat ay bunga ng kasipagan. Minsan, nang hilingan akong suriin ang isa sa kanyang mga manuskrito, nakita ko na ikawalong draft na niya iyon. Kung alam ko lang ang kahanga-hangang talaan ng mga propesyonal na lathalain ni Dr. Nelson, hindi sana ako nagulat na wala nang mas mahusay pang manunulat sa Korum ng Labindalawa.

Russell M. Nelson on family ski outing

Karamihan ay naiintriga sa edad ng ating bagong pangulo—93! Kami na palagi niyang kasama ay nakatuon lamang sa sarili naming mga pagsisikap na makipagsabayan sa kanya. Napaka-aktibo niya, sa katawan at isipan. Kahanga-hanga ang kanyang memorya. Madalas siyang mag-ski na may kakaunting pahinga. Ginagamit pa rin niya ang kanyang snowblower, kapwa sa driveway niya at ng mga kapitbahay niya.24 Naranasan ko ang kanyang walang-katapusang lakas tuwing Huwebes. Kapag nakakatapos kami ng pulong sa Salt Lake Temple, nag-eelevator ang ilan pababa sa ibabang palapag at bumababa ng hagdan ang ilan mula sa aming silid sa itaas. Si Pangulong Nelson ay laging bumababa nang mabilis sa hagdan. Palagi kong sinisikap na makasabay sa kanya pero hindi ko kaya.

Tapat sa Tagapagligtas

Sabi ni Pangulong Nelson, “Bawat araw ng paglilingkod ng isang Apostol ay araw ng pagkatuto at paghahanda para sa iba pang responsibilidad sa hinaharap.”25 Para sa kanya, tapos na ang panahon ng paghahanda, at natanggap na niya ang sagradong balabal ng Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ano ang itinuturo ng kanyang paghahanda na asahan natin sa panahon ng kanyang pamumuno?

Ang pinakamahalaga ay ang kanyang katapatan sa Panginoong Jesucristo, na siyang pinuno ng Kanyang Simbahan. Tulad ng sabi ni Pangulong Nelson sa kanyang mensahe noong Enero, na binanggit kanina, “Kami … ay patuloy na hahangarin na malaman ang kanyang kalooban at susundin ito.”26 Samantala, ang inspiradong mga turo ni Pangulong Nelson ay tumutukoy sa mga posibleng paksang bibigyang-diin.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2017, ipinaalala ni Pangulong Nelson sa mga miyembro ng Simbahan ang malaking kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Ibinahagi niya ang mga resulta ng personal na pag-aaral niya ng Aklat ni Mormon, kasama na ang mga listahan ng kung ano ang Aklat ni Mormon, ang pinagtitibay nito, ang pinabubulaanan nito, ang tinutupad nito, ang nililinaw nito, at ang inihahayag nito. Hinimok niya ang mga miyembro na pag-aralan at pagnilayan ang aklat araw-araw.27

Russell M. Nelson and his counselors during press conference

Noong Enero 16, 2018, dalawang araw matapos italaga si Pangulong Nelson bilang Pangulo ng Simbahan, ibinalita niya na magsisimulang maglingkod ang bagong Unang Panguluhan “na iniisip ang resulta.” Ang “resulta” ay ang kaligtasan ng mga tao at pagbubuklod ng mga pamilya sa bahay ng Panginoon. “Dahil dito, nagsasalita kami sa inyo ngayon mula sa isang templo,” sabi ni Pangulong Nelson mula sa annex ng Salt Lake Temple.

“Ang resultang pinagsisikapang matamo ng bawat isa sa atin ay ang mapagkalooban ng kapangyarihan sa isang bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, maging tapat sa mga tipang ginawa sa templo na nagpapagindapat sa atin sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginawa ninyo ang susi para tumatag ang inyong buhay, ang pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ang kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay pagpapalain kayo ng dagdag na personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”28

Nanawagan din si Pangulong Nelson sa mga Banal na manatili sa landas ng tipan: “Ang pangako ninyong sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipang iyon ang magbibigay-daan sa bawat espirituwal na pagpapala at pribilehiyong matatanggap ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.” Sa mga taong lumihis mula sa landas na iyon, sinabi niya: “Inaanyayahan ko kayo nang may buong pag-asa sa aking puso na bumalik kayo. Anuman ang inyong mga problema, anuman ang inyong mga hamon, may lugar para sa inyo rito, sa Simbahan ng Panginoon. Kayo at ang mga henerasyong hindi pa isinisilang ay mapagpapala ng inyong mga kilos ngayon na bumalik sa landas ng tipan.”29

Narito ang isa pang mahalagang palatandaan: “Ang talata sa banal na kasulatan na naging buhay na alamat sa akin ay nasa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, kung saan sinabi ng Panginoon, ‘Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito,’” sabi ni Pangulong Nelson. “At nabuhay ako … upang makita ang pagpapabilis na ito.”30 Ngayo’y gagabayan niya ito.

Noon pa man ay pinatototohanan na ni Pangulong Russell M. Nelson ang kabanalan ni Jesucristo at ang katotohanan ng plano ng kaligtasan na ibinigay ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak para bigyan tayo ng kaalaman at gabayan tayo. Habang pinamumunuan ni Pangulong Nelson ang Simbahan tungo sa hinaharap, maaaring mapanatag ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagkaalam na gagabayan niya sila ayon sa kalooban ng langit. “Ipinapahayag ko ang aking debosyon sa ating Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo,” wika niya. “Kilala ko Sila, mahal ko Sila, at nangangako akong paglingkuran Sila—at kayo—habang ako’y nabubuhay.”31

Mahal ko ang lingkod na ito ng Panginoon, ang matagal ko nang kasamahan at kaibigan, si Pangulong Russell M. Nelson. Kasama ang kapwa ko mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinahahalagahan ko ang kanyang mga turo at inaasam ko ang kanyang inspiradong pamumuno bilang ating propeta. Pinatototohanan ko na siya ay tinawag ng Diyos na pamunuan ang Simbahan sa ating panahon.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 6.

  2. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 7.

  3. Sylvia Webster at Russell Nelson Jr., sa Sarah Jane Weaver, “Get to Know President Russell M. Nelson, a Renaissance Man,” Church News, Ene. 16, 2018, lds.org/church/news.

  4. Sylvia Webster, sa Sarah Jane Weaver, “Get to Know President Russell M. Nelson.”

  5. Russell Nelson Jr., sa Tad Walch, “Who Is President Russell M. Nelson? A Man of Heart, Compassion and Faith,” Deseret News, Ene. 16, 2018, deseretnews.com.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Begin with the End in Mind” (Brigham Young University fireside, Set. 30, 1984), 2, speeches.byu.edu.

  7. Russell M. Nelson, “Begin with the End in Mind,” 3.

  8. Tingnan sa Tad Walch, “Who Is President Russell M. Nelson?”

  9. Sa Spencer J. Condie, Russell M. Nelson: Father, Surgeon, Apostle (2003), 140.

  10. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 52–53.

  11. Sa “Elder Russell M. Nelson of the Quorum of the Twelve Apostles,” Ensign, Mayo 1984, 87.

  12. Russell Marion Nelson, From Heart to Heart: An Autobiography (1979), 114.

  13. Jeffrey R. Holland, sa Tad Walch, “Who Is President Russell M. Nelson?”

  14. Sa “Elder Russell M. Nelson of the Quorum of the Twelve Apostles,” 88.

  15. Dantzel White Nelson, sa Lane Johnson, “Russell M. Nelson: A Study in Obedience,” Ensign, Ago. 1982, 23.

  16. Russell Marion Nelson, From Heart to Heart, 149.

  17. Russell Marion Nelson, From Heart to Heart, 149.

  18. David O. McKay, sa Russell Marion Nelson, From Heart to Heart, 150.

  19. Sa Spencer J. Condie, Russell M. Nelson: Father, Surgeon, Apostle, 186.

  20. Sa Marvin K. Gardner, “Elder Russell M. Nelson: Applying Divine Laws,” Ensign, Hunyo 1984, 13.

  21. Facebook page ni Russell M. Nelson, video na nai-post noong Set. 11, 2014, facebook.com/lds.russell.m.nelson/videos.

  22. Tingnan sa Facebook page ni Russell M. Nelson, video na nai-post noong Set. 11, 2014.

  23. Tingnan sa Tad Walch, “Who Is President Russell M. Nelson?”

  24. Tingnan sa Tad Walch, “Who Is President Russell M. Nelson?”

  25. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 6.

  26. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 6.

  27. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?Liahona, Nob. 2017, 60–63.

  28. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 7.

  29. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 7.

  30. Facebook page ni Russell M. Nelson, video na nai-post noong Set. 11, 2014.

  31. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 7.