Liahona
Laging Isang Misyonero
Sa Alaala: Pangulong M. Russell Ballard


“Laging Isang Misyonero,” Liahona, Ene. 2024.

Naaalala ng Para sa Lakas ng mga Kabataan

Laging Isang Misyonero

Pag-alaala kay Pangulong M. Russell Ballard

Larawan
M. Russell Ballard

Habang naglilingkod bilang isang binatang misyonero sa England, nagkaroon ng isang karanasan si Pangulong M. Russell Ballard na nagpabago sa kanyang buhay magpakailanman.

“Naaalala ko na naglalakad ako sa tabi ng River Trent sa Nottingham, England. …

“Habang naglalakad ako sa tabi ng ilog na iyon, … tahimik akong nagdasal. Hinangad kong makadama ng kaunting patnubay mula sa Panginoon. Nagsumamo ako na malugod Siya sa sinisikap kong gawin. Itinanong ko, “Ginagawa ko po ba ang gusto ninyo?”1

“Nakadama ako ng nag-uumapaw na kapayapaan at pag-unawa. Sa sandaling iyon ko mismo nalaman na kilala ako ni Jesucristo, [at] na mahal Niya ako, … Wala akong nakitang anumang pangitain at wala akong narinig na anumang tinig, ngunit ang nalaman ko roon sa realidad at kabanalan ni Cristo ay mahihigitan lamang kung tumayo Siya sa aking harapan at tinawag Niya ang aking pangalan.

“Nahubog ng karanasang iyon ang buhay ko. Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, bawat mahalagang desisyong ginawa ko ay naimpluwensyahan ng aking kaalaman tungkol sa Tagapagligtas.”2

Ang kaalamang ito ang tumulong kay Pangulong Ballard na magsalita nang buong tapang bilang natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo. Tinuruan Niya tayo, sa pamamagitan ng halimbawa at patotoo, kung paano “magbangon, manindigan, at lubos na maghandang paglingkuran ang Panginoon.”3

Larawan
Si Pangulong Ballard sa chapel sa Georgetown, Massachusetts

Si Pangulong Ballard sa Georgetown, Massachusetts, USA, noong ika-13 ng Mayo 2022.

Pagmamahal sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Saanman siya magpunta, inuna ni Pangulong Ballard ang pagbabahagi ng ebanghelyo. “Noon pa man, espesyal na sa akin ang pangangaral ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Gustung-gusto ko ang pagiging misyonero sa England noon. Gustung-gusto ko ang pagiging mission president noon sa Canada. At gustung-gusto ko ang kasalukuyan kong tungkulin [bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol], na nagbibigay sa akin ng pagkakataong ibahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mundo.”4

Itinuro ni Pangulong Ballard na maibabahagi nating lahat ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan lamang “[ng] pakikipagkapwa at pagmamalasakit at pagmamahal. … Sa gayo’y makikita [natin] ang ningning ng ebanghelyo sa ating buhay, at makikita [ng iba] ang mga pagpapalang handog ng ebanghelyo.”5

Ang pagmamahal natin sa Panginoon at sa iba ay “[gagabay sa atin] sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga miyembro ng pamilya, kaibigan, kapitbahay, kasosyo sa negosyo, at iba pang taong nasasalubong natin sa buhay na ito.”6

Kailangan Namin Kayo Ngayon!

Itinuro ni Pangulong Ballard na hindi ninyo kailangang maghintay na maging full-time missionary para magsimulang ibahagi ang ebanghelyo. Ipinahayag niya, “Kailangan ng Simbahan ang mga kabataan natin ngayon. Kailangan kayo ng Panginoon ngayon!”7

“Ito ang pinakamahalagang gawain na maaari nating salihan,”8 pagtuturo ni Pangulong Ballard. “Iparinig ang inyong tinig sa pagpapahayag ng dakila at maluwalhating mensahe ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.”9

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “How I Hear Him in Still and Quiet Moments,” Hulyo 17, 2020, blog.ChurchofJesusChrist.org.

  2. M. Russell Ballard, Our Search for Happiness (1993), 8.

  3. M. Russell Ballard, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2002 (Ensign o Liahona, Nob. 2002, 47).

  4. M. Russell Ballard, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 4.

  5. M. Russell Ballard, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2003 (Ensign o Liahona, Mayo 2003, 40).

  6. M. Russell Ballard, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2003 (Ensign o Liahona, Mayo 2003, 39).

  7. M. Russell Ballard, “A Remarkable Future Is Before You!New Era, Okt. 2019, 4.

  8. M. Russell Ballard, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo,” 4.

  9. M. Russell Ballard, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo,” 5.