Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

pamilyang nagtatalakayan tungkol sa mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya

Ang regular na pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay isang napakabisang paraan para matulungan ang inyong pamilya na matutuhan ang ebanghelyo. Mas mahalaga ang palagiang pagsisikap ninyong magbasa bilang pamilya kaysa kung gaano karami at gaano katagal kayong magbasa. Kapag ginawa ninyong mahalagang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mas mailalapit mo ang mga miyembro ng inyong pamilya kay Jesucristo at mapapalakas ang kanilang patotoo na nakasalig sa Kanyang salita. Isiping gamitin ang sumusunod na mga tanong:

  • Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng pamilya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili?

  • Ano ang magagawa mo para hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang natututuhan?

  • Paano mo mabibigyang-diin ang mga alituntuning natututuhan ninyo sa Bagong Tipan sa araw-araw na mga sandali ng pagtuturo?

Alalahanin na ang tahanan ang pinakamagandang lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Maaari mong matutuhan at ituro ang ebanghelyo sa tahanan sa mga paraang hindi posible sa isang klase sa Simbahan. Maging malikhain sa pag-iisip ng mga paraan para matulungan ang inyong pamilya na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Gamitin ang ilan sa sumusunod na mga ideya para mapahusay ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng inyong pamilya:

Magbahagi ng Makabuluhang mga Talata sa Banal na Kasulatan

Bigyan ng oras ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang mga talatang naging makabuluhan sa kanilang personal na pag-aaral.

Gamitin ang Sarili Ninyong mga Salita

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibuod sa sarili nilang mga salita ang natututuhan nila mula sa mga talatang pinag-aaralan ninyo.

Ihalintulad ang mga Banal na Kasulatan sa Inyong Buhay

Matapos basahin ang isang talata sa banal na kasulatan, hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga paraan na angkop ang talata sa buhay nila.

Magtanong

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magtanong tungkol sa ebanghelyo, at pagkatapos ay mag-ukol ng oras na maghanap ng mga talatang makakatulong na masagot ang tanong.

Magdispley ng Isang Talata sa Banal na Kasulatan

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa iyo, at idispley ito kung saan madalas itong makikita ng mga miyembro ng pamilya. Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng talatang ididispley.

Gumawa ng Listahan ng mga Talata ng Banal na Kasulatan

Bilang pamilya, pumili ng ilang talata na gusto ninyong talakayin sa darating na linggo.

Isaulo ang mga Talata

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa inyong pamilya, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isaulo ito sa pamamagitan ng pag-uulit dito araw-araw o paglalaro ng memorization game.

Magbahagi ng mga Object lesson

Maghanap ng mga bagay na may kaugnayan sa mga kabanata at talatang binabasa ninyo bilang pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pag-usapan kung paano nauugnay ang bawat bagay sa mga turo sa mga banal na kasulatan.

Pumili ng Isang Paksa

Sabihan ang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang paksa na sama-samang pag-aaralan ng pamilya. Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para mahanap ang mga talata tungkol sa paksa.

Magdrowing ng Isang Larawan

Basahin ang ilang talata bilang pamilya, at pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga miyembro ng pamilya para magdrowing ng isang bagay na nauugnay sa binasa ninyo. Mag-ukol ng oras sa pagtalakay sa mga drowing ng isa’t isa.

Isadula ang Isang Kuwento

Matapos basahin ang isang kuwento, anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isadula ito. Pagkatapos, pag-usapan kung paano nauugnay ang kuwento sa mga bagay na nararanasan ninyo bilang indibiduwal at bilang pamilya.

may-edad na mag-asawa na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Bawat panalangin ng pamilya, bawat pag-aaral ng banal na kasulatan, at bawat family home evening ay isang hagod ng pinsel sa canvas ng ating kaluluwa. Walang iisang pangyayari na magmumukhang kaakit-akit para hangaan nang husto o manatili sa alaala. Ngunit tulad ng mga hagod ng pinturang dilaw at ginto at brown na bumagay sa isa’t isa at lumikha ng kahanga-hangang obra-maestra, gayundin hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 19–20).