Mga Hanbuk at Calling
0. Pangkalahatang Pambungad


“0. Pangkalahatang Pambungad,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“0. Pangkalahatang Pambungad,” Pangkalahatang Hanbuk.

0.

Pangkalahatang Pambungad

0.0

Pambungad

Itinuro ng Panginoon, “Ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig” (Doktrina at mga Tipan 107:99). Bilang lider sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dapat kang maghangad ng personal na paghahayag upang matulungan kang matutuhan at magampanan ang mga tungkulin ng iyong calling.

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw ay tutulong sa iyo na maunawaan at magampanan ang iyong mga tungkulin. Habang pinag-aaralan mo ang mga salita ng Diyos, ikaw ay magiging mas bukas sa impluwensya ng Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:85).

Matututuhan mo rin ang iyong mga tungkulin sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga tagubilin na nasa hanbuk na ito. Ang mga tagubiling ito ay maaaring mag-anyaya ng paghahayag kapag ginamit upang makapagbigay ng pang-unawa sa mga alituntunin, patakaran, at pamamaraang gagamitin habang hinihingi ang patnubay ng Espiritu.

0.1

Ang Hanbuk na Ito

Ang Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay ng mga gabay sa pangkalahatan at lokal na mga lider ng Simbahan. Ito ay nahahati sa mga bahagi:

  • Pinagbatayang Doktrina: Ang mga kabanatang ito ay naglalahad ng pangunahing mga doktrina at mga alituntunin sa paglilingkod sa Simbahan. Ipinaliliwanag ng mga ito:

    • Ang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, at ang layunin ng Simbahan.

    • Ang papel na ginagampanan ng pamilya sa plano ng Diyos, ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa tahanan, at ang ugnayan sa pagitan ng tahanan at ng Simbahan.

    • Ang mga alituntunin ng priesthood.

    • Ang mga alituntunin sa pamumuno sa Simbahan ng Tagapagligtas.

  • Organisasyon ng Simbahan: Ang mga kabanatang ito ay nagbibigay ng mga tagubilin para sa mga stake presidency at bishopric, mga lider ng mga priesthood quorum, mga lider ng mga organisasyon sa stake at ward, at iba pang naglilingkod sa Simbahan.

  • Ang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos: Ang mga kabanatang ito ay nagtuturo tungkol sa pangunahing gawain ng Simbahan:

    • Pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo

    • Pangangalaga sa mga nangangailangan

    • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo

    • Pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan

  • Pangangasiwa sa Simbahan: Ang mga kabanatang ito ay nagbibigay ng karagdagang mga tuntunin sa pangangasiwa sa Simbahan. Kabilang sa mga paksa ang mga miting, calling, talaan, pananalapi, at mga patakaran.

Ang mga heading at subheading sa hanbuk na ito ay nilagyan ng mga bilang upang ang mga paksa ay mas madaling mahanap at matukoy. Halimbawa, ang mga tagubilin tungkol sa kung sino ang maaaring mabuklod sa templo ay nasa 27.3.1. Ang bilang na 27 ay tumutukoy sa kabanata, ang bilang na 3 ay tumutukoy sa isang bahagi ng kabanata, at ang bilang na 1 ay tumutukoy sa subsection.

0.2

Pag-aangkop at Opsiyonal na Resources

Hindi lahat ng mga stake at ward ay may pare-parehong mga pangangailangan. Ang hanbuk na ito ay naglalaman ng mga tuntunin sa pag-aangkop at mga opsiyonal na resource:

  • Ang mga tuntunin sa pag-aangkop (icon, mga tuntunin sa pag-aangkop) ay nagbibigay ng patnubay kung paano maiaangkop ang mga organisasyon at programa ng Simbahan sa mga unit na may iba’t ibang pangangailangan at resources.

  • Ang opsiyonal na resources (icon, opsiyonal na resources) ay naglalaman ng karagdagang impormasyon at gabay na maaaring makatulong sa mga lider ng stake at ward.

Ang mga lider ay naghahangad ng inspirasyon para malaman kung aling mga tuntunin at opsiyonal na resources ang dapat gamitin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro.

0.3

Mga Update

Ang hanbuk na ito ay pana-panahong ia-update. Ang listahan ng mga pinakahuling pagbabago ay makukuha sa “Buod ng Pinakahuling mga Update.”

0.4

Mga Tanong Tungkol sa mga Tagubilin

Kapag may mga tanong na hindi tinalakay sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, o sa hanbuk na ito, ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat umasa sa kanilang mga tipan sa Diyos, sa payo ng kanilang mga lokal na lider, at sa inspirasyon ng Espiritu para sa patnubay.

Kung ang mga lider ay may mga tanong tungkol sa impormasyon sa hanbuk na ito o tungkol sa mga isyung hindi nito tinalakay, sila ay sasangguni sa kanilang namumunong awtoridad.

0.5

Mga Katawagan

Maliban kung iba ang nakasaad:

  • Ang mga katagang bishop at bishopric sa hanbuk na ito ay tumutukoy rin sa mga branch president at mga branch presidency. Ang mga katagang stake president at stake presidency ay tumutukoy rin sa mga district president at district presidency. Para sa buod kung paano naiiba ang awtoridad ng mga district president sa awtoridad ng mga stake president, tingnan ang 6.3.

  • Ang mga pagtukoy sa mga ward at stake ay karaniwang angkop din sa mga branch, district, at mission.

  • Ang pagtukoy sa araw ng Linggo ay tumutukoy sa alinmang araw na ginugunita ang Sabbath sa partikular na lugar.

  • Ang salitang unit ay tumutukoy sa mga ward at branch.

  • Ang pagtukoy sa mga magulang ay karaniwang tumutukoy rin sa legal na mga tagapag-alaga.

Ang mga calling ng bishop at branch president ay hindi magkatumbas ng awtoridad at responsibilidad, at gayundin ang mga calling ng stake president at district president. Ang bishop ay isang katungkulan sa priesthood, at ang Unang Panguluhan lamang ang nagbibigay ng awtorisasyon para sa ordinasyon sa katungkulang ito. Ang mga stake president ay tinatawag ng mga General Authority at mga Area Seventy.

0.6

Pagkontak sa Headquarters ng Simbahan o sa Area Office

Ang ilang kabanata sa hanbuk na ito ay kinabibilangan ng mga tagubilin na kontakin ang headquarters ng Simbahan o ang area office. Ang tagubiling kontakin ang headquarters ng Simbahan ay angkop sa mga nasa Estados Unidos at Canada. Ang tagubiling kontakin ang area office ay angkop sa mga nasa labas ng Estados Unidos at Canada.