Mga Hanbuk at Calling
31. Mga Interbyu at Pagpapayo


“31. Mga Interbyu at Pagpapayo,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2020).

“31. Mga Interbyu at Pagpapayo,” Pangkalahatang Hanbuk.

31.

Mga Interbyu at Pagpapayo

31.1

Mga Interbyu

Bawat stake president at bishop ay “isang hukom sa Israel” (Doktrina at mga Tipan 107:72). Sa pamamagitan ng awtoridad na ito ay isinasagawa niya ang mga interbyu sa pagiging karapat-dapat at mga interbyu sa priesthood. Kinakatawan niya ang Panginoon sa pagsasagawa ng mga interbyu na ito. Alinsunod dito, dapat niyang hangaring pagpalain ang mga miyembro at tulungan silang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

31.1.1

Mga Pangkalahatang Tagubilin para sa mga Interbyu sa Pagiging Karapat-Dapat

Ang mga stake president, bishop, at (kapag awtorisado) ang kanilang mga counselor ay nagsasagawa ng mga interbyu sa pagiging karapat-dapat gaya ng nakabalangkas sa bahaging ito. Dapat silang espirituwal na maghanda upang magabayan sila ng Espiritu sa oras ng mga interbyu na ito. Dapat din nilang hangarin ang kapangyarihan ng paghiwatig. Ito ay isang espirituwal na kaloob na tutulong sa kanila na mabatid ang katotohanan, at gayundin ang mga pangangailangan ng isang miyembro (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:27–28).

Dapat maging pribado ang mga interbyu sa pagiging karapat-dapat. Gayunman, ang isang taong iniinterbyu ay maaaring anyayahan ang isa pang adult na sumama sa interbyu.

Ang pakikinig nang mabuti ay mahalaga sa oras ng mga interbyu sa pagiging karapat-dapat. Ang miyembro ng stake presidency o bishopric ay dapat mag-ukol ng buo at taos-pusong pansin sa taong iniinterbyu. Tinitiyak din ng nag-iinterbyu na nauunawaan ng miyembro ang mga bagay na itinatanong. Nag-uukol siya ng sapat na oras para isagawa ang interbyu sa marangal na paraan at hindi nagmamadali.

31.1.2

Mga Pangkalahatang Tagubilin para sa mga Interbyu sa Priesthood

Regular na iniinterbyu ng mga stake president, bishop, at kanilang mga counselor ang mga priesthood leader na nagrereport sa kanila. Ang isang layunin ng mga interbyu na ito ay upang makatanggap ng accounting o pagbibigay-sulit tungkol sa mga responsibilidad ng lider. Ang isa pang layunin ay upang tulungan ang lider na magtakda ng mga mithiin at magplano upang maisakatuparan ang mga ito. Kung saan naaangkop, ang mga budget at ginastos ay nirerebyu rin sa mga interbyu na ito.

Ang taong nagsasagawa ng isang interbyu sa priesthood ay dapat turuan, hikayatin, at bigyang-inspirasyon ang mga lider sa kanilang pagsisikap na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Dapat din siyang magpahayag ng pasasalamat at palakasin ang lider sa kanyang personal na buhay at buhay-pamilya.

31.1.3

Mga Interbyu na Isinasagawa ng Stake President

Ang stake president ay nagsasagawa ng sumusunod na mga interbyu sa mga miyembro ng stake:

  • Para sa mga temple recommend ng mga taong tatanggap ng sarili nilang endowment o ikakasal o ibubuklod sa templo (tingnan sa 26.3.1).

  • Para magrekomenda ng mga full-time missionary (tingnan sa 24.4.2).

  • Para i-release ang mga full-time missionary matapos silang makauwi (tingnan sa 24.8.2).

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod bilang mga counselor sa stake presidency, bilang patriarch, at bilang bishop, kapag awtorisado.

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod bilang elders quorum president, stake Relief Society president, at stake clerk.

  • Para tulungan ang mga miyembro na pagsisihan ang mabibigat na kasalanan (tingnan sa kabanata 32).

Regular ding iniinterbyu ng stake president ang bawat bishop upang hikayatin at turuan siya. Iniinterbyu niya ang stake patriarch nang hindi kukulangin sa dalawang beses sa isang taon (tingnan sa 6.6.4).

31.1.4

Mga Interbyu na Isinasagawa ng Stake President o ng mga Inatasang Counselor

Isinasagawa ng stake president o ng mga inatasang counselor ang sumusunod na mga interbyu sa mga miyembro ng stake. Bago interbyuhin ang sinumang tao para sa alinman sa sumusunod na mga layunin, tinitiyak ng miyembro ng stake presidency na ang tao ay nainterbyu o may pahintulot ng bishop o ng inatasang counselor sa bishopric.

  • Para sa pagpapanibago ng mga temple recommend (tingnan sa 26.3.1).

  • Para sa ordinasyon sa mga katungkulan ng elder at high priest (tingnan sa 38.2.5.1).

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod sa mga posisyon sa Simbahan gaya ng nakasaad sa 30.8.

  • Para sa pag-endorso na mag-enroll sa isang unibersidad o kolehiyo ng Simbahan (tingnan sa 15.3).

  • Para sa pag-endorso na makilahok sa programa sa pautang ng Perpetual Education Fund, kung saan inaprubahan ang programa (tingnan sa 22.13).

Kung ang isang counselor sa stake presidency ay may nalaman na seryosong mga bagay sa isang interbyu, tulad ng mga kasalanan na kailangang ipagtapat, papupuntahin niya kaagad ang miyembro sa bishop.

31.1.5

Mga Interbyu na Isinasagawa ng Bishop

Isinasagawa ng bishop ang sumusunod na mga interbyu sa mga miyembro ng ward:

  • Para sa mga temple recommend ng mga taong tatanggap ng sarili nilang endowment o ikakasal o ibubuklod sa templo (tingnan sa 26.3.1).

  • Para sa mga limited-use recommend para sa mga bagong binyag (tingnan sa 26.4.2).

  • Para magrekomenda ng mga maglilingkod bilang missionary (tingnan sa 24.4.2).

  • Para sa ordinasyon sa mga katungkulan ng elder at high priest, kapag awtorisado ng stake presidency (tingnan sa 38.2.5.1).

  • Para sa taunang tithing settlement (tingnan sa 34.4.1.5).

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod bilang president ng organisasyon sa ward.

  • Para sa ordinasyon sa katungkulan ng priest (tingnan sa 38.2.5.2).

  • Para sa ordinasyon sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ng mga lalaking bagong binyag (tingnan sa 38.2.5.2).

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod bilang mga assistant sa priests quorum.

  • Sa mga kabataan (tingnan sa 31.1.7).

  • Para sa mga tulong mula sa handog-ayuno (tingnan sa 22.2.2).

  • Para sa pag-endorso na mag-enroll o ipagpatuloy ang pag-aaral sa isang unibersidad o kolehiyo ng Simbahan (tingnan sa 15.3).

  • Para tulungan ang mga miyembro na pagsisihan ang mabibigat na kasalanan (tingnan sa kabanata 32).

Ang bishop ay regular ding nakikipagpulong sa elders quorum president at sa Relief Society president nang magkahiwalay at magkasama (tingnan sa 8.3.1 at 9.3.1).

31.1.6

Mga Interbyu na Isinasagawa ng Bishop o ng mga Inatasang Counselor

Isinasagawa ng bishop o ng mga inatasang counselor ang sumusunod na mga interbyu sa mga miyembro ng ward. Tanging ang bishop lamang ang tumutugon sa mga problema o tanong na nauukol sa kalinisang-puri, mga kaugnay na usapin sa moralidad, at iba pang mga mabibigat na kasalanan sa mga interbyu na ito. Kung ang isang counselor ay nahaharap sa seryosong mga bagay, tulad ng mga kasalanan na kailangang ipagtapat, papupuntahin niya kaagad ang miyembro sa bishop.

  • Para sa pagpapanibago ng mga temple recommend at mga limited-use recommend (tingnan sa 26.3, 26.4, at 26.5).

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod sa mga posisyon sa Simbahan gaya ng nakasaad sa 30.8.1.

  • Para sa binyag at kumpirmasyon ng mga batang 8-taong-gulang na mga member of record o, kung hindi sila mga member of record, dapat mayroong kahit isang magulang o tagapag-alaga na miyembro (tingnan sa 38.2.3.3).

  • Para sa mga pagtawag na maglingkod bilang deacons quorum president, mga counselor, at secretary; teachers quorum president, mga counselor, at secretary; priests quorum secretary; at mga Young Women class president, mga counselor, at mga secretary. Gayunman, ang bishop lamang ang maaaring mag-set apart sa mga deacons at teachers quorum president.

  • Para sa mga 11-taong-gulang sa paglipat nila mula sa Primary. Sa interbyu na ito, iniinterbyu rin ng bishop o ng kanyang inatasang counselor ang mga kabataang lalaki upang matukoy kung sila ay karapat-dapat at handang tanggapin ang Aaronic Priesthood. Iniinterbyu niya ang mga kabataang babae bilang paghahanda sa pagpasok nila sa Young Women program.

  • Para sa ordinasyon sa katungkulan ng deacon o teacher (tingnan sa 38.2.5.2).

  • Sa mga kabataan at mga young single adult (tingnan sa 31.1.7 at sa 31.1.8).

  • Para sa mga patriarchal blessing (tingnan sa 38.2.12).

  • Para sa isang mayhawak ng priesthood na nais magsilbing tinig sa isang ordenansa ng priesthood sa isa pang ward ngunit walang temple recommend. Kung ang tao ay karapat-dapat, pupunan at lalagdaan ng miyembro ng bishopric ang isang Recommend to Perform an Ordinance form.

  • Para sa mga miyembrong papasok sa serbisyo sa military (tingnan sa 38.9.2).

  • Para sa pag-endorso na makilahok sa programa sa pautang ng Perpetual Education Fund, kung saan inaprubahan ang programa (tingnan sa 22.13).

31.1.7

Mga Tuntunin sa mga Interbyu sa Kabataan

31.1.7.1

Papel ng mga Magulang

Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga anak. Tinutulungan nila ang kanilang mga anak na umunlad sa espirituwal at maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Pinapayuhan din ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa pagiging karapat-dapat at tinutulungan silang magsisi at magpakabuti. Sinusuportahan ng mga bishop at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang mga magulang sa mga pagsisikap na ito.

31.1.7.2

Ang Komunikasyon ng Bishop Tungkol sa mga Interbyu

Sa paghahanda ng isang dalagita na maging bahagi ng organisasyon ng Young Women, at sa paghahanda ng isang binatilyo na tanggapin ang Aaronic Priesthood, ibinabahagi ng bishop sa mga kabataan at sa kanilang mga magulang ang sumusunod na impormasyon tungkol sa mga interbyu. Maaari niya itong gawin bilang bahagi ng taunang Temple and Priesthood Preparation meeting o sa iba pang mga pagkakataon kung kinakailangan.

  • Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na turuan at alagaan ang kanilang mga anak.

  • Ang bishop o isa sa kanyang mga counselor ay mag-iinterbyu sa binatilyo o dalagita nang hindi kukulangin sa dalawang beses sa isang taon sa mga kadahilanang nakabalangkas sa 31.1.7.3. Maaari ding makipagpulong sa mga kabataan ang isang miyembro ng bishopric upang sagutin ang mga tanong, magbigay ng suporta, o magbigay ng mga takdang-gawain.

  • Upang matulungan ang mga kabataan na espirituwal na makapaghanda, ang mga interbyu ay kailangan para sa mga sagradong bagay tulad ng mga temple recommend, mga ordinasyon sa priesthood, at mga tawag na magmisyon. Ang mga lider ay nakikipagtulungan sa mga magulang upang tulungan ang mga kabataan na maghanda para sa mga interbyu na ito.

  • Hinihikayat ng mga magulang ang kanilang mga anak na makipagkita sa bishop kapag kailangan nila ang kanyang tulong para sa espirituwal na patnubay o sa pagsisisi.

  • Kung nais ng isang kabataan, maaari niyang anyayahan ang isang magulang o isa pang adult na sumama kapag makikipagkita sa bishop o sa isa sa kanyang mga counselor.

31.1.7.3

Mga Layunin ng mga Interbyu

Ang mga bishop at kanilang mga counselor ay may sagradong responsibilidad na akayin, turuan, at bigyang-inspirasyon ang mga kabataan. Ang epektibong mga personal na interbyu ay isang mahalagang paraan na ginagawa nila ito. Sa mga interbyu na ito, tinuturuan ng bishop at ng kanyang mga counselor ang mga kabataan tungkol sa pagiging mga disipulo ng Tagapagligtas. Tinutulungan nila ang mga kabataan na isaalang-alang kung gaano kabuti nilang nasusunod ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo. Ang mga interbyu ay dapat maging nakasisiglang mga espirituwal na karanasan.

Ang mga interbyu ay nagbibigay ng pagkakataon upang muling pagtibayin ang walang limitasyon na potensyal ng bawat kabataan bilang anak ng Diyos. Ang mga interbyu ay nagbibigay din ng pagkakataon na bigyang-inspirasyon ang mga kabataan na bumuo ng mga plano upang mas mapalapit sa Ama sa Langit at pagbutihin ang lahat ng aspekto ng kanilang buhay.

Bilang mga kinatawan ng Tagapagligtas, ang mga bishop ay mga hukom sa Israel na hinirang ng Diyos. Sa papel na ito, nagsasagawa sila ng mga interbyu upang malaman ang pagiging karapat-dapat at tulungan ang mga kabataan na pagsisihan ang mga paglabag o kasalanan.

Ang mga nagsasagawa ng mga interbyu ay nagpapakita ng pagmamahal at nakikinig nang mabuti. Hinihikayat nila ang mga kabataan na magsalita sa halip na sila ang kadalasang nagsasalita.

31.1.7.4

Dalas ng mga Interbyu

Iniinterbyu ng bishop ang bawat binatilyo at dalagita nang di kukulangin sa isang beses sa isang taon. Kung maaari, iniinterbyu niya ang bawat 16 at 17 taong gulang nang dalawang beses sa isang taon. Kung hindi ito posible, inaatasan niya ang isang counselor na isagawa ang ilan sa mga interbyu na ito.

Pagkatapos ng taunang interbyu sa bishop, ang bawat binatilyo at dalagita na edad 11–15 ay karaniwang may isa pang interbyu sa loob ng taong iyon sa counselor sa bishopric na sumusubaybay sa Aaronic Priesthood quorum o sa Young Women class kung saan nakikilahok ang kabataan.

Kumikilos nang may inspirasyon at karunungan, maaaring baguhun ng mga bishop ang dalas ng mga interbyu. Ang ilang kabataan ay maaaring mangailangan ng dagdag na atensyon, samantalang ang iba ay maaaring mangailangan ng mas madalang na interbyu kaysa sa iminumungkahi, bagama’t lahat ay dapat mainterbyu nang kahit minsan man lang sa isang taon. Ang laki ng ward, heograpiya, mga iskedyul, at iba pang mga kalagayan ay maaari ding makaapekto sa dalas ng mga interbyu.

31.1.7.5

Mga Bagay na Tatalakayin

Kabilang sa mahahalagang bagay na tatalakayin ang pag-unlad ng patotoo ng kabataan tungkol sa Ama sa Langit, sa misyon at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Binibigyang-diin ng bishop at ng kanyang mga counselor ang kahalagahan ng pagtupad ng mga tipan sa binyag. Tinuturuan nila ang mga kabataan na maghandang gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay sa araw-araw. Hinihikayat ng mga miyembro ng bishopric ang mga kabataan na palaging magdasal nang sarilinan at kasama ang kanilang pamilya at pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Hinihikayat din nila ang mga kabataan na manatiling malapit sa kanilang mga magulang.

Kapag tinatalakay ang pagsunod sa mga kautusan, ginagamit ng bishop at ng kanyang mga counselor sa angkop na paraan ang mga tanong sa interbyu para sa limited-use temple recommend at ang mga pamantayan at paliwanag na nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Iniaakma ng mga lider ang talakayan ayon sa pang-unawa at mga tanong ng kabataan. Tinitiyak nila na ang mga talakayan tungkol sa kalinisang moral ay hindi nanghihimok ng pag-uusisa o pag-eeksperimento.

Maaari ding banggitin ng bishop at ng kanyang mga counselor ang mga bagay na nakalista sa ibaba:

Ordinasyon sa priesthood. Sa mga kabataang lalaki, tinatalakay nila ang mga pagpapala at tungkulin ng paghawak ng Aaronic Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:46–60; 84:31–48; mga mensahe ukol sa paksa sa pangkalahatang kumperensya kamakailan; at ang 10.1.1 at 10.1.2).

Seminary. Para sa mga kabataan sa angkop na edad, nanghihikayat sila ng regular na pagdalo sa seminary at binibigyang-diin ang mga pagpapalang dumarating sa regular na pakikibahagi.

Paglilingkod bilang missionary. Binibigyan nila ng espesyal na pansin ang mga kabataang lalaki na naghahandang maglingkod sa full-time mission (tingnan sa 24.4.2). Ang mga kabataang lalaki ay hinihikayat na maglingkod, at ang mga kabataang babae, kapag nais nila, ay maaaring irekomendang maglingkod (tingnan sa 24.0). Tinatalakay nila ang espirituwal na paghahanda sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat, pag-aaral ng ebanghelyo, at pagkakaroon ng patotoo. Tinatalakay din nila ang paghahanda sa pisikal, kaisipan, damdamin, at sa pinansiyal.

Ang pamantayan na mga tanong sa interbyu para sa mga full-time missionary candidate ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org/mss. Pinag-aaralang muli ng bishop ang mga tanong na ito kasama ang mga candidate at kanilang mga magulang bago ang interbyu para sa pagmimisyon.

Dapat maging sensitibo ang mga miyembro ng bishopric sa mga kalagayan kung saan ang mga kabataang lalaki ay pinahihintulutang hindi maglingkod (honorably excused) bilang full-time missionary (tingnan sa 24.3.3). Tinatalakay ng bishop ang mga pagkakataon para sa mga service mission ng mga kabataang lalaki at mga kabataang babae, kapag angkop ito (tingnan sa 24.2.2).

Templo. Tinitiyak nila na nauunawaan ng kabataan ang mga pagpapalang hatid ng mga tipan sa templo at ng kasal sa templo at ang mga kailangan upang matanggap ang mga pagpapalang ito. Para maibigay o mapanibago ang isang temple recommend, itinatanong nila ang mga pamantayang tanong para sa limited-use temple recommend. Kung kinakailangan, iniaangkop nila ang mga tanong sa edad at mga kalagayan ng kabataan.

31.1.8

Mga Interbyu sa mga Young Single Adult

Iniinterbyu ng bishop o ng inatasang counselor ang bawat young single adult. Ang mga interbyu na ito ay karaniwang ginagawa isang beses sa isang taon. Gayunman, sa pagkilos nang may inspirasyon at karunungan, maaaring baguhin ng bishopric ang dalas ng mga interbyung ito.

31.1.9

Mga Interbyu sa mga Taong Muling Tatanggapin sa Pamamagitan ng Binyag at Kumpirmasyon

Para sa mga tagubilin tungkol sa pag-interbyu sa mga taong binawian ng kanilang pagkamiyembro sa Simbahan o nagbitiw sa pagkamiyembro sa Simbahan at nagnanais na muling tanggapin sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon, tingnan ang 32.16.2.

31.2

Pagpapayo

31.2.1

Mga Pangkalahatang Tuntunin

Pinapayuhan ng mga stake president at mga bishop ang mga miyembro ng stake at ward na naghahangad ng espirituwal na patnubay, may mabibigat na personal na problema, may mga tanong tungkol sa doktrina, o nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Maaaring iatas ng mga stake president at mga bishop ang ilan sa mga pagpapayong ito sa kanilang mga counselor, bagama’t hindi ito maaaring gawin kapag nakagawa ng mabibigat na kasalanan ang isang miyembro. Sa angkop na mga kalagayan, tulad ng kapag hirap sa pera ang isang pamilya, maaari ding iatas ng isang bishop o stake president ang ilang pagpapayo sa mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na kwalipikadong tumulong. Ang isang taong inatasan ng bishop o stake president na magpayo sa isang miyembro ay regular na nagrereport sa lider na nagbigay ng takdang-gawain. Pinapanatili rin ng tao ang kumpidensyalidad nito.

Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat maging masigasig, kabilang ang taimtim na pananalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, upang sila mismo ay makahanap ng mga solusyon at kasagutan. Kung kailangan pa rin nila ng tulong, dapat muna silang humingi ng payo sa kanilang bishop. Kung kinakailangan, maaari niya silang ilapit sa stake president. Dapat sabihan ng mga lokal na lider ang mga miyembro na huwag tumawag, bumisita, o sumulat sa headquarters ng Simbahan tungkol sa personal na mga bagay (tingnan sa 38.8.26).

Ang stake president at bishop ay may karapatang makahiwatig at tumanggap ng kailangang inspirasyon upang maging mga espirituwal at temporal na tagapayo sa mga miyembro ng ward na nangangailangan ng gayong tulong. Dapat silang espirituwal na maghanda bago magpayo sa isang miyembro sa pamamagitan ng paghahangad sa kapangyarihan na makahiwatig at sa patnubay ng Espiritu. Ang patnubay na ito ay kadalasang dumarating bilang mga pahiwatig, kaisipan, o damdamin. Palaging tinutulungan ng Espiritu ang mga lider na maalala ang mga turo mula sa mga banal na kasulatan at mula sa mga propeta sa mga huling araw.

Dapat madalas na gamitin ng mga lider ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw sa pagbibigay ng payo. Ang inspiradong mga salitang ito ay dapat gamitin nang sensitibo, may pagmamahal, at may kabaitan. Dapat gamitin ang mga ito upang makapagbigay ng inspirasyon at panghihikayat, hindi para mamilit o manakot.

Ang mga lider ay dapat mag-iskedyul ng sapat na panahon para sa mga appointment. Hindi dapat madama ng mga miyembro na ang mga lider ay masyadong abala at ilang minuto lamang ang maaaring ilaan sa kanila. Dapat ding tulungan ng mga lider ang mga miyembro na maging komportable sa pagsisimula ng appointment.

Kung sa pakiramdam ng stake president o ng bishop ay hindi siya handang magpayo sa isang miyembro, siya ay mag-iiskedyul ng isa pang appointment. Sa pagitan ng mga appointment siya ay naghahangad ng patnubay sa pamamagitan ng pag-aaral, pananalangin, at pag-aayuno, kung kinakailangan. Maaari din siyang sumangguni sa kanyang priesthood leader.

31.2.2

Espirituwal na Self-Reliance (Pag-asa sa Sariling Kakayahan)

Hinihikayat ng mga lider ang mga miyembro na magkaroon ng espirituwal na self-reliance. Iniiwasan ng mga lider na gumawa ng mga desisyon para sa mga taong pinapayuhan nila. Sa halip, tinutulungan sila ng mga lider na gumawa ng sarili nilang mga desisyon na may gabay ng Panginoon.

Dapat ding iwasan ng stake president o ng bishop na kaagad na mag-alok ng mga solusyon sa mga taong pinapayuhan niya. Hangga’t maaari, tinutulungan niya silang suriin at lutasin ang sarili nilang mga problema o tanong sa konteksto ng doktrina ng ebanghelyo at ng plano ng kaligtasan. Pinakamainam na turuan niya ang mga miyembro na maghanap ng mga solusyon at kalakasan mula sa mga banal na kasulatan sa kanilang sarili.

31.2.3

Mga Tanong at Pakikinig

Kapag nagpapayo, ang stake president o bishop ay nagtatanong upang maunawaan niya ang sitwasyon ng miyembro. Iniiwasan niya ang hindi kinakailangang pagsisiyasat. Ang mga tanong ay dapat karaniwang maglabas ng damdamin at kaisipan sa halip na mga sagot na oo o hindi. Mga miyembro ang mas dapat magsalita.

Habang nagsasalita ang mga miyembro, ang stake president o bishop ay nakikinig nang mabuti at nagbibigay ng buo at taos-pusong pansin. Ang pakikinig ay mahalaga sa pagbuo ng kumpiyansa at tiwala. Kadalasan ay kailangan ng mga tao ng isang taong pinagkakatiwalaan nila na makikinig sa kanila habang naghahanap ng solusyon sa mga hamon at problema sa kanilang buhay.

31.2.4

Pagsisisi at Paglaban sa Tukso

Kung ang isang miyembro ay nakagawa ng mabigat na kasalanan, buong katatagan at pagmamahal siyang tinutulungan ng stake president o ng bishop na magsisi. Itinuturo niya na ang pagsisisi ay kinabibilangan ng pagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo, pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu, pagkilala at pagtalikod sa kasalanan, paghahangad ng kapatawaran, pagsasauli ng nawala, at pagpapakita ng panibagong pangako na susundin ang mga kautusan. Kung kailangan, nilalagyan niya ng di-pormal na restriksyon ang ilang pribilehiyo nito sa pagiging miyembro ng Simbahan. Dapat siyang maging pamilyar sa mga pangyayari na maaaring mangailangan ng pagdaraos ng isang Church membership council at sa mga pamamaraan ng pagpapasimula nito (tingnan sa kabanata 32).

Kapag nagpapayo sa mga miyembro, tinutulungan sila ng mga lider na gumawa ng hakbang upang mapaglabanan ang mga tukso. Halimbawa, ang mga miyembro na nagliligawan, nagkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa, nagkahiwalay o nagdiborsyo, o may pinagdadaanang mumunting problema ukol sa moralidad ay maaaring maprotektahan at mapalakas sa pamamagitan ng pagpapayo na nilayon upang tulungan silang mag-ingat laban sa pagkakasala. Hindi kailangang hintayin ng mga namumunong opisyal na humingi ng gayong tulong ang mga miyembro kundi maaari silang tawagin para mapayuhan.

31.2.5

Kasal, Diborsiyo, at Paghihiwalay

Hindi dapat magpayo ang sinumang opisyal ng priesthood sa isang tao kung sino ang pakakasalan. Hindi rin niya dapat payuhan ang isang tao na makipagdiborsiyo sa kanyang asawa. Ang mga desisyong iyon ay dapat magmula at manatili sa indibiduwal.

Kapag ang isang kasal ay nauwi sa diborsiyo o kung naghiwalay ang isang mag-asawa, dapat palagi silang tumanggap ng payo mula sa mga lider ng Simbahan. Ang mga Church membership council ay maaaring kailanganing idaos kung nakagawa sila ng mabigat na kasalanan kaugnay ng diborsiyo o paghihiwalay (tingnan sa kabanata 32).

Ang isang miyembrong nahiwalay sa kanyang asawa o dumaraan sa proseso ng diborsiyo ay dapat payuhan na huwag makipagdeyt hangga’t hindi napagtitibay ang diborsiyo ayon sa batas.

31.2.6

Professional Counseling at Therapy

Bukod pa sa inspiradong tulong ng mga bishop at ng iba pang itinalaga nila, ang mga miyembro ay maaaring makinabang sa angkop na professional counseling kung saan mayroon nito. Ang counseling o therapy na ito ay makatutulong sa mga miyembro na maunawaan at matugunan ang mga hamon sa buhay sa mabubuting paraan.

Ang pakikipagkita sa isang professional counselor para makakuha ng kaalaman at kasanayan na makatutulong sa pagkakaroon ng emotional self-reliance ay hindi tanda ng kahinaan. Sa halip, maaari itong maging tanda ng pagpapakumbaba at lakas.

Dapat maingat na piliin ng mga miyembro ang mga mapagkakatiwalaang prefessional counselor na may angkop na lisensya. Dapat iginagalang ng mga counselor ang kalayaan, mga pinahahalagahan, at mga paniniwala ng mga humihingi ng tulong. Ang pagsasaalang-alang ng mga pinahahalagahang ito ay etikal na naaangkop sa professional counseling.

Hindi sang-ayon ang Simbahan sa anumang therapy, kabilang na ang conversion o reparative therapy para sa seksuwal na oryentasyon o seksuwal na pagkakakilanlan, na ipinasasailalim ang tao sa mapang-abusong gawain. (Tingnan sa “Same-Sex Attraction [Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian]” at “Transgender Individuals [Mga Transgender na Indibiduwal].”)

Sa Estados Unidos at Canada, maaaring kontakin ng mga bishop at stake president ang Family Services upang matukoy ang resources na makapagbibigay ng professional counseling na naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Makikita ang contact information sa ibaba:

1-801-240-1711

1-800-453-3860, extension 2-1711

FamilyServices.ChurchofJesusChrist.org

Sa ibang mga lugar, maaaring kontakin ng mga lider ang isang kawani ng Family Services o ang welfare and self-reliance manager sa area office para kumonsulta.

Kung hindi kayang bayaran ng mga miyembro o ng kanilang insurance ang professional counseling, may opsiyon ang mga bishop na tumulong sa pagbabayad nito sa pamamagitan ng handog-ayuno. Tingnan and 22.4 para sa mga alituntunin sa pagbibigay ng tulong ng Simbahan.

31.2.7

Mga Basbas ng Priesthood

Ang stake president o bishop ay maaaring magbigay ng basbas ng priesthood kung ang miyembrong pinapayuhan ay taos pusong humihiling nito.

31.3

Pagpapanatiling Kumpidensyal

Habang sila ay naglilingkod at pagkatapos ng kanilang paglilingkod sa isang calling, kailangang ingatan ng mga lider ang mga kumpidensyal na bagay na tinalakay noon sa oras ng pag-iinterbyu at pagpapayo. Ang pagkasira ng kumpiyansa ay maaaring makasira ng tiwala, mga patotoo, at pananampalataya. Hindi dapat talakayin ng isang lider ang mga kumpidensyal na bagay sa ibang tao, pati na sa kanyang mga counselor at asawa, maliban kung tumanggap siya ng pahintulot mula sa taong iniinterbyu o pinapayuhan niya.

Kung napag-alaman ng isang counselor sa bishopric o stake presidency ang mga bagay na kailangang talakayin sa bishop o stake president, ipaliliwanag niya ito sa miyembro at kaagad siyang papupuntahin sa bishop o sa stake president.

Kung ang isang tao ay lumipat sa isang bagong ward o stake, ang namumunong opisyal ng unit kung saan siya nagmula ay maaaring kailanganing ibahagi sa bagong namumunong opisyal ng taong ito ang mga aksiyong nauukol sa kanyang pagkamiyembro o iba pang mga mabibigat na problema na hindi pa nalulutas (tingnan din sa 32.4.4). Ang paggawa nito ay hindi itinuturing na paglabag sa kumpidensyalidad. Gayunman, ang namumunong opisyal ay hindi dapat magbahagi ng impormasyon tungkol sa mga kasalanang nalutas na.

31.4

Pagprotekta Laban sa mga Maling Interpretasyon

Kapag ang isang miyembro ng bishopric o stake presidency o isa pang inatasang lider ay nakikipagkita sa isang bata, kabataan, o babae, dapat niyang hilingin sa isang magulang o sa isa pang adult na lumagi sa kalapit na silid, sa foyer, o sa pasilyo. Kung nais ng taong iniinterbyu, maaaring anyayahan ang isa pang adult na dumalo habang isinasagawa ang interbyu. Dapat iwasan ng mga lider ang lahat ng mga kalagayan na maaaring mabigyan ng maling interpretasyon.

31.5

Pagtugon sa Pang-aabuso

Habang iniinterbyu o pinapayuhan ang isang tao, ang isang priesthood leader ay maaaring magkaroon ng kabatiran tungkol sa mga insidente ng pang-aabuso sa isang bata, asawa, o ibang tao. Hindi maaaring kunsintihin ang anumang uri ng pang-aabuso. Ang mga tuntunin sa pagrereport at pagtugon sa pang-aabuso ay nakasaad sa 38.6.2.1.

Para sa impormasyon tungkol sa pagpapayo sa mga biktima ng panggagahasa o iba pang uri ng panghahalay, tingnan ang 38.6.18.2.