Mga Hanbuk at Calling
31. Mga Interbyu at Iba pang Pakikipag-usap sa mga Miyembro


“31. Mga Interbyu at Iba pang Pakikipag-usap sa mga Miyembro,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“31. Mga Interbyu at Iba pang Pakikipag-usap sa mga Miyembro,” Pangkalahatang Hanbuk.

mga lalaking nagkakamayan

31.

Mga Interbyu at Iba pang Pakikipag-usap sa mga Miyembro

31.0

Pambungad

Si Jesucristo ay madalas na naglingkod sa iba pa nang paisa-isa (tingnan, halimbawa sa Juan 4:5–26; 3 Nephi 17:21). Mahal Niya ang bawat isa sa mga anak ng Diyos. Tinutulungan Niya sila nang paisa-isa.

Bilang lider sa Simbahan at tagapaglingkod ni Jesucristo, may mga pagkakataon ka rin na tulungan ang mga anak ng Diyos, nang paisa-isa, sa kanilang espirituwal na pag-unlad. Ang isang mahalagang paraan na magagawa mo ito ay sa pamamagitan ng mga interbyu at iba pang mga personal na pakikipag-usap. Ang ilan sa iyong pinakamakabuluhang paglilingkod ay mangyayari nang personal. Sa ganitong mga pagkakataon, maaari kang magmahal na tulad ng kay Cristo, itinataas “ang mga kamay na nakababa” at pinalalakas “ang tuhod na mahihina” (Doktrina at mga Tipan 81:5).

Sa kabanatang ito, ang salitang interbyu ay tumutukoy sa isang pagkakataon kung saan kinakausap ng isang lider ang isang tao upang matukoy kung ang taong ito ay dapat makibahagi sa isang ordenansa o tumanggap ng isang calling (tingnan sa 31.2). Sa pangkalahatan, ang mga interbyu na ito ay isinasagawa ng isang miyembro ng bishopric o stake presidency. Ang salitang interbyu ay tumutukoy rin sa mga ministering interview na isinasagawa ng isang miyembro ng Relief Society presidency o elders quorum presidency (tingnan sa 21.3).

Dagdag pa sa mga interbyu na ito, marami pang ibang dahilan kung bakit maaaring kausapin nang personal ng isang lider ng Simbahan ang indibiduwal na mga miyembro (tingnan sa 31.3). Halimbawa, ang bishopric ay mayroong regular na iskedyul para kausapin nang personal ang bawat kabataan sa ward (tingnan sa 31.3.1). Kahit hindi ka naglilingkod sa bishopric, maaaring hilingin sa iyo ng bishop na kausapin nang personal ang isang miyembrong nangangailangan para magbigay ng patuloy na suporta at ministering. O maaaring lumapit sa iyo ang isang miyembro kapag nahaharap siya sa isang personal na hamon o hamon sa pamilya.

Ang kabanatang ito ay makatutulong sa lahat ng lider na may mga pagkakataong personal na makausap ang mga miyembro. Maaaring kabilang sa mga lider na ito ang mga lider ng Relief Society, elders quorum, at Young Women, mga ministering brother at ministering sister, o iba pang inatasan ng bishop.

31.1

Mga Gabay na Alituntunin

31.1.1

Maghanda sa Espirituwal

Kung mayroon kang responsibilidad na personal na kausapin ang isang miyembro, ibibigay sa iyo ng Panginoon ang inspirasyong kailangan mo kapag hinangad mo ito. Ihanda ang iyong sarili sa espirituwal sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at matwid na pamumuhay. Pakinggan ang mga bulong ng Espiritu Santo. Gagabayan ka niya sa pamamagitan ng mga impresyon, kaisipan, at damdamin. Matutulungan ka Niyang maalala ang mga turong napag-aralan mo sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw na makatutulong sa taong kinakausap mo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:85; 100:5–8).

Ang Gospel Library ay mayroong koleksyon ng Counseling Resources. Habang naghahanda kang kausapin ang isang miyembro, isiping rebyuhin ang impormasyon tungkol sa mga paksang naaangkop sa kanya.

Maaari ding gabayan ng Espiritu Santo ang miyembrong kakausapin mo. Maaari mo ring siyang anyayahan na maghanda sa espirituwal para sa inyong pag-uusap.

Isaalang-alang ang pagdarasal kasama ng miyembro sa pagsisimula ng inyong pag-uusap. Maaanyayahan nito ang diwa ng pagpapakumbaba at pananampalataya habang nagkakaisa kayong humihingi ng tulong sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:32; 29:6).

Sa inyong pag-uusap o interbyu, maaaring mayroong tanong o suliranin na sa palagay mo ay hindi ka handang talakayin. Maaari mong imungkahi na humingi kayo ng miyembro ng patnubay sa Panginoon—halimbawa, sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, at pag-aayuno. Maaari ka ring sumangguni sa kaugnay na mga impormasyon sa Counseling Resources o Tulong sa Buhay sa Gospel Library. Pagkatapos ay maaari kayong muling mag-usap para talakayin pa ang bagay na ito.

Kung nakagawa ng mabigat na kasalanan ang miyembro, ipaalam ito sa bishop.

31.1.2

Tulungan ang Miyembro na Madama ang Pagmamahal ng Diyos

Bilang lider ng Simbahan, kinakatawan mo ang Tagapagligtas. Ang isang mahalagang bahagi ng Kanyang misyon ay iparating ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak (tingnan sa Juan 3:16–17). Kapag lumapit sa iyo ang mga miyembro para ma-interbyu o humingi ng tulong para sa isang personal na hamon, ang kadalasan na pinakakailangan nila ay ang malaman na mahal sila ng Ama sa Langit. Ang pagmamahal na ito ay maaaring magpalakas sa kanila at magbigay-inspirasyon sa kanila na lumapit kay Cristo, magsisi sa kasalanan, at gumawa ng mabubuting pagpili.

Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw ay nag-aanyaya sa Espiritu at nagtuturo ng dalisay na doktrina. Gamitin ang mga ito nang madalas, nang may pang-unawa at pagmamahal, kapag personal na nakikipag-usap sa mga miyembro. Gamitin ang mga ito upang magbigay-inspirasyon at manghikayat, hindi para manghatol, mamilit, o manakot (tingnan sa Lucas 9:56).

Maglaan ng maraming oras para sa pag-uusap. Hindi dapat madama ng miyembro na masyado kang abala. Ibigay sa kanya ang iyong buong pansin.

31.1.3

Tulungan ang Miyembro na Humugot ng Lakas mula sa Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan “upang mabura niya ang [ating] mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos;” (Alma 7:13). Dinala rin Niya sa Kanyang sarili ang ating mga paghihirap, pasakit, at kahinaan “upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (see Alma 7:11–12).

Hikayatin ang mga miyembro na bumaling sa Kanya. Tulungan silang humugot ng lakas mula sa Kanyang kapangyarihang nagbibigay ng lakas at kapanatagan, at tumutubos. Ang kapangyarihang ito ay dumarating sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, pagsunod sa Kanyang halimbawa, pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood, pagtupad ng mga tipan, at pagkilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

31.1.4

Tulungan ang Miyembro na Maging Komportable at Madamang Ligtas Siya

3:28

Ang ilang miyembro ay nagkaroon ng mga karanasan na nagiging dahilan para sila ay makadama ng pagkabalisa at labis na pag-aalala kapag nakikipag-usap sa isang lider ng Simbahan. Maghanap ng mga paraan para matulungan silang maging kalmado, madamang sila ay ligtas, at maging komportable. Alamin mula sa miyembro kung ano ang magagawa mo para makatulong.

Palaging tanungin ang miyembro kung nais niyang magsama ng isa pang tao habang idinaraos ang interbyu o personal na pagkikipag-usap. Kapag kinakausap ang isang miyembro na hindi mo kapareho ng kasarian, isang bata, o isang kabataan, tiyakin na naroon ang isang magulang o isa pang adult. Maaari siyang sumama sa pag-uusap o maghintay sa labas ng silid, depende sa kagustuhan ng miyembrong kakausapin mo.

Karaniwang kinakausap ng mga lider ang mga miyembro nang harapan para sa mga interbyu at para magbigay ng tulong sa espirituwal at magminister. Sa pagpapasiya kung saan mag-uusap, ang mga lider ay naghahanap ng isang lugar kung saan maaaring pumaroon ang Espiritu Santo at kung saan mapapanatiling kumpidensyal ang mga pinag-uusapan. Maaaring ito ay isang silid-aralan o opisina sa meetinghouse. Ang tahanan ng lider o miyembro ay maaari ding maging angkop na lugar para mag-usap. Sa pagpili ng isang lokasyon, isinasaalang-alang ng mga lider ang kanilang sariling kaligtasan at ang kaligtasan ng miyembro. Para sa impormasyon tungkol sa pakikipag-usap sa mga miyembro sa pamamagitan ng internet, tingnan ang 31.4.

Ang isa pang mahalagang bahagi ng pagtulong sa mga miyembro na madamang ligtas sila ay ang pagpapanatiling kumpidensyal ng pinag-uusapan. Tiyakin sa miyembro na ang inyong pag-uusap ay pananatilihing kumpidensyal.

Huwag magbahagi ng kumpidensyal na impormasyon sa sinuman—kabilang na sa iyong asawa o iba pang mga lider ng Simbahan—maliban kung ang miyembro ay nagbibigay ng pahintulot. Patuloy na panatilihing kumpidensyal ang gayong mga bagay kahit pagkatapos mong ma-release. Ang hindi pagpapanatiling kumpidensyal ng mga pinag-uusapan ay makapipinsala sa pananampalataya, tiwala, at patotoo ng isang miyembro. Ang mga miyembro ay mas malamang na humingi ng tulong sa mga lider ng Simbahan kung alam nila na ang ibabahagi nila ay pananatilihing kumpidensyal.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kumpidensyalidad, kabilang na ang impormasyong legal, tingnan ang 32.4.4.

31.1.5

Magtanong ng mga Inspiradong Tanong at Makinig nang Mabuti

Kapag kinakausap ang isang miyembro, magtanong ng mga bagay na tutulong sa iyo na maunawaan ang kanyang sitwasyon. Bigyan ang miyembro ng mga pagkakataong ipahayag ang kanyang mga iniisip at nadarama.

Habang nagsasalita ang miyembro, makinig nang mabuti. Hangaring lubos na maunawaan ang kanyang sinasabi bago tumugon. Kung kinakailangan, magbigay ng mga follow-up na tanong para matiyak na nauunawaan mo ang miyembro. Ngunit huwag magsiyasat kung hindi naman talaga kailangan.

Ang pakikinig ay tumutulong sa pagbuo ng tiwala. Tumutulong ito para madama ng mga tao na sila ay nauunawaan, pinahahalagahan, at minamahal. Kadalasan ay kailangan ng mga tao ng isang taong pinagkakatiwalaan nila na makikinig sa kanila habang naghahanap sila ng solusyon sa mga hamon ng buhay. Ang pakikinig ay makatutulong din para mabuksan mo ang iyong puso sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

31.1.6

Hikayatin ang Self-Reliance (Pag-asa sa Sariling Kakayahan)

Dahil sa pagmamahal mo sa mga miyembro, maaaring magbigay ka kaagad ng mga solusyon sa kanilang mga problema. Gayunman, mas mapagpapala mo sila sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maghanap ng sarili nilang mga solusyon at gumawa ng sarili nilang mga desisyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:8).

Tulungan silang suriin ang kanilang mga problema o tanong sa konteksto ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng plano ng kaligtasan. Turuan sila kung paano hingin ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, at personal na paghahayag. Sa ganitong paraan, tinutulungan mo ang mga miyembro na maghandang harapin ang iba pang mga hamon sa hinaharap. Magkakaroon din sila ng dagdag na kakayahang matulungan ang iba, kabilang na ang kanilang mga pamilya.

31.1.7

Suportahan ang mga Pagsisikap na Magsisi

Kung minsan ang isang miyembro ay maaaring humingi ng tulong para mapagsisihan ang isang kasalanan. Marami kang magagawa para hikayatin ang miyembro na sumampalataya kay Jesucristo at humingi ng kapatawaran.

Ang bishop o stake president lamang ang maaaring tumulong sa isang tao para maresolba ang mabibigat na kasalanan. Ang ilan sa mga ito ay nakalista sa 32.6. Kung nakagawa ang miyembro ng alinman sa mga kasalanang ito, dapat makipagkita siya kaagad sa bishop o stake president.

Ang bawat stake president at bishop ay “isang hukom sa Israel” (Doktrina at mga Tipan 107:72). Sa pamamagitan ng awtoridad na ito, tinutulungan nila ang mga miyembro na magsisi sa kasalanan at lumapit kay Cristo, na Siyang nagpapatawad ng kasalanan (tingnan sa 32.1 at 32.3).

Kinakatawan ng mga lider ang Panginoon sa mga responsibilidad na ito. Sinisikap nilang gamitin ang “kahatulan na [Kanyang] ibibigay sa [kanila],” (3 Nephi 27:27). Itinuturo nila na ang pagsisisi ay kinabibilangan ng pagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo, pagkakaroon ng nagsisising espiritu, pagtalikod sa kasalanan, paghahangad ng kapatawaran, pagsasauli ng nawala, at pagsunod sa mga kautusan nang may panibagong dedikasyon.

Upang matulungan silang magampanan ang kanilang tungkulin, ang mga bishop at stake president ay binibiyayaan ng espirituwal na kaloob na makahiwatig. Ang kaloob na ito ay tumutulong sa kanila na mahiwatigan ang katotohanan, maunawaan ang nilalaman ng puso ng isang miyembro, at matukoy ang kanyang mga pangangailangan (tingnan sa 1 Mga Hari 3:6–12; Doktrina at mga Tipan 46:27–28).

Bagama’t ang kasalanan ay ipinagtatapat sa isang “hukom sa Israel,” kapag nagbigay ng pahintulot ang miyembro, ang ibang mga lider ay maaaring magbigay ng suporta sa kanyang mga pagsisikap na magsisi. Makatutulong ito lalo na kapag ang pagsisisi ay mangangailangan ng mahabang panahon. Tingnan ang huling bahagi ng 32.8.1 para sa mga tuntunin.

31.1.8

Tugunan ang Pang-aabuso sa Angkop na Paraan

Hindi maaaring kunsintihin ang anumang uri ng pang-aabuso. Seryosohin ang mga ulat tungkol sa pang-aabuso. Kung nalaman mo na naabuso ang isang tao, isumbong ang pang-aabuso sa mga awtoridad ng pamahalaan at sumangguni sa bishop. Ang mga tuntunin sa pagrereport at pagtugon sa pang-aabuso ay nakasaad sa 38.6.2.

Para sa impormasyon tungkol sa dapat gawin ng mga bishop at stake president kapag may nalaman silang nangyaring pang-aabuso, tingnan ang 38.6.2.1.

Para sa impormasyon tungkol sa pagtulong sa mga biktima ng pang-aabuso, tingnan sa “Pang-aabuso (Tulong para sa Biktima)” sa Counseling Resources. Maaari mo ring sabihin sa mga miyembro na sumangguni sa mga makatutulong na resources tungkol sa pang-aabuso sa Tulong sa Buhay.

Para sa impormasyon tungkol sa pagtulong sa mga biktima ng panggagahasa o iba pang uri ng sexual assault o panghahalay, tingnan ang 38.6.18.2.

31.2

Mga Interbyu

31.2.1

Mga Layunin ng mga Interbyu

Sa pangkalahatan, iniinterbyu ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro upang malaman kung sila ay:

  • Handang tumanggap o makibahagi sa isang ordenansa.

  • Dapat tawaging maglingkod sa isang katungkulan sa Simbahan.

Karamihan sa mga ganitong interbyu ay isinasagawa ng isang miyembro ng bishopric o stake presidency. Hindi ito maaaring italaga sa iba pang lider ng ward. Gayunman, maaaring italaga ng isang stake president ang ilang interbyu sa mga high councilor gaya ng nakasaad sa Chart ng mga Calling (tingnan sa 30.8).

31.2.2

Mga Uri ng Interbyu

Ang bishop ay tinatawag bilang “isang pangkalahatang hukom” sa kanyang ward (Doktrina at mga Tipan 107:74; tingnan din sa 7.1.3). Ang stake president ay naglilingkod rin bilang isang pangkalahatang hukom (tingnan sa 6.2.3). Ang mga lider na ito ay nagtataglay ng mga susi ng priesthood para bigyan ng awtorisasyon ang mga ordenansa. Sa mga kadahilanang ito, may ilang interbyu na sila lamang ang maaaring magsagawa. Maaari nilang italaga sa kanyang mga counselor ang ibang mga interbyu. Nakalista sa sumusunod na table kung sino ang maaaring magsagawa ng bawat interbyu.

Sino ang maaaring magsagawa ng interbyu

Layunin ng interbyu

Sino ang maaaring magsagawa ng interbyu

Bishop lamang

Layunin ng interbyu

  • Magbigay ng temple recommend sa isang miyembro na tatanggap ng sarili niyang endowment o ibubuklod sa kanyang asawa (tingnan sa 26.3.1).

  • Magbigay ng temple recommend sa bagong miyembro (tingnan sa 26.4.2).

  • I-orden ang isang lalaking bagong miyembro sa isang katungkulan sa Aaronic Priesthood (tingnan sa 38.2.9.1).

  • I-orden ang isang lalaki sa katungkulan ng priest (tingnan sa 18.10.2).

  • Irekomenda ang isang lalaki na maordenan bilang elder o high priest (tingnan sa 31.2.6). Kailangan ang pag-apruba ng stake presidency para maisagawa ang interbyu na ito.

  • Irekomenda ang isang miyembro na maglilingkod bilang full-time missionary (tingnan sa 24.4.2).

  • Tawagin ang isang miyembro para maglingkod bilang president ng isang organisasyon sa ward.

  • Tawagin ang isang priest para maglingkod bilang assistant sa priests quorum.

  • Tulungan ang isang miyembro na pagsisihan ang isang mabigat na kasalanan (tingnan sa kabanata 32).

  • I-endorso ang isang miyembro na mag-enroll o patuloy na mag-aral sa isang unibersidad o kolehiyo ng Simbahan.

  • I-endorso ang isang miyembro na tumanggap ng Perpetual Education Fund loan, kung saan mayroon nito.

  • Ideklara ng miyembro ang kanyang status bilang nagbabayad ng ikapu (tingnan sa 34.3.1.2).

  • Bigyan ng awtorisasyon ang paggamit ng pondo ng handog-ayuno (tingnan sa 31.3.4 at 22.6.1).

Sino ang maaaring magsagawa ng interbyu

Bishop o isang counselor na inatasan niya

Layunin ng interbyu

  • Magbigay ng panibagong temple recommend (tingnan sa 26.3.1).

  • Magbigay ng temple recommend para makibahagi sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon (tingnan sa 26.4.3).

  • Magbigay ng temple recommend para sa miyembrong ibubuklod sa kanyang mga magulang o para mapanood ang pagbubuklod ng kanyang mga kapatid sa kanilang mga magulang (tingnan sa 26.4.4).

  • Tawagin ang isang miyembro para maglingkod sa isang calling sa ward tulad ng nakasaad sa 30.8.

  • I-awtorisa ang binyag at kumpirmasyon ng isang 8 taong gulang na member of record o may magulang o tagapag-alaga na miyembro ng Simbahan (tingnan sa 31.2.3.1).

  • I-awtorisa ang ordenasyon ng isang kabataang lalaki sa katungkulan ng deacon o teacher (tingnan sa 18.10.2).

  • Magbigay ng Patriarchal Blessing Recommend (tingnan sa 18.17).

  • I-awtorisa ang isang mayhawak ng priesthood na magsagawa ng ordenansa ng priesthood sa ibang ward, kung wala siyang temple recommend. (Tingnan ang form na Recommend to Perform an Ordinance [Rekomendasyon na Magsagawa ng Ordenansa].)

Sino ang maaaring magsagawa ng interbyu

Stake president lamang

Layunin ng interbyu

  • Magbigay ng temple recommend sa isang miyembro na tatanggap ng sarili niyang endowment o ibubuklod sa kanyang asawa (tingnan sa 26.3.1).

  • Irekomenda ang isang miyembro na maglilingkod bilang full-time missionary (tingnan sa 24.4.2).

  • I-release ang isang full-time missionary na nakauwi na (tingnan sa 24.8.2).

  • Kapag awtorisado, tumawag ng isang miyembro na maglilingkod bilang counselor sa stake presidency, isang patriarch, or isang bishop (tingnan sa 30.8.1 at 30.8.3).

  • Tumawag ng isang miyembro na maglilingkod bilang elders quorum president o stake Relief Society president.

  • Tulungan ang isang miyembro na pagsisihan ang isang mabigat na kasalanan (tingnan sa kabanata 32).

Sino ang maaaring magsagawa ng interbyu

Stake president o isang counselor na inatasan niya

Layunin ng interbyu

  • Magbigay ng panibagong temple recommend (tingnan sa 26.3.1).

  • I-awtorisa ang ordinasyon ng isang lalaki sa katungkulan ng elder or high priest (tingnan sa 18.10.1).

  • Tumawag ng mga miyembro na maglilingkod sa mga calling na nakasaad sa 30.8.1 at 30.8.3.

  • Tiyakin ang kalusugan at pagiging karapat-dapat ng isang papaalis na missionary bago siya i-set apart (tingnan sa 24.5.3).

  • I-endorso ang isang miyembro na mag-enroll sa isang unibersidad o kolehiyo ng Simbahan.

Mga full-time missionary ang nag-iinterbyu sa mga convert para sa binyag at kumpirmasyon (tingnan sa 31.2.3.2).

Ang mga miyembro ng elders quorum presidency at Relief Society presidency ay nagsasagawa ng mga ministering interview (tingnan sa 21.3).

31.2.3

Mga Interbyu para sa Binyag at Kumpirmasyon

31.2.3.1

Mga Bata na mga Member of Record

Taglay ng bishop ang mga susi ng priesthood para sa pagbibinyag ng mga 8 taong gulang na member of record sa kanyang ward. Dahil dito, siya o isang inatasang counselor ang nagsasagawa ng interbyu para sa sumusunod na mga taong bibinyagan:

  • Mga batang edad 8 na member of record.

  • Mga batang edad 8 na hindi member of record ngunit mayroong kahit isang magulang o tagapag-alaga na miyembro.

  • Mga member of record na edad 9 pataas na naantala ang binyag dahil sa mga kapansanan sa pag-iisip.

Sa interbyu, tinitiyak ng miyembro ng bishopric na nauunawaan ng bata ang mga layunin ng binyag (tingnan sa 2 Nephi 31:5–20). Tinitiyak din niya na nauunawaan ng bata ang tipan sa binyag at nangangakong mamuhay ayon dito (tingnan sa Mosias 18:8–10). Hindi niya kailangang gumamit ng isang partikular na listahan ng mga tanong. Hindi ito interbyu para malaman ang pagiging karapat-dapat ng bata, dahil ang “maliliit na anak ay hindi nangangailangan ng pagsisisi” (Moroni 8:11).

Kailangan ang pahintulot ng mga magulang o tagapag-alaga bago maaaring binyagan ang isang menor-de-edad (tingnan sa 38.2.8.2).

lalaki at babae na nag-uusap

31.2.3.2

Mga Convert

Taglay ng mission president ang mga susi ng priesthood para magbinyag ng mga convert. Dahil dito, isang full-time missionary ang nag-iinterbyu sa:

  • Mga taong edad 9 pataas na hindi pa kailanman nabinyagan at nakumpirma. Tingnan ang 31.2.3.1 para sa eksepsyon para sa mga taong may mga kapansanan sa pag-iisip.

  • Mga batang edad 8 pataas na ang mga magulang ay hindi miyembro ng Simbahan.

  • Mga batang edad 8 pataas na ang magulang ay bibinyagan at kukumpirmahin din.

Ang missionary district leader o zone leader ang nagsasagawa ng interbyu. Para sa impormasyon tungkol sa mga sitwasyon na nangangailangan ng espesyal na awtorisasyon, tingnan ang 38.2.8.6.

Bawat potensiyal na convert ay dapat makausap ng bishop bago ang binyag. Gayunman, hindi siya iniinterbyu ng bishop para sa binyag. Hindi rin tinutukoy ng bishop ang pagiging karapat-dapat ng tao. Ang layunin ng pag-uusap na ito ay para bumuo ng ugnayan sa tao.

Sa interbyu, sinusunod ng missionary ang patnubay ng Espiritu upang matukoy kung naabot ng tao ang mga kwalipikasyong inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 20:37 (tingnan din sa Mosias 18:8–10; Moroni 6:1–4). Ginagamit ng missionary ang mga sumusunod na tanong. Iniaangkop niya ang mga ito sa edad, kalagayan, at antas ng kaalaman at pag-unawa ng tao.

  1. Naniniwala ka ba na ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan? Naniniwala ka ba na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig?

  2. Naniniwala ka ba na ang Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith? Naniniwala ka ba na si [kasalukuyang Pangulo ng Simbahan] ay propeta ng Diyos? Ano ang ibig sabihin nito sa iyo?

  3. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng magsisi? Nadarama mo bang napagsisihan mo na ang mga kasalanan mo noon?

  4. Itinuro sa iyo na kasama sa pagiging miyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagsunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ano ang pagkaunawa mo sa sumusunod na mga pamantayan? Handa ka bang sundin ang mga ito?

    • Ang batas ng kalinisang-puri, na nagbabawal sa anumang seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae

    • Ang batas ng ikapu

    • Ang Word of Wisdom

    • Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, kasama na ang pakikibahagi sa sakramento linggu-linggo at paglilingkod sa iba

  5. Nakagawa ka ba ng mabigat na krimen? Kung oo, ikaw ba ay sumasailalim sa probation o parole?

  6. Naging bahagi ka ba sa isang aborsiyon o pagpapalaglag? (tingnan sa 38.6.1).

  7. Kapag nabinyagan ka, nakikipagtipan ka sa Diyos na handa kang taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo, paglingkuran ang iba, tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, at sundin ang Kanyang mga kautusan sa buong buhay mo. Handa ka bang gawin ang tipang ito at magsikap na maging tapat dito?

Para sa mga tagubilin kung ang tao ay sumagot ng oo sa tanong 5 o 6, tingnan ang 38.2.8.6. Tingnan din ang 38.2.8.7.

Kung ang tao ay handa na para sa binyag, pupunan ng nag-iinterbyu ang Baptism and Confirmation Record (tingnan sa 18.8.3).

31.2.4

Mga Interbyu para sa Ordinasyon sa Isang Katungkulan sa Aaronic Priesthood

Taglay ng bishop ang mga susi ng priesthood para sa paggawad ng Aaronic Priesthood. Taglay din niya ang mga susi sa pag-orden sa mga katungkulan ng deacon, teacher, at priest. Iniinterbyu ng bishop o ng isang inatasang counselor ang mga io-orden bilang mga deacon o teacher para malaman kung sila ay handa sa espirituwal. Iniinterbyu ng bishop ang mga io-orden bilang mga priest.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 18.10.2.

31.2.5

Mga Interbyu para sa Temple Recommend

Ang templo ang bahay ng Panginoon. Ang pagpasok sa templo at pakikibahagi sa mga ordenansa ay isang sagradong pribilehiyo. Ang pribilehiyong ito ay nakalaan para sa mga taong handa sa espirituwal at nagsisikap na ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon, ayon sa pagtukoy ng mga awtorisadong priesthood leader.

Para magawa ito, iniinterbyu ng mga priesthood leader ang miyembro gamit ang mga tanong sa LCR (tingnan din ang mga tuntunin sa 26.3). Hindi dapat dagdagan o bawasan ng mga lider ang mga kinakailangan. Gayunman, maaari nilang iangkop ang mga tanong sa edad at mga kalagayan ng miyembro.

31.2.6

Mga Interbyu para sa Ordinasyon sa Isang Katungkulan sa Melchizedek Priesthood

Taglay ng stake president ang mga susi ng priesthood para sa paggawad ng Melchizedek Priesthood. Taglay din niya ang mga susi sa pag-orden sa mga katungkulan ng elder at high priest.

Sa pag-apruba ng stake presidency, iniinterbyu ng bishop ang miyembro gamit ang mga tanong sa ibaba. Bago gawin ito, tinitiyak niya na ang membership record ng miyembro ay walang kasamang anotasyon, restriksyon sa ordenansa, o restriksyon sa pagkamiyembro sa Simbahan.

Kung pagkatapos ng interbyu ay nadama ng bishop na ang miyembro ay handa nang maordenan, kinukumpleto at isinusumite niya ang Melchizedek Priesthood Ordination Record [Rekord ng Ordinasyon sa Melchizedek Priesthood]. Pagkatapos ay iinterbyuhin ng isang miyembro ng stake presidency ang miyembro, gamit din ang mga tanong sa ibaba.

Ang isang lalaking tumanggap ng Melchizedek Priesthood ay pumapasok sa sumpa at tipan ng priesthood. Inilarawan ito sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44. Sa mga interbyu, tinitiyak ng bishop at miyembro ng stake presidency na nauunawaan ng miyembro ang sumpa at tipang ito at sumasang-ayon na mamuhay ayon dito. Pagkatapos ay itatanong ng lider ang mga sumusunod:

  1. May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?

  2. May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?

  3. May patotoo ka ba sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

  4. Sinasang-ayunan mo ba ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at bilang nag-iisang tao sa mundo na nagtataglay at may karapatang gamitin ang lahat ng susi ng priesthood?

    Sinasang-ayunan mo ba ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

    Sinasang-ayunan mo ba ang iba pang mga General Authority at mga lokal na lider ng Simbahan?

  5. Sinabi ng Panginoon na ang lahat ng bagay ay dapat “gawin sa kalinisan” sa Kanyang harapan (Doktrina at mga Tipan 42:41).

    Sinisikap mo bang gawing malinis ang iyong kaisipan at asal?

    Sinusunod mo ba ang batas ng kalinisang-puri?

  6. Sinusunod mo ba ang mga turo ng Simbahan ni Jesucristo sa mga ikinikilos mo sa pribado at publiko kasama ang mga miyembro ng iyong pamilya at ibang tao?

  7. Itinataguyod o tinatangkilik mo ba ang anumang mga turo, kaugalian, o doktrinang salungat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  8. Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo sa iyong mga miting; naghahanda para sa at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?

  9. Sinisikap mo bang maging tapat sa lahat ng iyong ginagawa?

  10. Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?

  11. Nauunawaan at sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?

  12. Ikaw ba ay mayroong anumang pinansiyal na obligasyon o iba pang mga obligasyon sa dati mong asawa o mga anak?

    Kung mayroon, nagagampanan mo ba ang mga obligasyong iyon?

  13. May mabibigat na kasalanan ba sa iyong buhay na kailangang iresolba sa mga awtoridad ng priesthood bilang bahagi ng iyong pagsisisi?

  14. Itinuturing mo ba ang iyong sarili na karapat-dapat na maorden sa isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood?

31.3

Iba pang mga Pagkakataon para Makausap ng mga Lider ang mga Miyembro

Maraming pagkakataon ang mga lider na makausap ang bawat miyembro nang personal. Halimbawa:

  • Maaaring hilingin ng mga miyembro na makausap ang isang lider ng Simbahan kapag kailangan nila ng espirituwal na patnubay o may mabibigat na personal na problema. Sa ilang pagkakataon, maaaring madama ng lider na kailangan niyang kausapin ang isang miyembro. Hindi hinihikayat ang mga miyembro na makipag-ugnayan sa mga General Authority para sa mga personal na bagay (tingnan sa 38.8.25).

    Upang makapag-ukol ng mas maraming oras sa mga kabataan, maaaring italaga ng bishop ang ilan sa mga pakikipag-usap na ito sa iba pang mga lider sa ward. Ang mga miyembro ng Relief Society presidency, elders quorum presidency, at Young Women presidency ay makatutulong nang malaki. Gayunman, hindi maaaring italaga ng bishop sa iba ang mga bagay na nangangailangan ng kanyang tungkulin bilang isang pangkalahatang hukom, tulad ng pagsisisi sa mabibigat na kasalanan.

  • Kakausapin nang personal ng bishop o ng isang taong inatasan niya ang mga miyembrong may temporal na mga pangangailangan (tingnan sa 31.3.4 at 22.6).

  • Kinakausap nang personal ng elders quorum president ang bawat miyembro ng korum nang minsan sa isang taon. Tinatalakay nila ang kapakanan ng miyembro at ng kanyang pamilya. Tinatalakay rin nila ang kanyang mga tungkulin sa priesthood. (Tingnan sa 8.3.3.2.)

  • Kinakausap nang personal ng Relief Society president ang bawat miyembro ng Relief Society nang minsan sa isang taon. Tinatalakay nila ang kapakanan ng mga kapatid na babae at ng kanyang pamilya. (Tingnan sa 9.3.2.2.)

  • Kinakausap nang personal ng isang miyembro ng bishopric ang bawat 11-taong-gulang na bata bago niya lisanin ang Primary at lumipat sa deacons quorum o Young Women class. Sa pag-uusap na ito iniinterbyu rin ng miyembro ng bishopric ang mga kabataang lalaki para matanggap nila ang Aaronic Priesthood (tingnan sa 18.10.2).

  • Kinakausap nang personal ng isang miyembro ng bishopric ang mga miyembrong papasok sa serbisyo sa military (tingnan sa 38.9.2).

  • Kinakausap nang personal isang miyembro ng bishopric ang bawat kabataan nang dalawang beses sa isang taon (tingnan sa 31.3.1).

  • Kinakausap nang personal ng isang miyembro ng bishopric ang bawat young single adult kahit minsan sa isang taon (tingnan sa 31.3.2).

  • Regular na kinakausap nang personal ng mga miyembro ng stake presidency, bishopric, at iba pang mga lider ang mga lider na naglilingkod sa ilalim ng kanilang pamamahala (tingnan sa 31.3.3).

Kapag kinakausap ng mga lider ang mga miyembro, sinusunod nila ang mga alituntunin sa 31.1.

Para sa mga makakatulong na impormasyon tungkol sa partikular na mga paksa na maaaring mabanggit habang kinakausap ang mga miyembro, tingnan ang Counseling Resources sa Gospel Library. Maaari ding sabihin ng mga lider sa mga miyembro na sumangguni sa mga impormasyon sa Tulong sa Buhay.

31.3.1

Personal na Pakikipag-usap sa mga Kabataan

Ang pangunahing responsibilidad ng bishop ay ang tulungan ang bagong henerasyon sa ward na umunlad sa espirituwal. Ang isang mahalagang paraan na ginagawa niya ito ay sa personal na pakikipag-usap sa bawat kabataan (maaari ding sumama ang isa pang adult; tingnan sa 31.1.4). Kinakausap nang personal ng bishop o ng isa sa kanyang mga counselor ang bawat kabataan nang dalawang beses sa isang taon. Dapat gawin ng bishop ang kahit isa sa mga pakikipag-usap na ito bawat taon. Simula sa taon na magiging 16 na taong gulang ang mga kabataan, dapat gawin ng bishop ang dalawang pakikipag-usap na ito kung maaari.

Bukod pa sa mga personal na pakikipag-usap na ito, dapat madama ng mga kabataan na malaya silang makahihingi ng payo mula sa bishop tuwing kailangan nila ng patnubay o suporta. Sinisikap ng bishop na makabuo ng ugnayang matatag at may pagtitiwala sa mga kabataan upang maging komportable silang humingi na payo sa kanya.

Ang Young Women president ay mayroon ding responsibilidad na magminister sa bawat kabataang babae. Magagawa niya ito sa pamamagitan ng personal na pakikipag-usap sa mga kabataang babae (maaari ding sumama ang isa pang adult; tingnan sa 31.1.4).

Kapag kinakausap nila ang mga kabataan, sinusunod ng mga lider ang mga alituntunin sa 31.1. Marami sa mga alituntuning ito ang lalong mahalaga kapag nakikipag-usap sa mga kabataan.

31.3.1.1

Pakikipag-ugnayan sa mga Magulang

Sa kanilang mga pagsisikap na palakasin ang mga kabataan, ang mga lider ay nakikipagtulungang mabuti sa mga magulang. Hinahangad ng mga lider na suportahan ang mga magulang sa kanilang responsibilidad na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga anak.

Ibinabahagi ng mga lider ang sumusunod na impormasyon sa mga kabataan at sa kanilang mga magulang bago ang kanilang unang beses na pakikipag-usap nang personal:

  • Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na turuan at alagaan ang kanilang mga anak.

  • Kinakausap nang personal ng bishop o ng isa sa kanyang mga counselor ang bawat kabataan nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang taon. Maaari ding kausapin nang personal ng Young Women president paminsan-minsan ang bawat kabataang babae. Sa mga pakikipag-usap na ito, maaaring sagutin ng mga lider ang mga tanong, magbigay ng suporta, magbigay ng mga takdang-gawain, at talakayin ang mga paksang nakalista sa 31.3.1.2.

  • Upang matulungan ang mga kabataan na espirituwal na makapaghanda, ang mga interbyu ay kailangan para sa mga sagradong bagay tulad ng mga temple recommend, mga ordinasyon sa priesthood, at mga tawag na magmisyon. Ang mga lider ay nakikipagtulungan sa mga magulang upang tulungan ang mga kabataan na maghanda para sa mga interbyu na ito.

  • Hinihikayat ng mga magulang ang kanilang mga anak na humingi ng payo sa bishop o isa pang lider ng Simbahan kapag kailangan nila ng tulong para sa espirituwal na patnubay o sa pagsisisi.

  • Kapag kinakausap nang personal ng isang lider ng Simbahan ang isang kabataan, dapat ay may kasama siyang isang magulang o isa pang adult. Maaaring anyayahan ng kabataan ang adult na sumali sa pag-uusap o maghintay sa labas ng silid.

31.3.1.2

Mga Paksang Tatalakayin

Ang pangunahing layunin ng pakikipag-usap sa mga kabataan ay upang patatagin ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tulungan ang mga kabataan na sundin Sila. Ang mga pakikipag-usap na ito ay dapat maging nakasisiglang mga espirituwal na karanasan. Sinisikap ng mga lider na tulungan ang bawat kabataan na madamang siya ay minamahal, hinihikayat, at nabibigyang-inspirasyon na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Maaaring talakayin ng kabataan at ng lider ang sumusunod:

  • Mga espirituwal na karanasan na nagpapatatag sa patotoo ng kabataan tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

  • Paano tinutupad ng kabataan ang kanyang mga tipan sa binyag.

  • Ang mga ginagawang paghahanda ng kabataan para gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo.

  • Ang mga personal na mithiin ng kabataan na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa lahat ng aspekto ng buhay (tingnan sa “Mga Bata at Kabataan”).

  • Ang kahalagahan ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang personal at kasama ang pamilya.

  • Paano patatagin ang kanilang ugnayan sa kanilang mga magulang at iba pang mga miyembro ng kanilang pamilya.

  • Ang mga alituntunin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili.

  • Mga paraan na maaaring makibahagi ang mga kabataan sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa 1.2).

  • Sa isang kabataang lalaki, ang kanyang mga karanasan sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin sa priesthood at sa paghahandang ma-orden sa susunod na katungkulan sa priesthood.

  • Ang mga pagpapala ng pakikibahagi sa seminary.

  • Paghahandang maglingkod sa full-time mission (tingnan sa 24.0 at 24.3). Hinihiling ng Panginoon sa lahat ng karapat-dapat at may kakayahang binata na maghanda para sa misyon at maglingkod sa misyon. Para sa mga kabataang lalaki na Banal sa mga Huling Araw, ang paglilingkod bilang missionary ay isang responsibilidad sa priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 36:1, 4–7). Malugod ring tinatanggap ng Panginoon ang mga karapat-dapat at may kakayahang kabataang babae na magmisyon kung nais nila. Para sa mga kabataang babae, ang misyon ay isang makapangyarihan ngunit opsiyonal na oportunidad. Ang paghahanda para sa misyon ay magpapala sa isang kabataang babae magpasiya man siyang maglingkod bilang missionary o hindi.

    Dapat maging sensitibo ang mga lider sa mga maaaring hindi kayang maglingkod bilang full-time missionary (tingnan sa 24.4.4).

    Para sa impormasyon tungkol sa mga service mission, tingnan ang 24.2.2.

Kapag tinatalakay ang pagsunod sa mga kautusan, maaaring sumangguni ang mga lider sa mga tanong sa interbyu para sa temple recommend at sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Tinitiyak nila na ang mga talakayan tungkol sa kalinisang moral ay hindi nanghihimok ng pag-uusisa o pag-eeksperimento.

31.3.2

Personal na Pakikipag-usap sa mga Young Single Adult

Binibigyan ng bishop ng mataas na prayoridad ang espirituwal na pag-unlad ng mga young single adult sa kanyang ward. Kinakausap nang personal ng bishop o ng isang inatasang counselor ang bawat young single adult kahit minsan sa isang taon.

Maaaring talakayin ng miyembro ng bishopric at ng mga young single adult ang kaugnay na mga bagay sa 31.3.1.2. Maaari din nilang talakayin ang mga bagay na may espesyal na kahalagahan sa mga young adult, tulad ng pag-asa sa sariling kakayahan o pagiging self-reliant.

31.3.3

Personal na Pakikipag-usap sa mga Miyembro Para Talakayin ang Kanilang mga Calling at Responsibilidad

Kinakausap nang personal ng mga stake presidency, bishopric, at iba pang mga lider ang mga miyembrong naglilingkod sa ilalim ng kanilang pamamahala. Tinatalakay nila ang tungkol sa kanilang mga calling. Halimbawa:

  • Regular na kinakausap nang personal ng stake president ang bawat bishop sa stake (tingnan sa 6.2.1.2).

  • Regular na kinakausap nang personal ng isang miyembro ng stake presidency ang bawat elders quorum president sa stake (tingnan sa 8.3.1).

  • Kinakausap nang personal ng bishop ang Relief Society president buwan-buwan (tingnan sa 9.3.1). Regular din niyang kinakausap nang personal ang elders quorum president at Young Women president (tingnan sa 8.3.1 at 11.3.1).

  • Regular na kinakausap nang personal ng isang miyembro ng bishopric ang Primary president at Sunday School president (tingnan sa 12.3.1 at 13.2.1).

  • Kinakausap nang personal ng mga miyembro ng elders quorum presidency at Relief Society presidency ang mga ministering brother at ministering sister (tingnan sa 21.3).

Sa mga pakikipag-usap na ito, binibigyang-inspirasyon at tinuturuan ng lider ang miyembro tungkol sa kanyang mga responsibilidad. Pinasasalamatan ng lider ang paglilingkod ng miyembro at nagbibigay ng panghihikayat. Ang miyembro ay nagbibigay ng ulat tungkol sa progreso at kapakanan ng mga taong pinaglilingkuran niya. Magkasama nilang tinatalakay ang mga mithiin, hamon, at oportunidad. Kung naaangkop, nirerebyu rin nila ang mga budget at gastusin.

kababaihang nag-uusap

31.3.4

Personal na Pakikipag-usap sa mga Miyembro Para Talakayin ang mga Temporal na Pangangailangan at Pag-asa sa Sariling Kakayahan

Ang pangangalaga sa mga taong nangangailangan ay bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa 1.2). Kapag kinakausap nang personal ng mga lider ang mga miyembro na mayroong mga temporal na pangangailangan, tinutulungan nila ang mga ito na matugunan ang mga panandaliang pangangailangan at umasa sa kanilang sariling kakayahan sa pangmatagalan (tingnan sa 22.3).

Maaaring atasan ng bishop ang iba pa sa ward, tulad ng Relief Society presidency at elders quorum presidency, na personal na kausapin ang mga miyembrong mayroong mga temporal na pangangailangan. Gayunman, ang bishop lamang ang maaaring mag-apruba sa paggamit ng pondo ng handog-ayuno (tingnan sa 22.6.1).

Ang mga karagdagang alituntunin at patakaran sa pagtulong sa mga taong may mga temporal na pangangailangan ay inilarawan sa kabanata 22.

31.3.5

Personal na Pakikipag-usap sa mga Miyembro Tungkol sa Kasal at Diborsiyo

Hindi dapat payuhan ng mga lider ng Simbahan ang isang tao kung sino ang kanyang pakakasalan. Hindi rin nila dapat payuhan ang isang tao na makipagdiborsiyo o huwag makipagdiborsiyo sa asawa nito. Bagama’t ang diborsiyo ay angkop na opsiyon sa ilang sitwasyon, ang gayong mga desisyon ay dapat manatili sa indibiduwal.

Sinusunod ang patnubay ng Espiritu, ang mga lider ay madalas na kinakausap nang personal ang mga mag-asawa o indibiduwal na maghihiwalay o magdidiborsiyo. Maaari ding hangarin ng mga lider na tulungan ang mag-asawa na patatagin ang kanilang pagsasama. Itinuturo nila ang tungkol sa lakas at pagpapagaling na nagmumula sa pagtupad sa mga tipan na ginawa nila sa Panginoon at pagsasabuhay ng Kanyang mga turo. Kabilang sa mga turong ito ang pananampalataya, pagsisisi, kapatawaran, pagmamahal, at panalangin.

Ang isang miyembrong nahiwalay sa kanyang asawa o sumasailalim sa proseso ng diborsiyo ay hindi dapat makipagdeyt hangga’t hindi pa natatapos ang proseso ng diborsiyo.

31.3.6

Professional Counseling at Therapy

Ang mga lider ng Simbahan ay hindi tinawag upang maging mga professional counselor o magbigay ng therapy. Ang tulong na ibinibigay nila ay espirituwal, na nakatuon sa nagpapalakas, nakapapanatag, at nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo. Bukod pa sa mahalaga at inspiradong tulong na ito, maaaring makinabang ang ilang miyembro mula sa professional counseling kung saan mayroon nito. Ang gayong counseling o therapy ay makatutulong sa mga miyembro na maunawaan at matugunan ang mga hamon sa buhay sa mabubuting paraan.

Ang pakikipagkita sa isang professional counselor para makakuha ng kaalaman at kasanayan para sa emosyonal na kalusugan ay hindi tanda ng kahinaan. Sa halip, maaari itong maging tanda ng pagpapakumbaba at lakas.

Dapat maingat na piliin ng mga miyembro ang mga mapagkakatiwalaang professional counselor na may angkop na lisensya. Dapat iginagalang ng mga counselor ang kalayaan, mga pinahahalagahan, at mga paniniwala ng mga humihingi ng tulong. Ang pagsasaalang-alang ng mga pinahahalagahang ito ay etikal na naaangkop sa professional counseling.

Kapag humingi ng payo ang mga miyembro tungkol sa pisikal na intimasiya, maaari silang idirekta ng mga bishop sa mga propesyonal na espesiyalista sa gayong pagpapayo at may mga paniniwala at gawi ay naaayon sa doktrina ng Simbahan.

Hindi sang-ayon ang Simbahan sa anumang therapy, kabilang na ang conversion o reparative therapy para sa seksuwal na oryentasyon o seksuwal na pagkakakilanlan, na ipinasasailalim ang tao sa mapang-abusong gawain. (Tingnan sa “Same-Sex Attraction [Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian]” at “Transgender” sa Tulong sa Buhay.)

Sa Estados Unidos at Canada, maaaring kontakin ng mga bishop at stake president ang Family Services upang matukoy ang resources na makapagbibigay ng professional counseling na naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang contact information ay nasa ibaba:

1-801-240-1711

1-800-453-3860, extension 2-1711

FamilyServices.ChurchofJesusChrist.org

Sa ibang mga lugar, maaaring kontakin ng mga lider ang isang kawani ng Family Services o ang welfare and self-reliance manager sa area office.

Kung hindi kayang bayaran ng mga miyembro o ng kanilang insurance ang professional counseling, maaaring gamitin ng mga bishop ang handog-ayuno para tumulong (tingnan sa 22.4).

31.4

Personal na Pakikipag-usap sa mga Miyembro sa Pamamagitan ng Internet

Karaniwang kinakausap ng mga lider ang mga miyembro nang harapan para sa mga interbyu at para magbigay ng tulong sa espirituwal at magminister. Kapag hindi praktikal ang pagkikita nang personal, maaaring kausapin ng mga lider ang mga miyembro sa pamamagitan ng internet para sa mga interbyu at para magbigay ng espirituwal na tulong at mag-minister.

Ang mga interbyu at iba pang pakikipag-usap sa pagitan ng mga lider at miyembro ay hindi dapat irekord.

Tulad ng mga interbyu na ginagawa nang harapan, maaari ding anyayahan ng miyembro ang isa pang tao na samahan siya sa isang interbyu o pakikipag-usap na ginagawa sa pamamagitan ng internet.

Kapag ang interbyu para sa temple recommend ay gagawin sa pamamagitan ng internet, ang bagong temple recommend ay lalagdaan ng lider sa pamamagitan ng computer kung karapat-dapat ang miyembro. Pagkatapos ay ipi-print ng isang miyembro ng bishopric o ng branch president ang recommend at ibibigay ito sa miyembro.