“35. Mga Pisikal na Pasilidad,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2020).
“35. Mga Pisikal na Pasilidad,” Pangkalahatang Hanbuk.
35.
Mga Pisikal na Pasilidad
35.1
Layunin
Ang Simbahan ay bumibili ng lupa at nagtatayo ng mga pasilidad upang bigyan ang mga miyembro ng Simbahan ng mga lugar kung saan sila maaaring sumamba, magturo, matuto, sama-samang manalangin, gumawa at magpanibago ng mga tipan, at tumanggap ng mga sagradong ordenansa. Bawat pasilidad ng Simbahan ay dapat (1) magbigay ng espirituwal na kapaligiran para makasamba ang mga miyembro at (2) magpakita ng imahe ng pagpipitagan at dignidad sa komunidad.
35.2
Organisasyon
35.2.1
Meetinghouse Facilities Department
Sa ilalim ng pamamahala ng Presiding Bishopric, ang Meetinghouse Facilities Department ay bumubuo ng mga patakaran at mga pamamaraan ng pamamalakad na tumutulong sa pagpapatayo ng mga pasilidad para sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo.
35.2.2
Mga Area Office
Ang mga Area Presidency at mga director for temporal affairs ang responsable sa pagbili at pagpapatakbo ng mga ari-arian ng Simbahan. Kabilang sa mga ari-ariang ito ang mga meetinghouse, mga institute of religion, mga mission home at mission office, mga welfare operation, at iba pa.
Ang lokal na tauhan ng pasilidad ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng director for temporal affairs.
35.2.3
Stake Presidency
Tinitiyak ng mga miyembro ng stake presidency na ang mga pasilidad ng Simbahan ay ginagamit, pinangangalagaan, at pinoprotektahan sa angkop na paraan. Itinuturo nila sa mga lider at mga miyembro ang kanilang mga responsibilidad sa paggamit at pangangalaga ng mga pasilidad na ito. Inaatasan nila ang isang high councilor na maging stake physical facilities representative. Nakikipagpulong sila sa kanya kapag kinakailangan upang marebyu ang mga pangangailangan at mga proyekto.
35.2.4
Stake Physical Facilities Representative
Ang stake physical facilities representative (isang high councilor) ay tumutulong sa stake presidency sa mga bagay na may kinalaman sa mga pisikal na pasilidad gaya ng mga sumusunod:
-
Tumutulong siya na ituro at ipatupad ang mga pamantayan sa paggamit at pangangalaga ng mga meetinghouse.
-
Siya ay nakikipag-ugnayan tungkol sa pagbibigay at pagkontrol sa mga susi.
-
Siya ay nagkikipag-ugnayan tungkol sa pagtuturo sa mga ward building representative ng kanilang mga tungkulin.
-
Nakikilahok siya sa taunang inspeksyon ng mga meetinghouse na isinasagawa ng facilities manager, maliban kung may ibang inatasan ang stake presidency na gumawa nito.
35.2.5
Agent Bishop
Kung mahigit sa isang ward ang gumagamit sa isang gusali, inaatasan ng stake presidency ang isang bishop na maging agent bishop. Inoorganisa niya ang mga takdang-gawain para sa pakikibahagi ng mga miyembro sa pangangalaga at pagpapanatiling maayos ng meetinghouse. Tumutulong din siya na masigurong nasusunod ang mga patakaran ukol sa kaligtasan at seguridad para sa meetinghouse. Bilang karagdagan, tumutulong siya na ayusin ang iskedyul ng gusali para sa stake at iba pang mga ward na gumagamit nito, bagama’t maaari niyang atasan ang isa pang miyembro na gawin ang pag-iiskedyul.
35.2.6
Bishopric
Ang mga miyembro ng bishopric ang responsable sa paggamit, pangangalaga, at seguridad ng meetinghouse. Tinuturuan nila ang mga miyembro ng ward kung paano ito gamitin at pangalagaan. Inoorganisa nila ang partisipasyon ng mga miyembro sa pangangalaga at pagpapanatiling maayos ng meetinghouse, na gumagawa ng mga takdang-gawain kung kinakailangan. Sila rin ang namamahagi ng mga susi ng meetinghouse.
Tinitiyak ng mga miyembro ng bishopric na ginagawa ang angkop na mga pag-iingat sa loob ng meetinghouse at sa bakuran nito (tingnan sa 35.3.5).
35.2.7
Ward Building Representative
Bawat ward ay dapat may isang ward building representative. Maaaring atasan ng bishop ang isang miyembro ng bishopric na maglingkod sa posisyong ito, o maaaring tumawag ang bishopric ng ibang miyembro para maglingkod sa posisyong ito.
Tinutulungan ng ward building representative ang bishopric sa mga responsibilidad sa meetinghouse gaya ng pagtitipid sa tubig at kuryente, kaligtasan, seguridad, pag-aalis ng niyebe (kung angkop), at partisipasyon ng mga miyembro sa paglilinis at pagpapanatiling maayos ng meetinghouse. Siya ang nag-aasikaso sa mga pangangailangang may kaugnayan sa gusali kapag may mga pulong, aktibidad, at emergency. Kung kinakailangan, tumatanggap siya ng mga tagubilin mula sa stake physical facilities representative sa paggamit ng sound, heating, at air conditioning system, at iba pang mga system sa gusali.
35.2.8
Mga Miyembro
Binibigyang-diin ng mga priesthood leader na ang partisipasyon ng mga miyembro ay mahalaga sa pangangalaga at pagpapanatiling maayos ng meetinghouse. Hinihikayat ang mga miyembro na maglingkod bilang mga indibiduwal o mga grupo, depende sa kanilang mga kasanayan at kakayahan.
35.3
Pangangasiwa sa mga Pisikal na Pasilidad
35.3.1
Paggamit at Pangangalaga ng mga Meetinghouse
Ang lokal na mga lider at miyembro ng Simbahan ang may pananagutan sa paggamit at pangangalaga ng mga meetinghouse. Sila ay tinutulungan ng lokal na tauhan ng pasilidad. Sinisikap ng mga lider na tiyakin na ang mga meetinghouse at ang bakuran nito ay palaging maayos, malinis, kaakit-akit, at napapanatiling mabuti. Ang mga pasilidad ng Simbahan ay dapat kakitaan ng wastong pangangalaga at paggalang sa lahat ng paraan.
Ang mga miyembro ng Simbahan, kabilang ang mga kabataan, ay dapat tumulong sa paglilinis at pangangalaga ng mga meetinghouse. Sa gayong paglilingkod ng mga miyembro, lalong lalalim ang kanilang pagpipitagan para sa bahay ng Panginoon. Hangga’t maaari, dapat tuparin ng mga miyembro ang responsibilidad na ito bilang bahagi ng lingguhang mga kaganapan kapag sila ay nasa meetinghouse na. Ang mga miyembro ay maaari ding hilingang tumulong sa paglilinis ng iba pang mga pasilidad ng Simbahan.
35.3.2
Pagpapanatiling Maayos at Inspeksyon ng Meetinghouse
Iniinspeksyon ng facilities manager ang bawat meetinghouse bawat taon. Ang stake physical facilities representative, o isang kahalili na inatasan ng stake president, ay kasama sa mga inspeksyong ito. Dapat mayroon siyang lubos na awtorisasyon na kumilos sa ngalan ng stake presidency sa ganitong kapasidad. Tinutukoy ng mga nakikibahagi sa ganitong mga inspeksyon ang mga kailangang gawin upang mapanatiling maayos ang gusali at gumagawa ng mga plano para sa pagpapakumpuni o pagpapanibago ng mga system at mga bahagi nito at para gumawa ng iba pang kinakailangang pagpapabuti ng gusali.
35.3.3
Pagpaplano para sa Meetinghouse
Ang stake presidency ay nagbibigay ng impormasyon sa Area Presidency na tutulong sa director for temporal affairs sa paghahanda at pag-update ng isang master plan ng tinatayang mga kakailanganin para sa mga pagtatayuan ng gusali sa hinaharap at para sa bago o karagdagang espasyo sa meetinghouse.
35.3.4
Pagtitipid sa Tubig at Kuryente
Ang Simbahan ay gumagastos nang malaki sa tubig at kuryente para sa mga meetinghouse. Makatutulong ang mga lider para mabawasan nang malaki ang gastusing ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga miyembro na patayin ang mga ilaw at kagamitan kung hindi kailangan ang mga ito at sundin ang iba pang mga paraan ng pagtitipid sa tubig at kuryente. Tinitiyak ng mga lider na ang mga ilaw, heater, air conditioner, kagamitan, at tubig ay matipid na ginagamit hangga’t maaari.
Kung kinakailangan, ang isang miyembro ng stake presidency o isang inatasan na high councilor ay maaaring tumawag ng isang stake building specialist for water and energy conservation para sa bawat meetinghouse at recreational property sa stake. Ang mga specialist na ito ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng stake physical facilities representative.
Hinihikayat din ang mga lider na sundin ang mga inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan tungkol sa pagtitipid sa tubig at kuryente.
35.3.5
Kaligtasan at Seguridad
Tinuturuan ng mga lider ang mga miyembro—lalo na ang mga kababaihan at kabataan—na huwag maiwang mag-isa sa mga gusali ng Simbahan.
Ang mga lider ay dapat gumawa ng mga makatwirang hakbang upang ang mga pasilyo, hagdan, hagdanan, exit door, utility room, at daraanan ay manatiling walang mga harang at iba pang mga panganib. Tinitiyak din ng mga lider na ang mga mapanganib o madaling magliyab na materyal tulad ng equipment fuel, tuyong damo, dayami, at mga tangkay ng mais ay hindi ginagamit o iniimbak sa mga meetinghouse (tingnan din sa 35.4.2).
Ang mga lider ang may kontrol sa pagbibigay ng susi at nagtatatag ng mabisang mga pamamaraan sa pagsasara ng gusali. Tinitiyak din nila na ang mga silid-aralan at iba pang mga silid sa loob ng gusali na walang mahahalagang bagay ay hindi ikinakandado.
Tinitiyak ng mga lider na ang lokal na mga emergency telephone number ng pulisya, bombero, at ambulansya ay nakapaskil sa o malapit sa bawat telepono na may maikling mga tagubilin. Kaagad nilang inirereport sa pulisya ang mga nanloloob.
35.3.6
Pagrereport ng Aksidente
Dapat ay maliit lang ang posibilidad ng pinsala o pagkakasakit na maaaring idulot ng mga aktibidad ng Simbahan sa mga kalahok o pinsala sa mga ari-arian. Sa oras ng mga aktibidad, ginagawa ng mga lider ang lahat para matiyak ang kaligtasan. Sa pamamagitan ng mabisang pagpaplano at pagsunod sa mga tuntunin para sa kaligtasan, maaaring mabawasan ng mga lider ang posibilidad na magkaroon ng mga aksidente.
Dapat kaagad ipaalam sa bishop o sa stake president kung:
-
May nangyaring aksidente, may nasaktan, o nagkasakit sa pag-aari ng Simbahan o habang isinasagawa ang isang aktibidad na itinataguyod ng Simbahan.
-
Ang isang taong nakikilahok sa isang aktibidad na itinataguyod ng Simbahan ay nawala habang isinasagawa ang aktibidad.
-
Nagkaroon ng sira sa pag-aaring pribado, pampubliko, o pag-aari ng Simbahan sa isang aktibidad na itinataguyod ng Simbahan.
Kung may isang taong malubhang nasaktan o kaya ay nawawala, kung nagkaroon ng malaking pinsala ang mga ari-arian, o kung may banta ng legal na hakbang o inaasahan ito, ang stake president (o ang isang bishop sa ilalim ng kanyang pamamahala), ay kaagad na gagawin ang isa sa sumusunod na mga hakbang:
-
Sa Estados Unidos o Canada, ipagbibigay-alam niya ito sa Risk Management Division sa headquarters ng Simbahan (1-801-240-4049 o sa 1-800-453-3860, extension 2-4049; pagkatapos ng business hours o kapag Sabado at Linggo, tumawag sa 1-801-240-1000 o sa 1-800-453-3860, at kaagad kokontakin ng operator ang isang tao).
-
Sa labas ng Estados Unidos at Canada, ipagbibigay-alam niya ito sa area office.
Inirereport din ng mga lider sa facilities manager ang mga pinsala at sira na may kinalaman sa mga pasilidad o pag-aari ng Simbahan.
Dapat muling pag-aralan ng mga lider kung angkop ang Church Activity Medical Assistance Program kapag may nasaktan habang isinasagawa ang isang aktibidad, kaganapan, o takdang-gawain na itinataguyod ng Simbahan. Para sa impormasyon tungkol sa insurance, tingnan ang 20.7.3.
Isasangguni ng stake president (o ng bishop na nasa ilalim ng kanyang pamamahala) ang mga tanong tungkol sa kaligtasan o mga paghahabol sa Simbahan sa Risk Management Division o sa area office.
Tingnan ang 20.7 para sa karagdagang mga tagubilin kung ano ang mga gagawing hakbang sakaling may aksidente o emergency.
35.4
Mga Patakaran sa Paggamit ng mga Gusali at Iba Pang mga Ari-arian ng Simbahan
Ang mga gusali at iba pang mga ari-arian ng Simbahan ay dapat gamitin para sa pagsamba, pagtuturo ukol sa relihiyon, at iba pang mga aktibidad na itinataguyod ng Simbahan. Ang iba pang paggamit sa mga meetinghouse ay hindi hinihikayat. Sa pambihirang mga pagkakataon, maaaring iawtorisa ng stake president ang mga grupong mapagkakatiwalaan, walang kaugnayan sa Simbahan, at nonprofit na pansamantalang gamitin ang isang meetinghouse o ang bakuran nito (tingnan sa Facilities Management Guidelines for Meetinghouses and Other Church Property, 2). Ang sumusunod na listahan ay nagbibigay ng mga halimbawa ng mga paggamit na hindi pinahihintulutan:
-
Pagpapaupa ng mga pasilidad ng Simbahan para gamitin sa mga layuning may kaugnayan sa negosyo.
-
Pagtataguyod ng mga pagnenegosyo o pamumuhunan, kabilang na ang pagpapaskil ng mga komersiyal na patalastas o pagtataguyod ng komersiyal na libangan.
-
Pagbili, pagbebenta, o pagtataguyod ng mga produkto, serbisyo, lathalain, o malikhaing mga gawa o pagpapakita ng mga kalakal.
-
Pagkakaroon ng mga hindi awtorisadong aktibidad na may layuning mangalap ng pondo (tingnan sa 20.6.5).
-
Pagtataguyod ng mga tagapagsalita o tagapagturo na may bayad, na nangangalap ng mga kasapi, o naghahanap ng mga kostumer o kliyente habang nagbibigay ng mga seminar, lesson, mga klase sa aerobics, at iba pa. Maaaring bigyan ng eksepsyon ang paggamit ng piano o organ para sa mga pribadong klase na may bayad (tingnan sa 19.7).
-
Pagdaraos ng regular na mga kaganapan sa komunidad o ng mga club na hindi itinataguyod ng Simbahan, tulad ng mga pulong at aktibidad sa Scouting, o organisadong palaro o praktis ng mga sport.
-
Pagdaraos ng mga pulong ukol sa pulitika o mga pangangampanya. Bilang eksepsyon, ang mga pasilidad ng Simbahan ay maaaring gamitin para sa pagrerehistro ng mga botante at bilang presinto sa botohan sa kahilingan ng mga opisyal sa pagboto kung:
-
Wala nang ibang makatuwirang alternatibo.
-
Susundin ng mga opisyal at mga botante ang mga pamantayan ng Simbahan sa loob ng gusali.
-
Ang kaganapan ay walang banta ng pisikal na panganib sa gusali.
-
Ang kaganapan ay hindi makasisira sa imahe ng Simbahan.
-
Ang paggamit ng mga ari-arian ng Simbahan ay hindi dapat magbadya ng malaking pinsala sa mga kalahok o sa mga ari-arian. Hindi rin nito dapat ilantad ang Simbahan sa pananagutan o gambalain ang mga kapitbahay sa paligid.
Para sa mas detalyadong mga tagubilin sa paggamit at pangangalaga ng mga gusali at iba pang mga ari-arian ng Simbahan, tingnan ang Facilities Management Guidelines for Meetinghouses and Other Church Property o kontakin ang headquarters ng Simbahan o ang area office.
35.4.1
Mga Likhang-Sining
Ang mga likhang-sining na inaprubahan ng Simbahan para sa mga meetinghouse ay makukuha sa pamamagitan ng facilities manager gamit ang Church Facilities Artwork catalog. Maaari ding makakuha ang facilities manager ng likhang-sining na angkop para sa mga meetinghouse sa pamamagitan ng Church Distribution Services.
Ang mga larawan at iba pang likhang-sining ay maaaring ilagay sa angkop na mga lugar sa meetinghouse. Gayunman, hindi maaaring ilagay ang mga ito sa loob ng sacrament hall o malapit sa baptismal font. Ang mga estatwa, mural, at mosaic ay hindi pinahihintulutan. Ang patakarang ito ay maaaring hindi angkop sa mga likhang-sining na maraming taon nang nakadispley sa mga sacrament hall ng kasalukuyang mga meetinghouse.
Ang mga likhang-sining sa mga meetinghouse ay dapat nakakuwadro nang maayos.
35.4.2
Mga Dekorasyon
Ang mga dekorasyon para sa Pasko, iba pang mga pista-opisyal, at iba pang kahalintulad na mga okasyon ay maaaring pansamantalang ilagay sa foyer o cultural hall ng isang meetinghouse, kung inaprubahan ng stake presidency. Maliban sa mga bulaklak, hindi maaaring maglagay ng mga dekorasyon sa sacrament hall ng meetinghouse. Hindi rin dapat lagyan ng dekorasyon ang labas ng meetinghouse o ang bakuran nito.
Ang mga dekorasyon ay dapat simple at hindi magastos at kailangang hindi takaw-sunog. Ang mga tuyong damo, dayami, palaspas, iba pang tuyong materyal, at nakasinding mga kandila ay hindi maaaring gamitin. Kung gumagamit ng mga Christmas tree, ang mga ito ay dapat artipisyal o na-fireproof nang husto at nakadispley nang walang mga electric light o kandila. Dapat sundin ang mga lokal na batas at ordinansa tungkol sa kaligtasan at pag-iwas sa sunog.
35.4.3
Paglalaan ng mga Gusali
Lahat ng mga bagong meetinghouse, gayundin ang malalaking karagdagang istruktura na mayroong sacrament hall, cultural hall, o isang lugar na mas malaki kaysa sa kasalukuyang istruktura, ay dapat ilaan sa lalong madaling panahon pagkatapos makumpleto ang proyekto.
Ang mas maliliit na gusali tulad ng mga mission home, mga institute, mga seminary, at mga silid-aralan o mga karagdagang opisina sa mga meetinghouse ay maaari ding ilaan kung nais ng mga lokal na lider.
Ang huling pag-apruba para sa paglalaan ay ibinibigay ng Area Presidency na may koordinasyon sa director for temporal affairs. Ang Area Presidency ay nakikipagtulungan sa stake o mission president at itinatakda kung sino ang responsable sa paglalaan ng gusali.
Ang programa para sa isang serbisyo ng paglalaan ay dapat akma sa layunin ng kaganapan. Hindi ito dapat mahaba o may kasamang malakihang mga musikal na pagtatanghal. Dapat bigyan ng sapat na oras ang inatasang lider upang makapagsalita at ilaan ang gusali. Kasunod ng panalangin ng paglalaan, dapat may angkop na himno o piniling musika at maikling panalangin upang tapusin ang serbisyo.
Ang mga panalangin ng paglalaan ng mga gusali ay maaaring irekord sa pahintulot ng namumunong awtoridad.
Ang mga inuupahang meetinghouse ay maaaring ilaan kung ang lahat ng sumusunod na mga kondisyon ay natugunan:
-
Lahat ng inuupahang espasyo, maliban sa mga bahaging kahati ang ibang tao (tulad ng mga pasukan, pasilyo, at mga banyo o CR), ay ekslusibong ginagamit ng Simbahan.
-
Ito ay inuupahan nang mahigit sa isang taon.
-
Aprubado ng Area Presidency ang paglalaan ng inuupahang meetinghouse.
Kung natugunan ang mga kondisyong ito at inilaan ang meetinghouse, kailangang banggitin sa panalagin na ang meetinghouse ay inilalaan “para sa panahong inuupahan ito.”
35.4.4
Mga Emergency
Sa oras ng emergency, ang stake presidency ang nagpapasiya kung magdaraos ng regular na mga pulong ang ward o hindi.
Sa isang emergency o kalamidad na apektado ang komunidad, maaaring tumulong ang stake president sa mga lehitimong disaster relief agency sa pamamagitan ng pagpapahintulot na magamit ang mga meetinghouse bilang tutuluyan sa oras ng emergency. Ang Simbahan ang nananatiling may kontrol dito. Tinitiyak ng mga lider ng stake at ward na sinusunod ng mga taong gumagamit ng mga gusali ang mga pamantayan sa pagkilos ng Simbahan, kabilang na ang Word of Wisdom, habang sila ay nasa loob ng mga gusali. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga emergency, tingnan ang 22.9.1.3.
35.4.5
Mga Baril
Ang mga simbahan ay inilalaan para sa pagsamba sa Diyos at bilang mga kanlungan mula sa mga pag-aalala at pagkabahala ng mundo. Maliban sa mga taong kasalukuyang naglilingkod bilang mga tagapagpatupad ng batas, ipinagbabawal ang pagdadala ng mga nakamamatay na sandata sa loob ng mga ari-arian ng Simbahan, ito man ay nakatago o hindi.
35.4.6
Mga Apoy at Kandila
Ang nagniningas na apoy at nakasinding mga kandila ay hindi maaaring gamitin sa mga gusali ng Simbahan.
35.4.7
Mga Bandila
Ang pambansang watawat ay maaaring iwagayway anumang oras sa bakuran ng mga ari-arian ng Simbahan basta’t naaayon ito sa kaugalian at patakaran ng lugar. Ang pambansang watawat ay maaaring idispley sa loob ng mga gusali ng Simbahan sa espesyal na mga okasyon, gaya ng mga programang pangmakabayan. Ang tunay na pagkamakabayan ay hindi nangangailangan ng patuloy na pagdidispley ng pambansang watawat sa mga lugar ng sambahan.
35.4.8
Mga Serbisyo sa Groundbreaking
Matapos maaprubahan ang isang bagong proyektong gusali, maaaring magsagawa ang mga lokal na lider ng isang groundbreaking service bilang paghahanda para sa pagpapatayo ng gusali. Ang serbisyong ito ay hindi dapat idaos sa araw ng Linggo.
35.4.9
Pagpepreserba ng Kasaysayan
Lahat ng tanong tungkol sa paglalagay ng mga ari-arian o gusaling pag-aari ng Simbahan sa pambansa o lokal na mga listahan ng pagpreserba ng kasaysayan ay dapat iparating sa headquarters ng Simbahan sa pamamagitan ng Area Presidency. Para sa mga tanong tungkol sa paglalagay ng tanda, paggunita, o pagpreserba ng iba pang mga lugar, artifact, gawang-sining, o mga dokumento, kontakin ang Church History Department sa 1-801-240-2272 o sa 1-800-453-3860, extension 2-2272.
35.4.10
Pagpapatayo, Pag-upa, o Pagbili ng mga Meetinghouse
Para sa mga patakaran tungkol sa pagpapatayo, pag-upa, o pagbili ng mga meetinghouse, tingnan ang Facilities Management Guidelines for Meetinghouses and Other Church Property o kontakin ang director for temporal affairs.
35.4.11
Mga Plano ng Meetinghouse
Naghanda ang Simbahan ng iba-ibang pamantayang plano ng meetinghouse para umakma sa mga kalagayan at pangangailangan ng mga miyembro sa buong mundo. Kapag magtatayo ng isang meetinghouse, isang angkop na pamantayang plano ang pipiliin. Nakasaad sa planong iyon ang mga patakaran para sa mga silid, mga katangian, at mga kagamitan na kasama sa meetinghouse.
35.4.12
Mga Gabi ng Lunes
Tingnan sa 20.5.3.
35.4.13
Pagtulog at Pagkakamping nang Magdamag
Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay hindi maaaring gamitin sa magdamag na pagtulog, pagkakamping, o magdamagang pagtitipon.
35.4.14
Mga Paradahan ng Sasakyan
Ang paggamit ng mga paradahan ng sasakyan ng Simbahan ay dapat sumunod sa mga tuntunin na nasa simula ng bahagi 35.4. Bilang karagdagan, ang mga paradahan ng sasakyan ng Simbahan ay hindi dapat gamiting commuter parking o paradahan ng mga pribado at pampublikong sasakyan nang walang pahintulot mula sa director for temporal affairs.
35.4.15
Mga Retrato, Video Recording, at mga Brodkast sa mga Sacrament Hall
Dahil sagradong lugar ang mga sacrament hall, hindi pinapayagan ang pagkuha ng mga retrato o video recording sa mga sacrament hall. Para sa impormasyon tungkol sa mga pag-stream ng mga miting at iba pang mga aktibidad na idinaraos sa sacrament hall, tingnan ang 29.7.
35.4.16
Mga Karapatan sa at Pagmamay-ari ng mga Ari-Arian
Lahat ng mga ari-arian na itinalaga sa o iniingatan para sa kapakinabangan ng mga lokal na unit ay pagmamay-ari ng Simbahan, hindi ng mga unit. Gayunpaman, may malawak na awtonomiya ang mga lokal na unit sa paggamit ng mga ari-arian ng Simbahan, kabilang ang mga gusali, lupa, at iba pang mga ari-arian, alinsunod sa mga patakaran ng Simbahan.
35.4.17
Pangangasiwa ng mga Recreational Property
Para sa impormasyon tungkol sa pangangasiwa ng mga recreational property, tingnan ang Facilities Management Guidelines for Meetinghouses and Other Church Property o kontakin ang director for temporal affairs.
35.4.18
Mga Kusina
Ang kusina sa mga meetinghouse ng Simbahan ay hindi dapat gamitin sa paghahanda o pagluluto ng pagkain maliban na lang kung ito ay bahagi ng aralin, demonstrasyon, o iba pang pagtuturo. Kapag may ihahaing pagkain sa gusali o sa bakuran nito, dapat ay ihanda ito sa ibang lugar at dalhin sa meetinghouse, kung saan mapapanatili itong mainit o malamig hanggang sa ihain na ito.
35.4.19
Mga Karatula
Ang pangalan ng Simbahan ay dapat idispley sa lahat ng meetinghouse at iba pang mga gusali ng Simbahan sa inaprubahang wika at logo. Ito ay kailangang idikit sa gusali. Sa ilang pagkakataon, ang pangalan ng Simbahan ay maaari ding itayo sa bakuran bilang isang karatula.
35.4.20
Pag-iimbak
Ang tanging pag-iimbak na pinapayagan sa mga meetinghouse ay para sa mga kagamitan sa pagpapanatiling maayos ng meetinghouse at iba pang inaprubahang mga suplay at kasangkapan. Ang mga kalakal sa welfare at iba pang mga bagay ay hindi maaaring iimbak sa mga meetinghouse.
Ang mga materyal na tulad ng gasolina, propane, posporo, at camping gear ay dapat iimbak sa mga gusali na hiwalay sa meetinghouse.
Ang mga kotse, mga sasakyang panlibangan (recreational vehicles), at iba pang personal na kagamitan ay hindi maaaring iimbak sa pag-aari ng Simbahan.
35.4.21
Paggamit ng mga Meetinghouse sa Labas ng mga Hangganan ng Stake
Lahat ng meetinghouse na hindi kalayuan sa ward ay dapat maokupahan sa itinalagang kapasidad nito bago mabigyan ng karagdagang mga pasilidad. Kapag kailangan, ang mga stake presidency, sa pagsangguni sa Area Presidency, ay maaaring ipagamit sa mga ward ang mga meetinghouse sa isang katabing stake. Maaaring gamitin ng mahigit sa isang stake ang isang stake center kung kumbinyente ang lokasyon nito.
35.4.22
Mga Kasalan at Handaan sa Kasal
Ang seremonya ng kasal o handaan sa kasal ay maaaring idaos sa isang gusali ng Simbahan kung hindi ito nakasasagabal sa iskedyul ng regular na mga gawain ng Simbahan. Gayunman, ang mga handaan sa kasal ay hindi dapat idaos sa sacrament hall maliban kung ito ay isang multipurpose area (lugar na pinagdarausan ng iba’t ibang gawain). Ang mga kasalan at handaan sa kasal ay hindi dapat idaos sa araw ng Linggo o sa gabi ng Lunes.
Hindi pinapayagan ng Simbahan na gamitin ang mga meetinghouse o iba pang mga ari-arian nito para sa mga seremonya, handaan sa kasal, o iba pang mga aktibidad na may kinalaman sa mga same-sex marriage (kasal ng magkaparehong kasarian).
Ang mga namamahala sa kasalan o sa handaan sa kasal ang responsable sa paglilinis ng mga lugar ng gusali na ginamit nila.