Temporal Preparedness Resources
Pagmi-ministering sa Iba na Dumaranas ng mga Hamon sa Buhay


Pagmi-ministering sa Iba na Dumaranas ng mga Hamon sa Buhay

Pambungad

Bagama’t madalas tayong inihahanda ng ating pananampalataya para sa personal na mga pagsubok, marami ang nahihirapang malaman kung ano ang gagawin o sasabihin kapag dumaranas ng hamon ang isang malapit na kaibigan o kapamilya. Ang magandang balita ay, hindi ka nag-iisa sa paghahangad mong tumulong. Narito ang mga pangunahing alituntunin na dapat tandaan habang nagmi-minister ka sa mga taong nasa krisis.

Sa panahong ito ng kawalang-katiyakan, dumaranas ang mga tao ng lahat ng uri ng hamon. Ito man ay pagkawala ng trabaho, kasalatan, nawalan ng tirahan, depresyon o iba pang sakit sa pag-iisip, pagdududa sa pananampalataya, o pagpanaw ng isang mahal sa buhay, kailangan ng karamihan sa mga tao ang isang taong maaasahan at susuporta—isang taong magpapadama sa kanila na hindi sila nag-iisa.

Tandaan, kapag hindi ka sigurado, ang pinakamagandang magagawa mo ay humingi ng patnubay sa Espiritu at manampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pahiwatig na natatanggap mo.

Maging Mahabagin

Sa Bagong Tipan, itinuro ni Pablo sa mga sumasampalataya kay Cristo na maging “mabait kayo sa isa’t isa, mga mahabagin” (Efeso 4:32). Ang payong ito ay mahalaga lalo na sa iyong pagmi-minstering sa mga taong dumaranas ng kapighatian.

Makatutulong na naroon ka lang para sa isang tao. Maaari kang mag-alok na samahan sila, o maaari mo silang kontakin sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, video chat, o text message para ipabatid sa kanila na inaalala mo sila. Kung angkop at gusto mo (hindi masamang magtanong!), ang isang yakap o iba pang pisikal na pagpapadama ng pag-alo ay maaaring magpadama ng koneksyon at malasakit.

Habang ipinapakita mo sa taong iyon na nagmamalasakit ka sa kanya, maaari mong sabihin ang mga bagay na tulad ng:

  • “Mahal kita at nagmamalasakit ako sa iyo.”

  • “Nakikiramay ako.”

  • “Naiisip kita at ipinagdarasal kita.”

  • “Narito ako para sa iyo, at maaari akong makinig.”

OK lang na tahimik na maupo sa tabi ng tao. Ang presensya mo ay nagpapadama ng suporta.

Hayaan ang Iba na Ipahayag ang Kanilang Damdamin

Kapag may pinagdaraanang hamon ang isang taong mahal natin, gusto natin na pagaanin kaagad ang kanyang problema at maghanap ng mga solusyon. Pero ang paggawa nito ay maaaring magkait sa indibiduwal ng pagkakataong mapatibay ang inyong ugnayan at tumanggap ng pagmamalasakit na kailangan kadalasan tulad ng pisikal na tulong.

Kahit sa isang napakalaking problema, mahalaga na pakinggang mabuti at unawain ang indibiduwal. Magtuon sa taong hangad mong tulungan nang buong puso. Hikayatin at hayaan siyang ipahayag ang kanyang nadarama. Ang pagpapahayag ng damdaming ito sa iba ay maaaring humantong sa malaking espirituwal na paglago at mga karanasang nagpapatibay ng pananampalataya.

Bagama’t makabubuting hikayatin ang mga namimighati na ipaliwanag ang kanilang mga karanasan, hindi mo rin sila dapat piliting sabihin ang mga nadarama nila o ang mga bagay na hindi sila handang pag-usapan. Maaaring kabilang sa ilang bagay na maaari mong itanong ay:

  • “Ano ang pinaka-inaalala mo ngayon?”

  • “Anong mga estratehiya ang ginagamit mo para makayanan ito?”

  • “Ano ang pinakamahihirap na hamong naranasan mo sa linggong ito?”

  • “Anong mga kalakasan ang nakikita mo sa sarili mo at sa iba?”

  • “Ano ang mga alalahanin mo tungkol sa hinaharap?”

  • “Paano nakakatulong ang iyong pananampalataya?”

  • “Mayroon bang anumang bagay sa iyong nakaraan na bumabagabag sa iyo?”

  • “Maaari ka bang magbahagi ng isang pagkakataon na nakaranas ka ng paggaling sa iyong buhay?”

Unawain at I-normalize ang mga Tugon

Kapag hinangad mong mag-minister sa isang taong dumaranas ng mga hamon, mahalagang tandaan na ang bawat isa ay magkakaiba at tumutugon sa krisis sa iba’t ibang paraan. Kahit naharap ka na sa gayon ding mga hamon sa iyong buhay, kilalanin na ang iyong karanasan ay naiiba sa kanila.

Mahalagang hayaan ang iba na pagdaanan ang sarili nilang mga karanasan. Magtanong kung ano ang nadarama ng iba at kung ano ang nararanasan nila. Kahit hindi ka makaugnay sa mga karanasan at damdaming ipinapahayag nila, matutulungan mo silang malaman na ayos lang na hindi OK ang pakiramdam nila ngayon. Maaari mong sabihin ang mga bagay na tulad ng:

  • “Hindi ko lubos na nauunawaan ang sakit na nadarama mo, pero alam ko na mahirap ito para sa iyo.”

  • “Walang mga ‘maling’ emosyon. Anuman ang nadarama mo ay OK lang.”

  • “Karaniwan ang pakiramdam na parang hindi natin makokontrol ang ating mga iniisip at nadarama.”

  • “Iba-iba ang reaksyon ng lahat—OK lang na madamang malakas ka at nakakayanan mo, at OK din na nahihirapan ka.”

Ang mga taong may problema ay maaaring makadama ng lungkot, galit, pagkalito, pagkabalisa, pamamanhid, panghihina, o iba pang mga emosyon. Bukod pa rito, maaaring hindi sila makatulog, nakakaranas ng sakit ng ulo, at sakit ng tiyan, at may pagbabago rin sa kanilang gana sa pagkain, ginagawa sa araw-araw, at mga gawi sa pagsampalataya. Tulungan silang maging mapagpasensya at maging mabait sa kanilang sarili. At tulungan silang malaman na sila ay mahal mo at ng iba pang mga lokal na miyembro ng Simbahan at naroon kayo para tumulong.

Magmungkahi ng mga Paraan para Makayanan ang Sitwasyon

Kung tama ang sitwasyon, maaaring bahagi ng iyong pagmi-minister sa mga dumaranas ng mga pagsubok ang pagmumungkahi ng mga paraan para tumulong. Maghanap ng karagdagang resources na maibabahagi mo, kung kailangan. Maaaring kabilang sa resources na ito ang angkop na mga talata sa banal na kasulatan, mga mensahe, at iba pang mga materyal. Maaaring kabilang dito ang mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon na may kaugnayan sa krisis na dinaranas nila. Ang form na “Facing Challenges: A Self Help Guide [Pagharap sa mga Hamon: Isang Gabay sa Pagtulong sa Sarili]” ay maaaring isa ring kapaki-pakinabang na resource.

Sa ilang sitwasyon, maaaring angkop na pag-usapan ang iyong mga karanasan sa partikular na mga hamon. Gayunman, dapat kang maging maingat sa pagkukuwento mula sa iyong nakaraan. Mahalaga na panatilihing nakatuon ang usapan sa taong hangad mong tulungan.

Maaari mong talakayin ang mga paraan sa pagkontrol ng emosyon at stress, tulad ng:

  • Pag-uukol ng panahon na pangalagaan ang ating sarili, kabilang ang wastong nutrisyon, pag-inom ng tubig, hygiene, ehersisyo, pagtulog, at iniresetang mga gamot

  • Paglimita sa mga balita at social media

  • Paglilingkod sa iba hangga’t kaya natin

  • Pagkatutong magnilay para matukoy ang lahat ng nadarama at dinaranas o pag-eehersisyo sa paghinga

  • Pagharap sa buhay nang paisa-isang araw, oras, o minuto

Para mapag-usapan ang paksa, subukang magtanong ng tulad ng:

  • “Ano ang mga estratehiya mo para makayanan ang mga bagay-bagay? Ano ang nakatulong sa iyo na makayanan ang mga paghihirap noong araw?”

  • “Paano mo inaalagaan ang kalusugan ng iyong katawan at isipan?”

  • “Paano ka natutulungan ng iyong pananampalataya? Paano ka umaasa sa Panginoon?”

Sa ilang sitwasyon, maaaring angkop na hikayatin ang taong nangangailangan na humingi ng payo o patnubay mula sa isang espirituwal na lider o isang mental health professional. Halimbawa, kung alam mo na dumadalo ang indibiduwal sa Baptist church sa inyong lugar, maaari mo siyang hikayating makipagkita sa kanilang pastor para sa payo at suporta. Maaari mo rin siya ipakausap sa inyong bishop, lokal na tanggapan ng Family Services, o iba pang sources.

Huwag matakot na humingi ng dagdag na suporta kung sa pakiramdam mo ay kailangan iyon. Ang mga mental health professional, suicide hotline, at iba pang resources ay mas magagabayan ka kapag humingi ka ng tulong.

Magbigay ng Pag-asa

Si Jesucristo ay isa sa mga pinakadakilang pinagmumulan ng pag-asa sa mundo. Para sa ilan, ang pakikipag-usap sa mga lider ng Simbahan, sa chaplain, o iba pang mga pastor ay maaaring isang karanasang nagbibigay-inspirasyon at nagpapatibay ng pananampalataya sa kabila ng kanilang mga hamon. Pero para sa isang taong nagsisimulang magduda sa kanyang pananampalataya o dumaranas ng matinding paghihirap, maaaring hindi makatulong ang matinding pagpapahayag ng pananampalataya at pag-asa sa pagkakataong ito.

Ang kadalasang pinakamainam na paraan para makapagbigay ng pag-asa sa mga nangangailangan ay ang ipakita lamang na nariyan ka para sa kanila. Dapat ay palagi kang nariyan para sa mga nahihirapan, kahit hindi ka sigurado kung ano ang dapat mong sabihin o gawin. Maaari kang magbigay ng pag-asa sa pagsasabing:

  • “Kasama mo ako; naririnig kita.”

  • “May kilala akong mga taong makakatulong.”

  • “Palagi kitang kukumustahin.”

  • “Ibibigay ko sa iyo ang panahong kailangan mo, at narito ako para tumulong at makasama mo rin.”

Tandaan na hindi mo kailangang maging perpekto para tumulong. Maaari kang tumulong sa pagpapakita lang na naroon ka.

Bilang Konklusyon

Sa paghahangad mong tumulong sa mga indibiduwal na dumaranas ng mga hamon, tandaan na ang tungkulin mo ay maglingkod at magmahal. Ipagdasal na patnubayan ka ng Panginoon kung paano pinakamainam na matutulungan ang mga indibiduwal na saklaw ng iyong ministeryo. Manampalataya habang kumikilos ka ayon sa mga pahiwatig na iyon. Humingi ng tulong at resources mula sa iyong mga espirituwal na lider at mga propesyonal sa inyong lugar. Kapag ginawa mo ito, pagpapalain ka at ang mga taong hangad mong tulungan.

Karagdagang Resources

Discussion Guide: How Can I Minister to Others During a Crisis? [Gabay sa Talakayan: Paano Ako Maaaring Mag-minister sa Iba sa Oras ng Krisis?]

Counseling Resources