1
Ang Iyong Karanasan Bilang Full-Time Missionary
1.0
Pambungad
Ang iyong misyon ay hindi nagsimula noong araw na i-set apart ka at hindi matatapos sa araw na i-release ka. Ang pagmimisyon ay hindi gaya ng pagsusuot ng uniporme sa trabaho o paaralan sa umaga para lamang tanggalin kapag natapos na ang maghapon. Mula noong binyagan ka, ikaw ay nasa landas na ng tipan na patungo sa walang-hanggang kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan. Ang iyong karanasan sa full-time mission ay maaaring magpabago sa iyo ngunit dapat ding maging mahalagang bahagi ng buong buhay mo.
Kapag pinag-isipan nang may walang-hanggang pananaw, ang iyong karanasan sa full-time mission ay higit pa sa isang listahan ng mga bagay na gagawin at mamarkahan kapag nagawa na—ito ay isang paraan para patuloy na maging disipulo ni Jesucristo habambuhay.
Nagsalita si Propetang Joseph Smith tungkol sa mga pagpapala at pribilehiyo natin kapag nagpasiya tayo na maging bahagi ng dakilang gawaing ito ng kaligtasan. Itinanong niya sa mga Banal noon, “Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas-ng-loob, mga kapatid; at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak” (Doktrina at mga Tipan 128:22).
Ikagalak ang iyong mga karanasan bilang missionary habang minamahal mo ang Diyos at ang iyong kapwa. Panahon ito para magalak at maranasan ang walang-hanggang kaligayahan at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.
1.1
Pagsunod
Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay masunurin. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ang pagsunod sa mga kautusan ay nangangahulugang gagawin mo nang kusa at tapat ang utos sa iyo ng Panginoon dahil mahal mo Siya at gagawin mo ito nang “may galak” (Colosas 1:11) at “may galak at tapat na puso” (Mga Gawa 2:46).
Si Jesucristo ang halimbawa ng perpektong katapatan. Ang kalooban lamang ng Ama ang sinunod Niya. Tularan Siya na ginagawa ang lahat sa abot ng iyong makakaya na sundin ang lahat ng Kanyang kautusan at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng missionary. Ang pagiging tapat at masunurin ay nangangahulugan din na sinisikap mong matuto, umunlad, at bumuti; itinatama agad ang mga pagkakamali; at pinananagutan ang iyong mga ginagawa.
Patuloy kang tutulungan ng mga mission leader mo na matutuhan kung paano susundin ang mga alituntunin sa hanbuk na ito.
Pinakaligtas ka kapag sinusunod mo ang mga kautusan at mga pamantayan ng missionary at mahusay na nagpapasiya. Ngunit dapat mong maunawaan na kahit sinusunod mo ang mga kautusan, makakaranas ka pa rin ng kapighatian, karamdaman, o kapinsalaan (tingnan sa Juan 16:33). Naranasan ng Tagapagligtas ang lahat ng mga bagay na ito (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8), at ipinapangako Niya, “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18).
Mahal ka ng Diyos. Piliing sundin ang mga kautusan dahil mahal mo ang Diyos. Huwag tangkaing magmungkahi sa Panginoon at mag-asam ng mga partikular na pagpapala sa pamamagitan ng pagpapabago ng ipinagagawa sa iyo. Ang mga iniuutos sa iyo na inaasahang gagawin mo ay inaprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol at matatagpuan sa mga pamantayang ito. Halimbawa, huwag mong tangkaing makipagtawaran (bargain) sa Panginoon sa pamamagitan ng paggising nang mas maaga, hindi pagkain o pag-inom (nang higit pa sa buwanang ayuno), o hindi paggawa ng mga takdang gawain para sa preparation day.
1.2
Mga Pamantayan para sa Buhay
Inaanyayahan ka ng Diyos na iukol mo ang iyong sarili sa Kanya habambuhay. Ang mga pamantayan sa mission tulad ng personal na pag-aaral, pagtatakda ng mithiin, at matuwid na paggamit ng teknolohiya ay pagpapalain ka sa iyong misyon at tutulong sa iyo habambuhay.
Hayaang ang mga kautusan sa mga banal na kasulatan, mga alituntunin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2019), at mga pamantayan ng missionary na nakabalangkas sa aklat na ito ang maging gabay na mga alituntunin mo habambuhay. Kapag sinunod mo ang mga utos at pamantayan ng Diyos, ikaw ay Kanyang papatnubayan, pagpapalain, at gagabayan habambuhay.