Ang Aking Calling bilang Primary Teacher
Mga Responsibilidad
Ang Panginoon ay nagpapasalamat sa kahandaan mong maglingkod sa Kanyang Simbahan. Nasa ibaba ang isang maikling paliwanag ng mga responsibilidad para sa iyong calling.
Layunin ng Primary
Tinutulungan ng Primary ang mga bata na madama ang pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit; matuto tungkol sa Kanyang plano ng kaligayahan; maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at madama at makilala ang Espiritu Santo at kumilos ayon sa impluwensya nito. Ang Primary ay panahon din para maghanda, gumawa, at tumupad ng mga sagradong tipan habang nakikibahagi ang mga bata sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. (Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 12.1.)
Primary Teacher
Ang pagtuturo sa mga anak ng Diyos ay isang sagradong pribilehiyo. Ang mga Primary teacher ay tinatawag na magturo at maglingkod sa isang partikular na age-group ng mga bata (tingnan sa 12.3.5). Pinag-aaralan nila ang ebanghelyo at ibinabahagi sa mga bata ang natututuhan nila. Hinihikayat ng mga guro sa Primary ang mga bata at kanilang mga pamilya na pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan. Inaanyayahan nila ang mga bata na ibahagi sa simbahan ang kanilang natututuhan sa tahanan (tingnan sa 12.2.1.2).
Klase sa Araw ng Linggo
Ang mga guro sa Primary ay nagtuturo mula sa Halika, Sumunod sa Akin. Sinusunod nila ang mga alituntunin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at sa kabanata 17 ng Pangkalahatang Hanbuk. Kapag nagtuturo ang mga adult sa mga bata sa Simbahan, dapat ay may hindi bababa sa dalawang responsableng adult na naroon (tingnan sa 12.3.5).
Mga Tuntunin at Patakaran
Lahat ng adult na naglilingkod sa mga bata at kabataan ay kailangang kumpletuhin ang training na Pagprotekta sa mga Bata at Kabataan sa loob ng isang buwan mula nang sila ay sang-ayunan (ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org). Ang mga tuntunin at patakaran tungkol sa mga batang may espesyal na mga pangangailangan, mga kinakailangan sa kaligtasan, programang Mga Bata at Kabataan, at iba pa ay matatagpuan sa bahagi 12.5 ng Pangkalahatang Hanbuk.