PJS, Apocalipsis 12:1–17 (ihambing sa Apocalipsis 12:1–17; Doktrina at mga Tipan 77)
(Ang babae [ang Simbahan], ang bata [ang kaharian ng Diyos], ang gabay na bakal [ang salita ng Diyos], ang dragon [Satanas], at si Miguel [Adan] ay ipinaliwanag. Nagpapatuloy rito sa lupa ang digmaan sa langit.)
1 At isang dakilang palatandaan ang lumitaw sa langit, kahalintulad ng mga bagay sa lupa; isang babaing nadaramitan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong na labindalawang bituin.
2 At ang babae ay nagdadalantao, ay sumigaw, nagdaramdam sa pagsisilang, at sa hirap upang magsilang.
3 At siya ay nagsilang ng anak na lalaki, na maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng gabay na bakal; at ang kanyang anak ay dinala sa Diyos at sa kanyang trono.
4 At may lumitaw na isa pang palatandaan sa langit; at masdan, isang malaking pulang dragon, na may pitong ulo at sampung sungay, at pitong putong sa kanyang mga ulo. At isinama ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin ng langit, at inihagis sila sa lupa. At ang dragon ay tumayo sa harapan ng babaing magsisilang na, na nakahandang lamunin ang kanyang anak pagkatapos itong maisilang.
5 At ang babae ay tumakas patungo sa ilang, kung saan siya ipinaghanda ng Diyos ng isang dako, upang doon ay kanilang mapangalagaan siya ng isanlibo dalawang daan at tatlong daang taon.
6 At nagkaroon ng digmaan sa langit; si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon; at ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban kay Miguel.
7 At hindi nagwagi ang dragon laban kay Miguel, ni sa anak, ni sa babae man na siyang simbahan ng Diyos, na naibsan sa kanyang mga sakit, at isinilang ang kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo.
8 Ni may dako pa mang masusumpungan sa langit para sa malaking dragon, na itinakwil; ang yaong matandang ahas na tinawag na diyablo, at tinawag ding Satanas, na lumilinlang sa buong sanlibutan; siya ay itinapon sa lupa; at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.
9 At ako ay nakarinig ng isang malakas na tinig sa langit sinasabing, Ngayon ay dumating ang kaligtasan, at kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Diyos, at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo;
10 Sapagkat itinapon na ang taga-usig ng ating mga kapatid, na nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos araw at gabi.
11 Sapagkat kanilang nadaig siya sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at ng salita ng kanilang patotoo; sapagkat hindi nila minahal ang kanilang sariling buhay, kundi matatag sa patotoo maging hanggang sa kamatayan. Samakatwid, magalak O kalangitan, at kayo na nananahan dito.
12 At matapos ang mga bagay na ito ay nakarinig ako ng isa pang tinig sinasabing, Sa aba sa mga naninirahan sa lupa, oo, at sa kanila na mga naninirahan sa mga pulo ng dagat! sapagkat ang diyablo ay bumaba sa inyo, sa matinding poot, dahil kanyang nalalaman na siya ay may maikling panahon na lamang.
13 Sapagkat nang makita ng dragon na siya ay itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nagsilang ng anak na lalaki.
14 Kaya nga, sa babae ay ibinigay ang dalawang pakpak ng isang malaking agila, upang siya ay makatakas patungo sa ilang, sa kanyang dako, kung saan siya ay kinandili ng ilang panahon, at mga panahon, at kalahati ng panahon, mula sa harapan ng ahas.
15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig katulad sa baha sa likuran ng babae, upang kanyang maipatangay siya sa baha.
16 At tinulungan ng lupa ang babae, at ibinuka ng lupa ang kanyang bibig, at nilulon ang baha na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.
17 Kaya nga, ang dragon ay nagalit sa babae, at humayo upang makidigma sa labi ng kanyang binhi, na tumutupad sa mga kautusan ng Diyos, at may patotoo kay Jesucristo.