Mga Tulong sa Pag-aaral
Pambungad


Mga Pinili mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

Ang mga sumusunod ay mga piniling bahagi ng mga Pagsasalin ni Joseph Smith sa Salin ni Haring James ng Biblia (PJS). Binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Propetang si Joseph Smith upang ibalik sa teksto ng Biblia ang katotohanan na nawala o nabago magmula noong isulat ang mga orihinal na salita. Binibigyang-linaw ng ibinalik na katotohanang ito ang doktrina at higit na pinagbuti ang pag-unawa sa banal na kasulatan. Ang mga piniling sipi para sa Gabay ay nararapat na makatulong na higit ninyong maunawaan ang mga banal na kasulatan anuman ang wikang ginamit sa pagsasalin nito.

Dahil sa ipinahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang ilang katotohanan na itinala noon ng mga orihinal na may-akda, ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay hindi tulad ng anumang pagsasalin sa Biblia sa daigdig. Sa bagay na ito, ang salitang pagsasalin ay ginamit sa higit na malawak at naiibang paraan kaysa karaniwan, sapagkat ang pagsasalin ni Joseph ay higit na maituturing na paghahayag kaysa literal na pagsasalin ng wika sa wika. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa PJS, tingnan sa “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS)” sa alpabetikong talaan ng mga paksa sa Gabay.

Ang sumusunod na halimbawa ay nagpapakita ng isang piniling bahagi mula sa PJS:

Na Halimbawa

PJS, Mateo 4:1, 5–6, 8–9 (ihambing sa Mateo 4:1, 5–6, 8–9; gayon ding mga pagbabago ang ginawa sa Lucas 4:2, 5–11)

(Si Jesus ay inakay ng Espiritu, hindi ni Satanas.)

1 Nang magkagayon ay inakay ng Espiritu si Jesus sa ilang, upang makasama ang Diyos.

5 Nang magkagayon ay dinala si Jesus sa bayang banal, at inilapag siya ng Espiritu sa taluktok ng templo.

6 Sa gayon ang diyablo ay lumapit sa kanya at nagsabi, Kung ikaw ang anak ng Diyos, magpatihulog ka: sapagkat nasusulat, Ihahabilin ka niya sa kanyang mga anghel: at aalalayan ka ng kanilang mga kamay, at baka ka matisod sa bato.

8 At muli, si Jesus ay napasa-Espiritu, at dinala siya nito sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kaluwalhatian nito.

9 At ang diyablo ay muling lumapit sa kanya, at nagsabi, Lahat ng ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.

Ang sangguniang ito na nasusulat nang mariin ay sipi mula sa pagsasalin ni Joseph Smith sa Salin ni Haring James ng Biblia. Sapagkat ibinabalik ng kanyang pagsasalin ang kaukulang ulat sa teksto ng Biblia, ang bilang ng mga talata ay maaaring naiiba sa edisyong inyong ginagamit.

Nasa mga panaklong ang mga sanggunian sa inyong Biblia na nararapat ninyong ihambing sa pagsasalin ni Joseph Smith.

Ipinaliliwanag ng paglalahad na ito kung anong doktrina ang binibigyang-linaw ni Joseph Smith sa kanyang pagsasalin.

Ito ang teksto ng pagkakasalin ni Joseph Smith.