Mga Tulong sa Pag-aaral
Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS)


Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS)

Ang pagbabago o pagsasalin ng Salin ni Haring James ng Biblia sa Ingles, na sinimulan ng Propetang si Joseph Smith noong Hunyo 1830. Inutusan siya ng Diyos na gumawa ng pagsasalin at ipalagay ito na bahagi ng kanyang tungkulin bilang isang propeta.

Bagaman halos nabuo na ni Joseph ang pagsasalin noong Hulyo 1833, nagpatuloy siya hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1844 upang gumawa ng kaunting pagsasaayos habang inihahanda ang manuskrito para sa paglalathala. Bagaman nailathala niya ang ilang bahagi ng pagsasalin sa panahon ng kanyang buong buhay, maaaring gumawa pa siya ng karagdagang pagbabago kung nabuhay pa siya upang ilathala ang buong gawain. Inilathala ng Muling Itinatag na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang unang labas ng inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith noong 1867. Naglathala sila mula sa panahong iyon ng ilang edisyon.

Natuto ng maraming bagay ang propeta sa panahon ng pagsasalin. Natanggap ang ilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan dahil sa kanyang ginagawang pagsasalin (katulad ng D at T 76, 77, 91, at 132). Gayundin, binigyan ng Panginoon si Joseph ng mga tiyak na tagubilin hinggil sa pagsasalin, na naitala sa Doktrina at mga Tipan (D at T 37:1; 45:60–61; 76:15–18; 90:13; 91; 94:10; 104:58; 124:89). Ang aklat ni Moises at Joseph Smith—Mateo, na kasama ngayon sa Mahalagang Perlas, ay kinuha mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith.

Pinanumbalik ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang ilan sa malilinaw at mahahalagang bagay na nawala mula sa Biblia (1 Ne. 13). Bagaman ito ay hindi opisyal na Biblia ng Simbahan, ito ay nagbibigay ng maraming kawili-wiling pag-unawa at napakahalaga sa pag-unawa ng Biblia. Ito rin ay isang saksi sa banal na katungkulan at paglilingkod ng Propetang si Joseph Smith.