Elijah
Isang propeta sa Lumang Tipan na bumalik sa mga huling araw upang igawad ang mga susi ng kapangyarihan ng pagbubuklod kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Sa kanyang panahon, si Elijah ay naglingkod sa Hilagang Kaharian ng Israel (1 Hari 17–22; 2 Hari 1—2). Siya ay may malaking pananampalataya sa Panginoon at kilala sa paggawa ng maraming himala. Pinigil niya ang ulan ng tatlo at kalahating taon. Ibinangon niya ang isang batang lalaki mula sa patay at pinababa ang apoy mula sa langit (1 Hari 17–18). Hinihintay pa rin ng mga taong Judio ang pagbabalik ni Elijah, katulad ng ipinopropesiya ni Malakias na siya ay magbabalik (Mal. 4:5). Nananatili siyang isang panauhing inaanyayahan sa mga pista ng paskua ng Judio, kung saan isang pintong bukas at isang bakanteng upuan ang laging naghihintay sa kanya.
Sinabi ng Propetang si Joseph Smith na si Elijah ang may hawak ng kapangyarihan ng pagbubuklod ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at siyang huling propeta na may hawak nito bago dumating ang panahon ni Jesucristo. Siya ay nagpakita sa Bundok ng Pagbabagong-anyo kasama si Moises at iginawad ang mga susi ng pagkasaserdote kina Pedro, Santiago, at Juan (Mat. 17:3). Muli siyang nagpakita, kasama si Moises at ang iba pa, noong 3 Abril 1836, sa Templo ng Kirtland Ohio at iginawad ang yaong ding mga susi kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (D at T 110:13–16). Ang lahat ng ito ay paghahanda para sa ikalawang pagparito ng Panginoon, katulad ng nabanggit sa Mal. 4:5–6.
Ang kapangyarihan ni Elijah ay kapangyarihan ng pagbubuklod ng pagkasaserdote kung saan ang mga bagay na tinalian o kinalagan sa lupa ay tatalian o kakalagan din sa langit (D at T 128:8–18). Ang mga piniling tagapaglingkod ng Panginoon sa lupa ngayon ay may ganitong kapangyarihan ng pagbubuklod at isinasagawa ang makapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo para sa mga buhay at patay (D at T 128:8).