Mga Tulong sa Pag-aaral
Aklat ni Mormon


Aklat ni Mormon

Isa sa apat na tomo ng mga banal na kasulatan na tinatanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay isang pinaikling ulat ng isang sinaunang propeta na nagngangalang Mormon sa mga talaan ng mga sinaunang nanirahan sa Amerika. Isinulat ito upang patotohanan na si Jesus ang Cristo. Hinggil sa talaang ito, ang Propetang si Joseph Smith, na siyang nagsalin nito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, ay nagsabi: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alinmang aklat” (Tingnan sa pambungad sa unahan ng Aklat ni Mormon).

Ang Aklat ni Mormon ay isang talaang may kinalaman sa relihiyon ng tatlong pangkat ng mga tao na mga nagsilikas mula sa Lumang Daigdig patungo sa mga lupalop ng Amerika. Pinamunuan ang mga pangkat na ito ng mga propeta na mga nagtala ng kanilang mga pangrelihiyon at pang-araw-araw na kasaysayan sa mga laminang metal. Natatala sa Aklat ni Mormon ang pagdalaw ni Jesucristo sa mga tao sa Amerika pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli. Dalawang daang taon ng kapayapaan ang sumunod sa pagdalaw ni Cristo.

Si Moroni, ang huli sa mga propetang Nephita na mananalaysay, ang nagtatak ng mga pinaikling talaan ng mga taong ito at itinago ito noong mga A.D. 421. Noong 1823, dinalaw ng nabuhay na mag-uling si Moroni si Joseph Smith at di naglaon ay ibinigay sa kanya ang sinauna at mga banal na talaang ito upang isalin at ilabas sa daigdig bilang isa pang tipan ni Jesucristo.