Mga Tulong sa Pag-aaral
Pedro


Pedro

Sa Bagong Tipan, si Pedro ay unang nakilalang Simeon o Simon (2 Ped. 1:1), isang mangingisda ng Betsaida at naninirahan sa Capernaum na kasama ang kanyang asawa. Pinagaling ni Jesus ang ina ng asawa ni Pedro (Mar. 1:29–31). Si Pedro ay tinawag kasama ng kanyang kapatid na si Andres na maging disipulo ni Jesucristo (Mat. 4:18–22; Mar.1:16–18; Lu. 5:1–11). Ang kanyang Aramaic na pangalan, Cephas, na nangangahulugang “isang tagakita” o “bato,” ay ibinigay sa kanya ng Panginoon (Juan 1:40–42; PJS, Juan 1:42). Samantalang sinasabi sa Bagong Tipan ang ilan sa mga kahinaan ni Pedro, inilalarawan din na kanya itong napagtagumpayan at siya ay ginawang malakas ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo.

Si Pedro ay nagpatotoo na si Jesus ang Cristo at ang Anak ng Diyos (Juan 6:68–69), at pinili siya ng Panginoon upang humawak ng mga susi ng kaharian sa mundo (Mat. 16:13–18). Sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, nakita ni Pedro ang nagbagong-anyong Tagapagligtas, gayon din sina Moises at Elias (Elijah) (Mat. 17:1–9).

Si Pedro ang punong Apostol sa kanyang araw. Matapos ang pagkamatay, pagkabuhay na mag-uli, at pagpanhik ng Tagapagligtas sa langit, tinipon niya ang Simbahan at pinamunuan ang pagtawag sa isang Apostol upang palitan si Judas Iscariote (Gawa 1:15–26). Pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking lumpo nang isilang (Gawa 3:1–16) at mahimalang napalaya sa bilangguan (Gawa 5:11–29; 12:1–19). Sa pamamagitan ng pagmiministeryo ni Pedro ang ebanghelyo ay unang nabuksan sa mga Gentil (Gawa 10–11). Sa mga huling araw, si Pedro, kasama sina Santiago at Juan, ay nanaog sa langit at iginawad ang Pagkasaserdoteng Melquisedec at ang mga susi niyon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (D at T 27:12–13; 128:20).

Unang liham ni Pedro

Isinulat ang unang liham mula sa “Babilonia” (marahil sa Roma) at ipinadala sa mga Banal sa lugar na ngayon ay tinatawag na “Asia Minor” matapos na simulang usigin ni Nero ang mga Cristiyano.

Nasasaad sa kabanata 1 ang tungkol sa pagkaka-orden sa simula pa kay Cristo bilang Manunubos. Ipinaliliwanag sa mga kabanata 2–3 na si Cristo ang punong batong panulok ng Simbahan, na ang mga Banal ay may hawak ng makaharing pagkasaserdote, at na si Cristo ay nangaral sa mga espiritu na nasa bilangguan. Ipinaliliwanag sa mga kabanata 4–5 kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangangaral sa mga patay at bakit kailangang pakainin ng mga elder ang kawan.

Pangalawang liham ni Pedro

Hinihikayat sa kabanata 1 ang mga Banal na gawing tiyak ang pagkakatawag at pagkakapili sa kanila. Nagbababala sa kabanata 2 laban sa mga huwad na guro. Nasasaad sa kabanata 3 ang huling araw at ang ikalawang pagparito ni Cristo.