David
Isang hari sa sinaunang Israel sa Lumang Tipan.
Anak si David ni Jesse ng lipi ni Juda. Isa siyang matapang na kabataan na pumatay ng isang leon, oso, at sa higanteng Filisteo na si Goliat (1 Sam. 17). Pinili at pinahiran ng langis si David upang maging hari ng Israel. Tulad ni Saul, sa katanghalian ng kanyang buhay siya ay nagkasala ng mabibigat, subalit, hindi tulad ni Saul, siya ay may kakayahang tunay na magsisi. Samakatwid nakatagpo siya ng kapatawaran, maliban sa pagpaslang kay Uria (D at T 132:39). Ang buhay niya ay maaaring hatiin sa apat na yugto: (1) sa Betlehem kung saan siya naging pastol (1 Sam. 16–17); (2) sa hukuman ni Haring Saul (1 Sam. 18–19:18); (3) bilang isang palaboy (1 Sam. 19:18–31:13; 2 Sam. 1:1—27); (4) bilang hari ng Juda at Hebron (2 Sam. 2–4), at di naglaon naging hari ng buong Israel (2 Sam. 5–24; 1 Hari 1:1—2:11).
Ang salang pakikiapid ni David kay Bath-sheba ay sinundan ng sunud-sunod na kamalasan na puminsala sa nalalabing dalawampung taon ng kanyang buhay. Sa kabuuan ang bansa ay umunlad sa panahon ng kanyang paghahari, subalit pinagdusahan din ni David ang ibinunga ng kanyang mga kasalanan. Nagkaroon ng malimit na alitan sa mag-anak, na, sa ganang pangyayari kina Absalom at Adonias, ay nagwakas sa hantarang paghihimagsik. Ang mga pangyayaring ito ay katuparan ng ipinahayag ng propetang si Nathan kay David dahil sa kanyang mga kasalanan (2 Sam. 12:7–13).
Sa kabila ng mga kasawiang ito, ang paghahari ni David ang pinakamaningning sa kasaysayan ng Israel, sapagkat (1) napag-isa niya ang mga lipi sa iisang bansa, (2) napagtibay niya ang di mapag-aalinlangang pag-aari ng bayan, (3) ibinatay niya ang pamahalaan sa tunay na relihiyon kung kaya nga’t ang kalooban ng Diyos ang naging batas ng Israel. Sa mga kadahilanang ito, di naglaon ang paghahari ni David ay ipinalagay na siyang ginintuang panahon ng bansa at ang uri ng higit na maluwalhating panahon kapag pumarito na ang Mesiyas (Is. 16:5; Jer. 23:5; Ez. 37:24–28).
Inilalarawan ng buhay ni David ang pangangailangan ng lahat ng tao na manatili hanggang wakas sa kabutihan. Sa kabataan, siya ay sinasabing isang taong ayon sa “sariling puso” ng Panginoon (1 Sam. 13:14); sa katanghaliang gulang, nakapangusap siya sa pamamatnubay ng Espiritu at nakatanggap ng maraming paghahayag. Subalit nagbayad siya ng malaki dahil sa kanyang pagsuway sa mga kautusan ng Diyos (D at T 132:39).