Tulad ng pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ang magbayad-sala ay pagdusahan ang kaparusahan sa paggawa ng kasalanan, sa gayon inaalis ang mga ibubunga ng kasalanan mula sa nagsisising makasalanan at pinahihintulutan siyang makipagkasundo sa Diyos. Si Jesucristo ang tanging may kakayahang gumanap ng isang ganap na pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan. Nagawa niya yaon dahil sa pagkakapili sa kanya at pagkakaorden sa Dakilang Kapulungan bago pa itinatag ang daigdig (Eter 3:14; Moi. 4:1–2; Abr. 3:27), sa kanyang banal na pagiging Anak, at sa kanyang walang salang buhay. Kabilang sa kanyang pagbabayad-sala ang pagdurusa niya para sa mga kasalanan ng sangkatauhan sa Halamanan ng Getsemani, ang pagbubuhos ng kanyang dugo, at kanyang kamatayan at kasunod na pagkabuhay na mag-uli mula sa libingan (Is. 53:3–12; Mos. 3:5–11; Alma 7:10–13). Dahil sa Pagbabayad-sala, lahat ng tao ay babangon mula sa kamatayan na may mga katawang walang kamatayan (1 Cor. 15:22). Ang Pagbabayad-sala ay nagbibigay-daan din sa atin upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at mabuhay magpakailanman kasama ng Diyos. Subalit ang isang tao na nasa gulang na ng pananagutan at nakatanggap ng batas ay matatanggap lamang ang mga pagpapalang ito kung siya ay may pananampalataya kay Jesucristo, nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, tinatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan, at sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Yaong wala pa sa gulang ng pananagutan at yaong mga walang batas ay matutubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala (Mos. 15:24–25; Moro. 8:22). Malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan na kung hindi nagbayad-sala si Cristo para sa ating mga kasalanan, walang batas, ordenansa, o sakripisyo ang makatutugon sa mga hinihingi ng katarungan, at hindi kailanman makababalik ang tao sa kinaroroonan ng Diyos (2 Ne. 2; 9).