Hain
Noong sinaunang panahon, ang sakripisyo’y nangangahulugan ng pagpapabanal ng isang bagay o isang tao. Ito ngayon ay nangangahulugang isusuko o hahayaan ang pagkawala ng mga bagay sa mundo alang-alang sa Panginoon at sa kanyang kaharian. Ang mga kasapi ng Simbahan ng Panginoon ay nararapat na maging handa sa pagsasakripisyo ng lahat ng bagay alang-alang sa Panginoon. Itinuro ni Joseph Smith na “ang isang relihiyong hindi nangangailangan ng sakripisyo sa lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan na makapagbigay ng pananampalatayang kinakailangan ng buhay at kaligtasan.” Sa isang walang hanggang pananaw, ang mga pagpapalang natatamo sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ay nakahihigit sa anumang bagay na isinuko.
Pagkaraang palayasin sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, ibinigay sa kanila ng Panginoon ang batas ng Phahain. Sinasaklaw ng batas na ito ang paghahandog ng mga panganay ng kanilang mga kawan. Sumasagisag ang paghahaing ito sa sakripisyong gagawin ng Bugtong na Anak ng Diyos (Moi. 5:4–8). Nagpatuloy ang kaugaliang ito hanggang sa pagkamatay ni Jesucristo, na nagwakas sa paghahain ng hayop bilang isang ordenansa ng ebanghelyo (Alma 34:13–14). Sa Simbahan ngayon, ang mga kasapi ay bumabahagi ng sakramento ng tinapay at tubig bilang paggunita sa pagsasakripisyo ni Jesucristo. Hinihingi rin sa mga kasapi ng Simbahan ni Cristo ngayon ang paghahain ng isang bagbag na puso at isang nagsisising espiritu (3 Ne. 9:19–22). Ang ibig sabihin nito, sila ay nagpapakumbaba, nagsisisi, at handang sumunod sa mga kautusan ng Diyos.