Bahagi 97
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Agosto 2, 1833. Partikular na tinatalakay ng paghahayag na ito ang pamumuhay ng mga Banal sa Sion, Jackson County, Missouri, bilang tugon sa paghingi ng Propeta ng kaalaman mula sa Panginoon. Sa panahong ito, ang mga kasapi ng Simbahan sa Missouri ay nakararanas ng matinding pag-uusig at, noong Hulyo 23, 1833, napilitang lumagda sa isang kasunduang lisanin ang Jackson County.
1–2, Marami sa mga Banal sa Sion (Jackson County, Missouri) ang pinagpapala dahil sa kanilang katapatan; 3–5, Pinupuri si Parley P. Pratt dahil sa kanyang mga gawain sa paaralan ng Sion; 6–9, Tinatanggap ng Panginoon ang mga yaong tumutupad sa kanilang mga tipan; 10–17, Isang bahay ang itatayo sa Sion kung saan makikita ng mga may dalisay na puso ang Diyos; 18–21, Ang Sion ay ang may dalisay na puso; 22–28, Matatakasan ng Sion ang hagupit ng Panginoon kung tapat siya.
1 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo na aking mga kaibigan, ako ay nangungusap sa inyo sa aking tinig, maging ang tinig ng aking Espiritu, upang aking maipaalam sa inyo ang aking kalooban hinggil sa mga kapatid ninyo sa lupain ng Sion, marami sa kanila ay tunay na mapagpakumbaba at masigasig na naghahangad na magtamo ng karunungan at matagpuan ang katotohanan.
2 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, pinagpala ang mga gayon, sapagkat sila ay magtatamo; sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagpapakita ng awa sa lahat ng maaamo, at sa lahat ng sinumang aking nanaisin, upang ako ay mabigyang-katwiran sa pagsapit ng pagdadala ko sa kanila sa paghahatol.
3 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, hinggil sa paaralan sa Sion, ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod na magkakaroon ng paaralan sa Sion, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Parley P. Pratt, dahil sa siya ay nananatiling tapat sa akin.
4 At yamang siya ay nagpapatuloy sa pananatiling tapat sa akin, magpapatuloy siya sa pamumuno sa paaralan sa lupain ng Sion hanggang sa ako ay magbigay sa kanya ng iba pang mga kautusan.
5 At akin siyang pagpapalain ng katakut-takot na pagpapala, sa pagpapaliwanag ng lahat ng banal na kasulatan at mga hiwaga para sa pagpapabanal ng paaralan, at ng simbahan sa Sion.
6 At sa natitira sa paaralan, ako, ang Panginoon, ay handang magpakita ng awa; gayunpaman, may mga yaong talagang kinakailangang parusahan, at ang kanilang mga gawa ay ibubunyag.
7 Ang palakol ay nakaumang sa ugat ng mga punungkahoy; at bawat punungkahoy na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.
8 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang lahat sa kanila na nababatid na ang kanilang mga puso ay tapat, at bagbag, at ang kanilang mga kaluluwa ay nagsisisi, at handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng pag-aalay—oo, bawat pag-aalay na ako, ang Panginoon, ay iuutos—tinatanggap ko sila.
9 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay iuutos sa kanila na mamunga tulad ng isang labis na mabungang punungkahoy na itinatanim sa isang magandang lupain, sa tabi ng isang dalisay na sapa, na nagbubunga ng lubos na mahahalagang bunga.
10 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na aking kalooban na isang bahay ang nararapat itayo para sa akin sa lupain ng Sion, tulad ng huwarang ibinigay ko sa inyo.
11 Oo, kaagad itong itayo, sa pamamagitan ng ikapu ng aking mga tao.
12 Dinggin, ito ang ikapu at ang pag-aalay na hinihingi ko, ang Panginoon, sa kanilang mga kamay, upang magkaroon ng isang bahay na nakatayo para sa akin para sa kaligtasan ng Sion—
13 Bilang isang lugar ng pagpapasalamat para sa lahat ng banal, at bilang isang lugar ng pagtuturo para sa lahat ng yaong tinatawag sa gawain ng paglilingkod sa lahat ng kanilang iba’t ibang tungkulin at katungkulan;
14 Upang sila ay maging ganap sa pag-unawa sa kanilang paglilingkod, sa teorya, sa alituntunin, at sa doktrina, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo, ang mga susi ng kahariang ito ay iginawad sa inyo.
15 At yamang ang aking mga tao ay nagtatayo ng isang bahay para sa akin sa pangalan ng Panginoon, at hindi ipahihintulot ang anumang maruming bagay na pumasok dito, nang hindi ito madungisan, ang aking kaluwalhatian ay mananatili rito;
16 Oo, at ako ay paroroon, dahil papasok ako roon, at ang lahat ng may dalisay na puso na papasok doon ay makikita ang Diyos.
17 Ngunit kung ito ay madungis, hindi ako papasok doon, at ang aking kaluwalhatian ay hindi paroroon; sapagkat hindi ako papasok sa mga hindi banal na templo.
18 At, ngayon, dinggin, kung gagawin ng Sion ang mga bagay na ito ay uunlad siya, at ikakalat ang kanyang sarili at magiging napakamaluwalhati, napakadakila, at napakakakila-kilabot.
19 At igagalang siya ng mga bansa sa mundo, at sasabihing: Tiyak na ang Sion ang lungsod ng ating Diyos, at tiyak na ang Sion ay hindi babagsak, ni maaalis mula sa kanyang lugar, sapagkat ang Diyos ay naroroon, at ang kamay ng Panginoon ay naroroon;
20 At siya ay nanumpa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang lakas na maging kaligtasan niya at mataas na tore niya.
21 Samakatwid, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, ang Sion ay magsaya, sapagkat ito ang Sion—ang may dalisay na puso; kaya nga, ang Sion ay magsaya, samantalang magdadalamhati ang lahat ng masama.
22 Sapagkat dinggin, at makinig, ang paghihiganti ay mabilis na sasapit sa mga hindi maka-diyos na tulad ng buhawi; at sino ang makatatakas dito?
23 Ang hagupit ng Panginoon ay manghahampas sa gabi at sa araw, at ang ulat niyon ay magpapabalisa sa lahat ng tao; oo, at hindi ito mapatitigil hanggang sa pumarito ang Panginoon;
24 Sapagkat ang pagkapoot ng Panginoon ay nagsisiklab laban sa kanilang mga karumal-dumal na gawain at sa lahat ng kanilang masasamang gawain.
25 Gayunpaman, ang Sion ay makatatakas kung kanyang tutuparing gawin ang lahat ng bagay anuman ang iniuutos ko sa kanya.
26 Subalit kung hindi niya tutuparing gawin ang anumang iniuutos ko sa kanya, akin siyang dadalawin alinsunod sa lahat kanyang mga gawa, ng matinding pagpapahirap, ng peste, ng salot, ng espada, ng paghihiganti, ng lumalagablab na apoy.
27 Gayunpaman, basahin ito nang minsan sa kanyang mga pandinig, na ako, ang Panginoon, ay tinatanggap ang kanyang handog; at kung siya ay hindi na magkakasala pa, wala sa mga bagay na ito ang sasapit sa kanya;
28 At akin siyang pagpapalain ng mga pagpapala, at pararamihin ang katakut-takot na pagpapala sa kanya, at sa kanyang mga salinlahi magpakailanman at walang katapusan, wika ng Panginoon ninyong Diyos. Amen.