Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 7


Bahagi 7

Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Oliver Cowdery, sa Harmony, Pennsylvania, Abril 1829, nang magtanong sila sa pamamagitan ng Urim at Tummim kung si Juan, ang pinakamamahal na disipulo, ay nanatili sa katawang-lupa o namatay. Ang paghahayag ay isang naisaling salaysay ng talang isinulat ni Juan sa pergamino at ikinubli rin niya.

1–3, Mananatiling buhay si Juan, ang Pinakamamahal, hanggang sa pumarito ang Panginoon; 4–8, Sina Pedro, Santiago, at Juan ang may hawak ng mga susi ng ebanghelyo.

1 At sinabi ng Panginoon sa akin: Juan, aking pinakamamahal, ano ang ninanais mo? Sapagkat kung iyong hihilingin ang ninanais mo, ito ay ipagkakaloob sa iyo.

2 At sinabi ko sa kanya: Panginoon, ibigay po ninyo sa akin ang kapangyarihang daigin ang kamatayan, upang ako po ay mabuhay at makapagdala ng mga kaluluwa sa inyo.

3 At sinabi ng Panginoon sa akin: Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, dahil ninanais mo ito, ikaw ay mananatili hanggang sa pumarito ako sa aking kaluwalhatian, at magpopropesiya sa mga bansa, lahi, wika, at tao.

4 At sa dahilang ito, ang Panginoon ay nagsabi kay Pedro: Kung kalooban ko na siya ay manatili hanggang sa pumarito ako, ano ito sa iyo? Sapagkat hiniling niya sa akin na makapagdala siya ng mga kaluluwa sa akin, subalit ikaw ay humiling na kaagad kang makatungo sa akin sa kaharian ko.

5 Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ito ay isang mabuting naisin; subalit ang aking pinakamamahal ay nagnais na makagawa pa siya nang higit pa, o mas dakila pang gawain sa mga tao kaysa sa nagawa na niya.

6 Oo, isasagawa niya ang isang higit na dakilang gawain; kaya nga gagawin ko siyang tulad ng nagliliyab na apoy at isang naglilingkod na anghel; maglilingkod siya para sa mga yaong magmamana ng kaligtasan na naninirahan sa mundo.

7 At ikaw ay aking itatalaga na maglingkod para sa kanya at para sa iyong kapatid na si Santiago; at sa inyong tatlo ko ipagkakaloob ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng ministeryong ito hanggang sa ako ay pumarito.

8 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kapwa ninyo tatanggapin ang naaayon sa inyong mga ninanais, sapagkat kapwa kayo nagagalak sa yaong inyong ninais.