Mga Banal na Kasulatan
Pambungad


Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan ay isang katipunan ng mga banal na paghahayag at nagbibigay-inspirasyong pagpapahayag na ipinagkaloob para sa pagtatatag at pamamalakad ng kaharian ng Diyos sa mundo sa mga huling araw. Bagaman karamihan ng mga bahagi ay patungkol sa mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga mensahe, babala, at pangaral ay para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan at naglalaman ng isang paanyaya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo, na nangungusap sa kanila para sa kanilang temporal na kabutihan at kanilang walang katapusang kaligtasan.

Karamihan sa mga paghahayag sa kalipunang ito ay natanggap sa pamamagitan ni Joseph Smith, Jr., ang unang propeta at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang iba ay inilabas sa pamamagitan ng ilan sa kanyang mga kahalili sa Panguluhan (tingnan ang mga ulo ng D at T 135, 136, at 138, at Opisyal na Pahayag 1 at 2).

Ang aklat na Doktrina at mga Tipan ay isa sa mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan kasama ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang Mahalagang Perlas. Gayunpaman, namumukod-tangi ang Doktrina at mga Tipan sapagkat hindi ito pagsasalin ng isang sinaunang kasulatan, sa halip ay moderno ang pinagmulan at ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling propeta para sa pagpapanumbalik ng Kanyang banal na gawain at sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mundo sa mga panahong ito. Sa mga paghahayag, maririnig ang magiliw datapwat tiyak na tinig ng Panginoong Jesucristo, nangungusap na muli sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon; at ang gawaing pinasisimulan dito ay paghahanda sa Kanyang Ikalawang Pagparito sa katuparan at nang naaayon sa mga salita ng lahat ng banal na propeta mula pa noong nagsimula ang daigdig.

Si Joseph Smith, Jr. ay isinilang noong Disyembre 23, 1805, sa Sharon, Windsor County, Vermont. Noong kabataan niya, lumipat siya kasama ang kanyang mag-anak sa lugar na Manchester sa kasalukuyang araw, sa kanlurang New York. Habang naninirahan siya rito noong tagsibol ng 1820, noong siya ay labing-apat na taong gulang, naranasan niya ang kanyang unang pangitain, kung saan personal siyang dinalaw ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at ng kanyang Anak na si Jesucristo. Sinabihan siya sa pangitaing ito na ang tunay na Simbahan ni Jesucristo na itinatag noong kapanahunan ng Bagong Tipan, at siyang namahala sa kabuuan ng ebanghelyo, ay wala na sa mundo. Iba pang mga banal na pagpapakita ang sumunod kung saan tinuruan siya ng maraming anghel; ipinakita sa kanya na ang Diyos ay may natatanging gawain para sa kanya sa mundo at na sa pamamagitan niya, ang Simbahan ni Jesucristo ay ipanunumbalik sa mundo.

Sa paglipas ng panahon, si Joseph Smith ay tinulungan ng kalangitan na makapagsalin at mailathala ang Aklat ni Mormon. Sa panahon ding ito, siya at si Oliver Cowdery ay inorden sa Pagkasaserdoteng Aaron ni Juan Bautista noong Mayo 1829 (tingnan sa D at T 13), at hindi nagtagal pagkatapos noon ay inorden din sa Pagkasaserdoteng Melquisedec ng mga sinaunang apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa D at T 27:12). Iba pang mga pag-oorden ang sumunod kung saan ang mga susi ng pagkasaserdote ay iginawad sa kanila nina Moises, Elijah, Elias, at maraming sinaunang propeta (tingnan sa D at T 110; 128:18, 21). Ang mga pag-oorden na ito, sa katunayan, ay pagpapanumbalik ng banal na kapangyarihan sa tao sa mundo. Noong Abril 6, 1830, sa ilalim ng tagubilin mula sa kalangitan, itinatag ng Propetang si Joseph Smith ang Simbahan, at sa gayon, ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay muling umiral bilang isang samahan sa mga tao, lakip ang kapangyarihang ituro ang ebanghelyo at pamahalaan ang mga ordenansa ng kaligtasan. (Tingnan sa D at T 20 at sa Mahalagang Perlas, Joseph Smith—Kasaysayan 1.)

Ang mga sagradong paghahayag na ito ay natanggap bilang kasagutan sa panalangin, sa mga panahon ng pangangailangan, at mula sa mga pangyayari sa tunay na buhay na kinabibilangan ng mga tunay na tao. Ang Propeta at ang kanyang mga kasama ay naghangad ng banal na patnubay, at nagpapatunay ang mga paghahayag na ito na natanggap nila ito. Sa mga paghahayag, nakikita ang pagpapanumbalik at ang paglalahad ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ipinapakita rin sa mga paghahayag na ito ang pakanlurang paglalakbay ng Simbahan mula New York at Pennsylvania, patungo sa Ohio, sa Missouri, sa Illinois, at sa huli sa Great Basin ng kanlurang Amerika at ang matitinding pagpupunyagi ng mga Banal sa pagtatangkang maitayo ang Sion sa mundo sa makabagong panahon.

Marami sa mga naunang bahagi ay kinabibilangan ng mga bagay-bagay tungkol sa pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon (tingnan sa mga bahagi 3, 5, 10, 17, at 19). Inilalarawan ng ilan sa mga huling bahagi ang gawain ng Propetang si Joseph Smith sa paggawa ng isang inspiradong pagsasalin ng Biblia, kung kailan natanggap ang marami sa mga dakilang bahagi na tungkol sa mga doktrina (halimbawa, tingnan sa mga bahagi 37, 45, 73, 76, 77, 86, 91, at 132, kung saan ang bawat isa ay may direktang kinalaman sa pagsasalin sa Biblia).

Sa mga paghahayag, itinatanghal ang mga doktrina ng ebanghelyo lakip ang mga paliwanag tungkol sa mga pangunahing bagay-bagay tulad ng katangian ng Panguluhang Diyos, ang pinagmulan ng tao, ang katotohanan ni Satanas, ang layunin ng buhay sa mundo, ang pangangailangan sa pagsunod, ang pangangailangan sa pagsisisi, ang mga gawain ng Banal na Espiritu, ang mga ordenansa at gawain na nauukol sa kaligtasan, ang tadhana ng mundo, ang kalagayan ng tao sa hinaharap pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli at ng Paghuhukom, ang walang hanggang ugnayan ng kasal, at ang walang katapusang katangian ng mag-anak. Gayundin, ipinapakita ang unti-unting paglalahad ng balangkas ng pangangasiwa ng Simbahan sa pagtawag ng mga obispo, ng Unang Panguluhan, ng Kapulungan ng Labindalawa, at ng Pitumpu, at ng pagtatatag ng iba pang mga namumunong katungkulan at korum. Panghuli, ang patotoong ibinibigay tungkol kay Jesucristo—ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang kamaharlikaan, ang Kanyang kasakdalan, ang Kanyang pagmamahal, at ang Kanyang kapangyarihang tumubos—ay nagbibigay sa aklat na ito ng dakilang kahalagahan sa mga angkan ng tao at “kasinghalaga sa Simbahan ng mga kayamanan ng buong Mundo” (tingnan sa ulo ng D at T 70).

Sa simula, itinala ng mga tagasulat ni Joseph Smith ang mga paghahayag, at masigasig na ibinahagi ng mga kasapi ng Simbahan ang mga kopyang sulat-kamay sa isa’t isa. Upang lumikha ng isang higit na permanenteng tala, kinopya ng mga tagasulat ang mga paghahayag na ito sa manuskritong talaan, na ginamit ng mga pinuno ng Simbahan sa paghahanda sa paglilimbag sa mga paghahayag. Itinuring ni Joseph at ng mga naunang Banal ang mga paghahayag na katulad ng Simbahan: buhay, mapabubuti, at mapahuhusay sa tulong ng karagdagang paghahayag. Nabatid din nila na malamang na may mga nangyaring hindi sinasadyang pagkakamali sa proseso ng pagkopya sa mga paghahayag at sa paghahanda sa mga ito sa paglalathala. Kaya nga, hiniling sa isang pagpupulong sa Simbahan noong 1831 kay Joseph Smith na “iwasto ang mga yaong pagkakamali o pagkukulang na matutuklasan niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.”

Matapos marepaso at maiwasto ang mga paghahayag, nagsimula ang mga kasapi ng Simbahan sa Missouri sa paglilimbag sa isang aklat na pinamagatang A Book of Commandments for the Government of the Church of Christ, na naglalaman sa marami sa mga naunang paghahayag ng Propeta. Gayunman, nagwakas ang unang pagtatangkang mailimbag ang mga paghahayag noong winasak ng isang grupo ng mga tao ang palimbagan ng mga Banal sa Jackson County noong Hulyo 20, 1833.

Nang marinig ang pagkawasak ng palimbagan sa Missouri, nagsimula si Joseph Smith at ang ibang mga pinuno sa Simbahan sa paghahandang mailathala ang mga paghahayag sa Kirtland, Ohio. Upang maiwastong muli ang mga pagkakamali, mapalinaw ang mga salita, at maipakita ang mga pagbabago sa doktrina at pagsasaayos sa Simbahan, pinangasiwaan ni Joseph Smith ang pagpapatnugot sa teksto ng ilang paghahayag upang maihanda ang mga ito para sa paglalathala noong 1835 bilang ang Doctrine and Covenants of the Church of the Latter Day Saints [Doktrina at mga Tipan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw]. Pinahintulutan ni Joseph Smith ang isa pang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, na inilathala ilang buwan lang ang nakararaan mula sa pagkamartir ng Propeta noong 1844.

Ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw ay pinahalagahan ang mga paghahayag at itinuring ang mga ito na mga mensahe mula sa Diyos. Sa isang okasyon noong huling bahagi ng 1831, maraming elder sa Simbahan ang nagbigay ng tapat na patotoo na pinatotohanan ng Panginoon sa kanilang mga kaluluwa ang katotohanan ng mga paghahayag. Ang patotoong ito ay inilathala sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan bilang ang nasusulat na patotoo ng Labindalawang Apostol:

Patotoo ng
Labindalawang Apostol tungkol sa Katotohan ng
Aklat na Doktrina at mga Tipan

Ang Patotoo ng mga Saksi sa Aklat ng mga Kautusan ng Panginoon, na mga kautusang Kanyang ipinagkaloob sa Simbahan Niya sa pamamagitan ni Joseph Smith, Jun, na siyang hinirang ng tinig ng Simbahan para sa layuning ito:

Kami, anupa’t nakahandang magpatotoo sa buong daigdig ng sangkatauhan, sa bawat nilalang sa ibabaw ng lupa, na ang Panginoon ay nagpatotoo sa aming mga kaluluwa, sa pamamagitan ng Espiritu Santo na napasaamin, na ang mga kautusang ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa lahat ng tao at tunay na totoo.

Aming ibinibigay ang patotoong ito sa daigdig, ang Panginoon ang katuwang namin; at ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na pinahintulutan kaming magkaroon ng pribilehiyong ipatotoo ito sa daigdig, na aming labis na ikinagagalak, nananalangin sa Panginoon sa tuwina na ang mga anak ng tao ay makinabang dito.

Ang mga pangalan ng Labindalawa ay:

  • Thomas B. Marsh

  • David W. Patten

  • Brigham Young

  • Heber C. Kimball

  • Orson Hyde

  • William E. McLellin

  • Parley P. Pratt

  • Luke S. Johnson

  • William Smith

  • Orson Pratt

  • John F. Boynton

  • Lyman E. Johnson

Sa mga sumunod na edisyon ng Doktrina at mga Tipan, idinagdag ang mga karagdagang paghahayag o iba pang mga bagay na dapat itala, kapag tinanggap at sinang-ayunan ng mga awtorisadong pagpupulong o kumperensya sa Simbahan. Sa edisyong 1876, na inihanda ni Elder Orson Pratt sa ilalim ng pangangasiwa ni Brigham, pinagsunod-sunod ang mga paghahayag nang ayon sa kronolohiya at naglagay ng mga bagong ulo na may pangkasaysayang pambungad.

Simula sa edisyong 1835, isang serye ng pitong teolohikal na mga aralin ang isinama rin; ang mga ito ay pinamagatang Lectures on Faith. Inihanda ang mga ito para sa paggamit sa Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio, mula 1834 hanggang 1835. Bagaman makatutulong sa pag-aaral ng mga doktrina at sa pagtuturo, inalis ang mga panayam na ito mula sa Doktrina at mga Tipan mula noong edisyon 1921 dahil ang mga ito ay hindi ibinigay o iniharap bilang mga paghahayag para sa buong Simbahan.

Sa Ingles na edisyong 1981 ng Doktrina at mga Tipan, tatlong dokumento ang isinama sa unang pagkakataon. Ang mga ito ay ang mga bahagi 137 at 138, na iniuulat ang mga pangunahing doktrina hinggil sa kaligtasan ng mga patay; at ang Opisyal na Pahayag 2, ipinababatid na ang lahat ng karapat-dapat na lalaking kasapi ng Simbahan ay maoorden sa pagkasaserdote nang hindi inaalintana ang lahi o kulay.

Ang bawat bagong edisyon ng Doktrina at mga Tipan ay iniwawasto ang mga dating pagkakamali at nagdaragdag ng bagong kaalaman, lalo na sa mga bahaging pangkasaysayan ng mga ulo ng bahagi. Higit pang tinatama ng kasalukuyang edisyon ang mga petsa at pangalan ng mga lugar at iba pang pagwawasto. Ginawa ang mga pagbabagong iyon para umayon ang teksto sa mga pinakatumpak na kaalamang pangkasaysayan. Kabilang sa iba pang espesyal na katangian ng pinakahuling edisyon na ito ang mga iniwastong mapa na ipinapakita ang mahahalagang heograpikal na lokasyon kung saan natanggap ang mga paghahayag, pati ang mga inayos na larawan ng mga pook na tampok sa kasaysayan ng Simbahan, mga cross reference, ulo ng mga bahagi, at buod ng mga paksa, lahat ay nilkha para tulungan ang mga mambabasa na maunawaan at magalak sa mensahe ng Panginoon na ibinigay sa Doktrina at mga Tipan. Ang mga kaalamang nasa mga ulo ng bahagi ay kinuha mula sa Manuscript History ng Simbahan at sa nakalathalang History of the Church (na parehong tinatawag sa mga ulo ng bahagi ng kasaysayan ni Joseph Smith) at sa Joseph Smith Papers.