Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 86


Bahagi 86

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Disyembre 6, 1832. Natanggap ang paghahayag na ito habang nirerepaso at pinapamatnugutan ng Propeta ang manuskrito ng pagsasalin ng Biblia.

1–7, Ibinibigay ng Panginoon ang kahulugan ng talinghaga ng trigo at mga agingay; 8–11, Kanyang ipinaliliwanag ang mga pagpapala ng pagkasaserdote sa mga yaong tagapagmana alinsunod sa batas ayon sa laman.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo na aking mga tagapaglingkod, hinggil sa talinghaga ng trigo at ng mga agingay:

2 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko, ang bukid ay ang daigdig, at ang mga apostol ang mga tagahasik ng binhi;

3 At matapos silang makatulog, ang matinding taga-usig ng simbahan, ang nag-apostasiya, ang patutot, maging ang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng bansa sa kanyang saro, sa kung kaninong mga puso ang kaaway, maging si Satanas, ay umuupo upang maghari—dinggin, naghahasik siya ng mga agingay; anupa’t sinasakal ng mga agingay ang trigo at tinatangay ang simbahan sa ilang.

4 Subalit dinggin, sa mga huling araw, maging ngayon, habang ang Panginoon ay nagsisimulang ipalaganap ang salita, at ang dahon ay sumisibol at mura pa—

5 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang mga anghel ay nagsusumamo sa Panginoon araw at gabi, sila na mga handa na at naghihintay na isugo na gapasin ang mga bukid;

6 Subalit sinasabi ng Panginoon sa kanila, huwag bubunutin ang mga agingay habang ang dahon ay mura pa (sapagkat katotohanan, ang inyong pananampalataya ay mahina), sapagkat baka mapinsala rin ninyo ang trigo.

7 Samakatwid, palalakihing magkakasama ang trigo at ang mga agingay hanggang sa panahong ganap nang mahinog ang mga ani; pagkatapos ay una ninyong titipunin ang trigo mula sa mga agingay, at pagkatapos ng pagtitipon ng trigo, dinggin at makinig, nakabungkos ang mga agingay, at ang bukid na maiiwan ay susunugin.

8 Anupa’t ganito ang wika ng Panginoon sa inyo, kung kanino ang pagkasaserdote ay nagpapatuloy sa angkan ng inyong mga ama—

9 Sapagkat kayo ay mga tagapagmana alinsunod sa batas, ayon sa laman, at naitago ng Diyos mula sa daigdig kasama ni Cristo—

10 Samakatwid, ang inyong buhay at ang pagkasaserdote ay nananatili, at talagang kinakailangang manatili sa pamamagitan ninyo at ng inyong angkan hanggang sa pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na winika ng mga bibig ng lahat ng banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig.

11 Samakatwid, pinagpala kayo kung magpapatuloy kayo sa aking kabutihan, isang ilaw sa mga Gentil, at sa pamamagitan ng pagkasaserdoteng ito, isang tagapagligtas sa aking mga taong Israel. Ang Panginoon ang nagwiwika nito. Amen.