Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 129


Bahagi 129

Mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Nauvoo, Illinois, ika-9 ng Pebrero 1843, ipinabatid ang tatlong dakilang susi kung paano ang tunay na pagkatao ng mga naglilingkod na anghel at espiritu ay maaaring makilala ang pagkakaiba (History of the Church, 5:267).

1–3, May kapwa nabuhay na mag-uli at mga katawang espiritu sa langit; 4–9, Mga susi ay ibinigay kung paano ang mga sugo mula sa kabila ng tabing ay maaaring makilala.

1 May dalawang uri ng nilikha sa langit, alalaong baga’y: Mga anghel, na mga nabuhay na mag-uling tao, may mga katawang laman at mga buto—

2 Halimbawa, sinabi ni Jesus: Hawakan ako at tingnan, sapagkat ang espiritu ay walang laman at mga buto, tulad ng nakikita ninyong mayroon ako.

3 Pangalawa: ang mga espiritu ng mga makatarungang tao na ginawang ganap, sila na hindi nabuhay na mag-uli, subalit nagmana ng gayon ding kaluwalhatian.

4 Kapag ang isang sugo ay dumating na nagsasabing siya ay may mensahe mula sa Diyos, iabot sa kanya ang iyong kamay at hilingin sa kanya na makipagkamay sa iyo.

5 Kung siya man ay isang anghel gagawin niya ito, at mararamdaman ninyo ang kanyang kamay.

6 Kung siya man ay espiritu ng isang makatarungang tao na ginawang ganap siya ay darating sa kanyang kaluwalhatian; sapagkat iyon lamang ang tanging paraan upang siya ay makapagpakita—

7 Hilingin sa kanya na makipagkamay sa inyo, subalit siya ay hindi gagalaw, sapagkat salungat sa patakaran ng langit para sa isang makatarungang tao na manlinlang; subalit kanya pa ring ibibigay ang kanyang mensahe.

8 Kung ito ay diyablo na parang anghel ng liwanag, kapag siya ay hinilingan ninyong makipagkamay ay kanyang iaabot sa inyo ang kanyang kamay, at wala kayong mararamdamang anuman; kaya nga’t maaari ninyo siyang makilala.

9 Ang mga ito ang tatlong dakilang susi kung paano ninyo malalaman kung ang alinmang pangangasiwa ay mula sa Diyos.