Bahagi 66
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Oktubre 29, 1831. Palihim na hiniling ni William E. McLellin sa Panginoon na ipaalam sa pamamagitan ng Propeta ang sagot sa limang tanong, na hindi nalalaman ni Joseph Smith. Sa kahilingan ni McLellin, ang Propeta ay nagtanong sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na ito.
1–4, Ang walang hanggang tipan ang kabuuan ng ebanghelyo; 5–8, Ang mga elder ay mangangaral, magpapatotoo, at magpapaliwanag sa mga tao; 9–13, Tinitiyak ng matapat na paglilingkod sa ministeryo ang mana na buhay na walang hanggan.
1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa aking tagapaglingkod na si William E. McLellin—Pinagpala ka, yamang tinalikuran mo ang iyong mga kasalanan, at tinanggap ang aking mga katotohanan, wika ng Panginoon mong Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, maging kasindami ng naniniwala sa aking pangalan.
2 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, pinagpala ka dahil sa pagtanggap sa aking walang hanggang tipan, maging ang kabuuan ng aking ebanghelyo, na ipinadala sa mga anak ng tao, upang sila ay magkaroon ng buhay at gawing kabahagi sa mga kaluwalhatiang ihahayag sa mga huling araw, tulad ng isinulat ng mga propeta at apostol noong sinauna.
3 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na William, na ikaw ay malinis, subalit hindi lahat; magsisi, kaya nga, sa mga yaong bagay na hindi kasiya-siya sa aking paningin, wika ng Panginoon, sapagkat ipakikita ng Panginoon ang mga yaon sa iyo.
4 At ngayon, katotohanan, ako, ang Panginoon, ay ipakikita sa iyo kung ano ang aking niloloob hinggil sa iyo, o kung ano ang aking kalooban hinggil sa iyo.
5 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na kalooban ko na nararapat mong ipahayag ang aking ebanghelyo nang lupain sa lupain, at nang lungsod sa lungsod, oo, sa mga yaong lugar sa paligid kung saan ito ay hindi pa naipahahayag.
6 Huwag manatili nang maraming araw sa lugar na ito; huwag munang magtungo sa lupain ng Sion; subalit yamang ikaw ay maaaring magpadala, magpadala; maliban dito, huwag isipin ang iyong mga ari-arian.
7 Magtungo sa mga lupain sa silangan, magpatotoo sa bawat lugar, sa bawat tao at sa kanilang mga sinagoga, nagpapaliwanag sa mga tao.
8 Sasama sa iyo ang aking tagapaglingkod na si Samuel H. Smith, at huwag mo siyang iiwan, at tatagubilinan mo siya; at siya na matapat ay palalakasin sa bawat lugar; at ako, ang Panginoon, ay sasama sa iyo.
9 Ipatong ang iyong mga kamay sa mga maysakit, at sila ay gagaling. Huwag babalik, hanggang sa ako, ang Panginoon, ay magpabalik sa iyo. Maging mapagtiis sa mga paghihirap. Humingi, at kayo ay makasusumpong; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.
10 Huwag maghangad ng makabibigat. Talikdan ang lahat ng kasamaan. Huwag makikiapid—isang tukso na bumabagabag sa iyo.
11 Sundin ang mga salitang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat; at tutuparin mo ang iyong tungkulin, at itutulak ang maraming tao sa Sion nang may mga awit ng walang hanggang kagalakan sa kanilang mga ulo.
12 Magpatuloy sa mga bagay na ito maging hanggang sa wakas, at ikaw ay magkakaroon ng putong ng buhay na walang hanggan sa kanang kamay ng aking Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.
13 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon mong Diyos, ang iyong Manunubos, maging si Jesucristo. Amen.