Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 44


Bahagi 44

Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa Kirtland, Ohio, sa mga huling araw ng Pebrero 1831. Bilang pagsunod sa atas na ibinigay rito, nagtakda ang Simbahan ng isang pagpupulong na gaganapin sa mga unang araw ng buwan ng Hunyo na darating.

1–3, Magtitipun-tipon ang mga elder sa pagpupulong; 4–6, Isasaayos sila alinsunod sa mga batas ng lupain at kakalingain nila ang mga maralita.

1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo na aking mga tagapaglingkod, marapat sa akin na ang mga elder ng aking simbahan ay tawaging magtipon, mula sa silangan at mula sa kanluran, at mula sa hilaga at mula sa timog, sa pamamagitan ng liham o sa iba pang pamamaraan.

2 At ito ay mangyayari na yamang sila ay matatapat, at nananampalataya sa akin, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa kanila sa araw na sama-sama nilang titipunin ang kanilang sarili.

3 At ito ay mangyayari na hahayo sila sa mga lugar sa paligid, at mangangaral ng pagsisisi sa mga tao.

4 At marami ang magbabalik-loob, kung kaya nga’t kayo ay magkakaroon ng kakayahang isaayos ang inyong sarili alinsunod sa mga batas ng tao;

5 Upang ang inyong mga kaaway ay hindi magkaroon ng kapangyarihan sa inyo; nang kayo ay mapangalagaan sa lahat ng bagay; upang masunod ninyo ang aking mga batas; nang malagot ang bawat gapos na tinatangka ng kaaway na ipangwasak sa aking mga tao.

6 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na kailangan ninyong dalawin ang mga maralita at ang mga nangangailangan at magbigay ng tulong sa kanila, upang sila ay maalagaan hanggang sa magawa ang lahat ng bagay alinsunod sa aking batas na natanggap ninyo. Amen.