Bahagi 30
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kina David Whitmer, Peter Whitmer, Jr., at John Whitmer, sa Fayette, New York, Setyembre 1830, pagkatapos ng tatlong araw na pagpupulong sa Fayette, subalit bago naghiwa-hiwalay ang mga elder ng Simbahan. Noong una, inilathala ang materyal na ito bilang tatlong paghahayag; pinagsama-sama ang mga ito sa iisang bahagi ng Propeta para sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan.
1–4, Kinagalitan si David Whitmer dahil sa hindi paglilingkod nang masigasig; 5–8, Sasamahan ni Peter Whitmer Jr. si Oliver Cowdery sa isang misyon sa mga Lamanita; 9–11, Tinawag si John Whitmer na mangaral ng ebanghelyo.
1 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, David, na iyong kinatakutan ang tao at hindi ka umasa sa akin para sa lakas na siyang dapat mong ginawa.
2 Subalit ang iyong isip ay higit na nakatuon sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay na patungkol sa akin, na iyong Manlilikha, at sa ministeryo kung saan ka tinawag; at ikaw ay hindi tumalima sa aking Espiritu, at sa mga yaong itinalagang mamuno sa iyo, sa halip, ikaw ay nahikayat ng mga yaong hindi ko inutusan.
3 Samakatwid, ikaw ay iniwan upang magtanong para sa iyong sarili sa aking kamay, at pagnilayan ang mga bagay na iyong natanggap.
4 At ang magiging tahanan mo ay ang bahay ng iyong ama, hanggang sa magbigay ako sa iyo ng mga karagdagang kautusan. At pag-uukulan mo ang ministeryo sa simbahan, at sa sanlibutan, at sa mga lugar sa paligid. Amen.
5 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, Peter, na ikaw ay maglalakbay na kasama ang iyong kapatid na si Oliver; sapagkat dumating na ang panahon kung kailan marapat na sa akin na bubuksan mo ang iyong bibig upang ipahayag ang aking ebanghelyo; kaya nga, huwag matakot, sa halip, tumalima sa mga salita at payo ng iyong kapatid, na kanyang ibibigay sa iyo.
6 At maghirap ka sa lahat ng kanyang paghihirap, ibinabaling sa tuwina ang iyong puso sa akin sa panalangin at pananampalataya, para sa kanya at sa iyong kaligtasan; sapagkat ipinagkaloob ko sa kanya ang kakayahang itayo ang aking simbahan sa mga Lamanita;
7 At wala akong itinalaga na maging tagapayo niya na nangingibabaw sa kanya sa simbahan, hinggil sa mga bagay na nauukol sa simbahan, maliban sa kanyang kapatid na si Joseph Smith, Jun.
8 Anupa’t tumalima sa mga bagay na ito at maging masigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, at ikaw ay pagpapalain ng buhay na walang hanggan. Amen.
9 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na John, na ikaw ay magsisimula mula sa oras na ito na ipahayag ang aking ebanghelyo, tulad ng tunog ng isang trumpeta.
10 At ang iyong gawain ay sa iyong kapatid na si Philip Burroughs, at sa mga lugar sa paligid niyon, oo, saan ka man maaaring marinig, hanggang sa iutos ko sa iyong lisanin ang lugar na iyon.
11 At ang lahat ng iyong gagawin ay sa Sion, nang buo mong kaluluwa, magmula ngayon; oo, bubuksan mo sa tuwina ang iyong bibig alang-alang sa aking layunin, hindi natatakot sa anumang magagawa ng tao, sapagkat ako ay kasama mo. Amen.