Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 49


Bahagi 49

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kina Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at Leman Copley, sa Kirtland, Ohio, Mayo 7, 1831. Niyakap ni Leman Copley ang ebanghelyo subalit naniniwala pa rin siya sa ilang aral ng mga Shaker (Nagkakaisang Samahan ng mga Naniniwala sa Ikalawang Pagpapakita ni Cristo) kung saan siya ay dating kasapi. Ilan sa paniniwala ng mga Shaker ay naganap na ang Ikalawang Pagparito ni Cristo at nagpakita Siya gamit ang anyo ng isang babae, na si Ann Lee. Hindi nila itinuturing na mahalaga ang pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig. Tinanggihan nila ang pagpapakasal at naniwala sila sa isang buhay na walang asawa. Ipinagbawal din ng ilang Shaker ang pagkain ng karne. Bilang paunang salita sa paghahayag na ito, ipinapahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith, “Upang magkaroon ng higit na pang-unawa sa paksa, nagtanong ako sa Panginoon, at natanggap ang sumusunod.” Pinabubulaanan ng paghahayag ang ilan sa mga saligang kuru-kuro ng pangkat ng mga Shaker. Nagdala ang mga nabanggit na kapatid ng isang sipi ng paghahayag sa pamayanan ng mga Shaker (malapit sa Cleveland, Ohio) at binasa sa kanila ang kabuuan nito, subalit ito ay tinanggihan.

1–7, Mananatiling walang nakaaalam sa araw at oras ng pagparito ni Cristo hanggang sa Siya ay pumarito; 8–14, Ang mga tao ay kailangang magsisi, maniwala sa ebanghelyo, at sumunod sa mga ordenansa upang makamit ang kaligtasan; 15–16, Inorden ng Diyos ang kasal; 17–21, Pinahihintulutan ang pagkain ng karne; 22–28, Mananagana ang Sion at mamumukadkad ang mga Lamanita na tulad ng rosas bago ang Ikalawang Pagparito.

1 Makinig sa aking salita, aking mga tagapaglingkod na Sidney, at Parley, at Leman; sapagkat dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na nagbibigay ako sa inyo ng isang kautusan na kayo ay hahayo at mangangaral ng aking ebanghelyo na inyong natanggap, maging tulad ng pagkatanggap ninyo nito, sa mga Shaker.

2 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, sila ay nagnanais na malaman ang bahagi ng katotohanan, subalit hindi lahat, sapagkat sila ay hindi matwid sa harapan ko at talagang kinakailangang magsisi.

3 Samakatwid, isinusugo ko kayo, aking mga tagapaglingkod na Sidney at Parley, na mangaral ng ebanghelyo sa kanila.

4 At ang aking tagapaglingkod na si Leman ay ioorden sa gawaing ito, nang makapagpaliwanag siya sa kanila, hindi alinsunod sa yaong kanyang natanggap sa kanila, kundi alinsunod sa ituturo ninyo sa kanya na aking mga tagapaglingkod; at sa pamamagitan ng paggawa nito ay akin siyang pagpapalain, kung hindi, hindi siya magtatagumpay.

5 Ganito ang wika ng Panginoon; sapagkat ako ay Diyos, at isinugo ang aking Bugtong na Anak sa daigdig para sa pagtubos ng sanlibutan, at isinabatas na siya na tatanggap sa kanya ay maliligtas, at siya na hindi tatanggap sa kanya ay isusumpa—

6 At kanilang ginawa sa Anak ng Tao ang maging tulad ng kanilang naibigan; at kinuha niya ang kanyang kapangyarihan mula sa kanang kamay ng kanyang kaluwalhatian, at naghahari ngayon sa kalangitan, at maghahari hanggang sa siya ay bumaba sa lupa upang ilagay ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa, kung aling panahon ay nalalapit na—

7 Ako, ang Panginoong Diyos, ang nagsabi nito; subalit ang oras at ang araw ay walang taong nakaaalam, ni mga anghel sa langit, ni hindi nila malalaman hanggang sa siya ay pumarito.

8 Anupa’t nais ko na ang lahat ng tao ay magsisi, sapagkat nasasailalim sa kasalanan ang lahat, maliban sa mga yaong aking inilaan sa aking sarili, mga banal na tao na hindi ninyo nakikilala.

9 Anupa’t sinasabi ko sa inyo na aking ipinadala sa inyo ang aking walang katapusang tipan, maging yaong mula pa noong simula.

10 At ang yaong aking ipinangako ay tinupad ko, at yuyuko rito ang lahat ng bansa sa mundo; at, kung hindi ito magkukusa sa kanilang sarili, sila ay babagsak, sapagkat ang yaong dinadakila ang sarili nito ngayon ay ibubuwal ng kapangyarihan.

11 Samakatwid, ako ay nagbibigay sa inyo ng isang kautusan na humayo kayo sa mga taong ito, at sabihin sa kanila, katulad ng aking apostol noong sinauna, na ang pangalan ay Pedro:

12 Maniwala sa pangalan ng Panginoong Jesus, na siyang pumarito sa mundo, at siyang paparito, ang simula at ang wakas;

13 Magsisi at magpabinyag sa pangalan ni Jesucristo, alinsunod sa banal na kautusan, para sa kapatawaran ng mga kasalanan;

14 At ang sinumang gagawa nito ay matatanggap ang kaloob na Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga elder ng simbahan.

15 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang nagbabawal ng pagpapakasal ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos para sa tao.

16 Samakatwid, naaayon sa batas na siya ay magkaroon ng isang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman, at lahat ng ito ay upang matupad ng mundo ang layunin ng pagkakalikha nito;

17 At nang ito ay mapuno ng tao, alinsunod sa kanyang pagkakalikha bago ginawa ang mundo.

18 At ang sinumang nagbabawal na kumain ng karne, na hindi iyon nararapat na kainin ng tao, ay hindi inorden ng Diyos;

19 Sapagkat, dinggin, ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga yaong nagmumula sa lupa, ay inorden upang gamitin ng tao para sa pagkain at para sa kasuotan, at upang siya ay magkaroon ng kasaganahan.

20 Subalit hindi pinahihintulutan na ang isang tao ay mag-ari nang higit kaysa sa iba, kaya nga ang sanlibutan ay nakasadlak sa kasalanan.

21 At sa aba sa tao na nagpapadanak ng dugo o na nag-aaksaya ng laman at walang pangangailangan.

22 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang Anak ng Tao ay hindi paparito sa anyo ng isang babae, ni sa anyo ng isang lalaking naglalakbay sa mundo.

23 Anupa’t huwag magpalinlang, sa halip ay manatiling matatag, inaabangang mayanig ang kalangitan, at manginig ang lupa, at magpagiray-giray nang paroo’t parito na parang isang taong lango, at mapataas ang mga lambak, at mapababa ang mga bundok, at mapapatag ang mga baku-bakong dako—at lahat ng ito kapag pinatunog ng anghel ang kanyang trumpeta.

24 Subalit bago sumapit ang dakilang araw ng Panginoon, si Jacob ay mananagana sa ilang, at ang mga Lamanita ay mamumukadkad na tulad ng rosas.

25 Ang Sion ay mananagana sa mga burol at magsasaya sa mga bundok, at magkakasamang titipunin sa lugar na aking itinakda.

26 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, humayo kayo tulad ng aking ipinag-utos sa inyo; magsisi sa lahat ng inyong mga kasalanan; humingi at kayo ay makasusumpong; kumatok at kayo ay pagbubuksan.

27 Dinggin, ako ay mauuna sa inyo at magiging bantay ninyo sa likod; at ako ay mapapasagitna ninyo, at hindi kayo matutulig.

28 Dinggin, ako si Jesucristo, at ako ay madaling paparito. Maging gayon nga. Amen.