Bahagi 37
Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, malapit sa Fayette, New York, Disyembre 1830. Dito ibinigay ang unang kautusan hinggil sa pagtitipon sa dispensasyong ito.
1–4, Tinawag ang mga Banal na magtipon sa Ohio.
1 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na hindi marapat sa akin na kayo ay magsalin ng anumang karagdagan hanggang sa makatungo kayo sa Ohio, at dahil ito sa kaaway at para sa inyong kapakanan.
2 At muli, sinasabi ko sa inyo na hindi kayo aalis hanggang sa maipangaral ninyo ang aking ebanghelyo sa mga dakong iyon, at mapatatag ang simbahan saanman ito matatagpuan, at lalung-lalo na sa Colesville; sapagkat, dinggin, sila ay nananalangin sa akin nang may labis na pananampalataya.
3 At muli, isang kautusan ang ibinibigay ko sa simbahan, na marapat sa akin na kinakailangan nilang sama-samang magtipun-tipon sa Ohio, para sa panahon na ang aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery ay magbalik sa kanila.
4 Dinggin, narito ang karunungan, at hayaan ang bawat tao na pumili para sa kanyang sarili hanggang sa ako ay pumarito. Maging gayon nga. Amen.