Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 32


Bahagi 32

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kina Parley P. Pratt at Ziba Peterson, sa Manchester, New York, sa simula ng Oktubre 1830. Malaking interes at hangarin ang nadama ng mga elder hinggil sa mga Lamanita, na kung kaninong mga ipinropesiyang pagpapala ay nalaman ng Simbahan mula sa Aklat ni Mormon. Bunga nito, nagkaroon ng pananalangin upang ipaalam ng Panginoon ang Kanyang kalooban hinggil sa kung nararapat nang ipadala ang mga elder sa panahong yaon sa mga lipi ng mga Indiyan sa Kanluran. Ang paghahayag ay sumunod.

1–3, Tinawag sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson na mangaral sa mga Lamanita at samahan sina Oliver Cowdery at Peter Whitmer, Jr.; 4–5, Kailangan nilang manalangin upang maunawaan ang mga banal na kasulatan.

1 At ngayon, hinggil sa aking tagapaglingkod na si Parley P. Pratt, dinggin, sinasabi ko sa kanya na yamang ako ay buhay, ninanais kong ipahayag niya ang aking ebanghelyo at matuto sa akin, at maging maamo at magkaroon ng pusong may mababang kalooban.

2 At ang yaong aking itinakda sa kanya ay samahan niya ang aking tagapaglingkod na sina Oliver Cowdery at Peter Whitmer, Jun., sa ilang sa mga Lamanita.

3 At si Ziba Peterson ay sasama rin sa kanila; at ako rin ay sasama sa kanila at nasa gitna nila; at ako ang kanilang tagapamagitan sa Ama, at walang mananaig laban sa kanila.

4 At sila ay tatalima sa yaong nasusulat, at huwag magsabing nakatanggap ng iba pang paghahayag; at mananalangin sila sa tuwina upang aking mailahad ang gayundin sa kanilang pang-unawa.

5 At sila ay tatalima sa mga salitang ito at hindi ito lalapastanganin, at akin silang pagpapalain. Amen.