Bahagi 71
Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa Hiram, Ohio, Disyembre 1, 1831. Nagpatuloy ang Propeta sa pagsasalin ng Biblia na kasama si Sidney Rigdon bilang kanyang tagasulat hanggang sa natanggap ang paghahayag na ito, na sa panahong ito ay pansamantalang isinantabi muna upang matupad nila ang tagubilin na ibinigay rito. Hahayo ang mga kapatid upang mangaral nang sa gayon ay mabawasan ang hindi mabubuting damdaming namuo laban sa Simbahan bunga ng paglalathala ng mga liham ni Ezra Booth, na nag-apostasiya.
1–4, Isinugo sina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipahayag ang ebanghelyo; 5–11, Matutulig ang mga kaaway ng mga Banal.
1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo na aking mga tagapaglingkod na Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon, na ang oras ay tunay nang dumating na kinakailangan at marapat sa akin na inyong bubuksan ang inyong mga bibig sa pagpapahayag ng aking ebanghelyo, ang mga bagay ng kaharian, ipinaliliwanag ang mga hiwaga nito mula sa mga banal na kasulatan, alinsunod sa bahaging iyon ng Espiritu at kapangyarihan na ibibigay sa inyo, maging katulad ng kalooban ko.
2 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, magpahayag sa sanlibutan sa mga lugar sa paligid, at sa simbahan din, sa loob ng isang panahon, maging hanggang sa ito ay ipaalam sa inyo.
3 Katotohanan, ito ay misyon sa isang panahon, na aking ibinibigay sa inyo.
4 Samakatwid, gumawa kayo sa aking ubasan. Manawagan sa mga naninirahan sa mundo, at magpatotoo, at ihanda ang daan para sa mga kautusan at paghahayag na darating.
5 Ngayon, dinggin, ito ay karunungan; kung sinuman ang nagbabasa, unawain niya at tanggapin din;
6 Sapagkat sa kanya na tatanggap nito ay bibigyan ng higit na masagana, maging kapangyarihan.
7 Anupa’t tuligin ang inyong mga kaaway; manawagan sa kanila na harapin kayo maging sa harapan ng madla at nang sarilinan; at yamang kayo ay matapat, ang kanilang kahihiyan ay makikita.
8 Anupa’t dadalhin nila ang kanilang matitibay na dahilan laban sa Panginoon.
9 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo—walang sandatang ginagawa laban sa inyo ang magtatagumpay;
10 At kung magtataas ang sinumang tao ng kanyang tinig laban sa inyo, siya ay tutuligin sa aking sariling takdang panahon.
11 Anupa’t sundin ang aking mga kautusan; ang mga ito ay tunay at tapat. Maging gayon nga. Amen.