Bahagi 81
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Biernes, Marso 15, 1832. Tinatawag si Frederick G. Williams na maging isang mataas na saserdote at tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote. Ipinakikita ng mga talaan ng kasaysayan na nang matanggap ang paghahayag na ito noong Marso 1832, tinawag nito si Jess Gause sa katungkulan na tagapayo kay Joseph Smith sa Panguluhan. Gayunpaman, nang mabigo siyang magpatuloy sa isang paraang naaayon sa pagkakatalagang ito, nalipat ang tawag kay Frederick G. Williams sa bandang huli. Ang paghahayag (na may petsang Marso 1832) ay nararapat ituring na isang hakbang tungo sa pormal na pagtatatag ng Unang Panguluhan, lalo na’t hinihingi nito ang pagtawag sa katungkulan na tagapayo sa pangkat na iyon at ipinaliliwanag ang kahalagahan ng pagkakatalaga. Naglingkod si Kapatid na Gause nang sandaling panahon subalit itiniwalag sa Simbahan noong Disyembre 1832. Inorden si Kapatid na Williams sa nabanggit na katungkulan noong Marso 18, 1833.
1–2, Hawak sa tuwina ng Unang Panguluhan ang mga susi ng kaharian; 3–7, Kung matapat si Frederick G. Williams sa kanyang paglilingkod, magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan.
1 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Frederick G. Williams: Makinig sa tinig niya na nangungusap, sa salita ng Panginoon mong Diyos, at gampanan ang katungkulan kung saan ka tinawag, maging sa pagiging isang mataas na saserdote sa aking simbahan, at tagapayo sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun.;
2 Sa kanya na pinagkakalooban ko ng mga susi ng kaharian, na pagmamay-ari sa tuwina ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote:
3 Samakatwid, katotohanan, kinikilala ko siya at pagpapalain siya, at ikaw rin, yamang ikaw ay matapat sa payo, sa katungkulang aking itinakda sa iyo, manalangin sa tuwina, nang malakas at sa iyong puso, sa harapan ng madla at gayundin sa sarili, gayundin sa iyong paglilingkod sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa lupain ng mga buhay, at sa iyong mga kapatid.
4 At sa paggawa ng mga bagay na ito, gagawin mo ang pinakamabuti sa iyong mga kapwa tao, at itataguyod ang kaluwalhatian niya na iyong Panginoon.
5 Anupa’t maging matapat; kumilos ka sa katungkulang aking itinatalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nanlulupaypay, at palakasin ang mga tuhod na nanghihina.
6 At kung ikaw ay matapat hanggang wakas, magkakaroon ka ng putong ng kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan sa mga mansiyong aking inihahanda sa bahay ng aking Ama.
7 Dinggin, at makinig, ito ang mga salita ng Alpha at Omega, maging si Jesucristo. Amen.