Opisyal na Pahayag—1
Sa kinauukulan:
Ang mga balitang ipinadala para sa mga pulitikal na kadahilanan, mula sa Salt Lake City, na malawakan nang nakalathala, bunga nito ang Komisyon ng Utah, sa kanilang kamakailan lamang na ulat sa Kalihim ng Panloob, ay sinabing ang maramihang pagpapakasal ay patuloy pa ring idinaraos at na apatnapu o higit pang ganitong pagpapakasal ang ipinagkakasundo sa Utah mula pa noong Hunyo o noong nakaraang taon, gayon din sa mga talumpating pampubliko ang mga pinuno ng Simbahan ay nagturo, nanghimok at hinihikayat ang pagpapatuloy ng nakaugaliang pag-aasawa nang higit sa isa—
Ako, samakatwid, bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa pamamagitan nito, sa pinakabanal na paraan, ay ipinahahayag na ang mga paratang na ito ay mali. Kami ay hindi nagtuturo ng pag-aasawa nang higit sa isa o ng maramihang pagpapakasal, o pinahihintulutan ang sinumang tao na pumasok sa ganitong gawi, at aking itinatanggi na ang apatnapu o anumang bilang ng maramihang pagpapakasal sa panahong iyon ay idinaos sa aming mga Templo o sa alinmang lugar sa Teritoryo.
Isang kaso ang iniulat, na kung saan ang mga pangkat ay nagsabi na ang kasal ay isinagawa sa Endowment House, sa Salt Lake City, sa Tagsibol ng 1889, subalit hindi ko mabatid kung sino ang nagsagawa ng seremonya; kung ano man ang ginawa sa bagay na ito ay lingid sa aking kaalaman. Bunga ng nasabing pangyayaring ito ang Endowment House, sa aking mga tagubilin, ay binuwag ng walang antala.
Yayamang ang Kongreso ay nagpasa ng mga batas na nagbabawal ng maramihang pagpapakasal, na siyang mga batas na ipinahayag ayon sa saligang-batas ng hukuman ng huling dulugan, ipinahahayag ko ngayon ang aking hangaring sumunod sa mga batas na yaon, at gamitin ang aking impluwensiya sa mga kasapi ng Simbahan kung saan ako ang namumuno na gawin nila ang gayon din.
Wala sa mga itinuturo ko sa Simbahan o sa yaong aking mga kasamahan, doon sa panahong nabanggit, na maaaring makatwirang ipakahulugan na nagkikintal o nanghihimok ng maramihang pag-aasawa; at kapag ang sinumang Elder ng Simbahan ay gumamit ng salita na tila nagpapahiwatig ng anumang ganoong aral na ito, siya ay maagap na pinagsasabihan. At hayagan ko ngayong ipinahahayag na ang aking payo sa mga Banal sa mga Huling Araw ay tumigil mula sa pakikipagkasundo sa anumang kasal na ipinagbabawal ng batas ng lupain.
WILFORD WOODRUFF
Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo
ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Iminungkahi ni Pangulong Lorenzo Snow ang sumusunod:
“Iminumungkahi ko na, kinikilala si Wilford Woodruff bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang tanging lalaki sa mundo sa kasalukuyang panahon na may hawak ng mga susi ng mga ordenansang nagbubuklod, itinuturing namin siyang may ganap na kapangyarihan sa bisa ng kanyang tungkulin upang magpalabas ng Pahayag na binasa sa aming paglilitis, at may petsang ika-24 ng Setyembre 1890, at bilang isang Simbahan na nagtipon sa Pangkalahatang Pagpupulong, aming tinatanggap ang kanyang ipinahayag hinggil sa pag-aasawa nang maramihan na may kapangyarihan at umiiral.”
Ang boto upang tanggapin ang sinusundang mungkahi ay buong pagkakaisang sinang-ayunan.
Salt Lake City, Utah, ika-6 ng Oktubre 1890.
Mga Hango Mula sa Tatlong Talumpati
Ni Pangulong Wilford Woodruff
Tungkol sa Pahayag
Hindi ako pahihintulutan ng Panginoon kailanman o ang sinumang tao na tumatayo bilang Pangulo ng Simbahang ito na akayin kayo sa pagkaligaw. Wala ito sa programa. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung ako ay magtatangka nang gayon, ako ay tatanggalin ng Panginoon mula sa aking kinalalagyan, at siya rin niyang gagawin sa kahit sinong tao na magtatangkang akayin ang mga anak ng tao sa pagkaligaw mula sa mga orakulo ng Diyos at mula sa kanilang mga tungkulin. (Ikaanimnapu’t isang Animang Buwang Pangkalahatang Pagpupulong ng Simbahan, Lunes, ika-6 ng Oktubre 1890, Salt Lake City, Utah. Iniulat sa Deseret Evening News, ika-11 ng Oktubre 1890, p. 2.)
Hindi mahalaga kung sinuman ang nabuhay o kung sinuman ang namatay, o kung sinuman ang tinawag na mamuno sa Simbahang ito, kailangan nilang pamunuan ito sa pamamagitan ng inspirasyon ng Pinakamakapangyarihang Diyos. Kung hindi nila gagawin ito sa ganoong paraan, hindi nila ito magagawa sa anumang paraan.…
Ako ay nagkaroon ng ilang paghahayag kailan lamang, at napakahalaga ng mga ito sa akin, at aking sasabihin sa inyo ang sinabi ng Panginoon sa akin. Hayaan ninyong dalhin ko ang inyong mga isipan sa tinatawag na pahayag.…
Sinabi ng Panginoon sa akin na tanungin ang mga Banal sa mga Huling Araw ng isang katanungan, at sinabi rin Niya sa akin na kung sila ay makikinig sa mga sinabi ko sa kanila at tutugunin ang katanungan na ihaharap sa kanila, sa pamamagitan ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, silang lahat ay tutugon na magkakatulad, at silang lahat ay maniniwalang pare-pareho ukol sa bagay na ito.
Ang katanungan ay ito: Ano ang pinakamatalinong landas para sa mga Banal sa mga Huling Araw na sundin—na tangkaing ipagpatuloy ang pagsasagawa ng maramihang pagpapakasal, na ang mga batas ng bansa ay laban dito at ang pagsalungat ng animnapung milyong tao, at bilang kapalit ang pagsamsam at pagkawala ng lahat ng Templo, at ang pagtitigil sa lahat ng ordenansa rito, kapwa sa buhay at sa patay, at ang pagbibilanggo sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa at sa mga ulo ng mga mag-anak sa Simbahan, at ang pagsamsam sa mga personal na ari-arian ng mga tao (ang lahat ng ito ang magpapahinto sa gawi), o, pagkatapos gawin at paghirapan kung anuman ang mayroon tayo dahil sa ating pagsunod sa alituntuning ito na itigil ang gawaing ito at sumailalim sa batas, at sa pamamagitan ng paggawa nito hayaan ang mga Propeta, Apostol at ama sa tahanan, nang sa gayon kanilang matagubilinan ang mga tao at magampanan ang mga tungkulin sa Simbahan, at hayaan din ang mga Templo sa mga kamay ng mga Banal, upang sila ay mag-asikaso sa mga ordenansa ng Ebanghelyo, kapwa para sa mga buhay at patay?
Ipinakita sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng pangitain at paghahayag kung ano ang tiyak na mangyayari kung hindi natin ititigil ang gawaing ito. Kung ito ay hindi natin itinigil, kayo ay walang magiging kapakinabangan sapagkat…sinuman sa kalalakihan sa templong ito sa Logan; sapagkat ang lahat ng ordenansa ay ititigil sa lahat ng dako ng lupain ng Sion. Kaguluhan ang maghahari sa lahat ng dako ng Israel, at maraming tao ang gagawing mga bilanggo. Ang kaguluhang ito ay darating sa buong Simbahan, at tayo ay mapipilitang itigil ang gawain. Ngayon, ang katanungan ay, kung ito ba ay dapat matigil sa ganitong pamamaraan, o sa paraang ipinakita sa atin ng Panginoon, at hayaan ang ating mga Propeta at Apostol at ama na malayang mga tao, at ang mga templo sa kamay ng mga tao, upang ang mga patay ay matubos. Isang malaking bilang na ang nailigtas mula sa bahay piitan sa daigdig ng mga espiritu sa pamamagitan ng mga taong ito, at ang mga gawain ba ay ipagpapatuloy o ititigil? Ito ang katanungan na aking inilatag sa harapan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kailangang magpasiya kayo sa inyong sarili. Ibig kong tugunin ninyo ito sa inyong sarili. Hindi ko ito tutugunin, subalit sinasabi ko sa inyo na ito ang tiyak na kalagayang kasasadlakan natin bilang isang tao kung hindi natin tinahak ang landas na ating tinahak.
…Nakita ko kung ano ang tiyak na mangyayari kung walang anumang bagay na ginawa. Nasa akin ang diwang ito sa loob ng mahabang panahon. Subalit nais kong sabihin ito: Hahayaan ko sanang mawala ang mga templo sa ating mga kamay; ako sana na rin ay nakulong sa bilangguan, at hayaan ang bawat iba pang tao na pumasok doon, kung hindi ako inutusan ng Diyos ng langit na gawin ang ginawa ko; at nang sumapit ang oras na ako ay inutusan upang gawin ito, ang lahat ay malinaw na sa akin. Ako ay dumulog sa harapan ng Panginoon, at isinulat ko ang anumang sabihin sa akin ng Panginoon na isulat.…
Iniiwan ko ito sa inyo, upang inyong pagnilay-nilayin at isaalang-alang. Ang Panginoon ay gumagawang kasama natin. (Pagpupulong sa Istaka ng Cache, Logan, Utah, Linggo, ika-1 ng Nobyembre 1891. Iniulat sa Deseret Weekly, ika-14 ng Nobyembre 1891.)
Ngayon aking sasabihin sa inyo kung ano ang ipinakita sa akin at kung ano ang ginawa ng Anak ng Diyos sa bagay na ito.… Ang lahat ng bagay na ito ay mangyayari, yamang buhay ang Pinakamakapangyarihang Diyos, kung hindi ibinigay yaong Pahayag. Samakatwid, ang Anak ng Diyos ay nadamang kailangang iharap ang bagay na iyon sa Simbahan at sa sanlibutan para sa mga layuning nasa kanyang isipan. Iniutos ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion. Kanyang iniutos ang pagtapos ng templong ito. Kanyang iniutos na ang kaligtasan ng mga buhay at patay ay nararapat ibigay sa mga lambak na ito ng mga bundok. At iniutos ng Pinakamakapangyarihang Diyos na ito ay hindi mahahadlangan ng Diyablo. Kung iyan ay mauunawaan ninyo, iyan ang susi nito. (Mula sa isang talumpati sa ikaanim na pulong ng paglalaan ng Templo ng Salt Lake, Abril 1893. Typescript of Dedicatory Services, Archives, Church Historical Department, Salt Lake City, Utah.)