Mga Tulong sa Pag-aaral
Pagkabuhay na Mag-uli


Pagkabuhay na Mag-uli

Ang muling pagsasama ng katawang espiritu at ng katawang may laman at mga buto pagkaraan ng kamatayan. Matapos ang pagkabuhay na mag-uli, ang espiritu at katawan ay hindi na muling maghihiwalay kailanman, at ang tao ay magiging walang kamatayan. Lahat ng taong isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli sapagkat nagtagumpay si Jesucristo sa kamatayan (1 Cor. 15:20–22).

Si Jesucristo ang kauna-unahang tao na nabuhay na mag-uli sa mundong ito (Gawa 26:23; Col. 1:18; Apoc. 1:5). Ang Bagong Tipan ay nagbibigay ng sapat na katunayan na si Jesus ay bumangon kasama ang kanyang katawan: walang laman ang kanyang libingan, kumain siya ng isda at pulot-pukyutan, may katawan siyang may laman at mga buto, hinipo siya ng mga tao, at ang mga anghel ay nagwikang siya ay bumangon (Mar. 16:1–6; Lu. 24:1–12, 36–43; Juan 20:1–18). Ang paghahayag sa huling araw ay nagpapatunay ng katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo at ng buong sangkatauhan (Alma 11:40–45; 40; 3 Ne. 11:1–17; D at T 76; Moi. 7:62).

Ang lahat ng tao ay hindi mabubuhay na mag-uli sa magkakatulad na kaluwalhatian (1 Cor. 15:39–42; D at T 76:89–98), ni ang lahat ay mabubuhay na mag-uli nang sabay-sabay (1 Cor. 15:22–23; Alma 40:8; D at T 76:64–65, 85). Maraming Banal ang nabuhay na mag-uli pagkatapos ni Cristo (Mat. 27:52). Ang mabubuti ay mauunang mabubuhay na mag-uli sa masasama at babangon sa unang pagkabuhay na mag-uli (1 Tes. 4:16); ang mga makasalanang di nagsisisi ay babangon sa huling pagkabuhay na mag-uli (Apoc. 20:5–13; D at T 76:85).