Pagkasaserdoteng Melquisedec
Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ang nakatataas o mas dakilang pagkasaserdote; ang Pagkasaserdoteng Aaron ang nakabababang pagkasaserdote. Napapaloob sa Pagkasaserdoteng Melquisedec ang mga susi ng espirituwal na pagpapala ng Simbahan. Sa pamamagitan ng ordenansa ng nakatataas na pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay naipakikita sa tao (D at T 84:18–25; 107:18–21).
Unang ipinahayag ng Diyos ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito kay Adan. Ang mga patriyarka at propeta sa lahat ng dispensasyon ay may kapangyarihang ito (D at T 84:6–17). Ito ay unang tinawag na Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos. Sa kalaunan, ito ay nakilala bilang Pagkasaserdoteng Melquisedec (D at T 107:2–4).
Nang ang mga anak ni Israel ay hindi namuhay ayon sa mga pribilehiyo at tipan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, kinuha ng Panginoon ang nakatataas na batas at binigyan sila ng isang nakabababang pagkasaserdote at isang nakabababang batas (D at T 84:23–26). Ang mga ito ay tinawag na Pagkasaserdoteng Aaron at mga batas ni Moises. Nang pumarito si Jesus sa mundo, pinanumbalik niya ang Pagkasaserdoteng Melquisedec sa mga Judio at nagsimulang itayo ang Simbahan sa kanila. Gayon pa man, ang pagkasaserdote at ang Simbahan ay muling nawala sa pamamagitan ng lubusang pagtalikod sa katotohanan. Di naglaon, ang mga yaon ay napanumbalik muli sa pamamagitan ni Joseph Smith, Jr. (D at T 27:12–13; 128:20; JS—K 1:73).
Sa Pagkasaserdoteng Melquisedec ay nabibilang ang mga katungkulang elder, mataas na saserdote, patriyarka, pitumpu, at Apostol (D at T 107). Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec sa tuwina’y magiging bahagi ng kaharian ng Diyos sa mundo.
Ang Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangulo ng mataas o Pagkasaserdoteng Melquisedec, at hawak niya ang lahat ng susing nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo. Sa bawat panahon isa lamang ang taong may hawak ng tungkulin ng pagka-Pangulo, at siya lamang ang tao sa mundo na may karapatang gumamit ng lahat ng susi ng pagkasaserdote (D at T 107:64–67; D at T 132:7).