Isang mapitagang pakikipag-usap sa Diyos kung saan ang isang tao ay nagbibigay-pasasalamat at humihiling ng mga pagpapala. Ipinararating ang mga panalangin sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Ang mga panalangin ay maaaring sambitin nang malakas o tahimik. Maaari ring maging isang panalangin ang mga pag-iisip ng isang tao kung ang mga ito ay itinutuon sa Diyos. Ang isang awit ng mabubuti ay maaaring maging isang panalangin sa Diyos (D at T 25:12).
Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap.
Nananalangin tayo sa Ama sa pangalan ni Cristo (Juan 14:13–14; 16:23–24). Totoong kaya nating manalangin sa pangalan ni Cristo kung ang ating mga nais ay mga naisin ni Cristo (Juan 15:7; D at T 46:30). Tayo ay hihiling ng mga bagay na tama at sa gayon ay maaari para sa Diyos na ipagkaloob (3 Ne. 18:20). Ang ibang mga panalangin ay nananatiling hindi tinutugon sa dahilang hindi nila kinakatawan ang kalooban ni Cristo kundi sa halip ay bumubukal mula sa kasakiman ng tao (Sant. 4:3; D at T 46:9). Tunay nga, kung tayo ay hihiling sa Diyos ng mga di mabubuting bagay, ito ay babalik sa ating kahatulan (D at T 88:65).