Kabanata 12
Tinawag at binigyan ng karapatan ni Jesus ang labindalawang disipulo—Siya ay nagbigay sa mga Nephita ng isang talumpati na katulad ng Sermon sa Bundok—Winika Niya ang mga Lubos na Pagpapala—Ang Kanyang mga aral ay nangingibabaw at mas mahalaga kaysa sa batas ni Moises—Inutusan ang mga tao na maging sakdal na katulad Niya at ng Kanyang Ama na sakdal—Ihambing sa Mateo 5. Mga A.D. 34.
1 At ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito kay Nephi, at sa mga yaong tinawag, (ngayon, ang bilang ng mga yaong tinawag, at tumanggap ng kapangyarihan at karapatan na magbinyag ay labindalawa) at dinggin, iniunat niya ang kanyang kamay sa maraming tao, at bumulalas sa kanila, sinasabing: Pinagpala kayo kung kayo ay makikinig sa mga salita nitong labindalawang aking pinili mula sa inyo upang maglingkod sa inyo, at maging inyong mga tagapaglingkod; at sa kanila ay ibinigay ko ang kapangyarihan na binyagan kayo sa tubig; at matapos na kayo ay mabinyagan sa tubig, dinggin, bibinyagan ko kayo ng apoy at ng Espiritu Santo; kaya nga pinagpala kayo kung kayo ay maniniwala sa akin at magpapabinyag, matapos na makita ninyo at malaman ninyo na ako ay siya nga.
2 At muli, higit na pinagpala sila na maniniwala sa inyong mga salita dahil sa kayo ay nagpapatotoo na inyo akong nakita, at nalalaman ninyo na ako ay siya nga. Oo, pinagpala sila na maniniwala sa inyong mga salita, at bababa sa kailaliman ng pagpapakumbaba at magpabinyag, sapagkat sila ay dadalawin ng apoy at ng Espiritu Santo, at tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.
3 Oo, pinagpala ang mga aba sa espiritu na lumalapit sa akin, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.
4 At muli, pinagpala silang lahat na nagdadalamhati, sapagkat sila ay aaluin.
5 At pinagpala ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang mundo.
6 At pinagpala silang lahat na nagugutom at nauuhaw sa katwiran, sapagkat sila ay mapupuspos ng Espiritu Santo.
7 At pinagpala ang mga maawain, sapagkat sila ay kaaawaan.
8 At pinagpala ang lahat ng may dalisay na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 At pinagpala ang lahat ng tagapamayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.
10 At pinagpala silang lahat na inuusig dahil sa aking pangalan, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.
11 At pinagpala kayo kung lalaitin at uusigin kayo ng mga tao, at magsasabi ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa inyo na hindi totoo, dahil sa akin;
12 Sapagkat kayo ay magkakaroon ng matinding kagalakan at labis na kasiyahan, sapagkat dakila ang inyong magiging gantimpala sa langit; sapagkat gayon nila inusig ang mga propetang nangauna sa inyo.
13 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo na maging asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay mawalan ng lasa, paano kaya mapaaalat ang lupa? Ang asin kung magkagayon ay magiging walang kabuluhan, kundi ang itapon at yapakan ng mga paa ng tao.
14 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo na maging ilaw ng mga taong ito. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago.
15 Dinggin, ang mga tao ba ay nagsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero, at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay;
16 Samakatwid, hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at purihin ang inyong Ama na nasa langit.
17 Huwag ninyong isipin na ako ay naparito upang wasakin ang batas o ang mga propeta. Ako ay hindi naparito upang magwasak kundi upang tumupad;
18 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ni isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa batas, kundi sa akin ito ay natupad na lahat.
19 At dinggin, ibinigay ko sa inyo ang batas at ang mga kautusan ng aking Ama, upang kayo ay maniwala sa akin, at upang kayo ay magsisi sa inyong mga kasalanan, at lumapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Dinggin, nasa inyo ang mga kautusan sa harapan ninyo, at ang batas ay natupad na.
20 Samakatwid, magsilapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas; sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na maliban kung inyong susundin ang mga kautusan ko, na aking iniuutos sa inyo sa panahong ito, hindi kayo kailanman makapapasok sa kaharian ng langit.
21 Narinig ninyo na sinabi nila noong unang panahon, at ito rin ay nasulat sa inyo, na huwag kayong papatay, at sinuman ang pumatay ay manganganib mula sa kahatulan ng Diyos;
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang nagagalit sa kanyang kapatid ay manganganib mula sa kanyang kahatulan. At sinuman ang magsasabi sa kanyang kapatid, Raca, ay manganganib mula sa kapulungan; at sinuman ang magsabing, Hangal ka, ay manganganib mula sa apoy ng impiyerno.
23 Samakatwid, kung kayo ay lalapit sa akin, o magnanais na lumapit sa akin, at maaalala ninyo na ang inyong kapatid ay may anumang laban sa inyo—
24 Magtungo kayo sa inyong kapatid, at makipagkasundo muna sa inyong kapatid, at pagkatapos, kayo ay lumapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at tatanggapin ko kayo.
25 Makipagkasundo kayo agad sa inyong kaaway samantalang kayo ay kasama niya sa daan, na baka sa anumang sandali ay dakpin niya kayo at itapon kayo sa bilangguan.
26 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi kayo makalalabas doon sa anumang paraan hanggang sa mabayaran ninyo ang kahuli-hulihang senine. At kapag kayo ay nasa bilangguan, mababayaran ba ninyo maging ang isang senine? Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, Hindi.
27 Dinggin, isinulat nila noong unang panahon, na huwag kayong makikiapid;
28 Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinuman ang tumingin sa isang babae upang pagnasahan siya ay nagkasala na ng pakikiapid sa kanyang puso.
29 Dinggin, ibinibigay ko sa inyo ang isang kautusan, na huwag ninyong pahintulutan na ang mga bagay na ganito ay pumasok sa inyong mga puso;
30 Sapagkat higit na mabuting pagkaitan ninyo ang inyong sarili ng mga bagay na ito, kung saan ninyo papasanin ang inyong krus, kaysa sa kayo ay ihagis sa impiyerno.
31 Ito ay nasusulat na sinuman ang hihiwalay sa kanyang asawang babae, bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay.
32 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang hihiwalay sa kanyang asawang babae, maliban na lamang sa dahilang pangangalunya, ay pinangyayari sa kanya na magkasala ng pakikiapid; at sinuman ang pakakasal sa kanya na hiwalay sa asawa ay magkakasala ng pakikiapid.
33 At muli, ito ay nasusulat na huwag kayong magpapanggap na nangangako sa inyong sarili, kundi gampanan sa harapan ng Panginoon ang inyong mga sumpa;
34 Ngunit katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mangangako; ni sa langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos;
35 Ni sa lupa, sapagkat iyon ang tuntungan ng kanyang mga paa;
36 Ni huwag kayong mangako sa inyong ulo, sapagkat hindi ninyo kaya na ang isang buhok ay gawing maitim o maputi;
37 Ngunit ang inyong magiging pananalita ay Oo, oo; Hindi, hindi; sapagkat anuman ang hihigit pa sa mga ito ay masama.
38 At dinggin, ito ay nasusulat na mata sa mata, at ngipin sa ngipin;
39 Ngunit sinasabi ko sa inyo na huwag kayong gaganti sa masama, kundi kung sinuman ang sasampal sa inyo sa kanang pisngi, ibaling din ninyo sa kanya ang kabila;
40 At kung sinumang tao ang ipagsasakdal kayo sa batas at kukunin ang inyong tunika, hayaan ninyong mapasakanya rin ang inyong balabal;
41 At kung sinuman ang pipilit sa inyo na lumakad nang isang milya, sumama kayo sa kanya nang dalawang ulit.
42 Bigyan ninyo siya na nanghihingi sa inyo, at siya na nanghihiram sa inyo ay huwag ninyong talikuran.
43 At dinggin, ito ay nasusulat din na mahalin ninyo ang inyong kapwa at kapootan ang inyong kaaway;
44 Ngunit dinggin, sinasabi ko sa inyo, mahalin ang inyong mga kaaway, basbasan ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na malupit na gumagamit sa inyo at umuusig sa inyo;
45 Upang kayo ay maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit; sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti.
46 Samakatwid, ang mga yaong bagay noong unang panahon na nasa ilalim ng batas, sa akin ito ay natupad na lahat.
47 Ang mga lumang bagay ay lumipas na, at lahat ng bagay ay naging bago.
48 Anupa’t nais ko na kayo ay maging sakdal na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal.