Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 2


Kabanata 2

Lumaganap ang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain sa mga tao—Nagkaisa ang mga Nephita at mga Lamanita na ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga tulisan ni Gadianton—Ang mga nagbalik-loob na Lamanita ay naging mapuputi at tinawag na mga Nephita. Mga A.D. 5–16.

1 At ito ay nangyari na sa gayundin lumipas ang ikasiyamnapu’t limang taon, at ang mga tao ay nagsimulang malimutan ang mga yaong palatandaan at kababalaghang kanilang narinig, at nagsimulang unti-unting hindi na manggilalas sa isang palatandaan o isang kababalaghan mula sa langit, hanggang sa sila ay nagsimulang maging matitigas sa kanilang mga puso, at bulag sa kanilang mga pag-iisip, at nagsimulang hindi paniwalaan ang lahat ng kanilang narinig at nakita—

2 Nag-iisip ng ilang walang kabuluhang bagay sa kanilang mga puso, na ito ay gawa ng tao at ng kapangyarihan ng diyablo, upang maakay palayo at malinlang ang mga puso ng mga tao; at sa gayon muling naangkin ni Satanas ang mga puso ng mga tao, kung kaya nga’t nabulag niya ang kanilang mga mata at naakay silang palayo na maniwala na ang doktrina ni Cristo ay isang kahangalan at walang kabuluhang bagay.

3 At ito ay nangyari na nagsimulang maging malakas sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ang mga tao; at hindi sila naniwalang magkakaroon ng iba pang mga palatandaan o kababalaghang ipakikita; at si Satanas ay nagpalibut-libot, inaakay palayo ang mga puso ng mga tao, tinutukso sila at inuudyukan silang gumawa ng labis na kasamaan sa lupain.

4 At sa gayon lumipas ang ikasiyamnapu’t anim na taon; at gayundin ang ikasiyamnapu’t pitong taon; at gayundin ang ikasiyamnapu’t walong taon; at gayundin ang ikasiyamnapu’t siyam na taon;

5 At isandaang taon din ang lumipas mula noong mga araw ni Mosias, na naging hari sa mga tao ng mga Nephita.

6 At anim na raan at siyam na taon na ang lumipas mula nang lisanin ni Lehi ang Jerusalem.

7 At siyam na taon na ang lumipas mula sa panahong nakita ang palatandaan, na sinabi ng mga propeta, na si Cristo ay paparito sa daigdig.

8 Ngayon, ang mga Nephita ay nagsimulang bilangin ang kanilang oras mula sa panahong ito nang makita ang palatandaan, o mula sa pagparito ni Cristo; kaya nga, siyam na taon na ang lumipas.

9 At si Nephi, na ama ni Nephi, na nangangalaga sa mga talaan, ay hindi na bumalik sa lupain ng Zarahemla, at hindi na natagpuan pa sa buong lupain.

10 At ito ay nangyari na nanatili pa rin ang mga tao sa kasamaan, sa kabila ng labis na pangangaral at pagpopropesiyang ipinalaganap sa kanila; at sa gayundin lumipas ang ikasampung taon; at lumipas din ang ikalabing-isang taon sa kasamaan.

11 At ito ay nangyari na sa ikalabintatlong taon, nagsimulang magkaroon ng mga digmaan at alitan sa lahat ng dako ng buong lupain; sapagkat naging napakarami ng mga tulisan ni Gadianton, at pumatay ng napakarami sa mga tao, at winasak ang napakaraming lungsod, at nagpalaganap ng labis na kamatayan at pagkatay sa buong lupain, kung kaya’t kinailangan na ang lahat ng tao, kapwa ang mga Nephita at ang mga Lamanita, ay humawak ng mga sandata laban sa kanila.

12 Samakatwid, lahat ng Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon ay nakiisa sa kanilang mga kapatid, ang mga Nephita, at napilitan, para sa kaligtasan ng kanilang mga buhay at kanilang kababaihan at kanilang mga anak, na humawak ng mga sandata laban sa mga yaong tulisan ni Gadianton, oo, at upang mapangalagaan din ang kanilang mga karapatan, at mga pribilehiyo ng kanilang simbahan at ng kanilang pagsamba, at kanilang kalayaan at kanilang kasarinlan.

13 At ito ay nangyari na bago lumipas ang ikalabintatlong taong ito, ang mga Nephita ay nanganib na ganap na malipol dahil sa digmaang ito, na naging napakasidhi.

14 At ito ay nangyari na napabilang sa mga Nephita ang mga yaong Lamanita na nakiisa sa mga Nephita;

15 At ang sumpa sa kanila ay inalis mula sa kanila, at ang kanilang mga balat ay naging mapuputi na katulad ng mga Nephita;

16 At ang kanilang mga kabataang lalaki at kanilang mga anak na babae ay naging napakakaaya-aya, at napabilang sila sa mga Nephita, at tinawag na mga Nephita. At sa gayon nagtapos ang ikalabintatlong taon.

17 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikalabing-apat na taon, ang digmaan sa pagitan ng mga tulisan at ng mga tao ni Nephi ay nagpatuloy at naging napakasidhi; gayunpaman, ang mga tao ni Nephi ay nagtamo ng kaunting kalamangan sa mga tulisan, hanggang sa kanilang naitaboy sila palabas ng kanilang mga lupain patungo sa mga bundok at patungo sa kanilang mga lihim na lugar.

18 At sa gayon nagtapos ang ikalabing-apat na taon. At sa ikalabinlimang taon, sila ay sumalakay laban sa mga tao ni Nephi; at dahil sa kasamaan ng mga tao ni Nephi at sa marami nilang alitan at mga pagtatalu-talo, ang mga tulisan ni Gadianton ay nagtamo ng malaking kalamangan sa kanila.

19 At sa gayon nagtapos ang ikalabinlimang taon, at sa gayon, ang mga tao ay nasa kalagayan ng maraming paghihirap; at ang espada ng pagkalipol ay nakaumang sa ulunan nila, kung kaya nga’t susugatan na sana sila nito, at ito ay dahil sa kanilang kasamaan.