Kabanata 4
Tinalo ng mga hukbo ng mga Nephita ang mga tulisan ni Gadianton—Napatay si Giddianhi, at ibinigti ang kanyang kahaliling si Zemnarihas—Pinapurihan ng mga Nephita ang Panginoon dahil sa kanilang mga pagwawagi. Mga A.D. 19–22.
1 At ito ay nangyari na sa huling bahagi ng ikalabingwalong taon, nakapaghanda na para sa digmaan ang mga yaong hukbo ng mga tulisan, at nagsimulang bumaba at mabilis na humayo mula sa mga burol, at mula sa mga bundok, at sa ilang, at kanilang mga muog, at kanilang mga lihim na lugar, at nagsimulang angkinin ang mga lupain, kapwa na nasa mga lupaing katimugan at nasa mga lupaing kahilagaan, at nagsimulang angkinin ang lahat ng lupaing iniwan ng mga Nephita, at ang mga lungsod na iniwang mapapanglaw.
2 Subalit dinggin, walang mababangis na hayop ni mga hayop na sinisilo sa mga yaong lupaing iniwan ng mga Nephita, at walang mga hayop na sinisilo para sa mga tulisan maliban lamang sa ilang.
3 At ang mga tulisan ay hindi mabubuhay maliban lamang sa ilang, dahil sa kakulangan ng pagkain; sapagkat nilisan ng mga Nephita ang kanilang mga lupain na mapapanglaw, at tinipon ang kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga kawan ng baka at lahat ng kanilang ari-arian, at sila ay nasa iisang pangkat.
4 Samakatwid, walang pagkakataon na makapandambong at makakuha ng pagkain ang mga tulisan, maliban kung sasalakay sa lantarang pakikidigma laban sa mga Nephita; at dahil ang mga Nephita ay nasa iisang pangkat, at may napakalaking bilang, at matapos makapaglaan para sa kanilang sarili ng mga pagkain, at mga kabayo at baka, at bawat uri ng kawan, upang sila ay mabuhay sa loob ng pitong taon, kung aling panahon ay umaasa silang malilipol na ang mga tulisan mula sa ibabaw ng lupain; at sa gayon lumipas ang ikalabingwalong taon.
5 At ito ay nangyari na sa ikalabinsiyam na taon, napagtanto ni Giddianhi na siya ay kinakailangang umahon upang makidigma laban sa mga Nephita, sapagkat walang paraan upang sila ay mabuhay maliban sa pandarambong at pagnanakaw at pagpaslang.
6 At hindi sila nangahas na ikalat ang kanilang sarili sa ibabaw ng lupain nang sa gayon ay makapagtanim sila ng butil, sapagkat baka salakayin sila ng mga Nephita at patayin sila; kaya nga nag-utos si Giddianhi sa kanyang mga hukbo na sa taong ito ay aahon sila upang makidigma laban sa mga Nephita.
7 At ito ay nangyari na sumalakay sila upang makidigma; at ito ay sa ikaanim na buwan; at dinggin, kasindak-sindak at kakila-kilabot ang araw nang sumalakay sila upang makidigma; at nabibigkisan sila alinsunod sa pamamaraan ng mga tulisan; at sila ay may balat ng kordero sa kanilang mga balakang, at nakukulayan sila ng dugo, at ang kanilang mga ulo ay ahit, at mayroon silang mga baluti sa ulo; at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang anyo ng mga hukbo ni Giddianhi, dahil sa kanilang baluti, at dahil sa kanilang pagkakakulay ng dugo.
8 At ito ay nangyari na ang mga hukbo ng mga Nephita, nang makita nila ang anyo ng hukbo ni Giddianhi, ay nangabuwal lahat sa lupa, at ipinaabot ang kanilang mga pagsusumamo sa Panginoon nilang Diyos, na kaawaan niya sila at iligtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.
9 At ito ay nangyari na nang makita ito ng mga hukbo ni Giddianhi, nagsimula silang sumigaw sa malakas na tinig, dahil sa kanilang galak, sapagkat kanilang inakalang nangabuwal ang mga Nephita sa takot dahil sa sindak sa kanilang mga hukbo.
10 Subalit sa bagay na ito ay nabigo sila, sapagkat hindi sila kinatatakutan ng mga Nephita; kundi may takot sila sa kanilang Diyos at nagsumamo sa kanya para sa pangangalaga; kaya nga, nang sila ay salakayin ng mga hukbo ni Giddianhi, nakahanda sila na harapin sila; oo, sa lakas ng Panginoon ay kanilang hinarap sila.
11 At ang digmaan ay nagsimula sa ikaanim na buwang ito; at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang digmaang yaon, oo, kasindak-sindak at kakila-kilabot ang pagkatay na yaon, kaya nga’t wala pang nalalamang gayong kalaking pagkatay sa lahat ng tao ni Lehi mula nang lisanin niya ang Jerusalem.
12 At sa kabila ng mga pagbabanta at ng mga sumpang ginawa ni Giddianhi, dinggin, sila ay nagapi ng mga Nephita, hanggang sa umurong sila mula sa kanilang harapan.
13 At ito ay nangyari na iniutos ni Gidgiddoni na nararapat silang tugisin ng kanyang mga hukbo hanggang sa mga hangganan ng ilang, at na wala silang bubuhayin ni isa man sa mga babagsak sa kanilang mga kamay sa daan; at sa gayon nila tinugis sila at pinagpapatay sila, hanggang sa mga hangganan ng ilang, maging hanggang sa matupad nila ang kautusan ni Gidgiddoni.
14 At ito ay nangyari na si Giddianhi, na tumindig at nakipaglaban nang may katapangan, ay tinugis nang tumakas siya; at sapagkat napagod dahil sa kanyang labis na pakikipaglaban, siya ay naabutan at napatay. At gayon ang naging wakas ni Giddianhi, ang tulisan.
15 At ito ay nangyari na muling nagsibalik ang mga hukbo ng mga Nephita sa kanilang lugar ng dulugan. At ito ay nangyari na lumipas ang ikalabinsiyam na taong ito, at ang mga tulisan ay hindi na muling sumalakay pa upang makidigma; ni hindi sila muling sumalakay sa ikadalawampung taon.
16 At sa ikadalawampu’t isang taon, sila ay hindi humayo upang makidigma, subalit humayo sila sa lahat ng panig upang paligiran ang mga tao ni Nephi; sapagkat inakala nila na kapag inihiwalay nila ang mga tao ni Nephi mula sa kanilang mga lupain, at pinaligiran sila sa bawat panig, at kung kanilang ihihiwalay sila mula sa lahat ng kanilang panlabas na mga pribilehiyo, na magagawa nilang pasukuin sila alinsunod sa kanilang mga naisin.
17 Ngayon, sila ay naghirang para sa kanilang sarili ng isa pang pinuno, na nagngangalang Zemnarihas; kaya nga si Zemnarihas ang nag-utos na ang pagpapaligid na ito ay isagawa.
18 Subalit dinggin, ito ay kalamangan para sa mga Nephita; sapagkat hindi maaari para sa mga tulisan ang pumaligid nang gayong katagal upang magkaroon ng anumang bisa sa mga Nephita, dahil sa kanilang maraming pagkain na kanilang inimbak,
19 At dahil sa kakulangan ng mga pagkain sa mga tulisan; sapagkat dinggin, sila ay wala ni anumang bagay maliban sa karne para sa kanilang ikabubuhay, kung aling karne ay nakuha nila sa ilang;
20 At ito ay nangyari na naging kakaunti ang mababangis na hayop sa ilang hanggang sa masasawi na sana ang mga tulisan sa gutom.
21 At ang mga Nephita ay patuloy na humahayo sa araw at gabi, at sinasalakay ang mga hukbo nila, at pinapatay sila nang libu-libo at mga sampu-sampung libo.
22 At sa gayon naging hangad ng mga tao ni Zemnarihas ang umurong mula sa kanilang balak, dahil sa malaking pagkalipol na sumasapit sa kanila sa araw at gabi.
23 At ito ay nangyari na nag-utos si Zemnarihas sa kanyang mga tao na iurong nila ang kanilang sarili mula sa pagkapaligid, at humayo sa mga pinakamalayong bahagi ng lupaing kahilagaan.
24 At ngayon, dahil sa nalalaman ni Gidgiddoni ang kanilang balak, at nalalaman ang kanilang kahinaan dahil sa kakulangan ng pagkain, at ang labis na pagkatay na nagawa sa kanila, kaya nga ipinadala niya ang kanyang mga hukbo sa gabi, at hinarangan ang daan ng kanilang pag-urong, at inihimpil ang kanilang mga hukbo sa daan ng kanilang pag-urong.
25 At ito ay ginawa nila sa gabi, at nagpatuloy sa kanilang paghayo na inuunahan ang mga tulisan, kung kaya’t kinabukasan, nang simulan ng mga tulisan ang kanilang paghayo, sila ay sinalubong ng mga hukbo ng mga Nephita kapwa sa kanilang harapan at sa kanilang likuran.
26 At ang mga tulisan na nasa timog ay nahadlangan din sa kanilang mga lugar ng dulugan. At ang lahat ng bagay na ito ay naganap sa utos ni Gidgiddoni.
27 At maraming libo ang nagsuko ng kanilang sarili bilang mga bihag sa mga Nephita, at ang nalalabi sa kanila ay napatay.
28 At ang kanilang pinuno na si Zemnarihas ay dinakip at ibinigti sa isang punungkahoy, oo, maging sa tuktok niyon hanggang sa siya ay mamatay. At nang kanilang ibinigti siya hanggang sa siya ay mamatay, ibinuwal nila ang punungkahoy sa lupa, at sumigaw sa malakas na tinig, sinasabing:
29 Nawa ay pangalagaan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa katwiran at sa kabanalan ng puso, upang magawa nilang ibuwal sa lupa ang lahat ng maghahangad na patayin sila dahil sa kapangyarihan at mga lihim na pakikipagsabwatan, maging tulad ng pagbuwal ng lalaking ito sa lupa.
30 At sila ay nagsaya at muling sumigaw sa iisang tinig, sinasabing: Nawa ay ipagtanggol ng Diyos ni Abraham, at ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, ang mga taong ito sa katwiran, hangga’t nananawagan sila sa pangalan ng kanilang Diyos para sa pangangalaga.
31 At ito ay nangyari na sabay-sabay silang lahat na nagsimula sa pag-awit at sa pagpuri sa kanilang Diyos para sa dakilang bagay na kanyang ginawa para sa kanila, sa pangangalaga sa kanila mula sa pagbagsak sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.
32 Oo, sumigaw sila: Hosana sa Kataas-taasang Diyos. At sumigaw sila: Purihin ang pangalan ng Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, ang Kataas-taasang Diyos.
33 At ang kanilang mga puso ay nag-umapaw sa galak, hanggang sa pagtulo ng maraming luha, dahil sa dakilang kabutihan ng Diyos sa pagliligtas sa kanila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; at nalalaman nila na dahil sa kanilang pagsisisi at kanilang pagpapakumbaba kung kaya’t naligtas sila mula sa walang katapusang pagkawasak.